By Michael Juha
getmybox@hotmail.com
-----
Sa nakita ko sa kanya, naramdaman ko muli ang awa na sumundot-sundot sa aking puso. Napakabait niya, napakasipag, mapagkumbaba, sobrang maalalahanin na kaibigan. At kahit may kabigatan ang kanyang trabaho at sabayan pa ng kanyang pag-aaral, wala kang maririnig na reklamo tungkol sa hirap ng buhay galing sa kanyang bibig.
Hindi ko tuloy maiwasang hindi manumbalik sa aking ala-ala ang kanyang sinabi noong tinanong ko kung bakit kursong edukasyon ang kanyang pinili samantalang hindi naman siya yayaman sa pagiging guro. Na sinagot naman niya ng, “Para sa akin kasi tol, ang halaga ng buhay ay hindi dahil sa kayamanan kundi sa kaligayahan at sa ang pagiging kuntento ng tao sa ano mang mayroon siya sa buhay. Hindi lahat ng tao ay kayamanan ang hangad upang lumigaya. At hindi lahat ng mayaman ay masaya at kuntento sa buhay. Kasi, ang kaligayahan ay nasa puso. Wala itong katumbas na halaga o kayamanan. Maganda nga ang ginawa ng Diyos eh. Sinadya niya ito upang maging patas ang pagkamit ng kaligayahan para sa lahat. Ke-mayaman, ke-mahirap, kaya itong kamtin. Ang susi lamang ay hanapin ang tunay na kahulugan nito; ang ibig sabihin ng pagiging masaya.
“Wow lalim!” ang reaksyon ko, sabay tawa. “Sabagay, tama ka d’yan” dugtong ko rin.
“Kung pera kasi ang basehan ng kaligayahan, walang katapusan ang luho ng tao. Hindi niya makakamit ang kaligayahan. Halimbawa, ang tao ay naghahangad ng isang magandang bahay. Kapag nagkaroon na, mangangarap na naman ng mas bago at mas mahal pa. Kapag may bago na naman, mangarap na naman siya na magkaroon ng mansion, ng rest house kung san-saan… Ganoon din sa sasakyan. Kapag nakabili na ng pinangarap, magsawa din ito at bibili uli ng panibago at mas bagong modelo, mas high tech. Tapos, hindi pa makuntento sa kotse o SUV, yate o barko naman ang bibilhin. Walang katapusan…”
“Maaari ngang hindi sila kuntento. Ngunit kung hindi man sila maligaya, at least may pera sila,” ang pagsalungat ko.
“Kung ganoon, wala ring silbi ang pera nila kung hindi sila maligaya. ‘Di ba?” sagot din niya.
“Eh paano naman ang mahirap. Hindi na nga sila maligaya, wala pang pera.”
Natawa naman siya. “Tol… ang sinasabi ko dito ay ang pagiging kuntento. Wala iyan sa bilyon-bilyong pera o mga palasyo… nasa pagiging kuntento. Kahit barong-barong ang bahay mo basta kuntento ka, at marami kang natulungan at natuwa sila sa iyo, you have lived life to the fullest ika nga. Maging kuntento ka tol. At mamuhay ng marangal at nakakatulong sa kapwa… D’yan, siguradong sasaya ang buhay mo. At walang kasing sarap ng pakiramdam kapag masaya ka na nga, nakikita mo pang masaya rin ang ibang mga tao dahil sa iyo. Iyan ang mukha ng kaligayahan.”
“Syetness! Pakopya nga ng mga linya mo? Ang gagaling ah! Para kang si Bob Ong” sabi ko.
“Bob Ongas!” dugtong niya.
“Pero pera pa rin ako.”
“Di… ok lang. choice mo iyan sa buhay eh. Kung iyan ang makakapagbigay ng ligaya sa iyo, panindigan mo. Pero tandaan mo, kapag marami kang pera, hindi ka nakasisiguro kung sino sa mga nakapaligid sa iyo ay tunay na kaibigan, saka na kapag darating ka sa puntong nagigipit, dahil iiwanan ka ng mga peke at ang matitira ay ang iilang mga tunay. Pero kung isa kang mahirap, sigurado ka, hindi pera ang habol nila sa iyo…”
“Ka-pogian?” sabi ko sabay pose ng pa-cute.
“Kung kagaya mong pogi...”
“Taena! Dapat yata ay ikaw ang academic scholar eh at ako ang working student. Ang galing mo! Talo mo ako sa debate.”
“Prinsipyo naman kasi iyan tol eh. Paninidigan. Hindi mo naman kailangang pag-aralan iyan, hindi kailangang i-memorize.”
“E bakit nga ba gusto mong maging guro? Bakit hindi na lang pari, duktor, nurse, engineer, meteorologist, volcanologist, biologist, scientist, social worker, weather forecater, taxi driver, o di kaya ay embalmer… lahat naman iyan ay nakakatulong, di ba?”
Tawa siya ng tawa. “Narinig mo na ba ang kwento noong may mga namatay na engineer, duktor, police, abugado, businessmen at ininterview ang mga kaluluwa nila ni San Pedro bago papasukin sa langit?”
“Hindi… ano ba iyon?”
“Nasa bungad pa lang sila ng pintuan ng langit, nag-uunahn na sila sa pila. At nagyayabangan na. Syempre, iyong teacher, medyo nag-aalangan kasi nga hindi kagaya ng mga engineer o duktor na sikat na sikat sa mga tao dahil sa mga magagarang projects at nagawa, ang mga guro ay nasa klase lamang, nagtuturo, nag-aaral, nagsusulat. Simlpe lamang ang trabaho niya. Kaya nagpahuli siya sa pila, hindi rin kasi niya siguradong makapasok sa langit dahil marami rin siyang pinagalitan, sinsesermonan. Hinayaang na lang niyang ang ibang mga may magagaling na propesyon ang mauna. Noong nandoon na si San Pedro, ang engineer ang nauna at nagmamayabang a itong siya daw ang gumawa ng mg buildings, mga highways, mga tulay at magagandang palasyo at mga architectural feats. Tiningnan ni San Pedro ang kanyang kudigo at nakita nga niya ang mga ginawa noong engineer sabay sabing, pasok! Turo sa pintuan. Para bang gusto ni San Pedro na makapasok agad siya. Sumunod ang duktor, nagmayabang din. Marami daw siyang nagamot na may mga sakit. Tiningnan muli ni San Pedro ang record sabay sabi uli ng, pasok! Sumunod ang pulis, nagmamayabang din na marami siyang nahuling mga masasamang-loob, mga magnanakaw, r****t, terrorist… Sabi uli ni San Pedro, pasok! Noong ang guro na ang kaharap ni San Pedro. Tinanong siya kung ano ang kanyang nagawa sa buhay. Nanghingi ng dispensa ang guro gawa ng wala raw siyang nagawang kunkretong bagay. Tiningnan ni San Pedro ang record sabay sabing, ‘Ah… ikaw pala. O sige, dyan ka sa kabilang pintuan pumasok’. Nagulat ang guro at nagtanong kung bakit sa ibang pinto siya pinapasok. Hindi siya sinagot ni San Pedro, bagkus nagmamaktol ito. ‘Ang yayabang ng mga iyon…’ turo sa mga naunang propesyon. ‘Akala nila, di ko alam na kaya nila ginagawa ang kanilang trabaho ay dahil sa malalaking halaga na kanilang natanggap o na kulembat. Pera lang ang sinasamba nila sa mundo.’ At baling sa natulalang guro ‘At heto pa, nagmamayabang na magagaling sila! E, hindi naman sila magiging ganyan kagaling kung hindi mo sila tinuruan. Hindi nga nila pinansin ang mga magagandang asal na itinuro mo sa kanila. Haissstttt! Hindi pa rin talaga sila natuto.’ Napahinto siya ng sandali at inutusan na ang guro. ‘O sya, alam ko ang hirap na dinanas mo sa buhay sa pagtuturo mo sa mga makukulit at mayayabang na iyon. Kaya pasok ka na... Iyan ang pintuan ng langit’”
(Itutuloy)