Chapter 8

2399 Words
Kagat nang mariin ang aking labi na binuksan ang cabinet na naglalaman ng aking mga lumang gamit na naitago noong nag-aaral pa ako ng highschool. Maingat ko iyong inilabas sa lumang kahon ng sapatos na pinaglalagyan ng mga ito. Doon ko itinago ang ilang mga litrato naming dalawa at ganundin ang ilang sulat na ibinigay niya sa akin at maging ang mga tuyong talutot ng mga bulaklak na ibinigay niya noon. Ganundin ang ibang mga gamit na may kinalaman sa aking pinsan. Marahan kong isinandal ang aking likod sa pader habang iniisa-isa ang mga sulat niya sa akin na sa tagal na ng panahon ay ngayon ko na lang muling babasahin. Nanlalabo ang mga matang napahikbi na ako doon, sariwa pa ang kasiyahang dulot ng mga ito sa aking pagkatao noong aking kabataan kung kaya naman ngayon ay hindi ko lubos maisip kung bakit humantong ang aking kapalaran sa ganitong sitwasyon. Hinayaan kong mapariwara ako at sa maling landas mapadpad. Sobrang linaw noon ng aking mga pangarap, pero nabalewala lang iyong lahat. “S-Sorry Arlo...” munting hikbi ko doon habang sinasalat ang aming mukhang dalawa sa larawan na medyo kumukupas na. Sigurado akong kaunting hakbang na lang at makakamtan na niya ang pangarap na kanyang inaasam noon. Pangarap na kasama niya ako ngunit siguradong matatanggap niya iyon nang wala ako sa tabi niya. At hindi ko mapigilan ang aking sarili na bahagyang manghinayang sa bandang iyon. Nangako kami noon na sa bawat tagumpay, naroon dapat kami at nakaantabay sa bawat isa. Ngunit ngayon ay hindi na matutupad iyon, malabo na. At saka baka may ibang babae na rin na nagmamahal ngayon sa kanya at mahal niya. At sa bandang iyon may kurot pa rin ng sakit at panghihinayang sa aking kaibuturan. Bahagyang luminaw na ang aking paningin nang pumatak na ang ilang butil ng aking mga luha pababa. Naging dahilan iyon upang maayos kong makita ang mga ngiti naming dalawa noon na matingkad, habang mahigpit na magkahawak ang aming mga kamay. Mababanaag sa aming mukha, mga mata at mga ngiting dalawa na kahit na anong iniisip at problema. Sa gilid namin ay naroon si Miura at Geron, ganundin si Eriza at Vins na kagaya namin noon na walang kahit na anong iniisip. Parang ang sarap-sarap balikan ng mga panahong iyon ng aming kabataan dati. Nakaka-miss... Mahina akong natawa kahit na naiiyak noong magawi ang paningin ko kay Vins. Una ko siyang ginusto noon dahil marahil sa yaman nila. Ngunit nang matutunan ko ng mahalin si Arlo, nawala na ang paghanga ko sa kanya na alam kong nang dahil lang sa kinang ng pera. Mayaman sila, at nang mga panahong iyon ay masyado akong materialistic at mataas ang aking pangarap. Ngunit binago ako ni Arlo. Pilit niyang ipinapaintindi sa akin na hindi mahalaga ang pera kahit na ang pamilya naman niya ay mayroon din namang kaya. “Kumusta na rin kaya ang mokong na ito? Marahil ay malapit na rin siyang makatapos sa kolehiyo. Mukhang ako na lang yata ang napag-iwanan sa aming grupo. Ako iyong labis na kinarma nang dahil sa mga kalokohang ginawa sa pinsan kong buo ni Mama.” Sumisinghot na bumaling ang aking paningin sa mukha ni Eriza, ang babaeng mahirap ko noong makasundo pero hindi nagtagal ay naging malapit na rin siya sa akin. Iyon nga lang ay hindi ganun ka-close sa samahan nilang dalawa ng aking pinsan. Kamakailan lang din noong nakita ko si Eriza, maikli na ang buhok nito kagaya ng gupit ni Miura kahapon. At dahil sa hindi naman kami ganun ka-close ay pilit ko siyang iniwasan. Sa loob iyon ng isang convenience store. Hindi na ako nagtangka pang kumustahin pa siya kahit na nang mga panahong iyon ay kating-kati na ako kung may balita ba siya noon kay Miura. Good thing na rin na nagkita kami nito kahapon. Hindi naman kami magkaaway, pero hindi ko rin masasabi na close kaming dalawa. In between noon ang relasyon namin ng babae. Naka-school uniform pa siya ng sikat na University sa bayang ito. Noon pa man ay alam ko ng sa Aurora siya papasok ng University unlike kina Geron at Miura na noon pa lang ay sa Catanuan na. Itinago ko na lang ang aking sarili sa kanya dahil ayaw kong mag-cause pa kami doon ng gulo at komosyon. Alam ko naman sa aking sarili na galit na galit din siya sa akin. Matalik na magkaibigan silang dalawa ni Miura kaya paniguradong ang galit ng aking pinsan noon ay ganundin ang impact sa kaibigan niya. “Kailan kaya muling mauulit ang bonding namin noon na kagaya nito?” tanong kong may kaunting pag-asa sa tunog ng aking tinig, pagak na akong tumawa doon na bahagya pang umiling nang may napagtanto. Alam ko naman sa aking sarili na imposible na iyong mangyari lalo pa sa kabila ng aming mga kasalanan ni Mama kay Geron at Miura. Paniguradong malabo iyong mangyari sa ngayon. “Huwag ka ngang ambisyosa diyan Senda, alam mo sa iyong sarili na imposible nang mangyari ang bagay na iyon kahit na kailan.” Patuloy pang gumapang ang mapaklang likido sa aking kaibuturan na kanina ko pa nararamdaman. Hindi ko na mapigilan na mas manghinayang pa sa aming samahan noon na solido. At kahit na masama ang ugali ko ay tinanggap pa rin nila ako sa grupo nila. At ang katotohanang iyon ang lalo pang nagbigay sa akin ng dahilan upang mas lalo ko pang pagsisihan ang mga bagay na iyon ngayon. Wala akong nagawa kung hindi ang ilabas ang sama ng loob na mas tumindi pa habang nakatitig sa aming mga larawan kasama sila. Ang buong akala ko noon kapag naging masama ang ugali ko, matatag na ako, matibay at kailanman ay hinding-hindi na iiyak pa. Ngunit mali pala ako, kahit na gaano pa ako katatag at piliting magpakatatag ay may panahong bumabagsak pa rin ang mga luha ko. Natitibag pa din ang pader na itinatag ko sa pamamagitan ng pagkakaroon ko ng masamang ugali. Balewala lang ang lahat ng iyon. “I'll get better...aayusin ko na ang buhay ko para kung sakaling magkita-kita tayong lahat, may maipagmamalaki rin ako sa inyo. Hindi niyo basta ako pupulaan nang dahil lang sa maruming trabaho ko. Aayusin ko na ang buhay ko, aayusin ko na mula ngayon.” Hindi ko na namalayan na nakatulog ako doon habang nakasandal hawak pa rin ang mga lumang gamit na itinago ko. Nagising lang ako nang maramdaman ang ginaw na bunga nang malakas na buhos ng ulan sa labas ng bahay noong madaling araw na. Lumipat ako sa aking kama at doon nilunoy pa ang aking sarili sa pagtulog na matagal kong inasam na mangyari. Tanghali na ako nang magising kinabukasan. Wala na rin noon ang ulan, humupa na ito na parang subasko lang na mabilis doong dumaan, yumakap at humalik lang pansamantala sa buong kalupaan. Binasa ang tigang na lupa at upang diligan at basain ang nanunuyot na mga ugat ng mga halaman. “Maaga pong umalis ng bahay ang Madam Belith, Miss Senda.” sagot sa akin ng kasama namin sa bahay nang tanungin ko kung gising na ba si Mama at kumain na ng almusal, hindi ko kasi siya naabutang sa akin ay naghihintay upang samahan akong kumain ng almusal na madalas niya noong gawin sa akin. “Ang bilin po niya ay baka gabihin siya, may lakad po yata kasama ang mga amiga.” Nagkibit na lang ako ng aking balikat doon. Ngayon pa ba ako hindi masasanay sa mga gawain niyang ganito? Syempre hindi. Noon pa man ay hindi na siya mapirmi sa aming bahay ngayon pa kayang alam niyang nakabakasyon ako? Parang palagi niyang gustong gumala at magwaldas ng perang animo ay tumutubo lang overnight at pinupulot ko nang walang kahirap-hirap. Hindi niya maisip na dugo at pawis ang naging puhunan ko doon upang makuha ang pinaghirapang sweldo. At kahit na ilang beses ko siyang sabihan ukol sa bagay na iyon ay nauuwi lang kaming dalawa sa away at mahabang pagtatalo ng aking ina na hindi pa rin maunawaan ang lahat. “Sabihin mo kung pinagdadamutan mo ako Senda, sino ba ang naglagay sa'yo sa trabahong iyan para malaki ang sweldo? Ako!” panunumbat nito pagdadamutan ko siyang bigyan ng perang kanyang hinihingi na animo ay humingi lang sa akin ng inuming tubig. “Mama, hindi naman po sa ganun ang ibig kong sabihin” sagot ko na kulang na lang ay maglupasay doon upang maunawaan niya ang lahat, humihingi lang naman siya sa akin ng singkwenta mil para panggastos kuno niya dahil pupunta sila ng casino ng mga kaibigan niyang mayroong mga kaya. “Hinay-hinay naman po sa paggastos, last week lang humingi ka sa akin ng one hundred thousand. Hindi po madaling ipunin iyon. Ilang gabi ko iyong pinagpapaguran at halos isang buwan kong iniipon iyon Mama!” “Rosenda, manahimik ka na lang diyan at ibigay mo na ang hinihingi ko sa'yo!” Kung kaya naman ay madalas na hindi ko na lang ito pinapakialaman, para wala rin kaming gulo at ingay na mag-ina sa loob ng aming bahay na parang ang laki para sa aming dalawa. Ako na iyong nag-adjust at hinayaan na lang siya kung ano ang nais niyang gawin. Hindi rin naman siya magpapatalo kahit na alam naman niyang siya ang may pagkakamali sa amin. Kilalang-kilala ko na. “Sige po Manang, maraming salamat po sa pagkain.” sa halip ay turan ko nang masagot niya na ang mga katanungan ko sa kanya. Tumango lang ito at umalis na sa aking harapan. Magmula nang magtrabaho ako at hindi na mag-aral ay nakapagpundar na ako ng ibang mga gamit sa loob ng aming bahay. Iyong sahod na natitira sa akin sa halip na kung saan gastusin ay minabuti ko na sa mga gamit iyon lustayin. May natitira man at hindi nauubos, iyon ang ibinibigay ko kay Mama kapag humihingi ito at nauubos ang pera niya. Pera na na hindi ko alam kung saan madalas na napupunta. At least nakikita ko sila, hindi kagaya ni Mama na puro sa luho, bisyo at kung saan-saan inilalagay ang pera. Kung kaya naman karampot na lang din ang natitira sa akin, ngunit masasabi ko na worth it naman ang mga pinagbibili kong gamit. Napapakinabangan naming madalas. Iyon ang hindi maunawaan ng aking ina na ang tingin sa akin ay buhay niyang alkansya. Ganunpaman ay nagawa ko pa 'ring makakuha ng bank account na tanging ako lang ang siyang nakakaalam. Inililipat ko doon ang aking mga tirang pera, hindi man ganun kalaki ang ipon at sobra-sobra ay masasabi ko na at least mayroon akong naiitago at lingid pa iyon sa kaalaman ng aking ina. At iyon ang mas mahalaga, nakakapagtago pa rin ako. At naniniwala ako na magagamit ko iyon sa panahon na kailangang-kailangan namin ng pera. Kumbaga reserba ko at piniling itago. Matapos kumain ay muli akong umakyat ng aking silid at mabilis na inayos ang aking sarili, nagbihis ako ng alam kong desente at kagalang-galang. Iyong tipong kapag suot ko iyon ay walang sinuman ang maghihinalang nakakasuka ang trabahong pinapasukan. “Okay na ito, maglalakad lang naman ako buong araw doon.” bulong kong planado na kung saan ang magiging lakad ng araw na iyon. Dinampot ko na ang favorite kong shoulder bag, at walang imik na tinalunton na pababa ang aming hagdan. “Pakisabi po kay Mama na may pinuntahan ako kung sakaling mauna siyang umuwi mamaya.” bilin ko kay Manang bago lumabas ng aming bahay. “Sige Miss Senda, mag-iingat po kayo.” Muli lang akong tumango at tuloy-tuloy nang lumabas doon. Mabagal na nilakad ko ang daan patungo ng terminal ng bus. Hindi iyon gaanong malayo sa aming tahanan kung kaya naman hindi na rin ako nahirapan pang magtungo doon. Saktong dating ko sa lugar ay siya namang alis ng bus, mabuti na lang at umabot pa ako doon. Mabilis akong na-conscious nang tumingin ang halos lahat ng mga pasaherong naroon sa akin. Biglang nais ko na lang na magtakip ng aking mukha sa hiya. Hindi na rin ako sanay na gumala nang mataas ang sikat ng araw. Ganunpaman ay kinapalan ko na lang ang aking mukhang humakbang papasok pa doon. Hindi rin naman siguro nila ako kilala, kung may nakakakilala man sa akin sa kanila ay siguradong naguguluhan na siya at iniisip na baka ang babaeng naiisip niya na katauhan ko ay kamukha ko lang o kahawig. Ipinagdasal ko na lang na wala ng maging aberya pa sa biyahe. “Saan ang baba mo, Miss?” “Bayan po ng Mulanay.” tipid kong tugon na inabala ang sarili sa wallet na nasa loob ng aking bag. Matapos na i-abot ang ticket sa akin ay ini-abot ko na rin ang aking bayad. Walang imik na tinanggap ko ang sukli at hindi na iyon pinag-abalahan pang bilangin. Hindi naman siguro ako dudugasan ng konduktor ng naturang bus company. Ibinaling ko ang aking mga mata sa labas ng bintana nang matulin na iyong tumakbo. Pilit na bumabalik sa akin ang aking kabataan noong nakalipas na. Ganun pa rin kaya ang hitsura ng aming dating school? Naroon pa rin kaya ang aming mga guro na minsang nanakit ang ulo sa kaguluhan at katigasan namin noon? Magaang isinandal ko na ang aking buong katawan sa sandalan ng upuan. Hindi na maitago sa aking labi ang excitement sa aking pagbabalik sa lugar na hindi man ako dito isinilang ay magpapaalala sa akin noon ng aking pansamantalang naging kalayaan dito. Sana makita ko ulit doon si Miura, para may kasama akong mamasyal. Ipinikit ko ang aking mga mata, ina-anticipate sa aking sarili na muli ko doong makikita ang aking pinsan kahit na halata namang imposible iyong mangyari. Ni hindi pa nga siya tumatawag sa akin kaya hindi ko pa alam ang number niya. Baka nga hindi naman ako e-kontak noon. Naniniwala na lang ako kahit na sa aking palagay ay ang hirap nitong paniwalaan. Kaagad akong napapitlag nang maramdaman at marinig ang malakas na tunog ng aking cellphone. Samahan pa iyon ng vibration. Nahihiya kong nilingon ang aking katabi upang humingi dito ng pasensiya. Ngumiti lang sa akin ang babae at tumango na kapagdaka. “Ayos lang hija, normal naman iyan sa panahon ngayon.” hawak pa nito sa aking isang braso na mas ikinahiya ko sa kanya. “Pasensya na po talaga,” ulit kong mabilis nang sinagot ang nakarehistrong numero sa screen ng cellphone ko. “Hello?”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD