Bangkay Sa Ilog

943 Words
By Michael Juha getmybox@hotmail.com   ------   Hindi ko alam kung gaano ako katagal na nag-iiyak sa sea-front na iyon. Ang alam ko lang ay hapon pa iyon noong naupo ako sa sementong bench ngunit sa oras na iyon, mga ilaw na galing sa mga lamp posts na ang aking namalayan. Ang saklap. Parang sa dami ng tao sa mundo, nag-iisa kong pinapasan ang mabigat ng dinadala at wala man lang ni isang pumapansin sa kalagayan namin. Habang nilalakad ko ang kahabaan ng daan patungo sa aking dorm, wala ring patid ang pagdaloy ng aking mga luha. Kinabukasan, sa school, alas 2:00 iyon ng hapon katatapos ko lang sa pinakahuling test sa finals. Iyon na rin ang huling araw ng pasukan. Lumapit sa akin ang isang kasama ni Marbin na working student din. “Pare, alam mo na ba ang bagong balita?” “Ang alin?” “May natagpuan na bangkay sa ilog malapit sa malaking tulay. Ang hinala nila ay itinapon ito dito.” “Ha???” sambit ko, biglang lumakas ang kabog ng dibdib. “Sino daw iyon???” “Ang sabi nila ay bangkay daw iyon ni Marbin. Basag ang mukha at hindi na makikilala. Ngunit ang tindig, ang katawan… lahat ng pagkakakilanlan ay kay Marbin. At hindi lang iyan… wala ding nag-claim sa bangkay. Kaya kinuha na ito ng tita ni Marbin. Nasa punerarya pa raw ngayon ang bangkay ngunit mamayang gabi ay sa bahay na ng tita niya ideretso ito para sa lamay.” Iyon ang huli kong narinig. Nagcollapse ako at noong nanumbalik na ang malay, nasa school clinic na, nakahiga. “Huwag mong masyadong dibdibin ang pagkawala ng kaibigan mo, Benedict… lahat tayo ay nasaktan sa nangyari ngunit huwag kang padadaig sa iyong naramdaman. Pilitin mo ang sariling tanggapin ang lahat.” Ang sabi sa akin ni Sister Clarisse, ang boss ni Marbin sa mga working students. “Masakit lang kasi Sister eh…” ang sagot ko na lang bagamat nagsisigaw ang aking isip na sabihing ako ang dahilan ng lahat. “Sige lang. Normal lang ang nasasaktan. Makabubuti kung sasama ka sa ibang mga kaibigan mo upang kahit papaano ay maibsan ang iyong dinadalang sakit.” Pinalabas ako ng clinic. At bago ako tuluyang lumisan sa unibersidad na iyon, dinayo ko ang building kung saan ko unang nakita si Marbin. Maaaring iyon na rin kasi ang huling sandaling masilayan ko ang lugar na iyon dahil lilipat na ako ng eskuwelahan. Tila gumuho ang aking mundo noong narrating ko ang second floor, ang mismong lugar na palaging nililinis ni Marbin. Pakiramdam ko ay naubusan ako ng lakas at tuliro ang aking pag-iisip. Umupo ako sa isang sulok kung saan ko kadalasang hinihintay at pinapagmasdan si Marbin habang ginagawa niya ang pagma-mop sa sahig. Napaka-memorable ng lugar na iyon. Doon nagsimula ang aming pagkakaibigan; ang lugar na iyon ang naging daan upang malasap ko ang unang mga karanasan sa piling ni Marbin; sa lugar na iyon ibinigay sa akin ang isang taong siyang nakapagbibiay sa akin ng ibayong saya at inspirasyon sa buhay; sa lugar na iyon ko nakilala ang isang Marbin, na hero ng aking buhay... Naalala ko tuloy ang isang insedente habang hinintay ko siyang matapos sa kanyang pagma-mop. Hinid siya maaawat sa pagku-kuwento noon. Tinatawanan ko at tinawag ko pang “hyper” sa pagkukuwento at pagpapatawa. At napasok sa kuwento ang kamatayan. “Tol... kapag namatay ako, sasabihin k okay San Pedro na magwoworking student pa rin ako at sa langit ko tatapusin ang aking pag-aaral. At alam mo kung anogn trabaho ang aaplayan ko sa pagwoworking?” sambit niya. “Magma-mop sa mga ulap? “Gagi! Hindi mop angginagamit nila sa pagpapaputi ng mga ulap!” “Ano?” “Iyong mga pakpak ng mga anghel, Habang lumilipad sila, natatanggal ang mga alikabok sa ulap…” Tawa naman ako ng tawa. “Kaya ibang trabaho ang aaplayan ko.” “Ano?” “Guardian angel mo.” Na sinagot ko naman ng, “Sigurado ka kaya? Baka maging devil ka?” “Ay mas maganda kung devil ako. Kasi kapag may mga nang-aapi sa iyo, lahat sila ay susunugin ko!” Tawanan. Maya-maya, nabigkas ko naman ang, “Siguro… ang swerte-swerte ng mapangasawa mo tol…” “Bakit?” “Kasi, ang sipag-sipag mo na, mabait ka pa.” “Mas maswerte ang best friend ko.” “Bakit?” “Kasi, ipinangako ko sa sarili ko na kahit mag-aasawa pa ako, mas mamahalin ko pa ang best friend ko…” Napangiti lang ako sa kanyang sinabi. “E… sino ba ang best friend mo?” “Ewan…” napahinto siya sa pagma-mop. “Sandali, itatanong ko rito sa puso ko ha?” at yumuko siya na parang pinakinggan ang kanyang dibdib “Hayan… narinig ko ang tunog ng t***k niya ay BE-NE-DICT, BE-NE-DICT, BE-NE-DICT” Tawa naman ako ng tawa. Pero syempre, sa kaloob-looban ko, mistulang kiniliti rin ang puso ko. Limang araw ang lamay sa bangkay ni Marbin. At sa araw na inihatid na siya sa kanyang huling hantungan, lahat ng mga kasama niya sa working students ay nandoon, mga madre na may-ari ng unibersidad, mga estudyanteng nakakilala sa kabaitan niya, at syempre, ang aking mga magulang na nabiyayaan din sa kanyang kabaitan. Alas 6 na iyon ng gabi, ako na lang ang naiwan sa mga naghatid kay Marbin. Sa kanyang puntod ipinangako ko na hindi ko siya malilimutan; na iingatan ko ang aming mga ala-ala at ang ibinigay niyang kwintas sa akin. Dinukot ko sa aking bulsa ang ginawang sulat para sa kanya. Binuksan ko ito at binasa. (Itutuloy)
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD