Chapter 9

2399 Words
Mabilis na akong napaayos ng aking upo nang marinig ang tinig ni Miura sa kabilang linya. Hindi ako maaaring magkamali doon. Si Miura nga ang aking pinsan ang tumatawag sa akin ngayon! Malapad na akong napangiti, hindi na maikakaila ang labis na kasiyahan na bumabalot sa aking buong sistema nang marinig ang tinig niya. Hindi pa rin ako makapaniwala na tutuparin niya ang pangako niya sa aking tatawaga niya ako. Ang buong akala ko ay papaasahin niya lang din ako sa wala, ngunit ibang-iba siya. Kung ano ang ipinangako niya ay tinutupad niya. Para akong nasa alapaap ng mga sandaling iyon nang dahil sa kanya. Ilang saglit pa ay mabilis na akong napakurap-kurap upang pigilan ang labis at umaapaw na galak na aking nararamdaman at hindi ko na magawang itago pa ito. “M-Miura?” tunog hindi pa rin makapaniwala ang aking tinig ng mga sandaling iyon na kulang na lang ay mapaiyak na sa saya. “Ako nga, nasaan ka Senda?” tanong nitong bahagyang natawa pa, marahil ay dahil hindi pa rin ako sanay sa inaasta ni Miura. Panandalian akong natahimik. Hindi ko sigurado kung nais ko bang ipaalam sa kanya kung nasaan ako nang mga sandaling iyon. Mariing kinagat ko na ang aking pang-ibabang labi habang ang mga mata ay nasa luntiang paligid na patuloy naming binabagtas. Mabilis ang daan doon ng bus kung kaya naman anino lang ng luntiang paligid na blurred ang aking patuloy na nasisilayan doon. Dagdagan pa ng mahinang ingay ng makina ng bus na aming sinasakyan. Maliit akong ngumiti sa malabong imahe sa salamin ng bintana ng bus. Pilit na ipinaparamdam ditong masaya akong nakausap ko siya at walang kahit na anong katiting na problema. “N-Nakabakasyon ako Miura.” sambit ko, umaasa akong maunawaan niya ang ibig kong sabihin. “Isang linggo. Tara sa Mulanay?” Biglang naging masaya ang kanyang tinig, alam kong miss na rin niyang magtungo sa lugar na ito ngunit hindi ko maiwasang mag-alala na baka purong sakit lang muli at pait ang dulot ng lugar na ito sa kanyang pagkatao. Ayokong makita siyang umiiyak dahil alam ko sa aking sarili na kami ni Mama ang may kagagawan ng sakit na iyon na kanyang patuloy na nararamdaman sa puso niya. Kaming dalawa ni Mama ang umukit ng mga pasakit na iyon na animo ay walang katapusan. Walang tigil at wala rin iyong dulo. “Kailan? I-set natin iyon Senda, mayroon akong job interview ngayong araw para sa aking panibagong trabaho.” “S-Sige lang, Miura, sabihan mo ako kapag hindi ka na busy.” Tumagal pa ng ilang minuto ang kanyang tawag ngunit kaagad din iyong naputol lalo na nang sabihin niyang kailangan na niyang umalis para hindi siya ma-late sa kanyang magiging lakad. Nakangiti kong nilagyan ng pangalan ang kanyang numero at inilagay ito sa contacts. Sa ngayon unti-unti akong babawi sa kanya kagaya na lang ng pangako ko. Hindi ko man kaagad mabayaran ang mga atraso ni Mama sa kanya, at least mabawasan ko ang bigat noon. Alam kong hanggang ngayon ay nahihirapan pa rin siya ng sobra. At narito ako upang tulungan siyang pagaanin iyon kahit na kaunti. Hindi na ako magiging pabigat sa kanyang isipin mula ngayon. “Mulanay na! Oh, iyong mga bababa po diyan ng bayan ng Mulanay!” anunsyo ng konduktor kasabay ng mabagal na pagtigil ng bus sa pamilyar na paradahan sa mismong bayan, hindi ko mapigilang maramdaman ang kakaibang kalabog sa loob ng aking puso nang makita ang lugar. “Nasa terminal na po ng bayan ng Mulanay!” ulit pa nito habang kinakatok ng barya ang bakal ng nasabing bus. Walang imik na tumayo na ako matapos na mag-excuse sa babaeng katabi na hindi alam na hanggang dito na lang ang biyahe ko. Isang matamis at nahihiya pang ngiti sa kanya bago ko nagawang tumango doon at magpasalamat sa sandaling pagtayo niya upang bigyan ako ng daan na makatayo. “Thank you, po.” “You're welcome, Miss.” Nakipila ako sa mga pasaherong bababa ng bus. Pigil ang hininga nang ilapat ko ang aking mga paa sa kalsada sa mismong bayang iyon. Makulimlim ang kalangitan, tinatakpan noon ang tirik na sikat ng araw sa langit na masakit sa balat. Mabagal kong tinalunton ang daan na patungo ng aming lumang paaralan noong Highschool. Maliit na akong napangiti nang makita ang mga estudyante na may suot ng pamilyar na school uniform na minsang sinuot din ng aking katawan. Sariwang-sariwa pa sa isipan ko ang lahat ng ito. Parang hindi pa taon ang dumaan. Pakiramdam ko ay absent lang ako ng araw na iyon at mayroong pinuntahan kung kaya ay absent. “Mama, sure po ba kayo na tra-transfer ako sa school ni Miura?” pang-ilang beses ko na iyong tanong sa kanya kaya halatang naiinis na siya sa kakulitan ko, nag-iimpake na siya ng aming mga damit upang magtungo na kami sa bayan nila sa araw 'ding iyon. “Oo nga Rosenda, ilang beses ko pa bang uulitin sa'yo ang bagay na iyon ha? Bingi ka ba? Hindi mo ba ako narinig?” Mahina na akong napahagikhik nang makita ang ginawang pag-irap ni Mama sa akin. Naiirita na ang mukha nitong tumingin sa akin. Bahagya na akong lumayo. Nai-imagine na ang magiging buhay namin ni Mama sa lugar na iyon oras na tumira na dito. “Bakit po? Doon na ba talaga tayo titira ng buong taon, Mama?” muling pangungulit ko sa kanya na hindi pa rin makapaniwala. “Hindi, lilipat ka 'ring muli sa lumang paaralan mo pagbalik nina Melinda galing ng honeymoon kasama ang bagong asawa niya. Pansamantala lang tayo doong titira at hindi pangmatagalan. Hilingin mo sa Tita Melinda mo na doon ka na niya pagtapusin.” Si Tita Melinda ang ina ni Miura na dating asawa ng kapatid ni Mama. Maayos naman ang relasyon nilang dalawa ngunit kung minsan ay may ibang mga salitang sinasabi ang aking ina patungkol sa kanya. Lalo na nang mabalitaan nitong mag-aasawa itong muli. At ang kanyang magiging asawa pa ay may dugong banyaga, iyon ang buong akala ko pero may dugong banyaga lang pala. “Kung ganun Mama, hindi ko na kailangang lumipat ng school kung babalik din naman pala tayo dito. Why don't you ask Tita Melinda na buong taon tayong mananatili doon nang dahil na rin sa pag-aaral ko? Siguro naman ay papayag iyon sa hiling mo. Kapag ako kasi baka hindi niya pagbigyan.” nguso ko pa sa kanya na pilit siyang kinukumbinsi na gawin niya ang bagay na iyon. Panandalian siyang natigilan sa pag-iimpakeng kanyang ginagawa at humarap na sa akin. Nang mga panahong iyon ay sobrang close pa naming dalawa. Wala pang namumuong lamat sa relasyong nakapagitan sa amin. At hindi ko pa nakikita ang tunay niyang kulay. Damang-dama ko pa rin ang kalinga ng pagiging ina niya sa akin. At sa kanya pa rin ako nakadepende ng mga panahong iyon. “Iyon nga ang plano ko anak, lalo na at wala rin naman tayong napagkukunan dito sa General Luna. Makikiusap ako sa kanya na hayaan niya akong mag-trabaho sa restaurant na iniwan ng aking nasirang kapatid. Tulong na niya sa'yong pag-aaral iyon, aba. At ng may mahita naman tayo na madalas na hingian niya ng pabor. Oo at nagbibigay siya ng pera, pero hindi naman iyon sapat eh.” Marahan akong tumango-tango doon. Pabor na pabor sa kanyang naiisip lalo pa at nalaman ko na minsan doong nag-aral ang anak ng isang businessman at sikat na sikat. Taon-taon ay nagtutungo iyon doon. Kapag siya ang naging asawa ko ay siguradong hindi na namin kailangan ni Mama na mamalimos ng awa at financial support kina Tita Melinda. Gwapo rin iyon kaya hindi na ako lugi kung sakaling mabingwit ko siya. Isa siya sa mga rason kung bakit pakiramdam ko ay blessing in disguise ang paglipat namin. Bago umalis ng General Luna ay ipinangako ko sa aking sarili na makukuha ko siya at magkakaroon kami ng relasyong dalawa. “Tama po iyan Mama, oras na makatapos na ako ng aking pag-aaral ay hindi na natin kailangang humingi pa ng tulong sa kanila. At saka oras na makapag-asawa ako ng mayaman, magpapatayo ako ng malaking bahay natin sa Aurora. Pangako ko iyon, Mama.” Naiiling niya akong pinagmasdan. Mayhalik ng pagdududa ang kanyang mga titig sa aking huling tinuran sa kanya. Masyado yata iyong malabo kung kaya naman ganun na lang ang naging reaction niya. Pero naniniwala naman ako na walang imposible rin dito. “Tama iyan Senda, magpayaman ka at hayaan mo akong mamuhay bilang isang Donya. Patikimin mo man lang ako ng maayos na buhay. Tatandaan ko ang araw na ito, ha?” ilang beses akong tumango doon, desidido na sa aking mga ipinangako sa kanya. Mapakla na ako doong ngumiti. Tinupad ko naman ang aking pangako sa kanya. Iyon nga lang ay may malaking pagbabago doon. Hindi ako nakapag-asawa ng mayaman at ang naging puhunan ko doon ay ang talento sa pagsasayaw at ang aking hubad na katawan. Masaklap na pangyayari na kung minsan ay nais kong makalimutan kahit na pansamantala lang, subalit napakahirap niya pa lang gawin. Ang hirap magpanggap lalo na kung iba ang hinahangad ng iyong puso. Ang mga plano ko rin noon ay hindi umayon sa akin. Malapad ang ngiting pinagmasdan na ang mga estudyanteng naglalaro sa playground ng dati naming school. Walang ipinagbago iyon. Kung ano namin iniwan noon, iyon pa rin ang knyang hitsura ngayon. Nagbago lang ang mukha ng mga estudyanteng narito. Naroon pa rin ang mga school teacher namin na pamilyar pa rin sa akin ang mga mukha. At nakakamiss naman talaga ang pumasok. “Ilang taon na ang lumipas, wala pa 'ring nagbabago sa'yo.” mahinang bulong ko na nakikinita pa rin ang sariling nag-aaral dito. Madalas kami noong naka-bisekleta na pumapasok. Minsan pa nga ay inagawan ako ni Geron ng bisekleta dala ng pangit kong ugali. At tanggap ko naman ang bagay na iyon ngayon. May nagbago man sa akin ngayon, maipagmamalaki kong ang aking ugali iyon. Hindi na ako kagaya nang dati na walang pakundangan kung manlait. Tuluyang binago ako ng kinasadlakang putikan sa Aurora. Hindi na rin ako ang Senda noon na mahilig na manlait at mang-away, sadya yatang nagma-matured tayo sa paglipas ng mga araw. “Let's go, Senda...balikan natin ang ating nakaraan sa lugar na ito.” Nasa plano ko rin na pasyalan ang dalampasigan na madalas naming puntahan noon bago ako magtungo sa lumang tahanan nila Miura upang tingnan at bisitahin ang mga alaala ng aming kabataan na doon ay nakatira. Ngunit bago pa ako makaliko sa daan na papasok sa baranggay na iyon ay may pamilyar na bulto na ng katawan ang nakaagaw sa akin ng pansin. At kahit na malaki ang ipinagbago niya, sa tindig at tayo nito ay hinding-hindi ako maaaring magkamali. Kilala ko siya, kilalang-kilala siya ng aking puso at mga mata. Mabilis na pumintig ang aking puso na habang tumatagal ang mga titig sa kanya ay pasikip nang pasikip iyon sa loob ng aking dibdib. Ilang beses kong ninais na tawirin na ang pagitan namin nito. Ihagis ang aking sarili sa kanya at yakapin siya nang mahigpit upang punan ang ilang taon naming hindi pagkikitang dalawa. Naroon pa rin ang kagustuhan kong makausap siya at makita ako. Magkumustahan kahit na bilang magkaibigan na lang. Seryoso ka na ba diyan Senda? Payag ka sa magkaibigan lang kayo ha? Ngunit bago ko pa iyon magawa ay humahangos nang dumating ang babaeng alam kong ngayon ay siyang nagpapasaya na sa kanya. Ang babaeng noon pa ay hindi ko inasahang magugustuhan niya at mamahalin niya pabalik dahil ang sabi niya ay kaibigan lang ito. Si Eriza na abot-tainga ang mga ngiti sa kanyang labi. Naka-uniform pa ito at halatang nanggaling pa sa University niya sa Aurora. Mariing ipinikit ko ang aking mga mata nang ipulupot na nito ang kanyang dalawang bisig sa leeg ni Arlo na malakas pang tumawa. Mababanaag sa kanyang mukha ang labis na saya na ako lang ang tanging nakakagawa noon sa kanya, ngunit ngayon ay nag-iba na. Parang tinarakan na ng punyal ang aking dibdib nang hapitin niya sa beywang si Eriza upang mas idiin pa iyon sa kanyang katawan. Magiging ipokrita ako kung sasabihin ko na ayos lang sa akin ang lahat. Alam ko sa aking sarili na taon man ang matuling dumaan, hindi ko pa rin siya magawang kalimutan. Oo, ako ang may kasalanan pero hindi ko rin magagawang ikubli ang sakit na dulot nito. Mahal ko pa siya, may pag-ibig pa akong nararamdaman sa kanya hanggang ngayon. At nasasaktan ako sa tanawing ito ngayon dito. Masaya na siya sa piling ng iba, wala ng puwang upang magpakita pa ako sa kanya, sa kanila, upang guluhin pa ang damdami. Puno ng emosyon ng kabiguan na tumalikod na ako sa kanila. Sa halip na magtungo pa ako sa original kong destinasyon ay minabuti ko na lang na humakbang patungo ng terminal ng bus. Baon ang pusong nagdurugo at ang malamlam na matang namamasa sa luha. Hindi pa man ako nagtutungo sa mga lugar na aming madalas na puntahan noon, punong-puno na ako kaagad ng kabiguan ngayon. Hindi ko naisip ang posibilidad na maaari ko siyang makita ngayon. Sa lahat ng mga araw at pagkakataon, bakit ngayon nangyari? Wrong move ka talaga Senda, mali ang plano mo ngayong magliwaliw. Tingnan mo at pasakit lang ang iyong inabot at nakamtan sa lugar na iyong pinuntahan. Kung nag-stay ka na lang sa bahay at natulog, nakapahinga ka pang mabuti at nang matiwasay ngayon. Walang imik akong tuloy-tuloy na umakyat ng bus na tumigil sa terminal na pabalik na ng Aurora. Pilit na pinipigilan na pumatak ang luha sa aking mata. Mabilis na akong kumurap-kurap kahit na malapit na ako doong mahikbi. Ilang mga sulyap pa ang aking iginawad sa bandang kinaroroonan nina Eriza at Arlo nang mapadaan kami doon. Naroon pa rin silang dalawa na animo ay may hinihintay na kanilang kasama. Saglit lang iyon, nang dahil sa mabilis na takbo ng bus palampas dito. Puno pa ng panghihinayang ang aking mga mata na nilingon pa sila kahit bahagya na kaming malayo sa pwesto nila. Pilit kong kinakalma ang aking sarili dito. Ano ba Senda? Parang lagi ka na lang bago! Sanay ka namang masaktan, mamaya ka na umiyak. Mamaya na kapag malaya ka na at mag-isa. Huwag mong ipakita sa ibang tao ang kahinaan mong taglay. Ayusin mo ang sarili mo!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD