By Michael Juhagetmybox@hotmail.com
-----
Akala ko ay isang simpleng katanungan lang iyon at wala nang ibang ipahiwatig pa kundi ang malaman mismo galing sa isang kaibigan ang laman ng kanyang puso.
Ngunit may mas malalim palang dahilan ito. Lumipas ang ilan pang araw at nagtaka na lang ako noong habang binubulatlat ko ang isa niyang notebook, nakita ko ang siang drowing ng swastika, iyong symbol ni Hitler. Gusto ko sana siyang tanungin tungkol dito ngunit hinid ko na itinuloy pa gawa nang baka lang aksidenteng na drowing niya ito, na wala namang kahulugan.
Ngunit doon na ako nagsimulang magduda noong nakita ko muli ang drawing sa loob ng dila ng kanyang sapatos, at sa tarheta ng kanyang t-shirt. “Tol… b-bakit may mga drawing ka ng swastika?” ang tanong ko sa kanya.
“Saan mo nakita?” ang tanong niya, ang boses ay may halong pagkainis.
“”S-sa notebook mo, sa sapatos, sa t-shirt…”
Ngunit imbes na sagutin niya ako, nagalit pa ito. “Bakit ka ba nakikialam sa mga gamit ko?”
Nagulat naman ako sa inasta niyang iyon. Para bang napaka-simpleng tanong lang pero nagalit kaagad siya… “B-bakit ka ba nagalit?” ang tanong ko rin.
“A basta, huwag mong pakialaman ang mga gamit ko!” ang padabog niyang sagot sabay talikod.
Hindi ko talaga maintindihan kung bakit ganoon ang inasta niya. Kasi naman, kapag may problema siya, kahit gaano man kalaki ito, hindi mo mapapansin iyan na may problema. Nakangiti pa rin siya lalo na kapag nakikita ako. Sabi pa nga niya minsan na ako raw and solusyon sa lahat niyang mga problema. Kapag binibiro ko na yan, parang napapawi daw ang sama ng loob niya.
Pero iba ang ipinakita niya sa akin sa tagpong iyon. Hanggang sa lumipas pa ang ilang araw, palagi ko na siyang nakikitang malalim ang iniisip at kapag kinakausap ko ay umaalis, o nag-aalibi na may gagawin o pupuntahan. Hindi na rin siya dumadalaw sa akin at kapag hinahanap ko sa boarding house nila, kadalasan ay wala ito at kapag nandoon man, ayaw akong harapin. Kesyo may ginagawa, kesyo natutulog, kesyo, hindi maganda ang pakiramdam. Kung anu-anong palusot.
Ang siste, pati ang tarabaho niya ay napabayaan. Marurumi na ang area niya sa building. At napupuna ito ng mga estudyante. Tinanong ko ang kanyang mga kasamahan sa trabaho na parehong-pareho ang sagot sa akin – nagbago na nga si Marbin at may ibang grupo at kaibigang sinasamahan.
Mistula itong sibat na tumama sa aking puso. Hindi ko maintindihan kung bakit bigla na lang siyang nagbago at ibang kaibigan ang sinasamahan samantalang wala namang problema sa aming pagiging magkaibigan.
Nagtatanong din ako sa iba pang mga nakakakilala sa kanya. At ang sabi-sabi nila ay sumasali daw ito sa swastika fraternity.
Sobrang sakit ng aking naramdaman.
“Akala ko ba ayaw mo akong sumali sa fraternity na iyan dahil magulo, sindikato, at at hindi natatakot na pumatay ng tao ang grupo na iyan? Bakit ikaw? Gusto mo na rin bang pumatay ng tao?” tanong ko sa kanya noong nakatyempo ako na nag-isa siya sa student center.
“Bakit? Hindi ba ako puwedeng sumali sa kung anong grupo o mga kaibigan kung saan ako maligaya?”
“Maligaya? Sinira mo ang iyong pangarap? Tingnan mo, ang trabaho mo, pinabayaan mo na? At akala ko ba ang kaligayahang sinasabi mo ay nakakamit sa pagtulong sa kapwa?”
“Dati iyon. Lahat sa buhay ay nagbabago… Hindi mo ba naintindihan? Nagbago na ang pananaw ko. nagbago na ang pagkatao ko. Iba na ako.”
“Tol… hindi tayo nagbabago dahil gusto lamang nating magbago. I-embrace natin ang pagbabago kung nakabubuti ito sa atin. Kung ito ay nakasisira sa ating pagkatao, hindi mo kailangang kamtin ang pagbabagong iyan.”
“At sino naman ang nagsabi sa iyong kasiraan ito sa akin?”
“Ako! Di mo ba alam? Tatanggalin ka na raw sa listahan ng mga working students kapag patuloy mong pinapabayaan ang iyong assignment!”
“Ah... iyon lang? Ok lang. May grupo naman ako. Hindi nila ako pababayaan?”
“Ganoon na lang iyon? Anong kapalit?”
“Oo. Ganoon na lang. Walang kapalit. At huwag ka nang makialam pa sa akin! Pabayaan mo na ako, ok? Kalimutan mong may kaibigan kang ang pangalan ay Marbin! Burahin mo ito sa iyong isip.” ang sambit niya sabay tayo at talikod, at nagmadaling naglakad palayo sa akin.
“Marbinnnnnn!” sigaw ko.
Ngunit hindi na niya ako nilingon pa.
Parang sinaksak ng maraming beses ang aking puso sa mga sinabi niya. Hindi ako nasaktan dahil lang sa aming tila binalewalang pinagsamahan kundi dahil ipinagpalit din niya ako sa isang grupong alam kong sisira lamang sa kanyang buhay at mga pangarap.
Parang gusto kong magalit at magtampo sa kanya. Ngunit tiniis ko na lang ito dahil naisip ko ang kabaitang ipinakita niya sa akin at sa aking mga magulang. At nasabi ko sa aking sariling ipaglaban ko siya; babawiin ko siya sa grupong iyon.
Tinangka kong kausapin ang isang myembro na nagrecruit sa akin dati. “Bro… p-puwede bang sumali sa grupo ninyo?”
“Bro… sorry, hindi kami nagrerecruit ngayon. At lalo na sa iyo…” Ang sambit ng kausap kong myembro sabay talikod na parang hindi interesadong kausapin ako. At parang may laman ang huling sinabi niyang “At lalo nang hindi sa iyo.” May malaking katanungan iyon para sa akin.
Kahit busy na ako sa pag-aaral gawa nang patapos na ang school year at nalalapit na ang finals, naglaan pa rin ako ng oras sa pagre-research tungkol sa grupo at nagtatanong kung sinu-sino ang mga myembro nila upang sila naman sana ang kauspin ko.
Ngunit habang ginagawa ko ang pagreresearch, pumutok naman ang balitang hindi na sumipot pa si Marbin. As in walang nakakaalam kung nasaan.
(Itutuloy)