Muli pa akong uminom sa baso ng aking frappe, may malungkot pa ‘ring nakapagkit na mga ngiti sa aking labi. Ilang sandali pa ay muli kong ibinaling ang aking mga mata sa labas ng naturang coffee shop. Lalo pang lumakas ang patak ng ulan sa labas, bagay na nagpapaalala pa sa akin sa pinsang si Miurasel. Hindi mapigilang sumagi sa aking isipan na noong mga bata pa kami at nag-aaral ng huling taon sa highschool ay mahilig silang dalawa ng step-brother niyang si Geron na maligo sa malakas na buhos ng ulan. Kung minsan pa nga ay nagagawa kong makisali at makisaya sa kanila, tapos makikita kami ni Mama at sisimulan kaming sawayin na tatlo. Ayaw na ayaw niya kaming nakikitang naliligo sa ulan at kapagdaka ay magdudumi sa loob ng mismong bahay. Ang sarap balikan ng mga panahong iyon. Sobrang musmos pa namin at walang pakialam pa sa mundo, ngayon ay marami na ang nagbago.
“Pumunta kaya ako ngayon sa bayan ng Mulanay, umuulan din kaya doon ngayon?” tanong ko na muling dinala sa aking labi ang bunganga ng basong mayroong lamang frappe, sumilay na ang kakaibang ngiti sa aking labi na mayroong kurot ng kalungkutan. “At saka sino pala ang pupuntahan ko doon? Sigurado naman akong wala na doon si Miura at Geron. At kung nandoon pa man, hindi rin ako sigurado kung magagawa nila akong pansinin at muling kausapin. Sobrang lala ng mga ginawa sa kanila ni Mama, at alam ko sa aking sarili na walang kapatawaran iyon.” malungkot ko pang turan na muling uminom doon, mas bumigat pa ang aking emosyon ng pangungulila na nakadagan sa loob ng aking dibdib. “Kung hindi lang sana nabenta ang bahay nila ay malamang naroon pa rin silang dalawa, kasama ng aming karanasan noong kabataan. Pwede akong pumasyal doon sa mga ganitong panahon, kaya lang ay nabenta.”
Mapakla pa akong ngumiti, alam ko sa aking sarili na malaki ang share ko sa kasalanan sa kanilang dalawa nang dahil sa mga ginawa ni Mama. Iyong mga pagpapahirap niya sa kanila at lalo pang nadagdagan ang bigat noon nang maisip ang mga ginawa sa akin ni Mama, hindi niya tinupad ang pangako niya kapalit ng pinagbentahan ng minamahal na tahanan ng aking pinsang si Miura.
“Kung pinigilan ko lang sana noon si Mama. Kung may lakas lang sana ako ng loob ng panahong iyon ay siguradong hindi nawala ang aming komunikasyong magpinsan. Baka hanggang ngayon ay nag-uusap pa rin kaming dalawa. Hindi rin sana naputol ang ugnayan naming dalawa ni Miura bilang magpinsang-buo na alam kong itinakwil na ako. Kung nakaya ko lang sanang lumaban.”
Mabilis na akong napatungo, pilit na nilulunok ang malaking bara na nasa aking lalamunan na alam kong magiging aking luha. Kung pwede ko lang balikan ang oras at panahong iyon ay babaguhin ko ang aking naging desisyon. Hindi ko hahayaang lamunin si Mama ng pagkaganid niya at walang habas niyang pagkamkam sa mga ari-arian nila Miura. Hindi ako papayag na gawin niya iyon sa kanila lalo pa at hindi niya naman tinupad ang pangako niya sa akin. Mabilis ko ng ikinurap-kurap ang aking mga mata, pinipigilan ang pagbaba ng aking mababaw na mga luha. Ganun yata talaga kapag nalulungkot ka, mapapabaliktanaw ka sa mga nakaraan mo.
“Kung pwede lang sana akong bumalik sa nakaraang iyon ay mabilis na ginawa ko na sana ito ngayon.” mahinang bulong ko na ang mga mata ay nasa patak pa rin ng ulan sa labas ng coffee shop, “Kung pwede ko lang sanang balikan ang panahong iyon ngayon.”
Muli ko pang itinuon ang aking paningin sa mas lumakas pang buhos ng ulan. Panaka-naka ang higop ko sa frappe na nasa aking tangan. Ngunit tila parang isang himala na pagkaraan ng ilan pang mga minuto ay tuluyan na iyong tumila at mabilis na nawala.
“Sa libingan na lang kaya nina Tita Melinda ako magpunta? Baka sakaling naroon si Miura at bumibista sa kanila. At least maaari akong humingi ng tawad sa kanya. Alam kong galit na galit siya sa akin, ngunit pasasaan ba at mapapatawad niya rin ako. Hindi naman siya mahirap unawain, alam kong may busilak pa rin siyang puso pagkatapos ng lahat ng mga nangyari.” sambit ko na mabilis ng tumayo mula sa aking pagkakaupo, ngunit mabilis na muling napaupo nang makitang mabigat pa ang baso ng aking frappe. Uubusin ko muna. “Hindi ito malabong magkita kami doon dahil sigurado akong kahit na anong mangyari ay patuloy siyang bibisita sa kanila. Iyon ang naging hingahan niya ng sama ng loob, sabihan ng kanyang mga problema, ang puntod ng kanyang ama.”
Matapos na ubusin ang aking iniinom ay mabilis na akong tumayo. Buo na ang aking desisyon, pupunta ako ngayon sa libingan ng mga magulang ni Miura. Magbabakasakali akong magkita kaming dalawa. Kasihan ng pagkakataong magtagpo ang landas namin.
“Thank you for dine in, please come again!” kurong saad ng mga staff paglabas ko ng shop na maliit na ikinangiti ko lang.
Mataas nang muli ang sikat ng araw sa kalangitan. Hindi kakapansinan iyon ng p[anaka-nakang pagbuhos ng ulan. Pumara na ako ng tricycle at sinabi dito kung saan ang aking tungo. Sa biyahe pa lang ay naiiyak na ako, hindi ko alam kung ano ang mga bagay na sasabihin ko kay Miura oras na magkaharap kaming dalawa bukod sa gagawin kong paghingi ng tawad sa aming mga kasalanan.
Siguro naman ay hindi ganun kasuko ang galit niya sa akin, siguro naman ay magagawa niya pa akong patawarin ngayon.
Tahimik kong tinalunton ang daan patungo ng libingan, alam na alam ko iyon dahil naroon kami ng ilibing ang kanilang mga magulang. Naging saksi kami sa lahat ng sakit na pareho nilang pinagdaanan ni Geron. Kami ang magpapatunay ng walang katumbas na sakit nilang pinagdaanang dalawa, kung kaya naman hindi ko mapigilang lamunin ako nang labis na konsensya.
“Sana makita ko na siya, nakahanda naman akong humingi ng tawad sa mga kasalanan namin ni Mama. Alam kong mahihirapan akong lunukin ang mga salitang sasabihin niya, ngunit ayos lang. Ang mahalaga ay iyong muli kaming mag-usap na dalawa nito.” bulong ko habang patuloy na humahakbang na patungo at papasok pa sa tahimik na lugar na iyon. “Makakahinga ako ng maluwag.”
Malayo pa lang ay may natanaw na akong bulto ng katawan, bagay na mabilis kong ikinatigil sa aking paghakbang. Bumilis na ang t***k ng aking puso sa bulto pa lang na iyon. Hindi ko na maintindihan pa ang matinding kalabog sa loob ng aking dibdib. Kaagad nang nanlabo ang aking mga mata dala ng masaganang mga luha. Hindi ko alam kung paano ko ipapaliwanag ang nararamdamang saya na may kahalong sakit sa muling pagkikita naming dalawa ng aking pinsang si Miura, ng aking pinsan na sinaktan ng aking ina. Ginamit ni Mama ang kahinaan niya para sa kanyang pansariling kapakanan. Inabuso niya ang kabaitan nito at ginawa niyang tanga.
“Miura...” mahina kong tawag sa pangalan niya na mas lalo pang bumagsak ang aking mga luha pababa, naghalo na ang sipon at ang aking mga luha. Marami akong nais na sabihin sa kanya, marami akong mga sumbong na alam kong siya lamang ang makakaunawa. Marami akong kwentong naipon, marami akong hinanakit na nais ihinga sa kanya kahit na noon pa man ay hindi naman talaga kami close na dalawa. Palagi kaming hindi magkasundo. Palagi kaming may away na dalawa. Ngunit madalas na nagiging maayos naman kami nito. Lumala lang talaga noong huli. “Miurasel...” sambit ko pa sa kanyang pangalan na mabilis ng tumakbo palapit sa pwesto.
Hindi ko na alintana ang aking hitsura ng mga sandaling iyon, patuloy akong humikbi kahit na sa aming dalawa ay siya dapat ang umiyak at hindi ako. Wala akong karapatan na gawin ang bagay na ito sa kanyang harapan dahil sa mga nagng kasalanan namin sa kanya ni Mama. Wala akong karapatang lumuha o kahit na ang magsumbong sa kanya ng mga kalokohan ng aking ina. Ang dami naming kasalanan ni Mama sa kanya, hindi ko na mabilang o maarok ang mga luhang kanyang ibinuhos nang dahil doon. Sa dami nito ay hindi sapat ang aking pagluhod at paghingi ng tawad nang paulit-ulit sa kanya. Pinagnakawan namin siya ni Mama, bukod sa mga ari-arian nila ay maging ang mga pangarap niya, nilang dalawa ni Geron ay nawala at iyon at nang dahil sa kagagawan namin.
“Patawarin mo ako Miura, sinubukan ko namang pigilan sa mga balak niya si Mama. Sinubukan ko siyang pigilan pero hindi siya nakinig sa akin. Sorry, Miura!” walang humpay ko na doong iyak, habang ang kanyang mga mata ay nanatiling nakaburo na sa akin.
Mababanaag doon ang ginagawa niyang pangingilala sa akin. Mukha yatang nakalimutan niya na ang hitsura ko sa tagal na noong huli kaming magkitang dalawa. Malaki rin ang ipinagbago ng kanyang hitsura, sa sobrang laki ay parang hindi ko na rin siya kilala.
“I am sorry Miura, humihingi ako ng tawad sa'yo...”
Ilang sandali pa ay mababakas na ang galit sa kanyang mukha. Mabilis na siya doong tumayo. Ini-angat niya ang palad sa ere na halatang gusto niya akong sampalin at saktan. Gusto niya akong bugbugin hanggang sa mawala sa mawala ang galit na namuo sa kanyang halatang naging malamig ng puso. Ngunit sa hindi malamang dahilan ay hindi niya iyon ginawa sa akin. Nanatili lang siya doong nakatayo at titig na titig sa akin ang mga mata niyang lunod na lunod na ngayon sa halo-halo niya ng mga emosyon dito.
“Kasalanan niyo ang lahat ng ito! Kasalanan niyong dalawa ng Mama mo kung bakit ko p[inagdadadaanan ang lahat ng ito!” sigaw na nito na naging dahilan upang mabilis pang mamalisbis ang aking mga luha sa mata, malakas na niya akong hinahampas sa magkabila kong balikat. Punong-puno ng galit ang kanyang mga matang nababalot na ngayon ng mapagluksa niyang mga luha. “Kung hindi niyo ibinenta ang bahay namin at ari-arian, hindi kami magkakahiwalay na dalawa ni Kuya Geron! Hindi siya aalis upang maghanap ng pera! Hindi niya ako iiwan sa lugar na ito nang mag-isa! Kasalanan niyo ito! Kasalanan niyo ang lahat ng ito!” patuloy nitong sumbat habang hinahampas niya ako sa aking magkabilang mga balikat, na para bang kapag ginawa niya iyon ay gagaan ang kanyang mabigat na pakiramdam. Na kapag ginawa niya iyon ay maiibsan ang lahat ng sakit na nararamdaman niya.
Patuloy na bumuhos ang ang aming mga luhang dalawa. Puno iyon ng pait at paghihinagpis sa kapwa namin sinapit. Punong-puno
ng pagsisisi ang aking mga mata, puno naman ng labis at umaapaw na hinanakit ang mga tingin niya sa akin. Alam kong walang kapatawaran ang aming ginawa ni Mama sa kanilang magkapatid. Inabandona namin sila gayong alam namin na wala na silang mapupuntahan pa. At ninakawan pa namin ng mga pag-aari nila. Gaano kahirap ng mga bagay na iyon sa kanilang dalawa ni Geron?
“I am sorry Miura, patawarin mo ako. Patawad insan, patawarin mo ako sa mga kasalanang ginawa ng Mama ko.” patuloy kong samo sa kanya, alam kong hindi iyon sapat, hindi rin noon maiibsan ang sakit ng lumipas pero sususbukan kong mapatawad niya.
Mariing iniiling niya ang kanyang ulo, animo ay hindi makapaniwala sa pagpapakita ko sa kanya nang mga sandaling iyon. Nababalot pa rin ng galit ang kanyang mga matang nakaburo sa aking mukha. Naiintindihan ko siya, nauunawaan ko siya dito.
“Paano niyo naaatim na maglustay ng pera na pag-aari ng iba? Magnanakaw kayo Senda! Magnanakaw kayo ng Mama mo!” sigaw niya pang bukas-palad kong tinanggap, tama nga siya, magnanakaw kami ni Mama at hindi ko iyon pwedeng ikaila at itanggi doon.
Tama naman ang sinabi niya at noon pa lang ay tanggap ko na iyon. Hindi ko itinatanggi na ganun nga ang pagkatao ng aking ina. Ng aking ina na nagawa akong ipagkanulo upang magkaroon lang ng pera sa bulsa. At ngayon nga ay ninanais pa ako nitong ibenta.
Ang bugso ng kanyang damdamin ay hindi niya na napigilan pa, hindi niya na nakontrol pa ang kanyang galit sa sa amin na ngayon
lang sumabog sa tagal ng mga taong lumipas na. Ang sama ng loob niya sa aming mag-ina ay patuloy na nanahan sa kanyang puso. Napakabuting tao niya at kahit na inaaway ko siya noon ay hindi siya gumaganti, palagi siyang walang kibo at palagi niyang pinapalagpas lang ang lahat. Inabuso namin iyon, inabuso namin ni Mama noon. Para siyang ang kanyang ama, walang imik at palaging pinagpapasensiyahan si Mama. Ayon na rin iyon sa kwento ng aking ina. Iyon ang namana ni Miura sa katauhan ng kanyang ama na maagang kinuha ng langit. At hindi matanggap ni Mama na ipinagpalit siya ni Tita Melinda, kahit pa sabihin na ilang dekada na ang lumipas magmula ng mawala ito ay tutol pa rin si Mama sa pag-aasawa ni Tita Melinda na may isang anak pa. Para kay Mama ay paglalaapstangan iyon sa kanyang kapatid na nakahimlay na. At iyon din ang nagtulak kay Mama upang pag-interesan niya ang kanilang ari-arian na naipundar ng sarili nitong kapatid kahit na alam naman niyang wala siya ditong karapatan.
“Anong masamang ipinakita sa inyo ni Mama noong nabubuhay pa siya, ha?!” patuloy ni Miura doong tanong habang umiiyak, wala akong ibang nagawa kung hindi ang damayan siya. Ang yakapin siya. Wala akong masabi ngayon lalo pa at may sarili rin akong problemang dinadanas. “Pagkatapos ng kanyang libing pinalayas ako sa aming sariling bahay! Naisip niyo ba iyon? Naisip man lang ba iyon ng Mama mo na puro pabor na lang ang ibinigay sa kanya ng Mama ko?! Makasarili kayo! Gahaman kayo, Senda!” patuloy pa nitong sumbat na kung maririnig lang sana ng aking ina ay paniguradong matatamaan ito nang husto, at masasapul sa mga salita.
“Miura—”
“Wala kayong utang na loob! Wala kayong mga puso!” patuloy nitong sigaw na bumasag sa tahimik na lugar na iyon, kagaya ng sabi ko kanina ay hindi ko siya masisisi na ganito ang magiging reaction niya sa aming unang pagkikitang dalawa. Normal lang iyon, malaki ang kasalanan namin sa kanya. At ngayong nagkita na kami, nakahanda akong pagbayaran ang lahat ng iyon. Pagbabayaran ko ito mapasalapi man. Sisiguraduhin kong makakabayad ako. “Kung wala si Eriza para tulungan kami, isa na ako ngayong taong grasa na palaboy-laboy sa kalsada, Senda!”