By Michael Juha
getmybox@hotmail.com
-----
Tawa nang tawa ako sa kuwento niya. Syempre, may mensahe, may aral… “Ang galing naman! Parang gusto ko na ring lumipat ng kurso at maging guro ah!”
“E hindi ka na magkakapera niyan!” sambit niya.
“Hayaan mo na. Nakikita naman ni San Pedro. Gusto kong makapasok sa pinto ng langit!”
Tawanan.
Nahinto ang aking pagmumuni-muni noong dumaan si Marbin sa harap ko, tulak-tulak ang floor mop. Para akong biglang nagising galing sa isang mahimbing na pagtulog. At ang bilis niyang magtrabaho. Mabilis na masinop. Pinagmasdan ko ang kanyang anyo. Bakas pa rin sa kanyang mukha ang lungkot at pagka-seryoso. Sa kanyang hubad na pang-itaas na katawan ay bakas ang matitigas na mga muscle – sa braso, dibdib, likod. Sigurado, resulta ang mga ito sa kanyang pinagdaanang mabibigat na gawain at hirap na dinanas sa buhay. Hindi niya alintana ang malalaking butil ng pawis na bumabalisbis sa kanyang balat. Hindi niya alintana ang hirap. Tahimik siyang nagtatrabaho sa kabila ng alam niyang nandoon ako.
Nanibago ako sa inasta niyang iyon. Dati-rati, sa ganoong sitwasyon kung saan nagma-mop siya ng sahig ng school at nandoon akong nakatunganga, nakangiti ito, abot-tenga pa. Masaya, at bakas ang tuwa sa kanyang mukha. At nagagawa pa nitong magkuwento at magpatawa kahit nagtatrabaho.
Ngunit iba siya sa pagkakataong iyon. May mga katanungan ang aking isip habang nakita siyang ganoon. Una ay iyong matinding pagkaawa ko sa kanya, kung bakit ko naramdaman ang ganoon. Pangalawa ay ang nangyari sa amin sa gabing iyon, kung sinadya ba niya iyon o lasing lamang siya o nanaginip lang. Pangatlo ay ang ipinakita niyang lungkot na halos hindi na ako kibuin. Pang-apat ay kung dapat ko ba siyang pagagalitan sa ginawa niya. At ang pang-lima ay ang aking naramdamang kalituhan. Ewan ko rin. Parang simpleng bagay lang naman ang lahat ngunit bakit ba parang napakalaking problema ang mga ito sa akin…
“Tapos na ako Tol…” ang sambit ni Marbin. Nasa harap ko na pala siya at nakabihis na. “S-saan tayo mag-usap?”
“Ah… sa plaza na lang kaya tol?” ang sagot ko.
Dala-dala ang siopao na binili ko sa isang stall kasama ng softdrink na inilagay sa plastic na may straw, nagtungo kami sa bayview at naupo sa isang sementong bench na nakaharap sa dagat. Dahil gabi, malamig ang simoy ng hangin.
Habang kumakain kaming dalawa, ramdam ko naman ang namuong tensyion. Nakayuko kaming kumakain, mistulang walang gustong magsimula ng pagsasalita.
At marahil ay hindi siya nakatiis, siya na ang bumasag sa katahimikan. “S-sorry tol sa ginawa ko. L-lasing kasi ako noon…”
Hindi ako kumibo. Binitiwan ko ang isang malalim na buntong-hininga at iginuri-guri ang kamay sa basiyong plastic na nilagyan ng softdrink.
“Ewan kung ano ang iniisip mo tungkol sa akin ngunit ewan ko rin… basta, sorry. Hindi ko na gagawin iyon.” Dugtong niya. At napansin ko na lang na ipinahid niya ang kanyang kamay sa kanyang pisngi. Tumulo na pala ang luha niya.
“Huwag kang mag-alala tol… hindi naman ako galit eh. At huwag kang mag-sorry dahil k-kagustuhan ko rin naman iyong nangyari. Huwag mong sisihin ang sarili mo. Nasasaktan ako ‘tol kapag nakita kang malungkot.” Ang nasabi ko na lang. Ewan ko rin kung bakit ganoong linya ng pagsasalita ang lumabas sa aking bibig.
Hindi siya umimik.
“Alam mo… ikaw ang best friend ko, at kauna-unahang kaibigan na sobrang naging close ng ganito sa akin.” Sabay hawak ko sa kanyang kamay at pinisil iyon ng mahigpit. “A-ayokong nakikitang malungkot ka ‘tol…” dugtong kong nanatiling nakayuko na tila ba nahihiya sa aking sinabi.
Hinayaan lang niyang hawakan ko siya. At maya-maya, naramdaman kong pinisil na rin niya ang aking kamay.
Ewan ko ba. Sa ginawa kong iyon ay parang magkasintahan tuloy ang dating nito sa akin. Saan ka ba nakakakita ng dalawang lalaking magkatabing nakaupo, dikit na dikit ang mga katawan, nagho-holding hands sa isang lugar na madilim-dilim na halos kami lang ang tao, kulang na lang ay magyakapan at maghalikan?
“S-salamat tol… Ikaw lang din naman ang best friend ko eh. S-sana ay hindi tayo magkahiwalay” sambit niya.
“Syempre naman. Bakit ba tayo maghiwalay? Ano man ang mangyari, hahanapin pa rin kita. At dito sa puso ko, wala nang iba pang papalit sa iyo, bilang best friend ko.”
“S-sorry talaga tol.”
“Sabi nang huwag nang magsorry eh… Pag nagsorry ka pa, kakagatin ko tong kamay mo eh!” biro ko.
Natawa naman siya na inosenteng napa, “Ay may ganoon! Sorry po, hindi na mauulit! Hehehe.”
Kaya doon, kinagat ko na talaga ang kamay niya. “Um! Sabi nang huwag magsorry eh!”
“Awtssss!” sigaw niya.
Tawanan.
Tahimik.
“Alam mo tol… may nagrecruit sa akin na sumali sa isang fraternity ba iyon?”
“A-ano???” ang tanong niya, bakas sa mukha ang pagkabigla.
“P-parang Swastika ba iyon?”
“Huwag kang sumali d’yan tol! Huwag!” ang matigas niyang sabi.
“B-bakit?”
“Bayolente ang grupo na iyan. Hindi iyan sila takot na pumatay. May kinalaman ang grupo na iyan sa pagtutulak ng droga. Banned nga iyan sila sa campus.”
“T-talaga?” ang sagot ko na lang.
“Makapangyarihan ang grupo na iyan. Parang isang mafia, sindikato. May mga politikong taga-suporta. Marami nang nasalvage dito sa lugar na ito at pinaghihinalaang sila ang may kagagawan. Kapag napag-initan ka nila, titirahin ka…”
“G-ganoon ba. Mabuti na lang at nasabi mo sa akin.”
“Oo… at malalaman mo kung may death threat ka galing sa kanila kasi… bibigyan ka nila ng pulang rosas na tinanggalan ng petals. Kung ang ibinigay na rosas nila ay wala nang natirang petals, patay ka… totodasin ka na talaga nila. Kung may petals pa, threat lang nila yan na ang ibig sabihn, huwag mong ituloy kung ano man ang gagawin mong matatapakan sila. Kung gagawin mo pa rin, may warning uli, at mas kaunti na lang ang petals. Hanggang sa bibigyan ka na ng panot na rosas. Dedbol ka na noon.”
(Ituutloy)