Malawak ang aking mga ngiti habang pumapasok sa bulwagan ng dalawang palapag na tahanan na ang sabi ni Mama ay kanyang binili para sa aming dalawa. May terasa iyon sa labas ng aking silid at ang pinakatuktok naman nito ay ang ipinangako niya pang rooftop. Rooftop na maaari naming tambayan kung kinakailangan tuwing gabi o pwede na palipasan ito ng oras kapag nakakainip sa loob ng bahay. Bitbit ang ilang maleta na aming dala mula sa aming bahay na inabandona na sa General Luna. Kumikislap pa sa saya ang aking mga mata nang sabihin ni Mama na may sarili ako ditong silid, may pool din ang likod ng bahay. Ibang-iba iyon sa tahanan nina Miura na bagama’t maganda naman ay wala pa rin doong sinabi kung ito ay ipagkukumpara. At higit na iba sa tahanan naming ibenenta noon ni Mama.
"Mama, dito na po ba talaga tayo titira?" hindi pa rin makapaniwala kong tanong sa kanya na proud na humahakbang upang buksan ang main door ng aming bagong bahay. Hindi mapawi ang mga ngiti sa kanyang labi. Nalalatagan ng bermuda grass ang paligid ng bahay at mayroong mamahaling mga halamang nakatanim sa bawat sulok noon na namumulaklak.
"Oo, Senda, ito na ang tahanan nating dalawa simula ngayong araw anak." proud na proud pa nitong tugon sa kanya, “Hindi na natin kailangang magtiis sa nakakasulasok na paligid.”
Higit pang lumapad ang aking mga ngiti na umabot na sa aking mga mata nang pumasok na ako sa tanggapan nito. Malinis at animo ay tirahan ng mayayaman ang nasabing tahanan. Ni minsan ay hindi ko naisip na makakakuha kami ni Mama ng ganung klaseng bahay. At kahit pa alam kong hindi galing sa mabuting paraan ang ipinambayad doon ay kibit-balikat na lang ako dito. Itatama ko na lang iyon sa susunod na panahon, kapag may pagkakataon na.
"Mama, binili mo na po ba ito para matatawag na nating atin o re-rentahan lang muna nating dalawa na pansamantala?" muli kong tanong sa kanya, nais ko lang manigurado.
Mahina na siyang tumawa, umangat ang gilid ng labi na pulang-pula sa lipstick nitong suot. Nakilala ko siyang ganito na ang hitsura, biglang naging mapostura. Sa tikwas ng kanyang kilay ay animo galing siya sa may sinasabing pamilya dahil sa mga alahas na nakasabit sa kanyang leeg na hindi ko alam kung saan at kung paano niya iyon nakuha. Ibang-iba na siya ngayon sa aking nakagisnang simpleng ina. Ganunpaman ay wala ako doong reklamo, maaga rin niya akong iminulat sa ganung pag-aayos ng sarili. Kung si Miura ay version ng isang simpleng dalagita, ako naman ay kakaiba. Madalas akong may kolorete sa mukha na kagaya ng aking ina, marahil ay ginagawa ko ito upang ipakita kay Mama na kawangis ko.
"Binili, mula ngayon ay sa atin na ang bahay na ito anak iyan ang idikit mo sa iyong utak. Ang lahat ng gusto mong gawin sa loob ng bahay na ito ay magagawa mo na. Wala na sa’yong pipigil, hindi na natin kailangang magtiis sa masikip na silid o matulog sa malamig na sahig kahit na taglamig. Mayroon na tayong choices, may mga comforters na rin sa gabing malamig ay yayakap sa ating mga katawang namamaluktot. Hindi ba at ipinangako ko sa'yo na mula ngayon ay bibigyan na kita ng ayos na bukas? Ito na iyon, ito na ang simula anak."
Hindi ako nagkomento sa kanyang mga sinabi, nanatili akong tahimik at bingi sa isinisigaw ng aking puso at isipan ng mga sandaling iyon. Deep in my heart ay alam ko na ang perang ginamit niya dito ay ang pera na pinagbintahan niya ng mga ari-arian nina Miura, na aking pinsang buo. Wala na akong ibang maisip pa kung saan siya kukuha ng ganun kalaking halaga ng pera lalo na kung para lang iyon sa luho naming dalawa. Ganunpaman ay pikit-mata ko iyong tinanggap, hindi ako tumutol kahit pa nagsusumiksik ang hitsura ng aking pinsang lumuluha sa aking balintataw. Ang aking pinsan na ulila nang lubos ngayo pa man. Kahit na nakakakonsensiya, hindi ko magawang magreklamo sa ginagawang ito ni Mama.
"Oh, ano pang ginagawa mo diyan? Bakit hindi ka pa umakyat sa ikalawang palapag at tingnan ang iyong malawak na silid? May kailangan lang akong tawagan bago kita sundan sa itaas." anito pang isinenyas sa akin ang hagdanan paikot na patungo ng ikalawang palapag ng nasabing tahanan, "Lakad na, Senda. Pagmasdan mo at namnamin ang bago mong silid." mahina pa nitong tawa na hindi ko na lang pinuna, kilala ko siya, at ito na talaga si Mama.
Hilaw akong ngumiti at tumango sa kanya, kita ko ang kasiyahan na bumabalot sa kanyang mga mata ngunit hindi ko iyon mahanap at maapuhap sa aking buong sistema. Hindi ako masaya. Hindi ako nasisiyahan sa ganda dito. Marahil ay dahil alam ko na sa kabilang ibayo ng aming mga ngiti ni Mama ngayon ay luhaan ang aking pinsan sa kakahanap kung nasaan kami dahil sa nalaman na nitong hindi na nila pag-aari ang naipundar ng mga magulang niyang ngayon ay nasa kabilang buhay na. Bagay na patuloy na lumalamon sa akin ngayon. Iniisip ko na paano niya iyon kakayanin? Kahit pa sabihin na kasama niya si Geron, hindi pa rin ito sapat upang maampat ang kanyang mga luha. At masasaktan pa rin nito si Miura.
"S-Sige po, Mama." maikling saad ko na kumurap-kurap na ang aking namamasang mga mata, kailangan ko iyong itago sa kanya kung ayaw kong magalit ang aking ina sa akin.
"And huwag kang mag-alala anak, may maid tayong kasama na mag-aasikaso sa atin dito kung kaya naman hindi mo kailangang kumilos at dumihan ang iyong mga palad gaya dati."
Hindi na ako muling nagkomento doon, naisip ko na marahil ay sadyang nais niya lang na bigyan ako ng magandang kinabukasan. Magandang buhay na ni minsan ay hindi ko pa nararanasan kahit na hindi naman kami ni Mama madalas na nagugutom noon. Magandang buhay na kagaya na lang noong pangako niya sa akin. Marahil ay ngayon na niya iyon sisimulan, kahit na mali ang naisip niyang paraan dito. Ang kaibahan lang ay hindi naman ako masaya dito dahil sa paraang ginawa ni Mama, maibigay lang ito sa akin. Hindi ako masaya dahil alam kong sa kabilang ibayo may nayuyurakan kaming kinabukasan ng iba.
"Aakyat po muna ako, Mama." senyas ko sa kanya sa hagdan, rumaragasa sa aking dibdib ang sakit habang naiisip ang kalagayan ngayon ni Miura at ng kanyang kinakapatid kung nasaan man silang dalawa. At sinigurado kong hindi iyon makikita o mapapansin ng aking ina kahit na titigan niya pa ako nang mataman. "Tawagin niyo na lang po ako mamaya."
"Sige, Senda." ngiti pa nitong inilabas na ang bagong unit ng cellphone na binili niya kahapon. Inilapit na niya iyon sa kanyang tainga matapos na mayroong tawagan dito.
Mabagal na tinalunton ko ang daan paakyat ng hagdan. Sa aking bawat pag-akyat sa baitang noon ay parang pinipiga naman ang aking puso. Habang narito kami at nasisiyahan alam ko na ang aking pinsan ngayon ay nahihirapan. Siguro ay alam na nila iyon ngayon, ilang araw na ang lumipas at paniguradong may pupunta na doon sa kanila upang sabihin na hindi na nila pag-aari ang kanilang tahanan ngayon at iba pang ari-arian. Hindi ko lubos maisip ang sakit na nakalarawan sa mukha ni Miura ngayon. ANg babaw pa naman ng luha ng pinsan kong iyon. Ulitimong maliit na mga bagay ay kanyang iniiyakan, kaya hindi malabo na gawin niya ang bagay na iyon sa malalaman at hindi rin malabong kamuhian niya kami ni Mama. Hindi ko na napigilan pa na mamasa ang bawat sulok ng aking mga mata ngayon nang dahil doon. Maaaring masama akong pinsan sa kanya noon, pero may lukso pa rin ako ng dugo. Magpinsan pa rin kami, ang dugo ko ay may bahagi ng dugo niya na patuloy na dumadaloy. May share pa rin kami ng pagkataong dalawa kahit na itakwil namin ang bawat isa ngayon.
"Miura, kapag nakatapos na ako ng pag-aaral sa kolehiyo at nagkaroon ng magandang trabaho ay babalikan kita. Hihingi ako ng tawad sa'yo hanggang sa mapatawad mo ako, kung kinakailangan na lumuhod ako ay gagawin ko. Babayaran ko ang lahat ng kinuha ni Mama sa'yo, babayaran ko ng doble. Ibabalik ko ang tahanan niyo, ang negosyo niyo. Hindi ako titigil hangga't hindi mo ako napapatawad sa mga ginawa ni Mama. Ibabalik ko kung ano ang para sa'yo, pangako ko iyon, Miura." usal ko nang marating na ang bulwagan ng ikalawang palapag ng bago naming tahanan. "Hintayin mo lang akong makatapos, Miura."
Gumapang ang sakit na nasa aking kalamnan, kasabay ng marahan kong paghigop sa frappe na nasa garap kong lamesa. Ilang taon na ang nakakalipas pero sa halip na umangat pa kami ni Mama sa buhay ay nabaligtad iyon, unti-unti kaming lumubog dahil sa naging bisyo niya. At ang pangako niya sa aking pag-aaral ng college ay naglahong parang bula sa matayog na alapaap. Hindi niya iyon tinupad, hindi niya ako pinag-aral upang makatapos ng kolehiyo at maabot ko ang aking mga pangarap noon. Wala siyang tinupad kung hindi mga pasakit din.
"Mama, kailan na po ako mamimili ng aking mga gamit sa school?" isang umaga ay tanong ko habang nag-aalmusal pa kami, nakakunot ang kanyang noo habang ang mga mata niya ay matamang nakatuon lang sa screen ng kanyang cellphone na hawak. Halata ang pagiging problemado ng mga mata niya ngayon. "Kahapon po sa paglabas ko ay nakita ko na marami ng nagtutungo sa mga pamilihan dito upang humabol sa last day sale ng mga gamit sa school." kwento ko pa sa kanya kahit na halatang hindi niya naman ako pinapakinggan.
Nag-angat lang ito ng tingin sa akin ngunit hindi naman ito nagbigay ng opinyon niya. Naka-enroll na ako doon ilang araw matapos naming lumipat dito at ang kailangan ko na lang ay ang school uniform at gamit sa school. Ilang araw pa ay magsisimula na ang pasukan sa bayang iyon, medyo huli ditong magsimula ang pasukan kumpara sa kalapit nitong mga bayan. Nabasa ko iyon sa social media nang magbukas ako, ang iba ay nagsisimula na dito.
"Mama, kung busy naman po kayo ay hayaan niyong ako na ang mamili ng aking mga gamit. Bigyan niyo na lang ako ng pera para hindi ako maging abala sa'yo." mungkahi ko pa ditong nahalata na ang ilang araw ng pagkawala ng aking ina sa tahanan namin. Naisip ko na may pinagkakaabalahan itong pagkakakitaan niya, tiwala akong gumagawa siya ng paraan upang hindi maubos ang napagbintahan at nakatagong pera niya na inilagay niya rin sa bangko. "Kaya ko namang mamili noon at independent naman akong babae mula noon. Hindi ako mawawala. Kung gusto niyo namang hindi ako mag-isa ay magpapasama na ako kay Ate."
Ang tinutukoy ko ngayon ay ang aming kasama sa bahay na naging kapalagayan ko na rin ng loob. Mabait ito at parang halos ay ka-edad ni Mama, ilang taon lang ang tanda ni Mama.
"Wala ang iyong Ate, nagpaalam na uuwi muna ng kanilang bayan dahil daw ay emergency. Pinayagan ko na at ilang araw naman siyang mawawala. Ilang araw siyang mawawala dito, Senda kaya kailangan mong kumilos muna habang wala siya." tugon ni Mama na hindi pa rin maalis ang mga mata sa screen ng cellphone niya, tumango-tango lang ako. Sanay naman ako noong inuutusan niya, noong nasa General Luna pa kami. "Pero sige, bibigyan kita bukas ng perang pambili mo ng iyong mga gamit sa school, pagkasyahin mo na lang muna."
Lumapad pa ang aking mga ngiti kaalinsabay ng aking paulit-ulit na pagtango. Hindi ko na maipaliwanag ang saya sa aking sistema. Titipirin ko na lang ang perang ibibigay niya sa akin, sa loob ng palengke na lang ako bibili. Itatabi ko ang magiging sukli nito kagaya ng dati.
"Sige po Mama, anong oras po bukas?"
"After breakfast." tipid nitong tugon sa akin.
Hindi ko pinansin ang pagkabalisa sa kanyang mga mata na aking nabasa nang tumayo na siya at dalhin sa lababo ang pinagkainan niya. At dahil binigyan niya ako ng pangako ay ako na ang nagpresentang maghugas ng pinggan, lalo na at wala ang aming kasama sa bahay.
"Hindi ko na mahintay pa na magsimula ang pasukan," bulong ko habang binabanlawan ang pinggan na aking sinabon, "Ito na ang unang hakbang patungo sa aking mga pangarap."
Pagak na ako doong natawa, inalog-alog ng aking palad ang hawak na baso ng frappe. Kung noon ay punong-puno ako ng pag-asa, ngayon ay naglaho na iyong parang bula sa kawalan.
“Wala siyang tinupad kahit na isa sa kanyang mga pangako sa akin noon, wala kahit na isa.” mahinang bulong ko na gumagapang na naman ang lumalayag pang maraming hinanakit, "Wala kahit na ang perang pambili ng aking mga gamit sa school noon."