Umagang-umaga pagkababa ko ay nag-uusap na kaagad ang magulang ko. Nang tingnan ko ang T.V. ay tungkol ‘yon sa isang sikat na sikat na artista at million siguro ang inuuwi sa isang araw.
Naupo ako sa mesa para mag-agahan. Si tatay ay nakaupo sa ‘ming lumang sofa na minana kay lola sa parte ni nanay. Nasa likuran naman nakapuwesto ang aming hapagkainan.
“Tingnan mo ang ginagawa sa pera, oh! Ano ba ang lasa ng gold? Malinamnam kaya? Sayang na sayang!”
Nang balikan ko ang T.V. at pakinggan ang palabas na isang interview talk show, nalaman ko kung anong tinutukoy ni tatay. Iyon ba namang isang pirasong steak ay binalot sa ginto maging ang inumin ay may ginto rin at tumataginting na 350,000 na kaagad ang presyo sa resto na ikinukuwento ng artista.
“Kung ipinamigay na lamang niya ‘yan sa mahihirap nakatulong pa siya,” dugtong ni tatay na napapailing.
“Hindi lang siya ang ganyan, marami pang mayayaman ang gumagastos sa pagkain kahit milyon ang halaga sa isang upuan. Isa pa, kinita niya ‘yan at pera niya naman ‘yan kaya kung itulong niya ‘yan o hindi ay desisyon na niya ‘yon,” sabi ni nanay.
Tumango-tango ako. Totoo naman na sayang ang pera. Sa hitsura naman ng gold ay mukhang wala naman ‘yong ibang lasa. Pero baka para sa mayayaman may kakaiba kapag nakakain sila ng ginto. Kaming mahirap lamang ay manghihinayang kung makakatikim no’n sa ganoon kalaking halaga. Tama rin naman si nanay, kung ano man ang gawin ng iba sa pera nila ay desisyon nila ‘yon, itulong man nila o hindi.
“Aryan, kumusta na pala ‘yong huling exam mo? Kailan pala ‘yon. May pambayad ka na dahil nakadiskarte ang tatay mo doon kay Mareng Julie,” sabi ni nanay.
“Magbabayad na po ‘ko, nay. Isa pa, sinabi ko naman sa inyo na ako na lang ang hahanap ng pandagdag hindi na kailangan ni tatay na pumunta ro’n.”
“Hayaan mo na, huli na naman ‘yon,” sabi ni nanay.
Hindi na lang ako kumibo at kumain na lang ako ng almusal. Sinangag, itlog, at tuyo.
Mag-twenty three na ‘ko at parehong fourty years old lang ang magulang ko. Maaga nila ‘kong naging anak. Dahil parehong gipit at sinusuportahan ang pamilya naging alagain ako ng lola ko sa parte ni nanay na siya ring may-ari nitong bahay na tinitirhan namin. Luma na siya at disenyo pa no’ng panahon ng kastila.
Ang nanay ko ay umabot naman ng highschool, ang tatay ko naman ay elementary lang hanggang grade five pero marunong naman siyang bumasa, bumilang, at sumulat. Natuto rin ng ingles dahil sa trabaho niya. Ang nanay at tatay ko ay parehong naging escort/prostitute. Ibig sabihin, nagkaroon sila ng iba’t ibang relasyon sa kanilang mga customer. Si Ninang Julie, siya ‘yong bugaw at may-ari ng isang bar. Dahil dito, nahihirapan ako palaging sabihin ang totoo sa ibang tao lalo na kapag umpisa ng klase at kailangan na sabihin ang hanapbuhay ng magulang ko.
Pero no’ng highschool naman ako, tumigil na si nanay at tatay dahil sabi nga nila nahihiya na sila dahil may isip na ‘ko at lumalaki na rin. Iyong naipon nila, naibili nila ng cart at mga prutas. Namatay na rin ang sinusuportahan nilang magulang, pareho kasing may sakit ang lolo ko sa parte ni tatay at lola naman sa parte ni nanay kaya kailangan nila ng easy money.
Kaso nitong college ako, nahihirapan silang igapang ako sa pag-aaral dahil ang malapit na eskuwelahan lang sa ‘min ay private. Ganoon din naman daw kung lalayo ako para lang sa public school, iyong pamasahe ganoon din ang kalalabasan. May pagkakataon na si tatay nagiging extra pa rin kay Ninang Julie.
Ang tatay ay maganda pa rin na pangangatawan at guwapong hitsura, kahit mga batang babae na kaedad ko ay nagiging parokyano pa rin niya. Minsan kapag hindi kinakaya ng budget lalo at no exam policy kapag may malaking utang sa eskuwelahan. Nag extra naman ako sa mga kaklase ko bilang taga-gawa ng kung ano-ano nila para lamang makadagdag pero malaki talaga ang utang ko. Iginagapang nila ‘yon dahil kung maka-graduate ako pero walang diploma, mahirapan din akong makahanap ng trabaho. Kaya kailangan makuha ko na ‘yon pagka-graduate ko para naman makatulong na ‘ko ng dire-diretso sa kanila. Ang kurso ko ay BSE Major in Science. Ngayon pa lang, nag self-review na ‘ko para sa Licensure Exam dahil nga hindi ko rin kaya na pumasok sa isang Review Center.
Nagmano ako at nagpaalam bago ako umalis. Pumapasok ako sa malapit na secondary school bilang parte ng aming OUT-CAMPUS. Under supervision na kami ng isang Teacher at pumapasok na kami as if we are working as a teacher. Pero iyon nga, most of the time ay nanonood lang ako kay Mr. Gonzal, isang gay professor. Wala naman akong masasabi sa kanya dahil magaling siyang magturo at sumunod ang estudyante niya sa kanya. Iyon bang habang nagkakagulo sa kabilang section at sumisigaw ang teacher na may mic pa pero sa kanyang klase ay disiplinado.
Madalas siyang mag message sa ‘kin pero hindi ko naman sinasagot sa paraan niya. Sa tingin ko ay nagpaparamdam siya sa ‘kin na gusto niya ‘ko. Katulad ng ibang babae na kaklase ko ay ganoon din siya. Pero kahit kailan, hindi ako nagkagusto romantically sa kahit na sino. Hindi dahil pinipigilan ko. Hindi ko lang talaga nararamdaman na kailangan ko siguro no’n. Pero mahilig akong kumanta at umarte, sana nga iyong mga inaarte ko sa stage play na tungkol sa pag-ibig maramdaman ko rin, kaso kaya ko lang silang iarte pero deep inside my heart, it’s an empty feeling.
“Diyan ka na lang sa faculty, i-check mo na lang ‘yong quizzes nila kahapon. Diagnostic lang naman ‘tong ibibigay ko sa kanila,” sabi ni Mr. Gonzal na iniaayos na ang kanyang mga gamit sa kanyang table.
“Sige po, sir,” sagot ko.
Naupo ako sa inuupuan niya nang umalis na siya. May ilang teachers na walang first subject na narito rin sa faculty.
“Aryan, wala ka bang girlfriend?” tanong ng isang Teacher na nasa fourty na.
“Wala po, ma’am.” Tiningnan ko siya at nginitian bago ‘ko bumalik sa ginagawa ko.
“Pero nagkaroon ka na ba?” tanong niya.
Nakangiting umiling ako. “Hindi ko pa po nararamdaman.”
“Ay, gano’n? Suwerte naman no’n mukhang ikakasal ka na kaagad kapag nahanap mo na,” aniya.
Nagkatawanan ang mga naroon. Marami pa silang sinabi at nagsimula ng biruin ang mga dalaga pang Teachers.
Sumasagot ako kung kinakausap nila ako at nakangiti naman ako dahil biro lang naman ang karamihan. Nagvibrate ang cellphone ko ay nakita ko ang call register ay Unknown.
Sinagot ko ‘yon dahil karamihan naman sa mga Teachers nag cellphone habang may ginagawa rin.
“Hello?” nag-aalangan pa ‘ko.
“Hello! Is this Aryan Castillo?”
“Yes, sino po ito?”
“Hello! This is Ms. Vivian, I’m glad to inform you na kasama ka sa nakapasok sa competition for scholarship sa Ace Entertainment.”
Nanlaki ang mata ko, hindi ko mapigilan ang pakiramdam na tila lumutang ako.
“Hello? Makakapunta ka ba? We need to confirm dahil thirty lang kayo at kung hindi ninyo na itutuloy ay papalitan namin kaso sa mga hindi nakapasok.”
“Yes, ma’am! Pupunta po ako.”
“Great!”
Ang Ace Entertainment ay isa sa malaking entertainment company ngayon sa bansa. Nag audition ako sa kanila para makakuha ng spot sa kanilang scholarship training para maging isang Idol/Star. Mayroon namang binabayaran pero sa scholarship lamang ang kaya ko dahil wala kaming malaking halaga para suportahan ‘yon. Isa pa, may budget din na matatanggap kung isa kami sa limang scholar na makukuha nila. Malaking bagay na ‘yon sa ‘kin. Mas inaalagaan din nila ang Idol/Star na nagmula sa kanilang mga training center kaya iyon talaga ang pag-asa ko na makapasok sa Entertainment at maging isang singer pero kahit acting ang offer ay tatanggapin ko.