KABANATA 4

2006 Words
DEIMUS PAGKATAPOS kong magluto ng pansit, siya naman ang pagdating ng kapatid ko galing sa kanilang eskwelahan. Tiningnan ko siya pero iyong mga mata niya ay nasa kaibigan ko. Tumayo si Phobos at yumuko, nahihiya siya sa presensya ni Kuya. Ako naman, naiinis sa kapatid ko dahil sa tingin niya sa kaibigan ko. "Kaibigan ko pala, si Phobos. Bagong lipat sa apartment," sabi ko. "Bagong lipat? Pinapasok muna agad dito sa bahay? Nagtiwala ka agad? Paano kong may masama siyang binabalak?" anito. "Mabait siya, mabait ang pamilya niya," sabi ko. "Baka napogian ka lang?" inis nitong tanong. Kahit lalaki si Kuya. Aminado siyang may maganda talagang mukha si Phobos. Hindi pa naman nagsisinungaling ang mga mata. Tinitigan niya talaga ito at hindi niya ito tinantanan. Kinalabit ko si Phobos para harapin niya si Kuya. Gusto kong magpakilala siya. "Hi, Kuya. Phobos Hematite Cruz po, kaibigan po ako ni Deim," pormal na pagpapakilala nito. Kahit binato na siya nang mga salitang hindi kaaya-aya ay nanatili pa rin itong kalmado. "Ang ganda ng pangalan mo, ha? Parang hindi nagre-renta." "Wait—parang kilala kita, Kuya. Nakita na kita. Pero hindi ko lang matandaan kung saan. Saan nga ba iyon?" "YouTube?" patanong na sabi ni Kuya. "Tama! Vlogger po kayo, 'di ba? Isa po ako sa 200K subscribers niyo." Nagbago naman ang itsura ni Kuya. Kung kanina, galit-galitan ito, ngayon, hindi na matikom ang kanyang bibig dahil sa pagngiti. Masaya siyang malaman na tagahanga niya pala ang kaibigan ko. "What's up, ka-daks!" panggagaya ni Phobos sa nonsense na introduction ni Kuya sa vlog niya. Napatawa ako sa nasaksihan ko. Ngayon ko lang nakita ang makulit na side niya. Mukhang magkakasundo sila ni Kuya. Sana. "Ka-daks pala, ha." Tumawa ang Kuya ko. "Pero matanong lang, taga saan kayo dati?" tanong niya. "Sa bagong demolished na squatter," kaswal na sagot ni Phobos. "What?! Tumira ka sa masikip at mabahong quatter?!" pasigaw na tanong ni Kuya. As if hindi mabaho ang kuwarto niya. Yucks. Sinipa ko naman ito sa binti. "Ang arte nito. Saan ka ba nakakita nang maluwag na squatter?" "Aray ko, baby! Ipakain kita sa alaga kong buwaya ngayon." Muli niyang nilingon si Phobos. "Pero nandito ka na sa lugar namin, you are safe here." "Kaya nga po. Sana magtagal kami rito," sagot nito. Magtagal? Bakit parang nalungkot ako bigla? Ngayon lang sumagi sa isipan ko na malaki ang posibilidad na lilisan din sila sa lugar namin dahil nagrerenta lang sila. Hindi ito permanente. "Magtatagal 'yan," sabi ni Kuya. Sana. "Kuya, sa kanila ako kakain ngayon. Pakisabi na lang kina Mama pagdating nila," saad ko. "Sige..." Pagdating ko sa bahay nila Phobos, nakahanda na ang pagkain sa kanilang mesa. Tumunog naman ang tiyan ko nang makita ang ginisang kangkong at pritong tuyo. Mukhang mapapasabak ako sa kainan sa sandaling ito. "Ate, may niluto po akong pansit," sabi ko sabay lagay nito sa mesa. "Sakto sa birthday mo, Nak. Salamat, Iha," anang Ate. Napalingon ako kay Phobos matapos marinig iyong sinabi ng ina niya. Tumayo ito at may kinuha sa loob ng refrigerator nila, isang maliit na cake. "Birthday mo?" tanong ko. Tumango ito. "Happy birthday to me." "Gusto ko sanang magluto man lang ng pansit at paborito niyang afritada, pero ayaw niya. Ibayad na lang daw sa upa," anang Ate. "Inutang mo pa ang pangbayad natin dito, Ma. Ayaw ko ng dumagdag pa sa gastusin. Marami pa namang birthdays ang darating," positibong sagot ni Phobos. Sa tono ng pananalita niya, puno ng kaligayahan at pag-asa. Pero kahit ganoon ang palagay ko na nararamdaman ni Phobos, hindi ko mapigilan na malungkot para sa ina niya. Lalo pa at alam ko ang totoong estado ng buhay niya noon. Alam kong hindi niya gusto ang nangyari sa kanila, pero ito lang ang kaya niyang ibigay na walang anuman tulong na galing sa pamilya niya na itinakwil na siya. "Dahil best friend kita, Phobos. May regalo ako sa iyo. Puwede po ba mamaya na lang tayo kumain?" hiling ko. "Saan ka?" takang tanong ni Phobos. "Ate, Kuya, Ikay, Phobos, mauna muna ako. Babalik lang ako agad," pagpapaalam ko. Paglabas ko. Agad akong sumakay ng tricycle palabas ng subdivision. Huminto kami sa pinakamalapit na drive thru at bumili ng spaghetti, chicken joy, fries, yum burger, at burger steak. Labinlimang minuto rin akong naghintay kasama si manong driver bago bumalik sa amin. Pagdating ko sa tapat ng tindahan namin, agad kong binayaran si Manong. Pumasok naman ako sa tindahan at kumuha ng softdrinks at ice cream. "Ilista mo na lang sa akin, Ate. Babayaran ko bukas," sabi ko sa tagabantay ng tindahan namin. Lumabas na ako at pumunta sa bahay nila Phobos. Pagpasok ko roon, nanlaki ang mga mata nila nang makita ang bitbit ko. Sinalubong naman ako ni Kuya at tinulungan akong bitbitin ang dala ko. "Para saan 'yan?" takang tanong ni Phobos. "Sa Mommy mo. Huwag kang feeling!" pagmamaldita ko na nagpangiti sa kanya. Sa mga oras na ito, wala ng paminta sa ngipin niya. "Iha, salamat. Nakahihiya naman," sabi ni Ate. "Maliit na bagay lang 'yan, Ate. Ano? Natagalan ba ako? Kumain na po tayo." Nilapitan ko si Phobos na seryosong nakatingin sa binili kong pagkain na nakahain na sa mesa. Hinawakan ko ang pisngi niya. "Happy birthday! Enjoy your day." Niyakap niya ako nang mahigpit. Iginapos ko rin ang kamay ko sa katawan niya at hinimas ang likuran niya. Ngayon, naramdaman ko ang kisig niya. "Lagpas 24 hours na nang tayo ay magkakilala. Happy 1 day friendsary. Ang akala ko talaga, Phobos, love at first sight lang ang nag-exist, friends at first sight din pala," masaya kong sabi. "Thank you for the trust," mahinang sabi niya sabay buwag sa pagyakap sa akin. "Ano? Gagamit tayo ng trust?" pang-aasar ko. Namumula naman ang mukha nito. "Tsk! Kain na nga tayo..." Nasa harap na ng mesa kami ngayon. Si Kuya naman ang namuno para sa pagdarasal. Habang ang lahat ay seryoso, sinilip ko sila isa-isa at namangha akong masaksihan ang disiplina na meron sila. Lahat ay nakayuko at nakapikit. Maliban sa akin na lumaking tagapagmasid. Segundo ang lumipas... "Amen. Happy birthday, Nak!" sambit ni Kuya. Lumapit siya kay Phobos at niyakap ito. "Happy birthday, Kuya," pagbati ni Ikay. Hinalikan niya rin at niyakap ito. Ang sweet! Parang kami lang din ni Kuya Bixbite. "Nak, I love you. Happy 18th birthday. Stay guwapo at mabait kong anak," ani Ate sabay halik sa noo ng anak niya. "Phobos, hahalikan din kita, ah? Kunwari 1 year na tayong magkaibigan. Um, happy birthday best friend ko. Yuko," utos ko dahil hahalikan ko na siya sa noo. Pero laking gulat ko na siya iyong humalik sa akin. "Thank you," sambit niya sabay pisil sa pisngi ko. Mukhang nakahiligan na niya ito. Nakabibinging kantiyaw naman ang inabot naming dalawa mula sa pamilya niya. Pero nagtawanan lang kami dahil alam naman namin sa isa't isa na wala talaga. Matapos ang tuksuhan, umupo na kami at nagsimula ng kumain. Tinikman ko na ang ginisang kangkong ni Ate at sobrang sarap nito. Hinaluan ko rin ito ng malutong na tuyo na siyang mas nagpadagdag sa lasa. Iyong natural na tamis ng kangkong at alat ng tuyo ay naglaban sa lalamunan ko. Solido. "Ang sarap ng pansit mo, Deim," pagpuri ni Phobos. "Ano? Masarap ak— ." Hindi ko na itinuloy ang balak kong sasabihin. Nakatingin pala sa akin ang pamilya niya "Ano?" natatawang sabi ni Phobos. Siniko ko ito, magkatabi kasi kami. Habang kumakain, may kumatok sa bahay nila. Napatayo si Phobos, binuksan niya ito. Sinilip ko kung sino dahil baka kilala ko. Pero napatayo ako nang makita ang presensya ni Mama. Suot niya ang pulang bistida na tinahi ko para sa kanya. "Ma?" gulat na sambit ko. "Bakit nandiyan ka?" takang tanong nito. "Ikaw bakit nandito ka?" tanong ko rin sa kanya. "Sino ang mag-a-adjust sa ating dalawa? Sino ang unang sasagot?" inis na aniya. Bumuntong hininga ako. "Fine. Best friend ko siya." Pagturo ko sa lalaking kaharap niya na ngayon ay