Chapter 7

2399 Words
Naramdaman ko ang ilang minutong paninitig ni Manang sa aking mukha. At kahit hindi niya isatinig iyon ay alam ko na nahuhulaan na niya kung ano na naman ang namamagitan sa aming mag-ina. Nang lingunin ko siya ay naghinang na ang mga mata naming dalawa. Alam ko sa aking sarili na binabasa niya ang emosyong bumabalot ngayon sa aking buong mukha at mga mata. At kahit alam niyang nagsisinungaling ako nang sabihin kung okay lang ako ay alam ko namang sasarilinin niya ang bagay na iyon at hindi pipiliing isatinig pa at ipangalandakan sa ibang mga kasama niya. Muli kong nahigit ang ang aking hininga. Pilit kinakalma ang ragasa ng aking emosyon na malapit na ditong magpakita. Ayoko pa namang nakikita nila ako bilang isang mahinang nilalang. Hindi ka pwedeng umiyak sa harapan niya Senda, lalo lang siyang magdududa na mayroon kang itinatago sa kanya. Maya-maya pa ay pinilit akong muling ngumiti and this time ay sinigurado ko iyong lalabas na tunay at totoo sa paningin nilang lahat. Ayokong isipin niya na may away na naman kami ng aking ina na hindi na yata nawala kada Linggo sa aming buhay. Minsan pa nga ay malala iyon na dumating na sa puntong halos pagbuhatan niya ako ng kanyang sariling kamay. At kahit na hindi ko iyon sabihin sa kanya ay sigurado akong alam niya naman ito. Ramdam niya at nababasa niya ang mga iyon sa bawat galaw naming dalawa ng aking ina. Pasalamat na lang din ako at hindi siya matabil na kagaya ng ibang kasama sa bahay na dumaan sa aming buhay ni Mama, mas may respeto siya sa amin at pinapahalagahan niya ang privacy naming dalawa ni Mama. “Mamaya na lang po Manang, tatawagin ko na lang po kayo kapag nagutom ako at kailangan kong magpaakyat ng aking pagkain sa silid.” sambit ko na nagbadya ng aakyat ng aming hagdan, tumango lang ito sa akin at kapagdaka ay tuluyang sininop ang mga pinagkainan ni Mama. “Salamat po sa pag-alok.” Tuloy-tuloy na akong humakbang ng hagdan paakyat, sa aking bawat pagyapak doon ay pabigat nang pabigat ang emosyong nasa loob ng aking dibdib. Ilang beses ko ng inisip kung hanggang kailan magiging ganun ang trato ni Mama sa akin. Bigyan ko man siya ng salapi o hindi, ay pareho pa rin ang tungo at pagtrato niya sa akin. Wang pagbabago. Hindi ko tuloy maiwasang isipin ang mga panahong salat pa kami sa pera, sa mga panahong iyon ay damang-dama ko pa siya. Ang pagmamahal niya sa akin bilang anak niya. Sana hindi na lang kami nagkaroon ng pera, sana hindi na lang kami nakatikim ng karampot na karangyaan. Walang emosyon na binuksan ko ang pintuan ng aking silid. Walang imik na inilapag ang dalang bag sa sofa na nasa bungad noon. Pagapang na akong umakyat ng aking kama. Matapos na kunin ang hotbog na unan na bagong palit ng punda ay patihaya na ako doong nahiga, ipinatong ang isang braso sa aking noo habang ang aking mga mata ay naburo na sa puting kisame ng aking silid. Yakap pa rin ng aking dalawang binti ang hotdog na unan. Sa aking pakiramdam ay pagod na pagod ako ng mga oras na ito kahit hindi ko naman talaga natapos ang aking performance ng dumaang gabi. Marahil ay nang dahil ito sa aking puyat. Iba ang bigat na aking nararamdaman ng mga sandaling iyon. Animo humataw ako buong magdamag. Ipinalagay ko na lang na marahil ay nang dahil pa iyon sa nangyari sa aming pagitan ni Mama. Nakakapagod naman talaga at nakakaubos ng lakas ang makipagsagutan sa kanya. Hanggang kailan ako magtitiis? Hanggang kailan ako magtiya-tiyaga? Pagod na pagod na ako kay Mama, sobra na rin iyong mga ginagawa niya sa akin. Hindi ko na rin kayang tagalan ang lahat. Ilang beses pa akong bumiling sa higaan na patungo sa kabilang banda. Pilit kong pinipigilan ang muling maluha na halos ay araw-araw ko na lang yatang ginawa kada uuwi ako ng aming tahanan galing ng trabaho at maiiwang mag-isa sa silid. Hindi ko na maramdaman ang kalinga ng aking ina, ang kalinga niya na noong mga nakaraang taon ay nararamdaman ko pa. Biglang naglaho iyon na parang bula. Siguro kapag pumayag na ako sa kagustuhan ni Tita Roxa, baka sakaling magbago ang aking kapalaran at gawi sa araw-araw. Baka lang magkaroon ako ng karamay sa katauhan ng lalakeng iyon na handang maglustay ng limpak-limpak na salapi para lang sa aking katawan. Baka siya na ang sagot sa problemang aking pinagdadaanan? Baka mahanap ko ang kapayapaan sa kanya? Lalong bumigat ang aking pakiramdam sa isiping iyon. Hindi ko pa rin maatim na sa bandang huli ay dito pa rin ang lagpak ko. Sa putikang ito pa rin ang bagsak ko. Iyong lusak na pinakaiiwasan ko noon pa man ay siya pa rin sa bandang huli ang sa akin ay mahigpit na yayakap. Hindi ko ito maiwasan. At ang isiping iyon ay nagbibigay pa sa akin nang labis na kalungkutan at sakit. Kahit na anong iwas ko, kahit na anong tanggi ko dito, hindi pa rin ako nilulubayan at sinusundan pa rin ako. Maya-maya pa ay nagkaroon na ng tunog ang aking mga hikbi, hindi ko na napigilan pa ang pagdagsa ng emosyon ng kalungkutang nararamdaman ngayon. Nagmamadali na akong bumangon doon, isinubsob na ang aking luhaang mukha sa aking dalawang palad. Lumakas pa ang aking iyak nang maramdaman ang pag-iisa. Wala akong karamay at makausap kaya mas bumigat pa iyon. “Pagod na ako. At sawang-sawa na rin ako pakiramdam na ganito araw-araw!” himutok ko na hindi ko alam ang hugot. Muli pa akong pumalahaw doon ng iyak. Hindi na alintana kung marinig man ito ng aming mga kasambahay sa labas. Ang tanging nais ko ay ang mailabas ko kahit papaano ang sakit na nadarama. Ang pagkadismaya at ang kabiguan na patuloy akong nilalamon. Hindi ko alam kung paano ko nagawang makatulog ng mga sandaling iyon, dala na rin marahil ng labis na pagod ng katawan ko. Nagising ako sa maingay na tunog ng aking cellphone na ginawa kong alarm. Iyon ang oras na gagalaw na ako at kapag hindi ay paniguradong late na ako sa aking trabaho. Ngunit iba sa hapong iyon, sa halip na bumangon ay pinatay ko ang alarm at ipinagpatuloy ang aking pagtulog na minsan na lang din maging mahaba at sapat. “I am on vacation, hindi ko kailangang bumangon at magmadaling maligo.” namamalat ang tinig na sambit ko matapos na patayin ang alarm at biglang maalala ang usapan namin ni Tita Roxa bago ako umalis ng club ng araw na iyon. “Time to go back to sleep.” Pinilit kong bumalik sa pagtulog ngunit hindi ako kinasihan ng pagkakataon. Nanatili akong nakahiga ngunit dilat ang diwa na kung saan-saan nagtutungo sa dami ng aking iniisip. Napunta pa iyon sa aking trabaho, kay Miura, kay Tita Rosa at maging sa encounter namin ni Mama kanina. Ilang beses pa akong nagpabiling-biling sa higaan, humahanap muli ng pwestong magbibigay komportable sa akin. Ngunit hindi ko na iyon nagawa pa nang maramdaman ko ang kumakalam na sikmura. At humihingi na ng pagkain. “Wala po ba kayong pasok ngayon sa trabaho niyo, Ma'am Senda?” usisa ni Manang matapos na hainan niya ako ng hapunan. Bilang tugon ay ngumiti ako at kapagdaka ay marahang tumango. Marahil ay nasanay siya na umaalis ako bago mag-alas sais ng hapon. Minsan pa nga ay nagkukumahog akong umalis kahit na hindi ako naghahapunan dala ng late na gising. Madalas ko iyong gawin, lalo na kapag ang pakiramdam ko ay pagod na pagod ako sa aking performance. Ngunit iba sa araw na ito. May prebilehiyo akong hindi pumasok sa aking trabaho dahil na rin sa pagpayag ko sa nais ni Tita Roxa. Hindi pa man iyon final, pero naka-plano na. “Wala po Manang, naka-vacation leave ako.” tugon ko na bahagyang ngumiti pa. Alam kong hindi lingid sa kaalaman nila kung ano ang aking trabaho. Ngunit bilang respeto nila sa akin bilang amo ay hindi na doon lumalagpas pa ang mga tanong nila. Minsan lang din kung magbakasyon ako. Mabibilang lang ito sa mga daliri ko sa kamay. “Talaga? Mabuti naman po kung ganun, Miss Senda.” turan nito na hindi ko alam kung nasisiyahan dahil makakapahinga ang katawan ko sa aking mga trabaho o nakahinga ng maluwag dahil nagpahinga ako. “Oo, baka kulang iyon na isang linggo.” dagdag kong pagbibigay-alam sa kanya. Tumango lang ito at tumalikod na muli upang asikasuhin ang iba pang pagkain kong niluto nila kanina ng mga kasama. Ipinagkibit-balikat ko na lang iyon, minsan lang din naman kung mag-usap kami ng mga ito kung kaya naman ay kampante ako sa pagsasabi nito sa kanila. Para sa akin ay hindi na rin naman sila iba pa. At kung may mga taong nakakaunawa sa akin iyon ay sila. “Maraming salamat po sa pagkain.” Matapos kumain ay tumambay ako sa sala. Panay ang tingin ko sa screen ng aking cellphone dahil umaasa akong baka maya-maya ay tumawag doon ang aking pinsan na si Miura. Ngunit sa halip na siya ang tumawag ay ang numero ni Tita Roxa ang nakita kong nakarehistro dito. At mukhang alam ko na ang rason kung bakit napatawag ito sa akin ngayon. At hindi nga ako nagkamali dito. “Hello, Tita Roxa.” “Lady Rosa, ngayong gabi na ba ang simula ng bakasyon mo?” tanong nito sa hindi ko malamang dahilan kung bakit maligaya ang tinig niya. “Naririto siya ngayon sa club pero ang sabi ko ay nagbakasyon ka muna.” doon pa lang ay alam ko na kung sino ang tinutukoy niya, iyon ay ang lalaking nakahanda akong bilhin. Umayos ako ng upo sa sofa, ngayon pa lang ay kabado na para sa aking sariling ilalagay ko sa kapahamakan. “Tinatanong niya sa akin kung kailan ka niya makikilala. Anong sasabihin ko?” Kaagad akong nanlamig sa huling tinuran niya. Pakiramdam ko ay nalalapit na ang katapusan ko nang dahil sa aking padalos-dalos na desisyon. Mariing ipinikit na ang aking mga mata. Naguguni-guni ko na ang kababuyang aking mararanasan sa kamay ng lalake. “Pakisabi pong humingi ako ng bakasyon sa inyo ng isang Linggo. After nito ay ako na ang kusang makikipagkita sa kanya.” “Sige, ako na ang bahala. Enjoy your vacation, sulitin mo na iyan sana.” Matapos noon ay namatay na ang tawag. Humugot ako nang malalim na hininga. Nag-aalala na baka maling muli ang desisyon na aking ginawa kanina. Dapat ay pinag-isipan ko munang mabuti ito. Siguro naman ay hindi ako mapapahamak nang dahil dito. Natigilan si Mama sa may pintuan na halatang nakakainom sa mga lakad niya nang makita niya akong nakahiga sa sofa ng aming sala. Prenting nanonood. Umayos siya ng tayo, pilit na ikinukubli sa akin ang pagiging lasing niya sa alak. “Hindi ka pumasok ng trabaho, Senda?” Tamad ko siyang nilingon. Dapat nga ay alam niya kung bakit ako nakabakasyon. Siya naman iyong nagplanong ibenta ang katawan ko hindi ba? “Nakabakasyon ako ng isang Linggo at ang simula ay ngayon, Mama.” “Bakasyon? Bakit kailangan mo noon? Hindi ka naman gaanong pagod sa iyong trabaho.” Hindi ko mapigilang tubuan ng inis at galit sa kanya dahil para bang hindi ko pwedeng gawin iyon nang wala niyang pahintulot. At ang lahat ng ginagawa ko ay marapat lang na malaman niya dito. “Ang tagal na noong huli akong humingi ng bakasyon kay Tita Roxa, Mama.” hindi ko na napigilang isatinig sabay harap sa kanya, napipigtas na ang mahaba kong pisi ng aking pasensya. “Napapagod din naman ako Mama, baka hindi niyo lang alam.” “Senda—” Mabilis akong tumayo mula sa aking upuan, ilang minutong naghinang ang aming mga matang dalawa. Walang imik na tinalikuran ko siya at pamartsa na akong umakyat ng hagdan. Wala akong panahon para makinig ng mga sermon niyang paulit-ulit lang naman at walang kapararakan. Pagdating sa aking silid ay wala sa sariling hinila ko ang aking tuwalya. Tuloy-tuloy na tinungo rin ang banyo. Dinig na dinig ko pa ang ingay ni Mama sa labas ng aking silid, tinatawag niya nang paulit-ulit ang aking pangalan. “Senda, lumabas ka diyan, nag-uusap pa tayong dalawa! Huwag kang walang modo. Kahit na anong mangyari ay ako pa rin ang ina mo. Matigas na ang ulo mo ngayon? Lumalaban ka na sa akin?!” Hindi ko na siya pinansin hanggang sa tuluyang manahimik na siya doon. Alam kong nagtungo na siya sa kanyang silid. Matapos maligo ay hindi ko alam kung ano na ang aking gagawin. Iniisip ko na magbihis at lumabas, kaso may bahagi ng aking isipan ang nagsasabi na manatili na lang ako sa bahay at matulog. Tama naman iyon, wala rin naman akong kasama sa labas kung pipiliin ko iyong gawin. Baka magtungo lang ako sa club na pinagtra-trabahuhan at baka kung ano lang ang magawa ko. “Maaga akong aalis bukas, magtutungo ako ng Mulanay at babalikan ko ang mga alaala namin doon ni Miura. Bibisita ako sa dati naming school, tama iyon ang aking gagawin bukas. Hindi ako lalabas.” Inayos ko na rin ang aking higa sa kama matapos na tuyuin ng blower ang aking buhok. At habang nakahiga ay hindi ko mapigilan na sumagi sa aking isipan ang aking unang kasintahan sa highschool. Kumusta na kaya siya? Malapit niya na kayang makamit ang pangarap niya noong maging isang alagad ng batas o magaling na pulis? Sana ay okay lang din siya, wala man kaming maayos na closure ng break up alam ko sa aking sarili na hiwalay na kami. Hindi na rin ako ang babaeng nararapat sa kanya dahil marumi na ako. “Miss na miss na kita sobra Arlo, sorry kung bigla na lang noon akong nawalan ng communication sa'yo. Ginusto ko iyon. Pinili ko ito. Iyon din kasi ang best way para mabilis mo akong makalimutan.” Hindi ko namalayan na humihikbi na ako, umiiyak habang nakatingin sa kawalan dahil sa unang pag-ibig na sinayang. Halos ay perpektong-perpekto na ang aming relasyong dalawa noon, nasira lang iyon noong makatapos kami ng highschool. Marahil ay dahil hindi ako lumaban. Pinabayaan kong mabitawan siya. Hinayaang pumatak ang aking mga luha na puno ng panghihinayang, kasabay ng aking pagbabalik-tanaw sa aking nakaraang masasayang araw kasama si Arlo. Ang lalakeng unang minahal ng aking musmos na puso at pagkatao.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD