Chapter 1

1500 Words
“Girl paano na iyan, nagkakatanggalan na dito sa bar. Ano nang plano mo?” tanong ng kaibigan ko habang nagliligpit kami ng mga pinagkainan ng mga guests namin kanina. Pareho kaming empleyado ng Risky Bar na nababalitang malapit ng magsara, dahil nalulugi na raw ang may-ari nito. Nagkibit balikat lang ako saka humarap kay Mercy. “Eh ‘di maghanap ng ibang mapapasukan. Madami namang ibang establishments diyan eh. Makakahanap din tayo, ‘wag kang mag-alala,” nakangiti kong saad sa kaniya. “Hayyy, kung sabagay nga ‘no. Hindi rin naman kalakihan ang sinasahod natin dito. Tapos all around pa ang trabaho. Parang order mo, gawa mo, luto mo, serve mo. Nakakapagod na rin naman,” mahabang litaniya naman nito. Totoo naman iyon eh. Kuripot kasi ang may-ari ng bar na pinapasukan namin. Kaya naman cook ka na, bar server ka pa, at waitress na rin. Saan ka pa? Dito lang iyan sa Risky Bar. Ehehehe. Kaya ang ending, pagoda ang beauty namin pagkatapos ng shift namin. “MJ, Mercy, bilisan na ninyo riyan nang makapag-out na tayo.” Sabay pa kaming napalingon ni Mercy nang magsalita si Raquel. Nagkatinginan pa kami ni Mercy dahil sa sinabi nitong mag-a-out na raw kami. Kunot-noo akong bumaling kay Raquel. Pasado ala-una pa lang ng hapon, kaya nagtataka ako kung bakit napaka-aga naman yata naming mag-out. Ala-singko pa ng hapon ang tapos ng duty namin eh. “Raquel, pasado ala-una pa lang ah. Ang aga mo naman kami pag-out-in,” sabi ko sa kanya. “Hindi niyo ba alam?” siya naman ang parang nagulat sa sinabi ko. “Ang alin?” tanong naman ni Mercy, habang hawak nito ang mga maduduming plato. “Naku, huli na naman kayong dalawa sa balita. Bankrupt na si Sir, kaya last day na nating lahat ngayon. Kaya kung ako sa inyo, magmadali na kayo riyan at nang makauwi na tayo,” nakahalukipkip pa nitong turan sa amin. “Bakit naman biglaan yata? Paano raw iyong sahod natin for this month? Wala man lang bang meeting bago tayo tsugiing lahat?” tanong ko pa rito. “Hindi ko nga alam. Lahat naman ay nabigla. Hindi na nagpatawag ng meeting kasi galit na galit ‘yung tatay ni Sir Ming sa kanya,” halos pabulong pang sabi nito sa amin. Luminga-linga pa ito sa paligid bago nagpatuloy. “Nagpunta rito kanina si Sir Lao at dumiretso sa opisina ng anak niya. Tapos pinagsisigawan niya ito sa opisina. Tapos noong lumabas siya, pulang-pula iyong mukha ni Sir Lao. Nakakatakot nga eh,” dugtong pa nito sa sinabi nito sa amin kani-kanina lang. Maaasahan talaga ito pagdating sa tsismis. “Anong sinabi niya kay Sir Ming?” curious na tanong naman ni Mercy. “Aba malay ko,” sagot naman ni Raquel sabay umayos ito ng tayo. “Ang labo mo naman Quel eh. Sabi mo sinigawan ni Sir Lao, si Sir Ming. Ibig sabihin narinig mo iyong sinabi niya.” Kumumpas pa ang isang kamay nitong may hawak na basahan. “Gaga! Narinig ko nga kaso hindi ko naman naintindihan. Intsik kaya sila Sir. Duh!” maarte pa nitong sagot sabay paikot ng mga eyeballs nito. Napabungisngis naman ako habang nakikinig sa kanilang dalawa. “Alam ninyo mabuti pa, dalhin na natin ang mga ito sa kusina nang makapag-alsa balutan na tayo rito, tama na ang tsismis natin. Pero in fairness Raquel huh, bilib na talaga ako sa iyo,” tatawa-tawa ko pang sabi sa kasamahan namin. Inirapan naman ako ni Raquel saka sumabay ng maglakad sa amin. Sabay-sabay rin kaming umalis ng bar, at umuwi sa kani-kaniyang mga bahay. Bukas maghahanap ako ng panibagong mapapasukan. Sana naman may maganda akong mapag-applyan. Ang hirap kasing mabakante sa panahon ngayon. Kinabukasan maaga akong gumayak paalis ng bahay. Pursigido akong makahanap ng panibagong trabaho. Ayaw ko namang iasa sa ate ko ang mga gastusin sa bahay. May pamilya na ito, kaya nakakahiya kung pati ako ay palalamunin pa niya. Hindi ko rin alam kung saan ako magsisimulang mag-apply. Pero dahil kailangan ko ng trabaho, kahit pa abutin ako ng gabi sa kalye ay okay lang. Bandang alas onse nang mapagpasyahan kong kumain muna. Halos maikot ko na ang kabuuan ng Ortigas sa paghahanap ng trabaho ngunit olats. Lahat ng may mga hiring sign ay pinasahan ko ng resume. Hanggang sa may makita akong diyaryo sa katabing upuan na aking kinakainan. Kinuha ko iyon at binuklat sa classified ads section, baka sakaling may makita akong puwedeng applyan. Hindi naman ako nabigo nang may nakita akong hiring ng isang Kitchen Specialist sa Bitter-Sweet Cafe. Nagningning ang mga mata ko sa aking nakita, kaya nagmadali na akong tapusin ang pagkain. Ayon sa ads, nasa Ortigas lang din ang opisina ng mga ito. ‘Lord thank you po! Kung sino ka mang naka-iwan ng diyaryo, maraming salamat sa iyo!’ pabulong ko pang sambit sa aking sarili. Agad kong tinahak ang daan patungo sa main office ng Bitter-Sweet Cafe. Madali lang naman itong hanapin. Kaya no’ng nasa tapat na ako ng gusali, ay ngiting-ngiti akong nagtuloy hanggang sa reception area. “Good Afternoon po. Saan po rito maaaring magpasa ng resume para sa Bitter-Sweet Cafe?” agad kong tanong sa receptionist. “Mag-aapply ka ba?” tanong nito sa akin. ‘Hindi feel ko lang hanapin ‘yung office, tapos aalis na ako. Siyempre malamang ate ‘di ba?’ sarcastic kong sabi sa aking sarili habang nakangiti sa babae. “Ahm, opo sana. Nakita ko po kasi rito na hiring daw sila,” sagot ko na lang sa kanya, at ipinakita ko pa ang diyaryong hawak ko sa babae. “Pasok ka riyan sa eskinitang iyan, tapos may makikita kang elevator. Sa seventh floor iyong office. Log ka muna rito,” mahaba-habang paliwanag nito, sabay abot sa akin ng log book. Agad ko namang sinulatan iyon. Nang matapos ay excited akong nagtungo sa itinurong daan sa akin ng babae. Pagsakay ko ng elevator agad kong pinindot ang seventh floor. Huminga muna ako nang malalim upang kalmahin ang aking sarili. Nang tumunog ang elevator ay agad akong lumabas at nagpalinga-linga. Napangiti ako nang makita ko ang opisinang aking sadya. Naglakad na ako palapit doon at saka nagtanong. “Good Afternoon po, saan po puwedeng magpasa ng resume para sa Bitter-Sweet Cafe?” tanong ko sa babaeng naka-upo sa tapat ng pintuan. “Applicant? Akin na iyong resume mo,” nakangiting saad nito sa akin. Agad ko namang iniabot sa babae ang resume ko. Pinasadahan niya iyon ng tingin, bago muling sumulyap sa akin. “Sige maupo ka muna riyan, at ibibigay ko lang ito kay Ms. Jack. Titingnan ko kung tatanggap pa siya ng interview ngayon,” magiliw na sabi ng babae sa akin bago ito umalis sa puwesto nito. Habang hinihintay ko siyang bumalik, nag-retouch muna ako at nagwisik ng pabango. Inayos ko rin muna ang pagkakatali ng buhok kong mukha nang binagyo sa gulo. Nang masigurong mukha na ulit akong tao, ay itinabi ko na ang aking mga gamit. Siya namang dating ng babae at sinenyasan akong sumunod sa kanya. ‘Hala, interview na nga? Relax self, kaya natin ito,’ bulong ko pa sa aking sarili. Ilang buntong hininga rin ang ginawa ko bago tuluyang nakalma. Mukha namang mabait ang mag-iinterview sa akin, kaya medyo panatag na ako. Hindi nagtagal at nag-umpisa na akong interviewhin. Dahil desidido ako sa aking pag-aapply, nakasagot naman ako nang maayos. Matapos ang ilang minutong question and answer portion, natapos din kami. “So Ms. Deocales, when can you start?” Akala ko tapos na, may pahabol pa pala. ‘Ngayon na ma’am,’ gusto ko sanang isagot. Pero siyempre iba ang nasabi ko. Baka kasi isipin ni Ms. Jack masyado akong agresibo, kapang ang isinagot ko, eh iyong una kong naisip. “As soon as posible ma’am,” nakangiti kong sagot kay Ms. Jack. Gumanti naman nang pagkaka-ngiti ito sa akin. “Okay as soon as ma-complete mo ang requirements, ia-assign na kita ng branch. Sounds good?” wika pa niya sa akin. “Yes ma’am. Thank you po!” tuwang-tuwa ko namang tugon sa kaniya. “Okay. You may go. Kapag natapos mo lahat ng requirements, bumalik ka agad dito ha?” nakangiting bilin pa nito sa akin. “Yes ma’am. Tatapusin ko po agad ang mga requirements para makapag-umpisa na rin po agad ako ma’am. Thank you po ulit,” magalang kong wika sa kaniya. Nginitian at tinanguan naman niya ako, bago ako tuluyang lumabas ng opisina niya. Masayang-masaya akong umalis ng opisinang iyon. Na-eexcite akong may bago na agad akong trabaho. Kaya magaan ang aking mga paang naglakad pauwi sa amin. Tiyak na matutuwa ang aking kapatid sa maganda kong balita. Hindi naman niya ako pini-pressure, pero pressure talaga ako sa sarili ko. Hindi ako sanay ng walang trabaho. Kaya salamat sa nakaiwan ng news paper, dahil sa kanya, kung sino man siya, nakahanap ako ng trabaho.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD