Jelsea's POV
“Matulog na po kayo, Mang Larry. Iyong pangako niyo po sa akin…sana po ay tuparin ninyo,” ani ko sa matanda nang makababa ako ng sasakyan.
“Huwag kang mag-aalala Ma'am Jelsea, wala akong sasabihin sa mga magulang mo," sagot naman ng matanda na naninigurado.
“Salamat po at pasensiya na po talaga. Dapat hindi talaga ako nag-drive ng nakainom ako,” naiiyak na sabi ko. Magsisi man ako ngayon ay huli na para rito.
“Hayaan mo na ‘yon, Ma'am. Hindi mo naman alam na ganoon ang nangyari. Ang mahalaga ay hindi kayo nasaktan. Isa ako sa mananagot kapag may nangyari sa iyong masama .”
Mas lalo akong nakonsensiya sa aking narinig.
Hindi nga ako nasaktan. Paano naman iyong taong nasaktan dahil sa akin?
“Sige po. Aakyat na ako sa aking kwarto. Magpahinga na po kayo at maaga pa yata ang biyahe ninyo ni Daddy sa Pangasinan.”
“Mabuti pa nga Ma'am. Akyat na baka makita ka pa ng Daddy at Mommy dito. Anong oras na rin kasi at baka pagalitan ka pa."
Napatingin ako sa aking wristwatch sa sinabi ng matanda. Malapit na pala mag-ala una ng umaga. Malalagot ako nito kapag nakita akong gising ng mga magulang ko. Lumampas na ako sa curfew ko at babawasan ang allowance ko nito kapag hindi pa ako natulog.
“Okay po. Goodnight po.”
Ngumiti lang sa akin ang matanda bago tumalikod at nagtungo na sa quarters nila para magpahinga na rin.
Naglakad na ako patungo sa hagdanan at blangko ang isip na naglakad. Wala ako sa aking sarili nang makauwi ako ng bahay namin sa totoo lang. Lumilipad ang aking isipan dahil sa aksidente na aking kinasangkutan. Sobrang bigat din ng nadarama ko sa aking dibdib dahil nakokonsensya ako sa nangyari. Dapat hindi ako nakinig kay Analyn. Dapat tinulungan ko iyong lalaki at tinanggap ang nararapat na parusa sa akin kahit habangbuhay pa akong makulong. Hindi iyong iniwan ko roon ang responsibilidaf ko at tumakbo ako sa pagkakasala ko. Paano kung may CCTV camera roon? Paano na? Damay pa rin sina Analyn, Letty, Patricia at Mang Larry kapag nagkataon. Mapapagalitan ang mga kaibigan ko at masesesante si Mang Larry. Ako on the other hand ay pagagalitan nina Mommy at Daddy.
Alam kong patung-patong din ang magiging kasalanan ko kapag nagkataon na may nakuhang record doon. Reckless driving, wala akong lisensiya, at nakainom pa ako.
Putek! Sa kangkungan ako pupulutin nito! Isa akong malaking kahihiyan sa pamilya namin kapag nagkaton. Tapos namatay pa iyong may-ari ng sasakyan. Patay! Mas uusigin ako ng konsensya ko dahil dito.
Dapat kasi ay hindi ako nakinig kay Analyn. Dapat ginawa ko iyong tama dahil ako naman ang may kasalanan kung bakit nangyari ito. Hindi naman sila madadamay dahil ako naman ang nagpumilit na magmaneho.
Hindi na lang sana ako uminom. Dapat tikim lang talaga ang ginawa ko. Ang sarap naman kasi ng alak. Mapait oo sa lasa pero kakaiba ang epekto nito sa pakiramdam. I feel free. Lumabas din ako sa comfort zone ko dahil malakas ang loob ko na gawin iyong mga kinatatakutan kong gawin.
Good thing tulog na ang mga magulang ko nang makauwi kami ng driver ko. Wala ng maninita sa akin kung bakit ngayon lang ako umuwi. Wala rin silang mapupuna na takot at pagkabahala sa mukha ko dahil maging ako man ay hindi ko alam kung paano ko ipapaliwanag sa kanila ang reaksyon na makikita nila sa mukha ko. Hindi ko rin alam ang sasabihin ko sa kanila kapag nagtanong sila. Natatakot ako na magsabi na may napahamak na tao dahil sa kapusukan ko. Hindi ko rin alam ang sasabihin ko dahil hindi rin ako sure kung ano ang kalagayan ng taong iyon ngayon.
Nakatulog ako kahit ligalig ang isip at puso ko. Kinabukasan paggising ko ay naghahanda na ako kung may biglang susugod dito sa kwarto ko at huhuliin ako. Pero iba naman ang namulatan ko dahil imbes na pulis na huhuli sa akin ang makikita ko. Bumulaga sa mga mata ko ang maraming regalo sa ibaba ng kama ko. Nakakamangha ang dami nito dahil halos imported ang nababasa kong nakatatak na pangalan sa mga paper bags.
“Wake up you lazy princess!” Narinig kong hiyaw ni Mommy sa labas ng pinto ko. Pagkatapos ay pinihit niya ang seradura at madramang pumasok kasama ang dalawang katulong na may bitbit na mga pagkain na nakalagay sa tray.
Natakam ako bigla dahil sa masarap na aroma ng mga pagkain. Tamang-tama, nagugutom na rin ako dahil nagrereklamo na ang aking tiyan.
“Oh, finally you're awake, my princess…” masayang bulalas ni Mommy na agad naupo sa tabi ko at hinawakan ang mga kamay ko. "Kanina pa kita pinapakatok sa mga katulong kung gising ka na. Gusto kong ako unang babati sa iyo ng happy birthday, hija."
Naghikab ako at hindi pinansin ang sina ni Mommy.
“Happy birthday Jelsea! Are you excited tonight? My God, dalaga ka na! Huhu, dalaga na ang baby princess ko,," naluluhang sabi ni Mommy na ikinangiwi ko lang. "I love you my princess." Niyakap pa niya ako ng mahigpit at madramang humagulgol sa balikat ko pagkatapos.
"T-thank you, Mommy." napapangiwing sabi ko sa kadramahan ng ina ko.
"Hindi na kita baby, huhu...."
Pinaikot ko na lang ang mga mata ko sa ere dahil heto na naman siya sa mga drama niya. Inalo ko pa siya nang inalo hanggang sa matigil siya sa pag-iyak at excited na sinabi sa akin na may binigay ang Tito ko na regalo sa akin at naroon iyon sa baba. Tingnan ko na lang daw mamaya para makita ko kung ano ito.
“Pakisabi po kay tito, thank you,” ani ko na kinalas ang yakap niya at nagpasyang magtungo muna sa banyo para maghilamos. Baka kotse o kaya bike ang regalo ni Tito sa akin. Galante talaga magreklamo ang kapatid ni Mommy, palibhasa wala pa kasing asawa kaya hindi niya alam kung saan lulustayin ang kaniyang pera.
Sina Daddy at Mommy ay malamang mamahalin na alahas ang iregalo sa akin. Gusto ko iyong serpent na design ng kwintas at bracelet. Uso iyon ngayon at nakikita kong suot ng mga celebrity at ilang kilalang personalidad na nakikita ko sa internet at social media.
May ganoong design sa pagawaan ng alahas nina Daddy at Mommy, limited lang iyon dahil halos isang pares ay nagkakahalaga ng milyon dahil sa gramo nito at kakaibang disenyo. Mahal din ang diamonds na nilalagay sa pinakamata ng ahas na disenyo kaya hindi na ako nagtataka kung aabot iyon sa ganoong presyo.
I wish I have one of those. Sana maisip nina Daddy at Mommy na regaluhan ako ng ganoon.
Paglabas ko ng banyo ay nakahanda na ang lamesa para sa aking almusal. Naamoy ko agad sa hangin ang sinangag, beef tapa, tocino, tuyo, pritong itlog at ang paborito kong chocolate drinks. Natakam ako bigla kaya naman pagkabihis ko ay agad ko ng nilantakan ang hinain ng mga katulong. Si Mommy naman ay palihim akong kinukuhanan sa kaniyang camera. Stolen shots na ewan ko ba kung ikatutuwa ko kapag nakita ko.
“Ikaw, Mom? Tapos na po ba kayong kumain?” tanong ko nang maalala kong hindi ko man lang siya inalok na kumain. Isa lang kasi ang platong nakalapag, meaning hindi siya kasali.
“I’m done, hija. Kasabay ko ang Daddy mo na kumain sa hapag-kainan kanina,” sagot ni Mommy na ngayon ay nag-s-selfie na yata dahil panay ang posing niya.
“Uh, ganoon po ba?”
“Yup. Tsaka makita lang kitang busog na ay para na rin akong busog, hija.”
Natawa na lang ako sa sinabi ni Mommy. Hay naku! Buti na lang at hindi ako Mama's girl kung hindi, mamimiss ko ang mga ganitong galawan ni Mommy pag nawalay ako sa poder niya.
Mga ilang minuto rin sigurong dumaan ang katahimikan sa pagitan namin bago ko siya narinig na nagsalita na labis kong ikinagulat.
"May naaksidente pala sa bandang norte. Hindi ba ninyo nadaanan iyon ni Larry?" tanong ni Mommy habang titig na titig siya sa kaniyang hawak na cellphone.
Nalaglag ang panga ko at nabitiwan ko ang hawak kong kubyertos. Bigla akong nanlamig. Alam ko kung ano ang tinutukoy niyang aksidente. Iisa lang ang pwede naming daanan ni Mang Larry na way at iyon nga ay ang sinasabi niya sa bandang norte.
"Nakakaawa naman iyong lalaki dahil grabe raw ang nangyari sa kaniya," wika pa ni Mommy habang panay ang scroll niya sa kaniyang cellphone.
Mas lalo akong hindi naging kumportable. Pati talampakan ko ay namamawis kahit nakasindi naman ang aircon.
"Kaya ikaw, Jelsea. Don't you dare drive a car," ani ni Mommy na saglit akong tiningnan.
"Y-yes, Mommy."
"Nakakatakot ang nangyari sa lalaki. Lahat ng bakal na nakausli sa kalsada ay tumusok sa kotse niya."
Kinilabutan ako at parang gusto kong masuka nang maisip kong para siyang na-BBQ ng ilang ulit.
"Hindi man lang nakonsensya ang nakabangga sa kaniya kung meron man."
Mas lalo akong pinagpawisan. Kung alam lang ni Mommy na ako ang dahilan kung bakit naaksidente ang lalaki.