Natapos ko agad ang requirements para sa Bitter-Sweet Cafe. Kaya ngayong araw, ay magre-report na ako sa BSC Tomas Morato Branch. Kinikilig-kilig pa ako habang bumabiyahe. Masyado akong nasasabik sa panibago kong trabaho. Nang makarating ako roon, ay agad akong ipinakilala sa magiging trainor ko. Kasing cute ko rin siya. Char! Maliit din kasi ito at mukhang mabait.
“MJ, siya si Angie ang magiging trainor mo. Sa kaniya kita iba-buddy ha? Angie, ikaw na ang bahala kay MJ,” bilin pa ni Ma’am Mizel sa tinawag nitong Angie. Tumatango-tango naman ito bilang tugon sa sinabi ng manager namin. Pag-alis ni Ma’am Mizel, agad na bumaling sa akin si Angie.
“Hello, Angie nga pala. Alam kong narinig mo naman, pero gusto ko lang ulitin,” bumubungisngis pa nitong pakilala sa akin.
“MJ po. Alam kong narinig mo na rin, pero gusto ko lang din ulitin.” Sabay tawa ko sa panggagaya ko sa kanya.
“Aba at marunong ka rin magbiro ha. I like that!” sabi pa niya sa akin. “So getting to know muna tayo. Saka ‘wag mo na akong i-po kasi mukhang magka-edad lang naman tayo. Saan ka nag-work before? Anong work mo roon?” magkasunod na tanong niya sa akin. Akala ko tapos na ako sa interview, hindi pa pala.
“Galing akong Risky Bar sa may Mandaluyong. Sa labas ha, hindi sa loob.” Tumawa naman siya sa corny joke ko kaya napangiti naman ako. “All around ako roon. Kurips kasi ‘yong may-ari, kaya all around lahat ng mga empleyado roon. Minsan cook, minsan barista, at minsan waitress. Isama mo na rin ang pagiging security, at manager, sa job description ko,” humahagikhik kong saad sa kaniya.
“Wow, astig ka pala eh,” namamangha namang turan niya sa akin. “Eh ‘di malaki ang sahod mo roon? Bakit ka umalis doon?” tanong niya ulit sa akin. Wala pa namang guest kaya nakakapag-chickahan pa kami ng todo.
“Naku, buti nga sana kung ganoon, kaso sa sobrang kabaratan ng amo namin, hindi iyon nagpapasahod nang mataas. Nagsara ‘yong bar recently, kaya nag-apply ako sa iba. Mabuti na nga lang at ma-suwerte akong natanggap dito. Salamat talaga sa nakaiwan ng news paper, na naging dahilan nang pagkakapasok ko rito,” mahaba-habang kuwento ko sa kaniya.
“Ayyy, saklap naman pala noon. Pero don’t worry, madali lang naman ang trabaho rito. Sisiw lang sa iyo ito. Iyong three in one nga nakaya mo, ito pa kayang isang work lang?” Nagkatawanan pa kami sa sinabi ni Angie.
Mabilis naman akong matuto sa mga gawain sa kusina. Well siyempre naging trabaho ko naman na rin ito eh. At kagaya nga nang sinabi ni Angie, hindi ako nahirapang mag-adjust. Kung tutuusin, mas magaan nga ang trabaho ko rito ngayon. Sa kusina lang ako naka-assign, kaya mas relax ang katawang lupa ko. May mga naging kaibigan na rin ako rito. Actually all girls kami rito, maliban na lang sa aming guard, at dish washer. Mababait naman silang lahat at madaling kasundo. Sa totoo lang nae-enjoy ko na nga ang trabaho ko rito eh.
“MJ, busy ka ba? Halika muna sa office, may pag-uusapan lang tayong importante.” Kinabahan naman ako nang tawagin ako ni Ma’am Mizel sa opisina niya isang araw.
‘Hala, may nagawa ba akong pagkakamali?’ kinakabahang tanong ko sa aking sarili.
Dalawang buwan na ako sa BSC Morato at so far, wala pa naman akong nagagawang kamalian. Kaya naman ngayon ay labis-labis akong kinakabahan, sa biglaang pagpapatawag sa akin ng manager namin. Kumatok muna ako sa pintuan ng opisina bago ako pumasok roon.
“Maupo ka,” kalmadong saad niya sa akin. Sumunod naman ako sa sinabi niya at hindi mapakaling nakatingin sa kaniya.
“Ma’am may nagawa po ba akong pagkakamali?” agad kong tanong sa manager namin, dahil talagang hindi na ako mapakali.
Tumawa naman ito bago sumagot, “Ano ka ba? Wala. Ipinatawag kita kasi malilipat ka na ng branch sa makalawa. Sa Greenhills ka na magdu-duty after ng off mo,” nakangiting saad nito sa akin.
Tila naman ako biglang na-bobo, at hindi ma-gets ang pinagsasabi ng manager namin. Ilang sandali akong nanahimik at nire-replay sa utak ko ang sinabi niya. Nang rumihistro sa utak ko ang sinabi ni Ma’am Mizel, ay saka lang ako ngumiti sa kaniya.
“Oh, ano okay ka lang ba?” nag-aalalang tanong pa niya sa akin.
“Naku ma’am opo naman. Medyo slow lang nag-process sa utak ko iyong sinabi ninyo. Pero okay na po, pabor nga po sa akin iyon eh. Mapapalapit ako sa bahay namin,” tuwang-tuwang saad ko sa kaniya.
“Mabuti naman kung ganoon. Akala ko talaga hindi ka okay eh. Medyo kinabahan din ako sa reaksiyon mo eh.” Napahawak pa ito sa dibdib nito pagkasabi niyon.
“Ayyy, sorry naman ma’am. Ang iniisip ko po kasi ay baka may nagawa akong mali. Kaya hindi ko agad na-absorb iyong sinabi mo po. Pero okay na okay po sa akin kung malilipat ako ng branch,” mahaba-haba kong litanya. Nag-thumbs up pa nga ako sa kaniya eh.
“Very good. Kung ganoon, bumalik ka na sa trabaho. Salamat,” nakangiting saad niya sa akin.
Ngiting-ngiti naman akong lumabas ng opisina niya at naglakad ng pabalik sa kusina. Masaya ako sa balitang ibinigay ni Ms. Mizel sa akin. Hindi naman sa ayaw ko sa mga kasama ko rito, pero kasi ‘di hamak na mas malapit ang Greenhills sa bahay namin. Mami-miss ko rin naman ang mga kasamahan ko rito na naging kaibigan ko na rin. Lalo na si Angie na naging ka-close ko na. Inay na nga ang tawag ko sa kanya, dahil siya ang trainor ko.
“MJ, bakit ka ipinatawag ni Ma’am?” usyoso agad ni Angie nang makabalik ako sa kusina.
“Malilipat na raw ako ng branch sa makalawa,” ngiting-ngiti ko namang tugon saka sinulyapan si Angie.
“Ayyy! Ang daya, bakit ka raw ililipat?” malungkot naman nitong tanong sa akin.
“Hindi naman sinabi ‘nay eh. ‘Wag ka nang malungkot ‘nay. Dadalaw-dalawin pa rin naman kita rito eh. Promise!” bahagya ko pa siyang niyakap matapos kong itinaas ang aking kanang kamay.
“Hayyy, wala na akong clown dito. Nakaka-sad naman,” kunwa’y nalungkot pa lalo nitong turan sa akin.
“Ahhh, so clown pala ako rito ‘nay ganurn?” nakanguso ko namang wika sa kanya na ikinatawa nito. Niyakap niya akong muli habang tumatawa-tawa.
“Joke lang naman iyon ‘nak. Magkikita pa rin tayo, dadalawin din kita roon ‘pag may time. Pero malulungkot talaga ako,” anito sa akin.
Tinapik-tapik ko naman siya sa kaniyang likod bago magsalita, “Hmmm, tama na nga ang drama natin. Parang ang layo ng Morato sa Greenhills eh ‘no? Pareho lang namang nasa Maynila ang dalawang lugar na iyon, kaya magkikita pa rin naman tayo sa finals,” nakangisi kong saad sa kaniya.
“Hayyy, kung sabagay nga. Hmp! Werk, werk, werk na nga tayo,” nakangiti na niyang saad sa akin saka nagpatuloy na kami sa aming pagta-trabaho. Mami-miss ko rin naman talaga sila rito lalo na ang aking inay na kasing cute ko! Oh ‘wag ng kumontra, storya ko ‘to!