Sakto namang paglabas ko ng Hospital ay nasa bungad si Yuhan. Pinupunasan nito ang salamin ng kan’yang kotse, at mukhang pauwi na din siya dahil alas singko ang out niya.
Napaisip ako.
Siguro sasabay na lang ako sa kan'ya pauwi total isang way lang naman ang tatahakin namin. Saka para maka-less na rin ako ng pamasahi, hihi.
"Oy, pauwi ka na? Pasabay naman ako, oh," ani ko. Hindi ko na siya hinintay pa na makasagot dahil nauna na akong pumasok sa loob ng kotse niya at prenteng naupo. Naiwan siyang napanganga sa akin.
Umikot ito sa kotse niya at pumasok sa driver seat na pailing-iling pa.
"Bilib talaga ako sayo, Pananampalataya." Iling-iling ito bago niya buhayin ang makina ng sasakyan. "Akala ko ba may sundo ka?" Kapagkuwan ay sabi ni Yuhan nang nilingon ako.
Nagkibit-balikat ako saka ngumiti.
"Hindi dumating si Bryan, eh. Kanina ko pa nga siya tinatawagan pero naka-off ang phone niya. Baka nasa meeting pa rin siya 'till now," wika ko. Muli kong sinipat ang phone ko kung may mensahe ba galing sa kan'ya, pero napabuntonghininga ako ng wala.
"Ganoon ba? Eh, paano ‘to? Dadaan pa kasi ako sa Mall. May bibilhin pa kasi ako," napapakamot sa ulo na saad niya.
"Magtatagal ka ba?" tanong ko.
"Hindi naman. Saka d’yan lang ako sa malapit na mall pupunta sa madadaanan natin pauwi,"
Tumango-tango naman ako. Hindi naman siya magtatagal kaya gora na.
"Ano sasabay ka pa rin ba?"
"Sige sama na ako. Kesa naman maghintay ako sayo sa loob ng kotse, no." saad ko sa kan'ya.
"Sus, ikaw pa ba. Basta libre ang pag-uusapan hindi ka magpapahuli."
Natawa na lang ako sa sinabi niya. Gano'n kasi talaga ako. Kung libre naman bakit pa ako mamasahe pauwi? Sayang rin ang pera pang hulog ko pa iyon sa alkansya ko. Nasanay kasi ako sa pagtitipid. Iyong klase ng pagtitipid na nasa lugar naman. Kahit sabihin na mayaman si Bryan at may kompanya itong hinahawakan at pinapatakbo na minana pa nito sa lolo ay hindi ako nagwawaldas ng pera sa wala lang. Kahit nga ang pera nito ay bihira akong humingi dahil mas gusto ko na sariling pera ko ang gagastahin ko. Masarap kasi sa pakiramdam na pinaghirapan mo ang perang gagamitin mo.
Hindi naman sa ayaw kong gamitin ang pera ng asawa ko syempre ginagamit ko rin iyon lalo na sa loob ng tahanan namin. Like pangbayad sa bills, groceries at kung ano pang expenses sa loob ng bahay. Iyong mga personal ko naman na ginagamit ay sa kinikita ko ako kumukuha. At isa pa kasi ayaw kong isipin ni Tita Marites na kaya ko pinakasalan ang anak niya ay dahil lang sa yaman nito. Kahit kailan hindi iyon sumagi sa isipan ko. Kaya nga kahit ilang beses na akong pinapatigil ni Bryan sa pagtatrabaho ay hindi ako pumayag. Iba pa rin kasi na may sariling trabaho. Ayoko ko naman i-asa ang lahat sa asawa ko, ayokong pati ang sanitary napkin ko ay siya pa ang bibili.
"Natahimik ka d'yan?" untag sa akin ni Yuhan kaya napakurap ako.
"May naisip lang. Tara na." ani ko na ikinatango naman niya.
Kaya dumaan muna kami ni Yuhan sa Mall. At hindi nga siya nagtagal dahil wala pa naman kaming twenty-minutes sa loob ng Mall ay lumabas na rin kami. May binili lang kasi siya sa National book store.
"Thank you, Yuhan." wika ko nang makababa ako sa kotse niya. Tumango naman siya sa akin saka ngumiti.
"You’re welcome, Pananampalataya. Paano, dito na ako ha." Paalam niya bago muling binuhay ang makina ng sasakyan nito.
Tumango naman ako sakay kumaway sa kan'ya. Nang mawala siya sa paningin ko ay mabilis na akong pumasok sa aming bahay.
Ngunit sa pagpasok ko ay laking gulat ko nang maabutan ko doon si Tita Marites na naka de-kuwatrong nakaupo sa pang isahang sofa namin sa sala habang sumisimsim sa hawak nitong tasa. Tumaas ang kilay nito ng tumingin siya sa akin.
Agad ko naman siyang nginitian at binati kahit na kakaiba ang tinging ipinukol niya sa akin.
"Magandang hapon po, Tita." bati ko nang makalapit na ako sa kan'ya. Akma ko sana siyang hahalikan sa pisngi pero mabilis siyang umiwas sa akin. Pakiramdam ko tuloy ay may sakit ako na nakakahawa. Pero may bago pa ba sa pakikitungo niya sa akin? Wala.
"Sino ang naghatid sayo pauwi? Bryan called me earlier na sinundo ka niya sa Hospital pero wala ka na doon," Nakataas ang kilay na tanong ni Tita Marites sa akin.
Nagulat pa ako sa tanong niyang iyon. Matagal kong hinintay si Bryan doon pero hindi siya dumating. Hindi kaya noong paalis ako eh, saka rin siya dumating doon? At kanina lang naka-off ang cellphone no'n ng tawagan ko, pero nakatawag sa Mama niya?
Bumuntonghininga ako.
"Si Yuhan po, Tita. Nakisakay na lang po ako sa kan'ya pauwi dahil ang akala ko ay hindi na makakarating si Bryan," Magalang kong sagot kay Tita. Pero lalo lamang tumaas ang kilay niya na kasing nipis lang ng tali sa disposable na facemask.
"Hindi mo mahintay ang asawa mo kaya nakisakay ka sa iba? Kawawa naman ang anak ko. Nag-aksaya lang ng panahon sa kahihintay sa wala naman!" Mapanuyang turan niya sa akin. Sa tono ng pananalita nito ay parang may mali akong ginawa. Na para bang nagtaksil ako sa asawa ko.
Ano ba ang masama kung nakisabay ako pauwi kay Yuhan? Kilala naman ni Tita si Yuhan, ah. Alam niya rin na kaibigan ko ito. Matalik na kaibigan.
Para hindi na humaba ang usapan ay mas maigi na kung hindi ko na lang papansinin ang sasabihin niya. Wala naman masama sa ginawa ko. Ang masama lang ay kung bibigyan iyon ng ibang kahulugan ni Tita.
"Pasensya na po, Tita. Aakyat lang po ako sa taas para makapagpalit—"
"Hindi ba’t pumunta pa kayo ng kaibigan mo sa Mall?" Natigilan ako sa akmang paglakad ng marinig ko ang sinabi niya.
May cctv ba na nilagay si Tita sa likod ko? Bakit alam niya na dumaan kami ni Yuhan sa Mall.
Napakamot ako sa aking braso.
"Opo, Tita. Dumaan lang po kami saglit ni Yuhan kasi may binili lang po siya sa National book store," Magalang na sagot ko, at diretso akong tumingin sa mga mata niya.
Kung nakita niya ako sa Mall at sinundan, dapat alam niya na hindi kami nagtagal doon ni Yuhan.
"Ows? Talaga lang, huh," Mapanuyang turan niya na parang hindi pa naniniwala sa sinabi ko. Hindi ko na lang siya pinansin. Bahala siya kung ayaw niyang maniwala.
"Excuse me po, Tita." wika ko saka mabilis na tumungo sa hagdan paakyat sa kuwarto namin ni Bryan. Pero nakailang hakbang pa lang ako ay narinig ko pa ang sinabi ni Tita.
"Buwesit na babae!"
Bumuntonghininga ako bago ipinagpatuloy ang paglakad paakyat. Ayoko na isipin ang sinabi niyang iyon. Maliligo na lang ako para makapag-luto na rin ng hapunan namin ni Bryan.
Pero bago ko pinagpatuloy ang gagawin ay tatawagan ko muna ulit si Bryan para ipaalam na nasa bahay na ako. At saka ang pagkakatanda ko ay tinext ko siya kanina bago ako umuwi kaya dapat alam na niya na sumabay na ako kay Yuhan pauwi.
Nag-ring na ang cellphone niya nang tawagan ko iyon.
"Sweetheart..." ani niya sa kabilang linya.
"Bryan, natanggap mo ba ang text ko? Sa bahay na ako, nasaan ka na?" tanong ko rito.
"I’m driving home." Walang gana niyang sagot sa akin. Malungkot kasi ang tono ng boses nito.
"S-sige, mag-iingat ka pauwi. Mamaya na tayo mag-usap pagdating mo, maliligo lang ako para makapagluto na ng hapunan natin," wika ko sa masiglang tono.
"Okay." Iyon lang at namatay na ang linya. Iiling-iling ako na ipinatong sa mesa ang cellphone saka mabilis na tinungo ang banyo.
...
"Oh, Mars, bakit sambakol ‘yang mukha mo?" tanong ng kumare kong hilaw sa akin.
Naiinis akong bumaling sa kan'ya. Isa pa itong babaeng ‘to! Kung hindi lang siya magaling mag-pedicure hindi ay ako magti-tiyaga na pansinin ‘to! Mare ang tawag sa akin samantalang hindi naman kami magkumare.
"Wala. May tao lang na nagpapakulo sa dugo ko," Inismiran ko siya.
Tumigil siya sa pagkukuskos ng kuko ko sa paa saka kunot ang noong tumingin siya sa akin.
"Eh, bakit ka naka-ismid sa akin? Ako ba ang tinutukoy mo? Naku, umayos ka, Mare, ha. Hawak ko ang paa mo, masakit itong nipper na hawak ko," saad niya na ikinataas naman ng kilay ko.
"Joke lang, Mare, para ka namang others d’yan, eh!" Patawa-tawa pa nitong sabi.
Bumuntonghininga ako bago siya muling sinagot.
"About sa asawa ng anak ko. Naiirita ako sa tuwing nakikita ko ang pagmumukha ng babaeng iyon. Nakakasira ng araw!" Naiinis kong reklamo sa kan'ya.
Tumigil ito sa ginagawa at tiningnan ako. Ang chismosa nga naman, mabilis ang tenga!
"Ah, si Faith ba? Naku, buhat ng mapangasawa iyan ng anak mo eh, palagi ka na lang bad mood. Pero mare, mukhang mabait naman siya ah, saka maganda. Saka, kung ayaw mong masira ang araw mo edi, huwag kang pupunta sa bahay nila," saad niya na lalong ikinasama ng mukha ko.
"Saan ka ba kampi? Sa akin ba o sa babaeng ‘yon?" Hindi ko maiwasan na lalong mainis sa babaeng ‘yon. Wala akong pakialam kung mabait siya. Basta ayaw ko sa kan'ya!
"Syempre sayo, Mare. Hindi mo na kailangan itanong ‘yan."
Muli lamang akong umismid at hindi na siya kinibo pa. Sinisigurado ko na hindi magtatagal ay maghihiwalay din ang dalawang iyon. Hindi sila bagay na dalawa! At hindi ako papayag na magsama habang buhay ang dalawang ‘yon! Sayang ang anak ko dahil ang anak ng labandera pa ang napangasawa. Nakakabuwesit!
Sa dinami-rami ng babae na mas hihigit pa sa Faith na iyon bakit siya pa ang nagustuhan ng anak ko? Anong klase kaya ng gayuma ang ginamit niya kay Bryan para magkagano'n iyon? Sa tingin ko naman ay pera lang ang habol niya kay Bryan. Kita mo napatayuan kaagad ng negosyo ang nanay niyang haliparot! Siguro galing iyon sa pera namin!
Napakislot pa ako ng mag-ring ang cellophone ko kaya kinuha ko iyon sa loob ng aking bag. Tiningnan ko kung sino ang tumatawag. Nang mabasa ko ang pangalan niya sa screen ay matamis akong napangiti.
"Hello, honey?" Malambing na tawag ko kay Joel sa kabilang linya.
"Tapos ka na ba d’yan? Papunta na ako." ani nito na parang walang kabuhay-buhay.
Napanguso ako. Kainis. Kahit kailan talaga walang katamis-tamis ang isang ito!
"Yes, hon. Patapos na ito. I love you, honey ko!" Paglalambing ko pa.
Pero wala akong response na narinig mula sa kan'ya. Nang sipatin ko ang cellphone ko ay nakababa na pala ang tawag niya. Naiinis ko iyong binalik sa loob ng bag ko. Hindi man lang siya nag 'I love you too' sa akin!
"Ano, mare, hindi ka ba sinagot ng asawa mo sa pa-I-love-you mo? Hindi na naman kasi maipinta ang mukha mo, eh." Untag sa akin ng hilaw ko na kumare na lalo ko pang ikinainis.
"Shut up and just do your job!" Inis kong turan sa kan'ya.
"Edi, meow." Pabalang na sagot niya sa akin.
Konting-konti na lang talaga matatapalan ko na ng ingrown ang pagmumukha ng babaeng ‘to! Pakilamera! Buwesit!