Pagkatapos ng agahan ay hinatid ako ni Bryan sa Collins Medical Hospital sa Makati kung saan ako nagtatrabaho. Ang lolo niya ang may-ari ng Hospital na pinapasukan ko at pinamana iyon kay Daddy Joel. Ngayon ay si Daddy Joel ang nagpapatakbo nito. Bale apat na branch ng hospital sa bansa ang hawak nito. Samantalang si Bryan naman ay ang Collins International Shipping line ang hinahawakan na negosyo. Pati rin ang House of Collins na tungkol naman sa mga paggawa ng iba't ibang klase ng wines. Ang mga rekado na ginagamit roon ay nanggagaling pa sa ibang bansa. Sa dalawang negosyo na hawak niya ay hindi na ako magtataka kung madalas ay pagod si Bryan.
"We're here, sweetheart." ani ni Bryan nang itigil ang kotse sa isang tabi. Kaagad itong bumaba ng kotse at umikot upang pagbuksan ako.
"Thank you, hubby!" aniya ko sabay halik sa kan'ya sa pisngi. Kinuha ko ang lunch box ko sa backseat pero nag-presinta siyang siya na lang ang bibitbit niyon.
"Nasa backseat na rin ang baon mo, hubby ha. Dinamihan ko na iyon para hindi ka mabitin." wika ko habang naglalakad kami papasok sa pasilyo ng Hospital.
Minsan sabi pa ni Tita Marites, hindi raw ako nakapasok sa Hospital na ito kung hindi Collins ang apelyido na dala ko. Hindi iyon totoo. Dahil bago ako nag-apply rito noon ay hindi pa kami mag-asawa ni Bryan. Nagsikap ako dahil isa ito sa Hospital na pinapangarap ko noon na pagsisilbihan. Hindi dahil nobyo ko na noon si Bryan pero dahil ito ang gusto ko. Ito ang pangarap ko noon pa, na makapagtrabaho sa kilalang Hospital sa bansa.
"Thank you, sweetheart." saad niya. Hinawakan niya ang kamay ko at hinila ako palapit sa kan'ya. Ngayon naman ay nakahapit na ang kamay niya sa bewang ko. Napatitig na lang ako sa kan'ya at napapangiti. Ang sweet naman kasi ng asawa ko.
Nakasalubong namin si Yuhan. May pasyente itong tulak-tulak sa wheelchair. Kaagad ko siyang binati.
"Good morning, Yuhan!" bati ko sa kan'ya.
Tumingin muna ito kay Bryan bago niya ako batiin pabalik.
"Morning too, Faith," anito. Tumango ako sa kan'ya saka ngumiti. Ngunit naramdaman ko pa lalo ang paghapit ni Bryan sa bewang ko at ang paghalik niya sa tuktok ng ulo ko. Nakita rin iyon ni Yuhan.
"Mauna na kami." saad ni Bryan kay Yuhan at inakay ako palayo rito.
Pagkarating namin sa nurse station ay nagpaalam na siyang aalis. Ngunit bago siya umalis ay iniwanan niya muna ako ng isang mapusok na halik.
"Take care, sweetheart. I love you." nakangiting sabi niya.
Ako naman ngayon ay nahihiya dahil nakita ng kapwa ko nurse kung paano ako hinalikan ng asawa ko. Nag-iinit ang buo kong pisngi.
"I love you too, hubby." sambit ko sabay kagat sa pang-ibabang labi.
"I'll fetch you later. Hintayin mo ako, okay?" Tumango naman ako. "Bye."
"Bye, hubby."
Nang mawala siya sa paningin ko ay saka lamang ako nagsimulang magtrabaho. Nang araw na iyon ay may isang pasyente kaming manganganak ang in-assist ko. Halos hindi na mapinta ang mukha ng babae na sa tingin ko ay hindi naman nalalayo ang edad sa akin. Panay ang hugot-buga nito ng hangin. Panay rin ang kaniyang pag-ngiwi. Pati ako ay napapasabay na rin sa kan'ya.
"N-nurse... hindi ko na talaga kaya... Ang sakit na po sobra!" reklamo nito. Hindi malaman ang gagawin kung uupo ba o tatayo. Kaya kaagad ako nagpakuha ng wheelchair upang paupuin siya. Nang makaupo ito ay kaagad kong tinanong kung dala niya ba ang mga result niya sa mga check-ups niya.
"W-wala p-po akong records dito..."
"Huh? Ibig sabihin hindi ka pa nag-pa check-up rito?" tanong ko sa kan'ya.
Umiling ito.
"Pano 'to ma'am? Wala kayong records dito. Kaya paano namin malalaman kung kabuwanan mo na ba o hindi pa. Wala ka rin pong dala na na kahit ano. Nakapag-ultrasound ka na po ba?" ani ko sa magalang na boses. Ayaw kung mataranta siya o ano. Wala kasi itong kasama ni isa sa pagpunta rito kanina. Kahit nga gamit ng mga bata ay wala. Hindi ko maiwasang maawa sa kan'ya. Mukhang nag-iisa lang kasi talaga ito. Nang hawakan ko siya ay mainit siya. May lagnat siya at hindi iyon maganda sa tulad niyang manganganak na.
Umiyak na ito sa sinabi ko kaya lalo akong nabahala at kaagad siyang inalo.
"H-hindi pa po ako nakapag-ultrasound simula nang magbuntis ako... O k-kahit check-up po... H-hindi k-ko nga po a-alam k-kung ilang b-buwan na itong t-tiyan ko–" napahagulhol ito ng iyak kaya lalo akong naawa sa kaniya. Sa sobrang awa ko ay nayakap ko siya.
"Tahan na... Makakasama iyan sa baby mo..." Hindi ko rin maiwasang maiyak dahil iniisip ko na paano pala ang baby niya kung never siyang nagpa-check up. Paano kung ni minsan ay hindi siya nakainom ng vitamins? Paano kung may deperensya pala ang bata at hindi nalaman dahil hindi siya nakapag-ultrasound? Sa isiping iyon ay parang kinurot ang puso ko. Importante sa isang buntis na magpa-check up every month upang masigurado na maayos ang baby nito. Importante rin na umiinon ng vitamins para siguradong may makukuhang nutrients ang sanggol.
Sa itsura ng babaeng ito ngayon ay mukhang pinabayaan niya ang kaniyang pinagbubuntis. Maputla rin siya at payat. Parang gusto ko siyang pagalitan ngunit sinarili ko na lang iyon.
"N-nakaraang a-araw pa po masakit ang tiyan ko–" sa sinabi niyang iyon ay nataranta ako pati na rin ang kasama kong nurse. Kaagad kaming humingi ng tulong sa nakakataas sa amin upang unahin ang pasyente namin. Kaya kahit walang records ay ginawan ng paraan para malaman kung ilang buwan na ang pinagbubuntis nito dahil kahit ang pasyente ay hindi rin alam kung kailan ito huling nagkaroon. Tiningnan ang lahat, vital signs nito pati na ang heartbeat ng bata. Kalaunan ay napag-alaman na wala nang heartbeat ang bata. Kaya pala nang tingnan ko rin iyon kanina ay wala akong marinig. Mabuti na lang at nakuha pa niyang mailabas ang bata, at pasalamat na rin kami dahil buo pa ito nang mailabas niya.
Mabuti na lang hindi ito nalason dahil ilang araw na palang patay ang bata sa loob nito. Kaya gano'n na lang kung sumakit ang tiyan nito, at kaya pala ito nilagnat. Awa ang nararamdaman ko para sa kaniya habang nakatitig ako rito. Nakatulala siya habang panay ang paglandas ng luha sa pisngi niya. Hindi pa siya puwedeng lumabas ng Hospital hangga't hindi nasisigurado na maayos na siya.
"K-kasalanan ko ang l-lahat... P-pinabayaan ko siya–" naluluhang sabi nito. Kita ko ang pagsisisi niya.
Parang gusto ko siyang pagalitan. Bakit naman kasi gano'n? Ako na gustong-gusto na magka-anak pero wala pa rin. Samantalang siya, pinabayaan lang niya? Hindi ko naman siya masisisi. Wala ako sa lugar para husgahan siya, hindi ko alam kung ano ang dahilan niya o mga pinagdaanan niya, pero kasi naawa lang ako doon sa bata.
Minsan hindi ko maintindihan ang mundo. May mga tao na pagkatapos magpakasarap ay hindi o-obligahin ang obligasyon. Matapos magpabuntis ay itatapon ang kawawang sanggol sa sapa o 'di kaya ay i-flush sa inidoro. Parang pinipiga ang puso ko sa tuwing makakabasa ako ng ganoong balita sa internet o sa television. Nakakalungkot lang isipin na may nanay na kayang gawin iyon sa anak. Iisipin ko palang na gagawin ko iyon sa magiging anak ko ay masusuka na ako. Puwede naman kasing ipa-ampon ang bata kung hindi kayang buhayin hindi iyong itatapon na lang na parang pusa.
Tumulo ang luha ko sa isiping iyon. Kaagad ko iyong pinahid nang pumasok si Yuhan sa room.
"Are you okay, Faith?" tanong niya sa akin. May binigay itong tubig sa'kin. Kanina pa kasi ako hindi umiinom dahil sa nangyari.
"Salamat. O-okay lang." tugon ko.
Tumango ito saka nilapitan ang pasyente na ngayon ay nakatulala pa rin. Pinainom niya ito ng gamot saka pinakain. Habang ako ay nakatitig lang sa babae.
Matapos itong asikasuhin ni Yuhan ay nakatulog na ang pasyente.
"She has no family. Sabi ni Tito Joel siya na lang daw ang bahala sa bills niya. Naawa rin si Tito sa kaniya kaya hindi na lang i-cha-charge ng bill. Don't worry about her, Faith. Magiging maayos rin siya." ani ni Yuhan.
Napangiti ako sa kabaitan ni Daddy Joel. Nakarating pala sa kaniya ang tungkol sa pasyente namin. Nakakaawa naman kasi ang babae sa kalagayan niya ngayon. Hindi naman namin siya masisisi sa nangyari sa anak niya. Kung ano man ang dahilan niya ay wala kami sa lugar para panghimasokan iyon.
"Faith, anak." boses iyon ni Daddy Joel kaya naman kaagad akong napatayo sa kinauupuan ko.
"D-dad." ani ko. Sa hindi malamang kadahilanan ay napatakbo ako sa kan'ya sabay yakap rito ng mahigpit. Napahagulhol ako sa dibdib niya sa lungkot na nadarama ko para sa bata na walang kamuwang-muwang.
Gano'n ako kalambot pagdating sa mga bata. Dahil wala ako no'n. Nasasaktan ako kapag may nanay na hindi minamahal ang kanilang anak. Nagagalit ako kapag may nanay na pinapatay ang sariling anak. Bakit sila gano'n? Kung ayaw nila sana binigay na lang nila sa akin. Ako na lang ang magmamahal at mag-alalaga sa bata. Ako na lang ang tatayong ina.
"Shhh... Tahan na anak. Everything will be fine." pagpapatahan ni Daddy Joel sa akin.
Hindi ko alam kung bakit malapit ang loob ko sa kaniya. Siguro dahil sa una ko siyang nakilala ay naging mabait na siya sa akin. Naalala ko pa nang bata ako sa tuwing dalhin ako ni Inay sa paglalabada niya sa Collins ay palagi akong binabantayan ni Daddy Joel. Binibigyan ng kung anu-ano. Kaya nga naging malapit kami ni Bryan sa isa't isa dahil madalas kaming naglalaro no'n kasama si Daddy Joel at dalawa pa niyang kapatid. Hindi ako tinuring na iba ni Daddy Joel. Kaya gano'n kalapit ang loob ko sa kaniya. Parang tunay na ama na nga ang turing ko sa kaniya.
"Halika ka muna sa canteen, anak. Kakain muna tayo ha." aniya. Noon ko lang napansin na pass twelve na pala at hindi pa ako kumakain. Sa nangyari kasi kanina ay nawalan ako ng ganang kumain. Tumango ako saka nagpa-akay kay Daddy Joel, sumunod rin sa amin si Yuhan.
Pagkaupo namin sa bench ay kaagad akong inasikaso ni Daddy. Inilabas niya ang baon ko at inayos iyon sa ibabaw ng mesa. Napangiti na lang ako sa kaniya. Gano'n kasi talaga siya. Kulang na lang subuan niya ako.
"Kumain na rin po kayo, Dad. Marami po itong naluto ko. Kasya sa ating tatlo ni Yuhan." wika ko.
"Sure, anak." kaagad niyang tugon sa akin.
"Salamat, Faith." saad naman ni Yuhan. Palagi ko kasi siyang sinasabay sa luto ko. At gano'n rin siya sa akin. Nag-she-share kami ng ulam.
Tahimik kaming kumakain. Ngayon ko lang naramdaman ang gutom kaya naman naparami ang kain ko. Kahit papano ay nakalimutan ko ang nangyari kanina. Nakakalungkot man pero wala na akong magagawa pa. Nangyari na ang nangyari. May mga bagay talaga siguro minsan na kung hindi para sayo, ay hindi magiging iyo sa ayaw at sa gusto mo.