By Michael Juha
getmybox@hotmail.com
------
“G-ganoon? Nakakatakot pala ang grupong iyan.”
“Kaya… kahit ano man ang mangyari, huwag kang sumali sa kanila. Pangako mo iyan sa akin, ok?”
“Pangako tol… At salamat sa paalaala.”
“Ibang topic na lang.” mungkahi niya.
“Anong gusto mong topic?”
“Ikaw?”
“Ako??? Ang gusto mong topic ay ako?”
Natawa siya. “Gagi! Conceited!”
Natawa na rin ako.
“At ano naman ang pag-uusapan nating tungkol sa iyo?”
“Ang pagka-guwapo ko, ang talino ko, ang mga nagkakaroon ng crush sa akin.” Dugtong ko pang biro.
“Sabagay... guwapo ka naman talaga, at matalino.”
“Woi... emo ka.”
Tahimik.
“K-kumusta na ang panliligaw mo kay Emily?”
“W-wala pa… Hindi pa ako sinagot. Sabi niya pagkatapos na raw ng mid-term test. Sa susunod na buwan pa iyon. Dati sabi niya malapit na. Pero ewan bakit nagbago.”
“M-mahal mo ba talaga siya?”
Tumango lang ako at yumuko.
Parang may lungkot ang kanyang mukha sa aking sinabi. Sa akin naman, parang hindi ko rin maintindihan ang sarili kinikimkim. Parang hindi ko kayang bigkasin sa kanya na mahal ko nga si Emily. “Maligo na lang kaya tayo tol! Tingnan mo ang aplaya, ang lapad. Low tide kaya,” ang pagbasag ko sa seryosong usapan at pagturo ko rin sa aplaya sa ibaba ng sea-wall. Kapag ganoong low tide kasi, lumalantad ang puro buhanginang aplaya.
“Ang lamig kaya ah! At gabi na, madilim pa sa banda roon!”
“Natatakot ka ba?”
“Hindi naman…”
“E, ‘di tara na!” sabay tayo at nagtatakbong tinumbok ang hagdanan at bumaba na ako patungo sa aplaya. “Yiippeeeeeeeee!!!” sigaw ko na patuloy na nagtatakbo.
Sumunod din siya at tumakbo rin. At noong nasa harap na kami ng dagat, hinubad ko ang aking damit kasama na ang brief at inilatag lang iyon sa ibabaw ng mga bato. Naghubad din siya, pati brief niya ay hinubad na rin atsaka sabay kaming lumusong sa tubig.
“Huwwwwwaoooooohhhh!” Ang sigaw namin pareho noong nasa tubig na kami. Habulan sa paglangoy, harutan, tawanan… Sobrang saya.
Noong napagod na, humiga ako sa buhangin, nakatihaya. Humiga rin siya, nakatihaya rin sa tabi ko. Napakagaan ng aking pakiramdam. Pakiwari ko ay nasa isang paraiso kaming dalawa, walang pressure, at ang aming bubong ay ang langit sampu ng bilyon-bilyong bituing kumikinang.
“Sarap siguro kapag kasama mo ang iyong mahal sa ganito kagandang lugar at panahon. Walang ingay, walang mga tao, napakaaliwalas ng panahon, at ang dagat, sobrang payapa…”
Hindi siya umimik, nakikinig lang sa bawat salitang lumalabas sa aking bibig.
“’Di ba umibig ka na?” ang tanong ko.
“Hindi ko naman sinabing umibig na ako eh,” ang mabilis din niyang pagsagot.
“Weee! Sinabi mo kaya. Iyong sabi mong malayo? Iyong tubig ng Gensan at langis ng Ilocos ba iyon? S-sino naman iyon?”
“Imaginary lang iyon ah. Hindi totoo iyon.”
“Whoaaa! Maniwala ako sa iyo. O sige kung i-imagine mo ring nandito siya, ano ang gagawin mo sa kanya?”
“Wala ah! Wala nga iyon… tubig at langis nga lang iyon,” ang matigas niyang pag-deny.
“Ayaw mo ba siyang halikan?”
“Pwede.”
“Ayaw mo siyang yakapin?”
“Pwede”
“Ayaw mo ba siyang angkinin?”
“Pwede… Ikaw naman, anong gagawin mo sa kanya?”
“Sino?”
“Si Emily?”
“Wala. Itanong ko lang sa kanya kung mahal niya ako.”
“Iyon lang?”
“Mag-usap kami ng kung anu-anong bagay”
“Iyon lang?”
“Oo… iyon lang”
“Syetness! Kung ako si Emily, isa sa pag-uusapan natin ay ang hiwalayan.”
“Bakit naman…?”
“E… pagkakataon na iyon eh! Naghintay lang akong may gagawin ka sa akin, Tapos, mag-uusap lang pala? Panis.”
Tawanan. Nilingon ko siya. Lumingon din siya sa akin. Kahit madilim ang paligid, naaninag ng aking mga mata ang kanyang postura. At ewan kung anong kabulastugan ang pumasok sa isip ko, parang nabighani ako sa kanyang mukha at sa kanyang pormang nakahubad, hunk na hunk ang katawan at nakangiting nakatingin sa akin. Pakiramdam ko ay may kakaibang kiliting gumapang sa aking katawan.
“T-tol…” ang pag-aalangan kong sabi, ang boses ay seryoso at halos pabulong na.
“Bakit?” tanong niya, ang boses ay seryoso at mahina din.
“I-iyong ginawa mo sa akin noong gabing iyon... dahil ba sa lasing ka, o dahil gusto mo talagang gawin iyon sa akin?” ang diretsahan kong tanong. Alam ko, masyadong sensitibo ang tanong na iyon. Ngunit sinadyang ipalabas ko talaga iyon. Gusto kong malaman ang totoo.
Hindi siya nakasagot agad. Parang napako lang ang tingin niya sa mukha ko.
“Huwag kang mahiya. Hindi ako magagalit.”
“I-iyong totoo?”
“Oo… iyong totoo.”
“E… l-lasing lang ako noon, ‘tol.”
(Itutuloy)