Kinakabahan ako pero confident naman ako. Kapag may oras ako hindi ko ‘yon sinasayang. Mahilig akong mag-practice dahil iyon lang ang kaya kong gawin lalo at kung paganahan ng pera ay wala akong ibubuga sa iba. Pero kahit naman gano’n, naniniwala ako sa ‘king kakayahan. Gusto kong ituloy ang pagiging isang guro ko pero mas malaking bahagi sa ‘kin na gusto kong mag-perform at maging isang singer.
Sa isang malaking kuwarto kaming mga participant pinapunta ng babaeng nag-abot sa ‘min ng number na ipinadikit sa ‘ming polo-shirt. Lahat kami ay nakaputi, ayon ‘yon sa text message nila na sumunod. Dahil isa ‘kong early bird kaya ako ang nakakuha ng number one. Ang number namin ay ayon sa pagkakasunod-sunod namin sa pila.
Nagsisimula na silang magkuwentuhan no’ng nakaupo kami sa lapag. Kilalanin daw namin ang isa’t isa. Sa oras na ‘to, kung hindi naman nila ‘ko kakausapin ay hindi naman ako kikibo. Kung magiging friendly naman sila ay ganoon din ako. Madali akong makisama kahit pa mas gusto kong tumahimik at magsarili ng mundo. Funny right? Gusto kong maging performer at singer na haharap sa maraming tao pero sobrang gusto ko rin ng privacy sa buhay ko.
Isang masiglang babaeng tila nasa thirty ang edad ang dumating. Sa postura niya mukhang magtuturo siya ng Zumba.
“Hello! I’m Vivian!”
Siya pala si Vivian, iyong tumawag sa ‘kin para sabihin na isa ako sa may chance sa scholarship.
“Out of 1,000 applicant kayo ang mga napili namin para may makuhang tatlong scholarship. Ang makapapasok naman sa inyo sa Top 10 ay may 50% off sa magiging training camp. Pero kung marami sa inyo ang mag stand-out, bahala na ang ating executive para magdesisyon. Napakaraming promising sa inyo ayon sa ‘ting mga judges!”
Nagpalakpakan kami. Mukhang excited silang lahat. Excited din naman ako, hindi lang halata. Kinakabahan na rin ako dahil gustong-gusto kong makuha iyong scholarship. Hindi ako puwedeng mahulog sa TOP 3, dahil kahit pa maging Top 4 ako at magkaroon ng 50% na babayaran na lamang ay hindi ko pa rin kakayanin. Mas pipiliin ko na lang mag review para sa Licensure Exam.
Marami siyang itinanong katulad nang mga nararamdaman namin, ano ang mga rason namin, at kung ano-ano pa para lang alisin ang kaba ng mga aplikante. Pero ako, normal na yata ‘yong kaba ko at gusto ko na nga kaagad matapos na dahil lalo lang humahaba ang kabang ‘to.
Ako pa naman ang unang-una dahil sobrang inagahan ko talaga. Mas dumodoble rin ang kaba ko habang tumatagal ang oras kaya mas gusto ko rin iyong mauuna ako para kung sakaling makakita ako ng alam kong mas magaling sa ‘kin ay tapos na ang kaba ko.
Pinatayo niya kami, tinuruan niya ng basic stretching at pinalabas na sa kuwarto. Sampu-sampu muna. At siyempre, isa ‘ko sa unang sampu na pinapasok sa isang kuwarto. Mas malaki ‘yon, may platform, at mayroong upuan sa harapan na para sa limang tao.
“Ikaw ang mauuna!”
Nabigla ako dahil malakas ang boses na ginamit ng katabi ko. Paglingon ko sa kanya ay ngiting-ngiti siya.
Artista kaagad ang hitsurahan niya. Iyong ngiti din niya masyadong masaya. Excited na excited ang dating niya. Confident. Mukhang mayaman naman siya.
“Number One!” Tawag ni Vivian.
Napatayo na ‘ko.
“Oy, galingan mo!” sabi no’ng lalaki.
“Salamat!” Nginitian ko siya.
“Number Two, be ready na rin, si three rin! Narito ang executive producer at president.”
Parang lalo naman umakyat ‘yong kaba ko dahil sa sinabi niya. Mukhang natataranta rin sila.
“Nariyan daw ang president,” sabi ni Vivian.
“Ayusin mo na ‘yong mga applicant, baka mamaya mapuna pa tayo. Kilala mo naman ‘yon. Ayoko ng mapatawag sa office niya, my goodness!” sabi ng isang gay na nasa forty’s at makulay ang kasuotan. Mukhang handa na rin siya for summer break.
First week of March pa lang, may three weeks pa bago ang graduation ko. Nextweek ay iyong final demonstration ko naman sa Out-Campus.
“Come here.” Hinila ‘ko ni Vivian. “Doon sa platform may big circle doon, be sure na hindi ka masyadong lalayo doon, okay ba?”
Tumango naman ako.
“Isa pa, isa ka sa mauupuan ng President mismo kaya galingan mo. Patunayan mo na tamang isa ka sa aplikanteng narito. Okay ba?” Mukhang kabado siya.
Tumango naman ako.
“Vivian, nariyan na!” sabi no’ng kausap niya kanina.
“Sige na, pumunta ka na roon sa harapan!”
Pumunta naman ako sa itaas na platform at tumungtong sa bilog.
May mga pumasok na naka-suit and tie. Mukhang mga bigatin sila. Ayokong magpokus sa mukha nila dahil baka kabahan din ako katulad ng mga narito. Iyong judges talaga ay naroon sa kaliwa at nakatayo dahil mukhang ang pauupuin nila ay iyong mga dumating nga.
Pinagkiskis ko ang aking palad. Tumingin ako nang diretso. Una kong nakita ay iyong nakangiting si Number Five, mukha talagang masayahin ang lalaking iyon. Ipinakita niya ang kanyang dalawang thumbs-up. Nangiti na lang ako dahil sobrang supportive niya kahit pa hindi nga namin alam ang pangalan ng isa’t isa.
Pumalakpak si Vivian kaya napatingin ako. Nasabi niya kanina na singing ang titingnan nila sa una. Ang dancing ay mamaya naman sa afternoon session.
Ngumiti ako at inilagay ko na ang sarili ko sa aawitin ko.
Nakaupo na rin ‘yong tatlong lalaking naka-suit and tie, dalawa naman na pinaupo ay iyong talagang judge na nasa kaliwa. Isang babae’t isang lalaki. Sa hitsura nila mas mukha silang kabado.
Napalunok ako nang makita ko ang isa sa mga lalaki na nasa dulong bahagi ng kanan na matiim ang titig sa ‘kin. Masyadong matalim ang mga mata niya. Parang bigla tuloy akong kinabahan.
Nang mag-thumbs-up si Vivian ay nagsimula na ‘kong magpakilala.
“Hello! I’m Aryan Fernandez, twenty-three!” Masiglang bati ko.
Masyado silang seryoso hindi man lang sila nangiti. Iyong lalaking matiim tumitig hindi ko talaga siya tinitingnan dahil makalimutan ko pa ‘yong lyrics dahil sa kanya.
If the World Is Ending ni Jp Saxe at Julia Michaels ang kinanta ko.
Kinalimutan ko na ang paligid. Kumanta ako sa paraan na gusto ko. Masaya ako na kilala ko na ang sarili kong boses. Hindi ko na kailangan na gayahin pa ang ibang singer dahil nahanap ko na ‘yong sarili ko.
Nang matapos akong kumanta ay nagpalakpakan naman sila. Ngiting-ngiti rin ako dahil nag-uusap-usap sila as if, nagandahan sila sa performance ko. Pero muntik na ‘kong mapangiwi no’ng makita ko ang lalaki sa bandang dulo na hindi man lang nangiti at titig na titig pa rin sa ‘kin.
Pasimple kong pinunasan ang pawis ko.
“Mr. President, anong masasabi mo sa ‘ting first applicant?” tanong sa lalaking matiim tumitig ni Vivian. Mukhang kabado si Vivian.
Iyon pa pala ang President, hindi pa pala siya ganoon katanda.
Hindi siya nangiti sa ‘kin, wala ‘kong nakitang appreciation, baka sa pandinig niya para ‘kong sirang plakang kumakanta.
Tumayo na ang president.
“Give him one of the top spot.”
Nabigla si Vivian. Nabigla rin ako. Nabigla halos lahat!
“Ah, Mr. President, mayroon pa tayong—” Nalunok yata ni Vivian ang dila niya dahil no’ng titigan siya ng President ay napatango na lamang siya at nakatatlong sabi ng—“Yes, sir!”
Umalis na ang President na sinundan ng dalawang lalaking naka-suit and tie rin.
Tama ba na makakapasok na ‘ko kaagad?!