Katulad ng nakakasanayan ay sinundo ako ni Bryan sa Ospital nang oras ng uwian. Pagkarating namin sa bahay ay naroon na si Tita Marites, nakaupo sa sofa at may hawak na tasa ng tsaa. Mayroong duplicate key ng bahay namin si Tita kaya naman malaya siyang labas-masok sa aming tahanan. Wala naman iyong sa akin, ang problema lamang ay masyado siyang pakilamera sa mga gamit ko na inaangkin pa niyang kaniya. Hindi ko naman raw kasi mabibili ang mga iyon kung hindi dahil sa pera ng asawa ko which is hindi naman totoo.
Nang makita kami ni Tita ay kaagad siyang ngumiti. Ngiti na hindi para sa akin kundi para sa asawa ko.
"Hi, Son!" aniya at kaagad na nilapitan si Bryan upang halikan sa pisngi. Alam ko kung bakit siya nagpapalambing kay Bryan, dahil alam niyang galit si Bryan sa kaniya tungkol doon sa paratang niya sa akin kaninang umaga.
"What's brought you here, Ma? May sasabihin ka naman ba?" umaktong nasaktan si Tita sa tinuran ni Bryan. Napailing na lamang ako.
"Aw... Bakit ka ganiyan anak? Of course I missed my son that's why I'm here," pasinghot-singhot pa na saad ni Tita.
Malambot ang kalooban ni Bryan sa kaniyang ina kaya naman konting iyak lang ni Tita ay nadadala na ito. Natural lang naman siguro iyon dahil mag-ina sila.
"I'm sorry, ma." sabi ni Bryan na ikinangiti naman ni Tita.
Mukhang nakalimutan na yata nila ako dahil magka-agapay silang pumasok sa loob ng kusina samantalang naiwan naman akong nakatayo. Napabuntonghininga ako. Tinungo ko ang hagdan upang umakyat sa aming silid. Gusto ko munang magpalit ng damit bago sumunod sa kanila sa kusina.
Minsan hindi ko maiwasang mag-isip ng malalim kung bakit ganoon si Tita Marites sa akin. Mabait naman ako, masipag at higit sa lahat maganda rin ako. Pero ayaw na ayaw niya sa akin. Kahit hindi niya iyon sabihin ay ramdam ko iyon base na rin sa pakitungo niya. Minsan nagiging mabait lang siya kapag narito si Daddy Joel at si Bryan. Naisip ko rin na siguro kung hindi ako ang napangasawa ni Bryan, malamang masayang-masaya si Tita ngayon. Harap-harapan niya kasing sinabi sa akin noong araw ng kasal namin ni Bryan na hindi niya ako gusto para sa anak niya. Nasaktan ako sa sinabi niya pero hindi ko na lamang iyon isinatinig. Hindi ko na rin iyon binanggit sa asawa ko. Para ano pa? Wala naman akong ugali na manira ng tao, kung paninira nga ituring ang magsabi ng totoo.
Pagkatapos kong magbihis ay kaagad akong bumaba. Naabutan ko sila sa kitchen at masayang nag-uusap. Nagluluto si Tita, alam kong paborito ni Bryan ang niluluto niya. Nang makita niya ako ay kaagad siyang ngumiti. Bago iyon sa akin. Hindi siya gano'n kaya nagulat ako.
"Faith, anak, come here! Tikman mo itong niluto ko," aya niya sa akin. Nilapitan pa niya ako at hinila palapit sa niluluto niya.
Alanganin akong ngumiti, sa paraan ng paghawak niya sa braso ko ay hindi ko maiwasang ngumiwi. Mahigpit iyon at madiin. Alam kong pagpanggap na naman ito dahil narito si Bryan.
Nang balingan ko ang asawa ko ay nakangiti ito sa amin. Ngumiti na lang rin ako sa kaniya. Isinaisip ko na lamang ang aking guni-guni patungkol kay Tita.
"Here, tikman mo nga kung hindi maalat. Mahirap na kasi baka hindi magustuhan ng anak ko." aniya ni Tita. Iniumang niya ang sandok na may sabaw sa bibig ko. Umuusok pa iyon at hindi ko na nagawa pang ihipan dahil kaagad niya iyong diniretso sa bibig ko.
"Ara—"
"Salamat, anak! Naku, tiyak mapaparami ang kain ng anak ko!" pag-agaw ni Tita sa naging reaksyon ko. Ngumisi siya at binigyan ako ng nakakamatay na tingin. Tingin na nagpapahiwatig na subukan ko lang magsumbong sa asawa ko at malilintikan ako.
Gusto kong maiyak. Ang hapdi ng bibig ko dahil sa ginawa niya. Alam kong sinadya niyang gawin iyon pero bakit naman? Bakit naman siya ganiyan sa akin?
Hindi nakita ni Bryan ang pangyayari dahil sa mga sandaling iyon ay abala na siya sa newspaper niyang hawak.
"Help me prepare our dinner," sigunda ni Tita sa akin. Kaagad akong tumango. Ngunit bago niya ako lagpasan ay madiin pa niyang inapakan ang isa kong paa. Parang maiihi ako sa sakit dahil mataas na takong pa ang suot niya. Pa-simple akong yumuko upang tingnan ang aking paa. Halos humulma ang takong ni Tita sa paa ko. At alam kong mag-iiwan iyon ng marka.
"Sweetheart? Are you okay?" Mabilis akong napatayo nang marinig ko ang boses ni Bryan. Nang balingan ko siya ay nakakunot ang noo niya sa akin.
Kaagad akong nag-plaster ng isang pekeng ngiti kahit na gusto ko nang maiyak ngayon. Ayokong tingnan si Tita na ngayon ay nasa tabi ng asawa ko at masama ang tingin sa akin. Alam kong kahit hindi ko siya tingnan ay nagbabanta ang mga tingin niyang ipinupukol sa akin ngayon.
"O-oo naman! S-sandali lang, mahal." sabi ko. Mabilis ang hakbang na iniwan ko sila sa kitchen. Tumakbo ako paakyat ng hagdan patungo sa silid namin.
Pagkapasok ko sa kuwarto ay kaagad akong napaiyak. Gano'n ba ako ka hindi gusto ni Tita to the point na gagawa siya ng paraan para saktan lang ako? Alam kong sinadya niyang gawin iyon. At baka hindi lang iyon ang gawin niya sa akin sa susunod. Sa isipin kong iyon ay napaduwal ako. Napatakbo ako sa banyo at doon ay napasuka ako ng walang laman. Nasusuka ako kay Tita. Sa ginawa niya. At sa mga maaari pa niyang gawin. Matagal nang hindi maganda ang pakitungo niya sa akin. Marami na siyang masasakit na salitang binato sa akin, ngunit ngayon ko lang naranasan na saktan niya ako ng pisikal.
Pinahid ko ang mga luha sa pisngi. Nagmumog ako at naghilamos. At nang mag-angat ako ng paningin sa salamin na nasa harapan ko para sana tingnan ang itsura ko, ay mukha ni Tita Marites ang nakita ko.
Muntikan na akong mapalundag sa gulat.
"Scared of me, huh?" mapanuya niyang sabi na binigyan pa ako ng tingin na parang lalamon ng tao.
Ewan ko kung kanina pa ba siya naroon. Hindi ko kasi siya nakita.
"T-Tita–"
"You know, Faith. Dapat lang na matakot ka sa akin. Dahil hindi mo magugustuhan ang gagawin ko sayo kapag nagsumbong ka sa anak ko. Alam mong ayaw ko sayo, pero narito ka pa rin at patuloy na inaakit ang anak ko," napalunok ako sa sinabi niya. Hindi totoong inaakit ko si Bryan. Asawa ko siya. Mag-asawa kami.
"Gusto mo bang maging mabait ako sayo, Faith?" wala sa sariling napatango ako. Iyon naman talaga ang gusto ko. Ang maging mabait siya sa akin kahit hindi niya ako gusto para sa anak niya. Gusto ko lang ng tahimik na buhay. Ayokong may galit sa akin, at ayoko ng magulo.
"Then leave my son! Leave this house! And leave us alone! Mabubuhay ang anak ko na wala ka! You are not supposed to be here, to this family, dahil ayoko sayo! Walang silbi! Baog!" singhal ni Tita sa akin sabay talikod nito.
Ilang beses akong napakurap. Hindi ako nakakilos sa kinatatayuan ko. Naroon lang ako at nakatayo, nakatingin sa pintoang kinalabasan niya. Daan-daang punyal ang itinurok sa puso ko sa mga salitang binitawan niya. Ganoon niya ako ka hindi gusto para sa anak niya.
Ilang masasakit na salita pa ba ang naitatabi niya para sa akin? Hindi pa ba nauubos iyon? Sa dami na ng narinig kong salita itong sinabi niya ang mas masakit. O baka naman mas may sasakit pa? Kung meron pa, sana isahang sabi na lang niya para isahang sakit na lang din. Masakit kasi kapag paunti-unti, parang unti-unti niya ring dinudurog ang pagkatao ko.
Kapag ba binigyan ko siya ng apo magiging mabait na siya sa akin? Hindi na ba niya ako susungitan? O sasaktan? Pero paano ko siya mabibigyan ng apo kung baog nga ako? Hindi kaya tama ang sinabi niya na wala nga akong silbi? Na baog nga ako kaya hindi ko mabigyan ng anak ang asawa ko?
Napahagulhol ako ng iyak. Muli akong humarap sa salamin. Tiningnan ang sariling repleksyon. Pinahid ang mga luha sa pisngi at pilit na ngumiti.
"H-hindi a-ako baog..."
Magkakaroon rin kami ng supling ni Bryan. At baka kapag nangyari iyon ay magiging mabait na si Tita sa akin. Iyon na lamang ang itinatak ko sa aking isipan. Sa kabila ng negatibo niyang sinabi ay kahit papano ay meron naman akong positibong isipan. Ayoko ko munang pangunahan ang desisyon ng panginoon. Alam kong may plano siya para sa akin.
Humugot-buga ako ng marahas na hangin bago ako nag-desisyon na bumaba na. Tumungo ako sa kitchen kung saan naghihintay ang asawa ko at mama niya. Nag-plaster ako ng pekeng ngiti na parang walang nangyari sa amin ni Tita kanina nang makaupo ako sa silya. Alam kong mugto ang mga mata ko kaya hindi iyon nakaligtas sa paningin ni Bryan. Alam kong nagtaka siya ngunit hindi ko na siya binigyan ng pagkakataon na magtanong pa kung ano ang nangyari. Ngumiti na lamang ako ng matamis sa kaniya.
Katulad ng isang kendi, matamis sa panlabas ngunit may tinatagong pait sa loob.