CHAPTER 2 ZHUJHEN CAIL MARCIAL

1389 Words
Angel's POV "Natagpuang wala ng buhay ang isang Asyanong negosyante sa pagmamay-ari nito mismong Hotel sa Manila kaninang alas tres imedya ng madaling araw. Base sa initial report sa isinagawang imbestigasyon ng kapulisan sa pamumuno ni SPO2 Romel Marquezes ay natagpuan nila di-imano ang Asyanong ito na nagngangalang Mr. Sup Wong na kilala bilang isa sa pinakamayamang negosyante dito sa ating bansa sa kahindik-hindik nitong pagkasawi at brutal na pamamaraan ng pagpatay dahil natagpuan itong naliligo sa sarili nitong dugo, laslas ang leeg at pinasukan ng bote ng alak sa kanyang lalamunan. Panoorin po natin ang videong kuha ng ati-" "Aba ay halang naman ang kaluluwa ng taong gumawa niyan. Aba'y nakakatulog pa ba siya ng mahimbing? Panoorin mo nga ito, apo oh. Aba eh, kakaiba na talaga ang uri ng pagpatay ng mga tao ngayon. Hindi na tao ang gumawa niyan," ani lola habang nakatutok ang kanyang mga mata sa maliit naming telebisyon. Kasalukuyan siyang nagbuburda ng kanyang mga damit na pinaglumaan habang nanonood ng t.v at sakto naman na balita ang palabas. "Huwag niyo na pong panoorin 'yan, lola. Sasakit lang po ang ulo niyo d'yan. Halika na po, kakain na tayo," pag-aya ko sa kanya dahil pagkatapos kong kumain ay magtutungo na ako sa karinderya sa terminal kung saan ako nagtatrabaho. "Hay naku, apo. Hindi ko talaga maintindihan. Ano naman kaya ang kasalanan ng intsik na iyon at ganoon ang pagkakapatay sa kanya?" tanong niya habang inaalalayan ko na siyang tumayo. Eighty two na ang edad ni lola at kaming dalawa na lamang ang magkasama simula noong mamatay sa isang aksidente ang aking mga magulang. Nabundol ng isang malaking truck ang sinasakyang tricycle ng mga ito. Tumalsik ang tricycle sa unahang bahagi ngunit isang truck pa rin na parating ang sumalpok dito. Kinaladkad ng truck ang tricycle hanggang sa magkayupi-yupi ito at nilalaman niyon ang driver at ang aking mga magulang. Sumabog ang ulo at buong katawan nila at nagkalat ang mga lamang loob sa kalye. Twelve years old pa lamang ako noon nang mangyari ang trahedya kaya naman kaming dalawa na lamang ni lola ang natirang magkasama ngayon. Ngayon ay twenty four years old na ako. Si lolo naman ay hindi ko na inabutan pa simula noong ako ay isilang. "Hindi ko rin po alam, lola. Huwag niyo na pong problemahin 'yan." Umupo na kami sa hapagkainan at pinagsandok ko na siya ng pagkain. "Aba ay paanong hindi poproblemahin ay paano kung marami pa silang biktimahin? Ikaw ay mag-ingat-ingat ha. Lalo na at madalas gabi ka na umuuwi galing d'yan sa trabaho mo sa karinderya." "Eh wala naman po silang mananakaw sa akin. Mayayaman lang naman po siguro iyan, la. Kain na po oh," mahinahong sabi ko sa kanya para hindi na siya mag-aalala pa. Ipinaglagay ko siya ng ulam na tulingan sa kanyang plato. Nagluto ako ng sinabawang isda na tulingan at nilagyan ng talbos ng kamote at kamatis. "Eh hindi na nga natin masasabi ang panahon ngayon, apo. Dahil ang mga kriminal ay wala na ngayong pinipiling patayin. Eh katulad na nga lang niyong batang babae na natagpuang ginahasa doon sa may riles ng tren...oh, di ba? Mabuti na nga laang at kinarma iyong nanggahasa at natagpuan ding putol na ang ari at sabog-sabog na ang mga itlog niyon. Kaya ikaw ay dalaga ka pa kaya pinagsasabihan kita. Makinig ka sa akin, apo ha," pagsesermon na naman niya kahit nasa harap ng pagkain. "Opo, lola. Tinatandaan ko naman po ang lahat ng bilin niyo," sabi ko na lang at nagpatuloy na kami sa pagkain. Pero pagkatapos niyang sumubo ng isang kutsara ay nagpatuloy muli siya sa pagsesermon. Ganyan talaga siya at sanay na sanay na ako d'yan pero ayos lang iyon sa akin dahil alam ko namang para din 'yon sa ikabubuti ko. *** "Aalis na po ako, lola. Kumain po kayo ha. Huwag po kayong magpapagutom," paalam ko sa kanya habang siya ay nagpatuloy na sa pagsulsi ng kanyang mga damit. "Oh sige. Mag-iingat ka, apo ha. Lahat ng habilin ko ay huwag mong kalilimutan. May pamasahe ka ba d'yan?" Tangkang dudukot siya sa kanyang bulsa pero kaagad ko na