Bagama't patang-pata na ang katawan at antok na antok na ay nagawa ko pang malawak ang mga ngiting pumasok sa loob ng aming tahanan. Sa tahanang kung minsan ay ayaw ko ng uwian pa. Naabutan ko si Mama sa dining table at kasalukuyang kumakain pa lang ng agahan. Alas-onse na ang oras noon, ayon sa sinasabi ng mga kamay ng orasan. Medyo natagalan din pala ako sa labas nang dahil kay Miura. Nang maramdaman niya ang aking presensya ay kaagad niya akong nilingon. Hindi ko siya pinag-ukulan ng pansin na tuloy-tuloy lang ang mga hakbang. Wala sa aking plano ang kausapin siya o kahit ang batiin man lang siya ng magandang umaga sa araw na iyon nang dahil sa padalos-dalos na naman niyang mga desisyon. Kung ganito ang siyang gusto niya ay maluwag sa loob na ibibigay ko sa kanya. Hindi naman ako mahirap na kausap, siya rin ang nagturo sa akin na maging magaspang ang pag-uugali na kagaya nito. Siya rin naman ang may kasalanan kung bakit ako nagkakaganito. Siya ang salarin nang lahat ng ito. Binago niya ako. Kasabay ng pagbabago ng aking pagkatao, binago niya ang landas na tinatahak ko. Inagaw din niya ang mga panagarap ko noon.
“Mukhang tinanghali ka na yata ng uwi ngayong araw galing ng iyong trabaho, Senda?” anitong puno ng sarkastiko ang tinig na sinabayan pa ng maingay na paglapag ng kanyang hawak na kubyertos. Iyon ang naging dahilan upang matigilan ako sa matuling paghakbang na patungo na ng hagdanan upang tuloy-tuloy na umakyat na ng aking silid. “Baka gusto mong e-share sa akin kung ano ang dahilan? Nakahanda akong makinig, Rosenda.” dagdag nitong hindi ko pa nagustuhan ang tono ng kanyang pananalita ngayon.
Naiirita akong tumawa sa kawalan. Pinaikot ko na ang aking mga mata nang dahil sa aking pagkairita sa kanya. Hindi ko alam kung nais niya ba talagang makibalita o gusto niya lang malaman ang rason kung bakit tanghali na ako ngayon. Alam ko naman na alam niyang alam ko na ang pagpayag na ginawa niya sa pagbebenta ng aking katawan. Iyon marahil ang nais niyang malaman kung ano na ang reaction ko dito. Bagay na hindi ko pa kayang sabihin sa kanya dahil paniguradong sasabog ako at aawayin na naman siya. Kung tutuusin ay hindi ko naman obligasyon na magpaliwanag ng lahat ng ginagawa ko sa kanya. Hindi niya rin naman kailangan pang malaman ang lahat ng aking ginagawa. Karapatan ko naman sigurong kahit na minsan ay magliwaliw at i-treat din ang sarili. Saka kung pakaiisipin ay dapat siya ang bumubuhay sa akin at hindi ako ang kayod kalabaw, maibigay ko lang ang lahat ng luho niya at sagutin ang lahat ng gastusin. Kung noong una ay nauunawaan ko pa, ngunit ngayon ay punong-puno na rin ako sa kanya.
“Pasensya na Mama kung tinanghali akong umuwi ngayong araw,” puno ng pagtitimping baling ko na sa kanyang banda, sinalubong ako ng matingkad niyang mga ngiti. Bagay na ayaw na ayaw kong makita dahil madalas na may kapalit iyong hinihingi. “Dumaan pa ako ng coffee shop, para magtanggal ng stress sa trabaho kong pakiramdam ko ay wala ng katapusan. Masama ba iyon, Mama?”
Ngumiti lang siya sa akin at kapagdaka ay marahan lang na umiling. Hindi pa rin tinatanggal ang kanyang tingin sa aking mukha. Alam kong antok na antok na ako, ngunit nang dahil sa kanya ay kung saan na lumipad ang antok na kanina ko pa doon nadarama.
“Wala naman akong sinabing masama mo iyong gawin, nais ko lang malaman kung bakit tanghali ka ng umuwi ngayong araw.” anitong walang kahit na katiting na pagsisisi at pag-aalala na binuhat na ang baso ng kanyang juice at nilagok na niya iyon. Ni hindi man lang sumagi sa kanyang isipan na tanungin ako kung kumain na ba ako o kung hindi naman ay ayain niyang sabayan na siya. Hindi pa rin talaga siya nagbago, puro sarili lang ang iniisip niya hanggang sa mga sandaling iyon. “Good na nagpunta ka doon.”
Halos mapanganga na ako sa kanyang tinuran. Ang buong akala ko pa naman ay aayain niya akong kumain kasama niya. Ngunit nabigo lang ako. Umasa na naman sa wala na kahit na kailan ay alam ko namang hindi niya iyon magagawa dahil makasarili siya. Matapos na uminom ay pinagsalikop niya ang kanyang dalawang palad at ipinatong na doon ang baba niya. Alam ko na ang mga ganung gesture niya kaya kailangan ko ng ihanda ang aking sarili sa mga susunod niyang sasabihin sa akin. Iyon ang madalas niyang panimula noong action kapag may hihilingin siya sa akin. Kasingkapal ng brown na eyebrow na nakaguhit sa mga kilay niya ang lipstick na kanyang suot sa matamis na nakangiti niyang labi. Kumikinang sa mamahaling alahas ang kanyang leeg, tainga, braso at maging ang kanyang magkabilang palasingsingan. Kung hindi mo siya kilala, sa unang tingin ay aakalain mong nanggaling siya sa mayamang pamilya. Walang bahid ng kahit na anong kahirapan ang kanyang pagkatao, ngunit ang lahat ng iyon ay huwad lamang.
“Pupunta ako sa bahay ng aking isang amiga dahil birthday niya, baka naman pwede mo akong bigyan ng cash mo diyan, Senda?” sunod niyang turan na inaasahan ko naman na ngunit nagugulat pa rin ako tuwing maririnig ko na sinasabi niya na sa akin iyon.
Ilang beses na akong napakurap-kurap sa kanyang tinuran. Sa halip na tanungin niya ako kung kumain na ba ako ay iyon pa ang magiging bungad niya sa akin. Oo, mukha siyang pera pero kada lumilipas ang araw ay palala nang palala na ang pag-uugali niya. Kung noong mga nakaraang buwan ay dama ko pa ang pagmamalasakit niya sa akin bilang ina, ngayon ay naglaho na iyon at wala na. Bagkus ang tingin niya sa akin ay buhay na atm machine, financer niya, taong patuloy na bibigyan siya ng pera kapag hiningian niya. Marahil ay may pagkakasala rin ako kung bakit lumala siya nang ganito, pero hindi eh, ako pa ang lumalabas na masama dito.
“Perhaps, you can give me twenty thousand pesos?” hirit pa nitong animo ay humihingi lang sa akin doon ng piso.
Nahigit ko na doon ang aking sariling hininga. Malinaw naman sa akin kung saan niya nilulustay ang perang hinihingi niya pero ewan ko ba kung bakit hindi ako makatanggi sa kanya tuwing humihingi siya sa akin. At ang nakakalungkot pa doon ay halos fifty percent ng aking sinasahod sa aking pagsasayaw gabi-gabi ay deretso sa bank account niya. At ang kalahati noon ay sa bank account ko, ngunit siya rin naman ang umuubos noon at halos ay wala na sa aking matira. Plano ko pa naman sanang mag-ipon, gusto kong mag-aral sa susunod na pasukan dahil sa totoo lang ay pagod na akong magtrabaho. At gusto ko ng magbago ang takbo ng buhay ko. Kumibot-kibot na doon ang aking labi. Gusto ko siyang sumbatan ngayon, gusto kong magwala at ipakita sa kanyang napupuno ako. Ngunit nang manlaki na sa akin ang mga mata niya, hindi ko na magawang magreklamo pa. Para akong tinanggalan na nito ng lakas.
“Mama, wala po ako ditong cash—”
“Kung ganun ay ipahiram mo na lang sa akin ang iyong atm card,” mabilis na putol nito sa aking sasabihin sabay lahad na rin ng kanyang isang palad. Napanganga na ako doon, last time na hiniram niya ang atm card ko ni piso ay wala ng natira nang isauli niya. Nang pangalawang beses na hiramin niya iyon ay isang libo ang natira na parang utang na loob ko pa rin sa kanyang tinirhan niya. “Ibabalik ko rin naman sa'yo kaagad iyon mamaya pag-uwi ko.” dagdag niya pa upang kumbinsihin pa akong ibigay iyon sa kanya.
Awtomatiko akong umiling. Puno na ang mukha ng hinanakit na humarap sa kanya. Nungkang papayag akong hiramin niya ang atm ko gayong natuto na ako sa mga bagay na ginawa niya noon sa akin. Halos limasin niya ang laman noon. Tapos siya pa ang may ganang magalit sa akin noong sinita ko siya. Hindi na ako papayag na muli pang maulit ang pangyayaring iyon, hinding-hindi na dahil natuto na ako. Sapat na iyong dalawang beses akkong nagpauto sa kanya, sapat na iyon, tama na ang katangahan ko doon. Hindi na ako papayag na maulit pa iyon at mamaya kapag isinauli niya ay wala nang matitira kahit na ang sinabi ay twenty lang ang halagang kailangan niya. Makikipagpustahan akong uubusin na naman niya ang laman noon, kukunin niya na ito nang sobra-sobra.
“Pinagdadamutan mo ba ako Rosenda? Papalitan ko naman, at hindi mo ako kailangang sigawan! Ilang beses ko bang sasabihin sa'yo na nabuyo lang ako kung kaya naman nakuha ko ang lahat ng laman? Hindi mo ba iyon nauunawaan ha?” pameywang na turan niya nang nanggagalaiti na ako sa kanyang harapan, natirhan na lang kasi ang atm card ko ng halos isang libo. Iyon ang pangalawang pagkakataon na hiniram niya sa akin ang atm ko, noong una ay wala talagang natira at pinili kong manahimik. “Huwag mo nga akong pagmalakihan, baka nakakalimutan mong ako pa rin ang iyong ina sa kabila nang lahat ng blessing mo. Kung anuman ang pag-aari mo ay pag-aari ko, kung lustayin ko ang perang pinaghirapan mo wala ka dapat doong reklamo dahil noon pa man ay labis-labis na ang hirap ko sa'yo. Huwag mong kakalimutang lumingon sa kung saan ka nanggaling! Bwisit ka!”
Lumuluha ko siya noong tinalikuran. Ilang araw ko iyong iniyakan. Ilang gabi akong hindi pumasok noon sa trabaho nang dahil sa sama ng loob na nararamdaman ko sa kanya. Ganunpaman ang ginawa niya sa akin ay pinili ko pa rin iyong palagpasin. Inisip ko na lang na ako ang may mali. Itinatak ko na lang sa aking sarili na sa susunod na magiging ganun ang sitwasyon namin ay hindi na ako papayag pa. Kung magkano lang ang halagang hiningi niya ay iyon lang ang aking ibibigay, hindi ko na ipagkakatiwala ang atm ko.
“Anong ibig sabihin niyang pag-iling mo, Rosenda? Ayaw mo akong bigyan?” tanong nitong napawi na ang mga ngiti sa labi niya, napalitan iyon ng mapanghusga niyang mga mata. Umarko pa ang gilid ng kanyang mapulang labi habang nakatingin pa rin sa akin.
Mabilis na akong umiling, iniiwasang galitin ito dahil paniguradong mas malala ang aabutin ko dito.
“Hindi po Mama, ang ibig ko pong sabihin sa pag-iling ay naiwan ko ang aking wallet sa trabaho. Ngayon ko lang po naaalala iyon.” mabilis na turan ko at kinuha na ang cellphone sa loob ng aking bag upang magpanggap na tatawagan ko si Tita Roxa, alam kong hindi siya maniniwala dahil naunang sinabi ko na sa kanya na wala akong cash kanina. Ngunit nagulat ako nang muling magbago ang kanyang hitsura, paniwalang-paniwala na ito sa kasinungalingan ko. “Kukunin ko lang po. Mabilis lang din ako doon, Mama.”
Hindi ko na hinintay pa ang kanyang sagot at nagmamadali na akong lumabas muli ng aming tahanan. Nakakuyom ang isang kamao at sumisikdo pa rin ang labis na iritasyon sa kanya. Muling kumukulo ang aking dugo sa gawi niyang ito. Hindi rin tunay na naiwan ko ang aking wallet pero tunay na wala akong hawak na cash. Magwi-withdraw ako dahil hindi ko pwedeng ibigay ang aking atm dito gayong hindi ko pa naiilipat sa aking personal na bank account na lihim sa kanya ang ilang gabing aking sinahod. Mapanganib na ipahiram iyon sa kanya gayong subok ko na kung ano ang ugaling mayroon siya. At hindi ako papayag na maulit pa iyon ngayon.
“Kailan kaya ako magkakaroon ng lakas ng loob na sagutin siya at ipaalam sa kanya kung ano ang tunay na nararamdaman ko?” malalim ang hingang tanong ko sa aking sarili habang malalaki ang hakbang patungo sa pinakamalapit na atm machine upang kumuha ng perang kanyang kailangan, kapag ba tinanggap ko na ang milyong halaga ng aking pagkatao? Sa totoo lang ay pagod na ako, pagod na pagod na ako na paulit-ulit na lang na ganito ang takbo ng aking buhay sa araw-araw na ginawa ng maykapal. “Punong-puno na ako kay Mama, gusto ko ng takasan siya, gusto ko ng makawala sa lilim ng bagwis niyang nakakasakal na.”
Habang nakapila na doon ay hindi pa rin ako makapaniwala na pinagpasyahan niya iyong mag-isa at aksidenteng nalaman ko lang kagabi. Nais kong iparamdam sa kanya na labag iyon sa aking kalooban at hindi ako sang-ayon ngunit kapag kaharap ko na siya ay kusang umuuklot na ang aking dila. At saka kapag may hiningi siya, ibinibigay ko na lang din ang mga iyon upang hindi niya na ako awayin pa. Ayoko ng magkaroon pa kami ng diskusyon. Hindi na nga iyon healthy sa mental health ko ay pagod pa ang katawan ko. Marapat lang na tanungin niya ako at kailangan din naming magdiskusyon sa bagay na iyon dahil ako rin naman ang may katawan. Ang katawan na siyang mahihirapan, ngunit wala, hindi niya iyon isinaalang-alang bago ang naging desisyon niya sa bagay na ito. Hindi ko na mapigilan ang aking mga mata na mamasa na nang dahil sa bagay na iyon. Sobrang nalulungkot ako nang dahil na dito.
“Thank you Senda, aalis na ako.” sambit niya matapos na tanggapin ang pera na hinihingi niya sa akin, dagnas pa ang pawis ko noon dahil nagmadali akong makabalik ng bahay. “Baka gabihin na ako mamaya, huwag mo na akong hintayin bago ka umalis ng bahay.”
Tumango lang ako sa kanya. Hindi ko na sinabing humingi ako ng bakasyon kay Tita Roxa at wala na akong pasok simula mamaya.
“S-Sige po, Mama, mag-iingat kayo...”
Marahan niyang pinisil ang aking isang balikat bago sinakbat ang kanyang bag. Tinawag niya pa ang kasama namin sa bahay at inutusan itong iligpit na ang kanyang pinagkainan. Ni hindi namutawi sa kanyang bibig na hainan ako upang kumain bago matulog.
“Sige, bye.” kaway pa nitong tinalunton na ang daan palabas ng malaking pintuan ng aming tahanan.
Sinundan siya ng aking dismayadong mga mata. At kahit dumating na ang kasama namin sa bahay upang iligpit ang pinagkainan niya ay hindi ako nag-abalang lingunin iyon. Nag-abala lang akong lingunin siya nang tanungin niya ako kung nais kong kumain.
“Hindi na, Manang. Maraming salamat na lang po sa alok niyo.” matamis na ngiti ko sa kabila ng kalungkutang bumabalot sa aking mukha.