By Michael Juha
getmybox@hotmail.com
-----
Pinuntahan ko ang bahay ng tita niya ngunit hindi rin nila alam kung nasaan siya. Isang linggo na raw itong hindi sumipot at naipa-blotter na rin nila sa kapulisan kung kaya doon na pumutok ang balita dahil sa ginawang imbestigasyon ng mga pulis.
Tinanong ko na rin ang lahat ng mga maaaring nakaalam kung nasaan siya, mga kasama niyang working students, mga ka-klase, guwardiya ng school. Wala…
Sobrang lungkot, pagkalito, at pagkabahala ang aking nadarama. Hindi ko alam kung ano ang nangyari sa kanya at natakot akong baka napaano na siya. At malakas ang kutob kong ang grupong swastika fraternity ang may kagagawan ng lahat.
Nasa ganoon akong kalalim na pag-iisip noong sumagi sa isip ko ang locker niya sa utility room. Binigyan niya kasi ako ng duplicate na susi dati dahil kung gusto kong magbaon ng damit sa school, doon ko na lang din ilagay, kasama ng sa kanya.
Dali-dali kong tinumbok ito, nagbakasakaling may mahanap akong pruweba na maibigay sa mga pulis tungkol sa fraternity na iyon. “Ang mga swastika na drawing sa kanyang notebooks, damit at iba pang gamit…” sambit ko.
Ngunit nadismaya ako dahil iba na ang nagmamay-ari ng locker niya. Iba na kasi ang susi ay hindi na pangalan niya ang nandoon. Pinalitan na siya.
Tiningnan ko ang likod ng locker. Sa likod kasi noon ay may lihim na bulsa kung saan namin inilalagay ang mga mensahe namin sa isa’t-isa; kapag may problema sa schedule ang sino man sa amin halimbawa, upang hindi na mamomroblema sa paghahanap, kagaya ng “Tol… may bisita palang mga madre sa ibang congregation ang darating bukas kaya ipinalinis na rin ni Sister ang chapel, ma late ako ng isang oras..” Minsan, kahit mga wlaang kwentang sweet nothings lang ang nakasulat dito kagaya ng, “Tol… malapit nang magbukas ang internet café, excited na ako yeheeeyyyyy!!!” o kaya ay “Tol… na miss ko na ang chatmate ko! Atat na atat na akong makikipag chat sa kanya!” o “tol… nakasalubong ko ang chatmate ko kanina, hayop sa porma!” “Ano kaya ang nakain ng chatmate ko at mukhang suplado kanina hinid namamansin?” mga ganoong mensahe.
Sinilip ko ito at may nakita akong mga nakatuping pahina ng notebook. Hinugot ko ang mga ito at noong lumantad sa aking paningin ang nakasulat, “Sulat kamay ni Marbin!” sigaw ng utak ko.
“Dear tol… una sa lahat, gusto kong manghingi ng tawad sa inasal ko nitong nakaraan. Sa kabila ng hindi magandang ipinakita ko sa iyo, nasasaktan ako. Ngayon ko sasabihin sa iyo; sumali ako sa fraternity dahil sa sindikato. Ikaw ang target nila. Nanligaw ang lider nila kay Emily at binasted ito. Kung kaya galit na galit ang lider nila sa nangyaring pambabasted ni Emily at ipinangako nito na walang sino mang lalaki ang makakaangkin sa kanya; na kung may lalaki mang manligaw sa kanya, pahirapan nila ito. Noong nalaman nilang nanligaw ka, gusto na nilang tirahin ka, i-recruit kunyari sa grupo at doon na pahirapan. Ngunit nakiusap ako sa kanilang lider na ako na lang ang sasalo sa iyo, huwag ka lang mapahamak. Sumang-ayon sila, sa isang kundisyon na huwag mo nang ituloy ang panliligaw dahil kung ituloy mo pa rin, pahihirapan nila ako… at patayin. Kung naalala mo, ilang beses kitang tinanong kung mahal mo si Emily. At sa bawat pagtanong ko sa iyo, sinasagot mong mahal mo siya. Kaya imbes na ibunyag ko ang lahat inilihim ko na lang ito sa takot na baka magalit ka sa akin at isipin mong siniraan ko si Emily, dahil sa mga nangyari… sa atin. Ayokong maging hadlang sa pag-ibig mo… sa isang babae. Kaya tiniis ko ang mga pagpapahirap ng grupo. Binalaan nila akong huwag magsumbong kung kaya idinodrowing ko na lang ang swastika ng patago, upang kung ano man ang mangyayari sa akin, alam mo na kung saan ako hahanapin. Nitong nakaraang araw, may tip-off akong narinig na itutumba na raw nila ako. Kung sakali mang mangyari iyan, hihilingin ko sa iyo na huwag magreport upang hindi kayo mapahamak. At si Emily… wala kang sasabihin sa kanya. Hintayin mo na lang na makatapos kayo ng pag-aaral at kapag wala na kayo sa school na ito atsaka ninyo ituloy ang inyong pagmamahalan. Alam ko, mahal ka rin niya. Tol, ngayon ko lang ito sasabihn sa iyo… at sana ay patawarin mo ako. Mahal na mahal kita. Sana ay maintindihan mo ako. Iyan ang tunay kong naramdaman. May binili rin akong kwintas na isiningit dito, nasa akin ang isa at ang nandito ay para sa iyo. Kalahating heart ang pendant niyan. Ang kalahati naman ay nasa akin. Kapag itinabi ang dalawang pendant, mabubuo ang hugis na puso. Pagpasensyahan mo na, iyan lang ang kaya kong bilhin… Mag-ingat ka palagi tol. Kahit saan, kahit kailan, kahit anong mangyari, kagaya ng pendant na iyan, hindi mabubuo ang puso ko kapag wala ka… –Marbin–“
Namalayan ko na lang ang pagpatak ng aking mga luha. Pakiwari ko ay gusto kong maglupasay sa kanyang mga sinabi. Hindi ko alam kung ano ang gagawin. Hanggang sa naalimpungatan ko ang sariling nagtatakbo at nag-iiyak bagamat hindi ko alam kung saan patungo. Gustuhin ko mang magsumbong sa mga pulis, hindi ito puwede dahil maaaring lalong mapahamak Marbin at si Emily.
Naisipan kong puntahan muli ang tinutuluyan noong isang myembro ng fraternity na nagrecruit sa akin. Ngunit ayaw niya akong kasusapin. Ang sabi niya lang sa akin ay wala daw kinalaman ang grupo niya sa pagkawala ni Marbin. At pinagbantaan pa niya ako na huwag silang isangkot kung ayaw ko raw magulo rin ang aking buhay.
Habang naglalakad ako nang walang direksyon, napadaan ako sa isang simbahan. Doon nanalangin ako na sana hindi darating sa puntong papatayin nila si Marbin. Iyak ako ng iyak sa loob ng simbahan. Hindi man ako ganoon ka relihiyoso ngunit sa pagkakataong iyon na sobrang hopeless at helpless ako, sa kanya ka pa rin pala lalapit at huhugot ng lakas. “Sana po… huwag ninyo siyang ilagay sa kapahamakan. Napakabait po niyang tao. Ngunit kung ano man po ang lpano ninyo para sa kanya, thy will be done po. Masakit man ang kahinatnan ng lahat, pipilitin ko na lang pong tanggapin. Pero sana, huwag po ninyong pahintulutan na masaktan siya, na maghirap siya… Sobra-sobra nap o ang paghihirap niya sa buhay. Wala po siyang mga magulang na nagmamahal sa kanya, dinanas po niya ang mabibigat na trabaho at matinding kahirapan. Sana po ay huwag na po niniyong dagdagan…”
Noong nasa labas na ako ng simbahan, naglakad muli ako hanggang sa narating ko ang plaza. At sa lugar na paborito naming tambayan, sa ilalim ng malaking puno ng talisay sa seafront, nakaharap sa aplaya na pinangalanan naming “Internet Café” doon ko ibinuhos ang lahat ng sama ng loob. Nag-iiyak, hinayaang pumatak nang pumatak ang aking mga luha. Sobrang hirap ng aking kalooban. Alam kong nasa mahirap na kalagayan si Marbin, na ako ang dahilan ng lahat ngunit wala akong maitutulong sa kanya. Mistula akong isang baliw na dala-dala ang sulat at ang kwintas ni Marbin at hinalik-halikan ko ang mga iyon. Kinakausap. “Tol… bakit hindi mo sinabi sa akin? Bakit??? Pwede ko namang hindi ituloy ang pangliligaw kay Emily eh! Kung sinabi mo lang sana tol!!!!” ang sigaw ng utak ko at siya pa ang aking sinisisi.
(Itutuloy)