siyang pinigilan. "Meron na po akong pamasahe, lola. Sige na po, aalis na po ako." Nagmano ako sa kanya at humalik sa kanyang pisngi bago ako tuluyang lumabas sa maliit naming barong-barong dito sa Pako Manila. Dinaanan ko muna si Aling Betsay na aming kapitbahay para ihabilin si lola na silip-silipin sa aming bahay. Maasahan naman siya at inaabutan ko na lang ng kahit magkano sa tuwing sahod ko sa karinderya. Noong una ay ayaw niya pang tanggapin dahil hindi na raw kami iba sa kanila pero dahil gipit din sila ay napilitan na rin siyang tumanggap ng bayad. Iskwater lang ang lugar namin. Maingay at magulo sa paligid dahil sa mga naghahabulang mga kabataan sa mga iskinita at mga kanto-kanto. May mga nag-iinuman at nagsusugal sa mga kanto at tindahan na mga nadadaanan ko kahit umaga pa lang. "Hi! Papasok ka na? Sabay ka na sa akin," biglang may nagsalita sa aking likuran habang naglalakad ako at narinig ko rin ang hugong ng motorsiklo. Napalingon ako sa kanya at napangiti. "Gavi, ikaw pala. Hindi na, sasakay na lang ako ng tricycle sa kanto," pagtanggi ko dahil nahihiya na ako sa tuwing isinasabay niya ako. Nakakalibre tuloy ako ng pamasahe. Bukod doon ay ayokong ma-tsismis ng kapitbahay lalo na at may girlfriend siya na nasa probinsya ngayon at ang alam ko ay nag-aaral sa grade 12. Si Alyz. Naging kaibigan ko rin 'yon sa halos dalawang buwang bakasyon niya dito at masasabi kong masarap siyang kaibigan. Madaldal, makwela, makulit pero malambing lalo na sa boyfriend niyang si Gavi. Kaya naman ayokong maging dahilan ng pag-aaway nila lalo ngayon na magkalayo sila. "Doon din naman ako dadaan eh," patungkol niya sa karinderyang pinagtatrabuhan ko pero hindi na talaga at hindi na rin niya ako napilit pa. Nag-aaral din siya ngayon sa kulehiyo. Sa tingin ko ay nasa disi otso o maaaring disi nuebe pa lamang siya. *** "Angel, padagdag naman ng sabaw oh. Kahit man lang sa sabaw ay makabawi man lang," reklamo ni Mac habang sunod-sunod ang pagsubo ng kanin sa kanyang bibig. Humihingi ng sabaw pero wala naman siyang binili na kahit ano. May baon naman siyang kanin ngunit walang ulam at tanging sabaw lang ang hinihirit niya sa akin. Narito kasi kami ngayon sa karinderya ni Aling Choleng at dito ako nagtatrabaho bilang tindera. Nakapwesto ito sa terminal ng mga pampasaherong jeepney. At itong mga kulokoy na ito ay mga Jeepney Driver. "Ako din, Gel. Bakit si Mac lang?" reklamo naman ni Marlon. Napapailing na lamang ako sa kanila at saka sinandukan sila ng tag-iisang mangkok ng sabaw. "Hoy! Nilulugi niyo akin negosyo," matigas na saway ni Aling Choleng. May lahing intsik siya kaya naman hindi diretso ang pananalita niya ng tagalog. "Kaunti lang naman, Aling Choleng. Bukas na kami bibili ng ulam. Wala pa kaming kita eh. Ayaw mo naman magpautang," kakamot-kamot naman sa ulo na sabi ni Mac. Nagtawanan na lang ang iba pang mga driver na kumakain ngayon dito. "Ikaw utang, tapos tagal bayad. Kaya lugi akin negosyo," sabi ni Aling Choleng habang nakaupo sa kaha at nagbibilang ng benta ngayong araw. Mabait naman siya pero istrikta din pagdating sa negosyo. Ganyan talaga siguro kapag mga intsik kaya naman malalakas silang kumita dito sa bansa natin. Masisipag at magagaling sila pagdating sa negosyo. "Angel, ikaw utos ko maya punta sa mall. Ikaw bili sangkap sa grocery. Wala akong kita ganito sa palengke." Itinuro niya ang isang plastic sa mesa na wala ng laman. "Opo, sige po." Kaagad akong tumango. *** Ilang mall na ang napuntahan ko pero wala talaga akong mahanap nitong sangkap na pinabibili ni Aling Choleng. Hanggang sa umabot na ako ng SM Megamall. Patungo na ako sa Super Market nang matanaw ko siya... Hindi ko na naman napigilan ang sarili kong titigan siya kahit sa malayuan lang. At hindi ko pa rin makayang labanan ang sarili kong patuloy na humanga sa kanya kahit alam kong hindi niya ako mapapansin kahit kailan. Dahil ang kanyang paningin ay para lang sa iisang babae na ngayon ay muli na naman niyang kasama. Si Miss Zhujhen Cail Marcial.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD