Nagtataka man sa aking pagbalik nang maaga ang mga kasama namin sa bahay ay hinid na sila naglakas ng loob pang magtanong sa akin kung bakit ako bumalik kaagad lalo na nang makita nilang hindi maipinta ang hilatsa ng aking mukha. Nagkunwari na lang sila na hindi nila napansin ang aking kakaibang hitsura. Normal lang na tiningnan nila ako, binati at kapagdaka ay binalewala na nila ang presensya ko matapos na suklian ko ang mga ngiti nila sa akin. Hinayaan lang din nilang magmukmok ako sa loob ng aking silid. Walang sinuman ang nagkaroon ng lakas ng loob na katukin ako doon at istorbohin. Sa loob ng aking silid ay muli kong ibinuhos ang lahat ng sakit ng emosyon na aking nararamdaman. Ang silid na iyon ang aking tanging binging saksi sa lahat ng aking mga napagdaanan sa buhay. Masakit man iyon o kaligayahan. Ito lang ang tanging saksi ng aking mga luhang walang kapaguran na bumababa, sinasalo ng yakap kong unan. Walang humpay pa ako doong umiyak na animo ay noon lang ako nagkaroon ng oras dito.
“Ang tagal na noong nangyari pero bakit ang sakit pa rin hanggang ngayon?” tanong kong marahang hinaplos na ang aking dibdib.
Nang wala na akong luhang mailabas ay lakas loob ko ng tinawagan si Tita Roxa. Ilang beses pa akong umubo-ubo upang gawing klaro ang tinig na parang mayroong nakabara at bikig. Alam kong mali ang magdesisyon kapag ang iyong emosyon ay hindi stable at kapag galit ka, subalit alam kong tanging ito lang ang makakapagpabago ng lahat sa takbo ng aking buhay. Ito lang ang alam kong paraan kaya marapat lang na sunggaban ko na at huwag ng palampasin pa. Ika nga ni Tita Roxa na gamitin ko siyang escape plan.
“Are you sure, Lady Rosa?” alanganing tanong nito nang sabihin ko ang gusto kong mangyari, halatang bagong gising pa lang ito nang dahil sa malat pa nitong tinig. Tila napukaw ang babae sa aking biglaang pagtawag na ginawa. Wala naman siyang naging reklamo doon, sanay na sanay na rin siyang gawin iyon kung kaya naman ay ayos lang ito dito. “Wait, umiiyak ka ba ha? Don't tell me na nag-away na naman kayong mag-ina? May ilang araw ka pa para magliwaliw, at huwag kang magmadaling magdesisyon.”
Ilang beses na ako doong lumunok ng aking sariling laway. Hindi na mababago pa ang desisyong ilang beses ko nang pinag-isipan. Doon din naman ang punta, bakit kailangang patagalin pa? Hindi na kailangan ang hiningi kong bakasyon, tama na ang isang araw. Kung gagawin ko rin naman ang mga bagay na iyon, bakit hindi na ngayong gabi? Ganundin naman ang kakalabasan ng desisyon. Pinatagal ko lang, nagsayang lang ako ng oras at panahon ay hindi naman na iyon magbabago kahit na ano pa ang gawin ko dito.
“Sigurado na po ako sa desisyon ko Tita Roxa, naisip ko na wala rin naman pala akong gagawin sa bahay. Kakayod na lang ako at patuloy na maghahanap ng iipuning pera. Iyon ang mas okay keysa tumunganga ako dito at hintayin na may mahulog na biyaya.”
Narinig ko ang malalim na buntong-hininga ni Tita Roxa, at ilang kaluskos sa kabilang linya na animo ay humahakbang siya. Maya-maya pa ay pumayag na rin siya sa kahilingang aking sinabi. At kahit na tumanggi siya dito ay wala na rin siyang magagawap pa.
“Sige, ikaw ang bahala pero pwede bang pumunta ka muna sa club at mag-usap tayong dalawa? Hindi ka pwedeng pumunta agad sa lugar na inyong pag-uusapang dalawa, Lady Rosa. Mag-usap muna tayo nang masinsinan bago ka magtungo doon, ayos lang ba ha?”
“Sige po Tita Roxa,” sang-ayon ko na umahon na sa aking pagkakaupo, wala ng bawian iyon. “Anong oras ka pwede tonight, Tita?”
“Nine o clock ngayong gabi.”
Marahan na akong tumango doon na para bang nakikita niya ako, itinatak sa kokote ang oras na iyon. “Sige po, darating ako diyan.”
Pinatay ko na ang tawag at muling ibinagsak ang aking patang katawan sa kama. Namimigat at humahapdi pa ang bawat gilid ng aking mga mata dala ng marahas na pag-iyak ko kanina. Ganunpaman ay wala akong pakialam, nais kong tuluyang malimutan si Arlo. At para sa akin ang bagay na ito ang siyang magtutulak sa akin upang tuluyan nang mabaling ang aking buong atensyon sa ibang tao. Ngayon pa lang ay ipinapangako ko sa aking sarili na pag-aaralan ko nang magustuhan ang lalaking sa akin ay bumibili. Kailangang makuha ko ang loob niya nang sa ganun ay matupad ang unang hangarin namin dito ni Tita Roxa, ang makaahon ako.
“Okay na siguro ang bihis ko, siguro naman ay hindi na nakakahiya iyong ganitong hitsura ko na balot na balot ang katawan.” ilang ulit na akong nagsukat ng damit at nagpalit, magulong nakatambak na ang mga iyon ngayon sa ibabaw ng aking kama. Ilang beses kong sinisipat ang aking sarili sa salamin upang tiyakin na kaaya-aya ang aking magiging hitsura ngayong gabi. “Ito kaya, okay?” taas ko ng mahabang fitted black dress, pang-formal naman iyon kaya lang ay tiyak hapit na hapit iyon sa aking buong katawan. “Huwag pala ito, baka isipin niya na ang uri ko kailanman ay hinding-hindi kayang magbago. Ayokong ma-turn off siya sa akin.”
Ilang beses ko pang sinipat ang aking sarili sa harapan ng salamin nang makita ang long denim jumper. Pinailaliman ko iyon ng thin white sando na usaong-uso nang mga panahong ito. Manipis na make up lang ang suot ko, ganundin ang guhit ng lipstick ko. Ayon sa text ni Tita Roxa matapos ang tawag ay iyon daw ang nais na gawin ko at maging hitsura ko ngayon ng lalakeng bumili sa akin sa milyones na halaga. Subalit kailangang mag-usap kaming dalawa ni Tita Roxa upang pumirma sa kasulatan bilang kasunduan ng umano ay bentahang magaganap sa aming pagitan. Kontrata iyon na mula sa gabing iyon ay pag-aari niya na ako at hindi na ako pwedeng magsayaw pa sa club nang walang pahintulot niya o kung anu-ano pang nakapaloob sa kasunduang iyon. Iyon lang ang ini-highlight sa akin sa text ng manager. Kung iisipin ay ayos na rin ang ganun, pabor na pabor iyon sa akin na sawang-sawa na sa gawain kong iyon. Ngunit ang tanging tanong ko na lang na hindi pa nasasagot ay kung kakayanin ko bang sumang-ayon dito at kung magugustuhan ko rin ba ang siyang mga nais niya? Malamang ay papayag ako kung pabor sa akin iyon, pero kung pabor sa kanya baka doon na ako magkaroon ng problema. Ganunpaman ay pipilitin kong subukan iyon. Uunawain ko ang lahat ng nakalagay na mga rules doon kung iyon ang tanging mapagpipilian ko. Minsan sa aking buhay ay maranasan ko man lang na hindi tawagin ng sinuman sa pangalang Lady Rosa na ibinansag nila sa aking pagkatao. Sa ngayon ay hindi ko na muna rin iyon pakaiisipin, bandang dulo naman ay wala na rin naman akong magagawa lalo na at binayaran niya naman ang magiging serbisyo ko sa kanya. Ang tanging baraha ko na lang sa isyung iyon ay kung mamahalin niya ba ako dahil lang makukuha niya akong birhen pa. Marahil ay hindi niya alam ang bagay na iyon. Sino bang mag-aakala na birhen pa ako sa kabila ng trabahong ginagawa ko sa club gabi-gabi? Malamang wala. Sigurado akong ang lahat ng taong nakakakita sa akin ay nag-conclude na agad na pariwara na akong tuluyan.
“May trabaho na ulit ako simula ngayong gabi, at pakisabi iyon kay Mama.” sambit ko pagbaba ko pa lang ng hagdan at salubungin ako ni Manang gamit ang kanyang mga matang puno ng katanungan sa aking bihis at postura, marahan itong tumango nang magtama ang mga mata naming dalawa. Magagalit ako kung iiling siya at tatanungin niya ang desisyon ko. “Salamat, Manang.”
“Sige po, Miss Senda, makakarating po iyan kay Madam Belith.”
Hindi na ako nag-abalang kumain pa, uminom lang ako ng tubig at kapagdaka ay tuloy-tuloy nang lumabas ng aming tahanan. Sa aking bihis at hitsura ng mga sandaling ito ay walang mag-aakala ng tunay kong trabaho. Mabagal kong tinalunton ang daan patungo sa pusod ng bayan. Walang pakialam sa mga lalaking napapatingin sa akin. Hindi ko alam kung dati pa nila akong nakikita at ngayon ay nagtataka na sila sa aking hitsura, o nagagandahan sila sa akin dahil sa aking simpleng ayos ng mukha ngayong gabi. May iilan sa aming mga kaklase noon ang nagsasabi na may pagkakahawig kaming dalawa ni Miura at kung seseryosohin ko iyon ay iisipin ko na maganda ako dahil iyon ang aking pinsan. Maganda siya kahit na wala siyang suot na kahit na anong kolorete ng make up sa mukha.
“Kung naging kaugali ka lang ni Miura, mas magiging maganda ka at baka maging ka-level na niya.” minsan ay pagbibiro sa akin ni Eriza, ngumuso lang ako doon at pabirong inirapan siya. Nagagandahan din naman talaga ako sa aking pinsang 'ding iyon. At kung minsan nga ay nakikinita ko ang pagkakahawig naming dalawa, iyon nga lang ay magkaiba kami ng paraan sa kolorete nito.
“Huwag mo na nga akong bolahin Eriza, mas maganda ako kay Miura.”
“Hoy, ang kapal naman ng mukha mo! Ikaw? Maganda ka kay Miura? Magtigil ka nga diyan, Senda.” OA na reaction na ni Geron.
“Bakit? Totoo namang maganda rin si Senda ah?” pakikisali na ni Arlo sa kanila, malamang boyfriend ko siya kaya ako ang siyang pupurihin niya, if I know gandang-ganda rin naman siya dati kay Miura. Inakala ko pa nga noon na may gusto siya dito, mali ako.
“Hoy tama na iyan, lahat naman tayo ay may iba-ibang ganda. At saka nakadepende iyon sa taong tumitingin.” awat sa kanila ni Miura, lunchbreak noon at himalang sama-sama kaming kumakain sa canteen. “Huwag na akong purihin, lalaki na ang tainga ko.”
Maliit na akong napangiti sa munting alaala na iyon na dumaan sa aking isipan. Saglit na akong natigilan at inilibot na ang mga mata sa buong paligid. Nakasindi na ang mga ilaw sa buong kabayanan nang dahil sa takipsilim na iyon. Buhay na buhay na ang bawat kalsada at eskinita ng lugar. May mangilan-ngilang mga bata na lulan ng kanilang mga munting bisikleta sa mga eskinita na kakaunti ang sasakyang mga pumapasok at dumadaan.Nagpapaligsahan ang ingay ng mga sasakyan sa bandang highway. Ganunpaman ay sanay na sanay na ako sa ganung klaseng ingay ng lugar. Hindi na rin iyon bago sa akin na halos ay bingi na sa kanila ngayon. Kung sa gabi titingnan ang nagtatayugang mga building sa lugar ay aakalain mong nasa city ka kung saan matatagpuan sa siyudad. Angat na angat ang bayang iyon kung ikukumpara sa mga karatig nitong mga bayan. Narito rin matatagpuan ang malaking daungan at pier.
Parang nakarating na rin ako ng Maynila kahit na ang totoo ay hindi pa. Sa TV ko lang madalas na makita ang lugar na iyon.
Nagpatuloy ako sa paghakbang habang papalapit pa sa club na aking pinagtra-trabahuhan. Kung noon ay napaka-inosente pa ng aking isipan, ngayon ay mulat na mulat na ako sa hindi pantay na trato ng Tadhana sa mga tao. At mukhang nangapal na rin ang mukha ko nang dahil sa bagay na iyon. Nakakaiyak noong una, ngunit nang tumagal na ako doon ay aking nakasanayan na rin ito. Wala ng hiya-hiya sa aking katawan ngayong makikita. Napalitan na iyon ng kapal ng mukha sa gabi-gabing pagsasayaw ko dito.
“Magandang gabi,” bati ko sa guard na malapad lang na ngumiti sa akin at tumango nang makilala niya ang aking mukha at tinig.
Animo customer na pumasok ako ng pintuan ng club ng mga sandaling iyon ay full packed na at marami ng mga tao sa loob. Patay-sindi na rin ang ilaw at may ilang kababaihan na 'ring nagpe-perform sa malayong entablado sa entrance ng nasabing club. Sa unang tingin ay masakit iyon sa mga mata, ngunit kapag nasanay ka na ay hindi mo na rin iyon kailangang indahin pa. Palibhasa ay Friday din ngayon at araw ng sweldo kung kaya naman ang edad ng mga naroroon ay halo-halo na. Mapera sila, at iyon ang mahalaga dito. Tuloy-tuloy pa akong humakbang, ang ibang staff na nakakakilala sa akin ay matamis ng ngumiti ngunit hindi binanggit ang ngalan ko. Oras na gawin nila iyon ay paniguradong magkakagulo ang mga customer. Ganun katanyag ang aking pangalan sa mga taong ito.
“May trabaho ka ba?” tanong ng isang waiter sa akin nang mamukhaan niya ako.
Mabilis akong umiling at sumenyas na kailangan ko ng tequila na kaagad naman niyang nakuha. Tumalikod siya upang kunin ang inumin na aking hiling. Tuloy-tuloy pa akong humakbang hanggang sa marating ko na ang pusod ng nasabing club. Tahimik akong naupo sa bandang sulok noon. Hindi pa rin alintana ang samu't-saring amoy ng hangin sa nasabing lugar. Sanay na ako sa amoy dito.
“Wala akong pasok pero mag-uusap kami ngayon ni Tita Roxa.” sambit ko matapos na tanggapin ang inumin na aking hiniling sa waiter na si Antonio, ilang beses na siya noong nagpapalipad hangin sa akin ngunit hindi ko iyon pinagtutuonan ng aking pansin. Okay naman ang kanyang hitsura, ngunit wala pa rin sa vocabulary ko ang patulan siya. “Akala ko ba ay day off mo ngayon?”
“Oo sana, nakipagpalit sa akin si Zandy.” tugon nitong ang tinutukoy ay ang isa pang waiter ng nasabing club.
“Bakit?” tanong ko na halos maubos na ang alak sa aking hawak na baso habang gumagala pa ang aking mga mata.
“May date raw sila.” tipid na tugon niyang sinundan ng malakas na pagtawa, ipinagkibit ko na lang iyon ng aking balikat. Hindi na ako doon nagkomento pa. Normal na bagay na iyon sa kanila at wala akong karapatan na mag-react ng kung ano. At saka mga lalaki naman sila. Isa sa mga dancer ang girlfriend ni Zandy, at ang pinagkaiba naming dalawa ay lumalabas siya at nagpapagamit samantalang ako ay hindi. Lahat naman halos ay ginagawa ito. “Maiba pala ako, talaga bang papayag kang...” hindi niya magawang ituloy ang litanya nang maburo na ang mga mata ko sa kanyang mukha. “I mean hahayaan mo na lang bang masira ang buhay mo nang dahil doon? Marami ka pang pangarap, pwede ka namang tumanggi, Senda.”