Mabilis na nahulog ang butil ng aking mga luha. Ayoko nang balikan pa sa aking isipan ang dahilan kung bakit kami nasadlak ni Mama sa ganitong sitwasyon. Nagagalit lang ako at hindi na mapigilan pa ang aking sarili na mas maghinanakit sa aking ina.
“Hija, kung tatanggapin mo lang ang offer na iyon ay maaaring matulungan ka niyang makaahon.” malumanay at punong-puno ng pangungumbinsi ang tinig ni Tita Roxa, pinalis niya gamit ang likod ng palad ang aking mga luhang sa kanya ay tuluyang nagpakita. “Mayaman siya, kung hindi siya interesado sa'yo ay bakit ka niya bibilhin pa? Huwag mo ng palagpasin pa ang pagkakataong iyon.”
Nagkatunog na ang aking mga hikbi, tutol pa rin sa nais niyang gawin ko at pangatawanan ko ngunit alam ko naman sa aking sarili na wala na akong kahit anong choice. Tumutol man ako at umayaw, alam kong mangyayari pa rin iyon. Hindi ko iyon magagawang iwasan at takbuhan kahit na anong gawin ko. Mahigpit niya na akong binigyan ng yakap. Mga yakap na puno ng pang-unawa niya.
“Kapag ginawa ka niyang asawa o kahit kabit na lang ay hindi mo na kailangan pang bumalik sa lugar na ito. Pwede ka ng makawala sa tanikala ng iyong gabi-gabing pagsasayaw yakap ang pole. Hindi ba at mas maganda iyon? At kahit na hindi mo siya gusto o kahit na alam mo sa sarili mong hindi kayo bagay na dalawa, at least siya na lang ang pakikisamahan mo na hindi kagaya dito Senda. At saka maaari mo ng kalimutan ang masakit na inabot mo sa lugar na ito, hija. Magagawa mo na ang lahat. Pwede ka na ‘ring bumalik sa iyong pag-aaral at muli pang abutin ang iyong mga pangarap na ninakaw sa'yo ng panahon.” patuloy niya pang kumbinsi sa akin, may punto naman siya, tama naman ang mga sinasabi niya ngunit hindi ko naman alam kung kaya kong magpanggap pagkatapos na ibigay ko sa lalaking iyon ang aking katawan. Nasisiguro kong hindi na magiging kagaya ng dati ang trato ko noon sa aking sarili. “Para sa'yo naman ang lahat ng ito hija, hindi lang para sa club. Ang lahat ng ito ay ginagawa ko para sa iyong maayos na bukas.”
“Tita Roxa...” nanginginig ang tinig na sambit ko, patuloy pa 'ring humihikbi. “I've told you na hindi ako magbebenta ng sarili ko!” may diin kong turan sa kanya, kahit na alam kong maganda ang hangarin niya hindi ko pa rin matanggap ang iginigiit niya sa akin.
“But this is also your luck and a chance Senda, to get out from this place. Grab and snatch that chance. Gamitin mo na Senda ang pagkakataong ito upang makatakas ka at tuluyang makalayo sa lugar na ito.” patuloy nitong hinawakan pa ang kanyang noo na para bang problemado na sa hindi ko pagkakaintindi sa mga nais niyang mangyari, “Pikit-mata mo iyong subukan para makaalis ka na sa lusak at putik na iyong kinasasadlakan. Use him, gamitin mo siyang daan. Malay mo, matutunan mo siyang mahalin sa hinaharap?”
Sa kanyang tinuran ay lalo pa akong napaiyak. Tama naman siya ayoko lang iyong tanggapin dahil pilit kong pinapaniwala ang aking sarili na may pagkakataon pang iba maliban dito. Pero kung aking pagninilayang mabuti ay perpekto nga ang pagkakataong ito na daan upang makawala at tuluyang makaahon ako sa lusak at putik. Higit na maayos pa siyang mag-isip kung ikukumpara ko siya sa aking sariling ina, na pera lang ang tanging iniisip bilang kapalit ng aking mga paghihirap at ni minsan ay hindi niya man lang inisip.
“Tita Roxa...” malat ang tinig na tawag ko sa kaniya, masamang-masama pa rin ang timpla ko nang mga sandaling iyon.
“Subukan mo siya hija, kapag hindi siya nag-work out sa pagitan niyong dalawa ay hahanap tayo ng iba na matatanggap ka rin nang buong-buo.” kapagdaka ay turan niya sabay haplos sa aking likod, “Huwag kang mawawalan ng pag-asa.”
Sa kanyang mga naging litanya pa ay mahigpit ko na siyang ginantihan ng yakap. Nakakahiya man na nagalit ako sa kanya kanina, pero ngayon ang dahilan noon ay malinaw na malinaw na. Hindi niya naman ako nais na mapahamak, dahil ang tanging nais niya lang na mangyari ay ang tuluyan akong makawala sa kadena ng lugar na ito. At minasama ko iyon dahil mali ang pagkakaintindi ko.
“Pumapayag na po ako, pero sana po ay bigyan niyo ako ng ilang araw na pahinga at upang makapag-isip na rin po sana Tita Roxa.” pakiusap ko na agad niyang ikinatango, punong-puno ng pang-unawa ang mga mata niyang nakaburo sa aking mukha ng mga sandaling iyon. “Huwag niyo rin po sana itong banggitin kay Mama, kilala niyo naman po siya pagdating sa salapi hindi po ba?”
“Sige, huwag kang mag-alala at ako na ang bahala sa kanya. Maaasahan mo na ang usapang ito ay sa pagitan lang nating dalawa.” sang-ayon niya sa akin, alam ko sa aking sarili na mapagkakatiwalaan naman siya kung kaya naman ay hindi na ako nag-aalala na ang plano naming iyon ay mabubulilyaso pa. “Ang sasabihin ko ay mura lang ang pagkakabili sa'yo, hindi ko ipaparating na milyon ang naging halaga mo. Hindi niya dapat na malaman agad iyon hangga't hindi ka pa nagiging maayos sa piling ng lalakeng iyon.” puno ng pag-asang turan niya, hindi ko maintindihan kung bakit ganun na lang kalaki ang paniniwala niya sa lalakeng nakausap. Hindi kakakitaan ng kahit anong takot ang kanyang mga mata, marahil ay dahil sa baka matandang hukluban na ang lalakeng iyon.
“Maraming salamat po, Tita Roxa. Pasensiya na po sa aking inasta kanina, hindi ko lang po talaga nagustuhan ang nangyari kanina.”
“Walang anuman, o siya umuwi ka na at nang makapagpahinga ka na. Umaga na rin naman, huwag mo ng isipin ang mga nangyari.” marahang tapik niya pa sa aking isang balikat, maliit siyang ngumiti kahit na mababanaag na ang pagod sa mga mata niya ngayon.
Pagkatapos muling magpaalam sa kanya ay lumabas na ako ng nasabing club. Sa aking bihis at itsura ngayon ay walang mag-aakala sa aking trabaho. Walang magdududa na marumi ang pinagkukunan ko ng aking pera. Nakihalo na ako sa mga taong paroo't-parito sa lugar na iyon, sumabay sa agos nila hanggang sa humantong ako sa isang coffee shop. Papasikat pa lang ang araw ng sandaling iyon. Umaga na. Ilang sandali pa ay tuluyang puputok na ang panibagong bukangliwayway ng panibagong araw na may pag-asa.
“One ginger mint frappe, large.” agad na sambit ko sa kahera nang tumapat ako sa kanya, ngumiti siya sa akin at tumango habang abala nang nagpipindot sa kaharap niyang POS machine. Ilang sulyap pa ang kanyang iginawad sa akin, marahil ay nagtataka siya sa namamaga ko ng mga mata. Paano ko nasabi? Panaka-naka pa ang tingin niya sa aking mukha, kinikilala. “How much, Miss?”
“One hundred and fifty pesos po Ma'am,” tugon nito na dumampot na ng baso, binalingan ko ang aking bag na dala at kinuha na doon ang aking wallet upang bayaran ang halagang sinabi niya. “Ano pong pangalan niyo ang ilalagay ko dito Ma'am?”
Malawak akong ngumiti sa kanya. Ini-umang na ang perang bayad sa halaga ng ino-order kong frappe.
“Lady--” mabilis akong natigilan sa pangalang napipintong sabihin sa kanya, nasanay na sa bansag na iyon sa akin, “Senda na lang.”
“Noted po Ma'am Senda, served na lang po namin.”
“Okay, thank you.”
Tinanggap niya ang aking bayad at binigyan ako ng number, ngumiti ako bago tumalikod sa kanya upang maghanap na ng pwesto. Pinili kong upuan ay ang lugar na tago at dulong bahagi ng nasabing coffee shop. Sa salitang luya o ginger, ang aking pinsan na si Miura ang aking naalala. Gusto ko sana siyang puntahan at kausapin kaso nahihiya ako dito. Malaki ang kasalanan namin ni Mama sa kanya, noong mga panahon na kailangan niya kami bilang masasandalang kamag-anak niya ay naglaho kaming parang bula dito. At alam ko sa aking sarili na galit siya sa amin dahil sa mas malalim na dahilan noon. Iyon ang pumipigil sa aking makipagkita pa.
“Kumusta ka na kaya ngayon, Miura?” tanong ko sa kawalan na sinundan ng malalim na bumuntong-hininga, ipinatong ko pa ang aking kaliwang pisgi sapalad na nakatukod na sa munting lamesa na nasa aking harapan. Pilit na inaaninag sa aking balintataw ang mukha niya noon, iniisip kung iyon pa rin ba ang kanyang hitsura hanggang sa mga sandaling iyon. Maliit lang akong ngumiti dahil sariwa pa sa aking balintataw ang matingkad niyang mga ngiti na alam kong sa mga sandaling iyon ay tuluyang naglaho na sa mukha niya. “Kasama mo pa rin ba hanggang ngayon si Geron? Sana ay nasa maayos lang kayong kalagayang dalawa. Sana ay okay kayo.”
Malalim akong muling humugot ng hininga. Umayos na ng upo at inilinga-linga na ang mga mata sa kabuohan ng nasabing coffee shop. Naghahanap ng mga kakilala ngunit ni isa ay wala akong makita. Pawang mga estranghero ang lahat ng naroon. At ni isa ay wala o hindi ko kilala. Ang huli naming pagkikita nina Miura ay noong bakasyon pa noong nasa Senior High pa lang kami ng mga ito, pagkatapos na mamatay ang kanyang magulang sa isang nakakapanlumong aksidente. Ganundin si Geron, at ilang taon na ang lumipas magmula noon. Mahina ang patak ng ambon sa labas, naisip ko na dumaan dito dahil wala akong payong. Maging sa patak ng ulan ay naaalala ko siya, siguro nga ay pinahalagahan ko rin sila bilang kaibigan. Iyon nga lang ay nasilaw ako sa salita ni Mama. Nagpabulag ako dahil sino nga namang ina ang hahangaring mapahamak ang kanyang anak? Syempre wala, si Mama lang talaga ito.
“Mama, huwag na po kaya nating ituloy ito. Nakakaawa naman po si Miura kapag nalaman niyang kinuha natin ito.” pigil ko sa kanya matapos ilibing ng magulang nila, nakasadlak pa sa labis na lungkot si Miura ng mga sandaling iyon at halatang wala pa rin ito sa kanyang tamang katinuan. “Hindi po ba at nakakaawa silang dalawa ni Geron sa mga nangyari tapos gagawin pa natin sa kanila ang bagay na ito? Mama, kakamatay lang po pareho ng tig-isang mga magulang nila. Maawa ka po sa kanila, Mama...”
“Sa sarili nating dalawa, hindi ka naaawa?” pabalagbag na tugon nito na animo ay wala ng kahit anong pakialam sa sinasabi ko, “Wala rin tayong pera Senda. Hindi ba at may mga pangarap ka? Para naman ito sa'yo at hindi sa pansariling kapakanan ko lang.”
“Mama, hindi ka ba kinakabahan man lang? Nanakawin mo ang kanilang mga ari-arian. Kakamkamin po ang ari-arian nila. Walang matitira sa kanila, san na sila titira? Paano pa sila magpapatuloy na mabuhay na dalawa? Mama, huwag na po...”
“Bakit naman ako kakabahan?” balik-tanong nito sa akin, nasa loob kami ng silid at inaayos ang dokumento ng kanilang mga ari-arian. Sa kanyang mga tinuran ay labis na akong kinakabahan. Iniisip ko na kung ano ang magiging reaction ng aking pinsan kapag nalaman nilang wala ng natira na kahit na ano sa naipundar ng mga magulang niya. “May karapatan din naman tayo sa mga ito, Senda. At saka wala na tayong pakialam kung saan sila pupuluting dalawa, gumawa sila ng paraan para magpatuloy na mabuhay.”
“Ayon na nga po Mama, hindi man lang ba natin bibigyan silang dalawa? Hindi ba at karapatan ni Miura na makihati sa mga mapagbibintahan? Panimula nilang dalawa ni Geron, Mama, alam naman po nating pareho na mag-aaral sila ng kolehiyo.”
“At para saan? Malalaki na silang dalawa, maykaya naman ang kamag-anak ni Geron. Sila na ang bahala sa kanila. Siguro naman ay kukupkupin sila ng mga iyon at hindi pababayaan. Huwag mo ng alalahanin pa ang dalawang iyon, buhay natin ang isipin mo.”
Hindi ko maintindihan kung bakit ganun ang midset ni Mama. Marahil ay naging sakim lang talaga siya at nasilaw sa salaping magiging kabayaran ng mga ari-arian nila. Ngunit ang isang kasinungalingan na pinaniwalaan ko ay ang pag-aaralin niya ako. Pagtatapusin niya ako ng kolehiyo gamit ang perang iyon. Bagay na hindi ko dapat pinaniwalaan dahil pawang kasinungalingan.
“Pero Mama--”
“Huwag mo akong hadlangan Rosenda, kung ayaw mo sa aking sumama ay maiwan ka dito at makiramay sa kanila hangga't gusto mo.” anitong sigurado na sa kanyang mga plano, wala na talagang makakapigil pa sa kanya. At sigurado akong kahit sabihin ko pa iyon kay Miura at malaman nila, magdudulot lang iyon nang mas malaking gulo kung kaya minarapat kong manahimik na lang ako. “Maghihirap ka na kagaya nila, akala ko ba ay nais mong maging cabin crew? Ayaw mo ba? Ayaw mong makatapos ng college?”
Mapakla na akong napangiti nang maalala na sinabi niya sa akin iyon. Sa lahat ng kanyang mga ipinangako sa akin, ni isa ay wala siyang natupad. Hindi niya ako pinag-aral. Isa iyon sa mga bahgay na pinagsisisihan ko. Na sana mas pinili ko na lang na sabihin kay Miura ang mga bagay na iyon keysa maging kakampi ng aking ina sa mga kamaliang ginawa niya. Naisip ko rin na marahil ay isa iyon sa mga dahilan kung bakit nararanasan ko ang mga bagay na ito. Kinakarma na ako, sinisingil na ng panahon ng dahil dito. Umayos pa ako ng aking upo at humingang muli nang malalim, na tila kapag ginawa ko iyon ay maiibsan ang bigat na aking dala sa aking puso tuwing maiisip ko ang mga pagkakamaling iyon ng aking ina sa pinsang hindi ko alam kung nasaan na ng sandaling iyon.
“Here is ginger mint frappe, Miss Senda.” lapag sa aking harapan ng crew ng coffee shop, mabilis kong ikinurap ang aking mga mata at matamis ng ngumiti sa kanya. “Enjoy your frappe, Miss Senda.”
Tumango lang ako at hinawakan na ang baso, “Thank you so much.” sambit kong binuhat na iyon upang tikman ang pamilyar nitong lasa.
Tumango lang ito at umalis na sa aking harapan. Sa aking pagsipsip sa frappe na ini-order ay agad na bumalik ang mga alaala ng mga unang araw naming dalawa dito ni Mama sa bayan ng Aurora. Mga alaala na gustong-gusto ko ng kalimutan noon pa man.