nakayuko. Mahiyain talaga siya sa bago niyang kakilala. "Okay. Puwede bang pumasok?" tanong ni Mama. Ano kaya ang gagawin niya rito? "Okay po, Ma'am," sagot ni Phobos. "Masyado kang magalang. Tita na lang," sagot ni Mama na nagpangiti kay Phobos. Mukhang nawala iyong kaba sa mukha niya. Pagpasok ni Mama. "Elyana?" sambit ni Ate. "Carla!" pasigaw na sagot ni Mama. Sa lakas ng boses nito, para silang magkakilala na ngayon lang muli nagkita. Napatakbo si Mama at ganoon din si Ate. Nagyakapan sila at nag-iyakan. Ano ang meron? Ito ba ang nagagawa ng tadhana? Pinagtagpo muli sila. Bumuwag sa pagyakap si Mama. "Carla? Bakit ka nandito? Matagal ka namin hinanap ni Arito. Ano ang nangyari sa iyo? Nagtanong kami sa pamilya mo, pero wala silang balak na sabihin kung nasaan ka." Napahawak si Ate Carla sa dibdib niya. Makikita mo ngayon ang bigat ng nararamdaman niya. Sa bawat paghikbi niya, maririnig mo roon ang pangungulila. "Itinakwil na nila ako," pag-amin nito. "Tinanggalan nila ako ng mana. Walang-wala na ako. Kapag may magandang trabaho ako, kinabukasan, sisante na ako at alam kong si Daddy ang may pakana sa lahat ng iyon." "Si Carlo? Wala ba siyang ginawa? Para matulungan ka? Sikat na artista ang asawa niya? Kahit wala siyang mana na makuha sa ama mo ay mabubuhay sila..." "Galit din siya sa akin," malungkot na sabi ni Ate Carla. "Grabe naman sila! Ang sarap nilang murahin!" gigil na sabi ni Mama. Nakita ko ang pagkuyom ng kamao niya. Napalingon ito sa ama ni Phobos. Nanlaki naman ang mga mata niya at makikita mo rito ang pagkagulat niya. "Si..." Napakamot sa ulo si Mama at sa palagay ko, iniisip niya kung sino si Kuya. "Emilyo, ang anak ni Yaya Serinaya," sabi ni Ate Carla. "Oh my God!" Napangiti si Mama. "Tama nga ang hinala namin ni Arito. Ang lagkit nang tininginan niyo noon. Hindi lang namin matanong sa inyo." "Hi, Ma'am Elyana," pagbati ni Kuya Emilyo. "Hoy! Elyana na lang! Tinuhog mo pala ang kaibigan ko. So siya ang dahilan kaya ka tinanggalan ng karapatan ni Don Kartoro. Ang babaw nila, ha." "Pero masaya naman ako sa nabuo kong pamilya. Hindi naman kami pinabayaan ni Emilyo. Nagtutulungan kami na mabuhay ang mga anak namin." Tiningnan ni Mama sina Ikay at Phobos. "Nakamamangha iyong Mommy niyo. Prinsesa 'yan noon." Tiningnan ako ni Mama. "Ibalik mo sa kanila ang pera na binayad, Nak." "Elyana, 'wag na," mabilisang ani ni Ate Carla. "Hindi ko malilimutan ang ginawa mo sa pamilya ko noon. Ibabalik ko lang iyon sa iyo. Mabuti kang kaibigan sa akin, Carla. Parang kapatid na kita." Humagulgol si Ate. At alam kong dahil iyon sa saya. "Huwag ka ng umiyak." "Salamat. Ang totoo ay inutang ko lang din iyon." "Bukas ko na lang ibabalik, Ate. Nasa bahay kasi," sabi ko. Ipinasyal ni Mama ang tingin niya sa loob ng bahay. "Kasya ba kayo rito?" "Si Phobos, Ma, nandiyan lang sa sala natutulog," sabi ko. "P-phobos?" tanong ni Mama. Tiningnan ni Mama si Ate Carla. "Itinupad mo pala iyong pangako natin sa isa't isa?" "Ano iyong pangako niyo, Ma?" pagsali ko sa kanilang usapan. Curious kasi ako. "Phobos and Deimos, ang dalawang buwan ng Mars. Sobrang fan kaming tatlo ng Papa mo at ni Carla sa planetang Mars. Pangako namin sa isa't isa na kung may anak ako na babae, Deimus, at sa kanya naman ang Phobos kung lalaki. Deimus ay kulay Pula kaya kinuha ko sa pulang bato ang second name mo, Carnelian..." "Tapos ang Hematite, gray stone. Kulay abo kasi ang Phobos," sabi ni Ate Carla. Napangiti ako sabay tingin kay Phobos. "Friendship goals pala ang parents natin. Tayo rin, soon." "Soon," anito. Napalingon ako sa kaibigan ko nang ipinatong niya ang maugat niyang kamay sa balikat ko. Umusog ako papalapit sa kanya at inilagay ko ang kamay sa gilid ng bewang niya. "Masaya akong dumating ka sa buhay ko nang mangyari ang pinakamagandang tagpo sa buhay ko," wika nito. "Sana all," tanging salita na lumabas sa bibig ko. ~~~
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD