Chapter 17

2312 Words
Nakikita niyang hindi maputol ang sayang nadarama ng pamilya ni Alex. Napansin din niyang nasa bungad na ang mga ito ng pintuan. May upuan kasi doon. Nakaupo na ang itay ni Alex habang hawak ang kamay ng anak at sa tingin niya ay kinukumusta si Alex. Hindi niya gaanong nariring ang pinag-uusapan ng mga ito. Lalo na at iniwan talaga siya mismo ni Alex sa loob ng sasakyan, pagkakita nito sa dalawang kapatid na talagang nag-aabang sa labas ng bahay. Para sa kanilang pagdating. Lumabas na rin siya ng kotse niya. Hindi naman niya alam kung saan pwedeng iparada ang sasakyan niya, kaya maghihintay na lang siya sa signal ni Alex. "Siguradong napagod ka sa byahe anak, halika sa loob at ng makakain ka. Mga paborito mo ang niluto ko." Rinig ni Leopard na sinabi ng inay ni Alex. Nakita naman niyang inalalayan ng kapatid na lalaki ang kanilang itay, habang higit-higit naman si Alex ng isa pa nitong kapatid, kasunod ang inay nito papasok sa loob ng bahay. Napangiwi naman si Leopard habang nakatingin sa masayang pamilya ni Alex na pumasok sa loob ng bahay. "Nakalimutan na talaga niya ako?" Tanong pa ni Leopard sa sarili, habang nakaturo ang hintuturong daliri sa sarili niya mismo. Napatawa na lang siya sa nangyayari. Nakalimutan talaga siyang bigla ni Alex. Binuksan na lang muna ni Leopard ang passenger seat at doon muna naupo. Habang ang siko ay nakatuon sa mga hita, at ang mukha at nakapatong sa kanyang mga palad. Habang iniisip kung paano siya babalikan ni Alex. Sa kusina naman nina Alex ay masayang nagkukwentuhan pa rin si Alex at ang dalawa niyang mga kapatid. Nakikitawa din naman ang kanyang ama sa kanila. Kung tutuusin ay maayos na ang lagay ng kanyang itay ngayon. Hindi lang talaga pwede sa mabigatang trabaho. Pero nakakapaglakad na ito. Higit sa lahat kaya na nitong magtimpla ng sarili nitong kape. Bali nakakakilos ng talaga ng medyo maayos. Ang kanya namang inay naman ay nakikitawa din sa kanilang kulitan habang inihahayin ang niluto nitong, ginataang labong, adobong karne ng baboy na may pritong kamote, at tinolang native na manok. Matapos makapaghayin ng kanyang inay ay magsimula na silang kumain. Isusubo na sana ni Alex ang kutsara niyang may lamang kanin at ulam ng biglang may naalala. "Inay! Itay! Alexis! Alexandra!" Sigaw ni Alex kaya naman napatigil din sa pagsubo ng pagkain ang pamilya niya. "Anong problema mo anak?/ Anong problema mo ate?" Halos sabay-sabay nilang tanong habang nakatingin kay Alex. "Nasaan si boss?!" Gulat niyang tanong sa mga ito. Nagulat din naman siya ng maalala ang boss niya kaya naman halos madapa pa siya sa pagtakbo palabas ng bahay. Sinundan din naman siya ng dalawa niyang kapatid. Humahagos namang nilapitan ni Alex si Leopard. Nagulat pa ito sa biglang pagsulpot niya sa harapan nito. Lalo na at parang magkakapit na ang mga mata ng boss niya. Dahil sa inip, inantok na ito. "Boss!" Bigla niyang sigaw kaya naman napatingin itong kaagad sa kanya. "Boss naman, bakit hindi ka sumunod kaagad sa akin?" Reklamong tanong ni Alex dito. "Sa nahihiya ako eh. Meron pa naman ako noon. Hindi tulad mo." Wika ni Leopard na bigla namang ikinatawa ng dalawang kapatid ni Alex na nasa likuran pala niya. "Bakit ninyo ako sinundan? Kayong dalawa magsibalik na kayo sa loob." Sita pa ni Alex sa dalawa, na peace sign lang ang isinagot sa kanya. Bumaling namang muli si Alex kay Leopard. "Boss naman, pwede ka naman kasi talagang bumaba ng sasakyan eh. Tapos tumuloy ka na doon." Giit pa ni Alex na talagang hiyang-hiya kay Leopard lalo na at hindi talaga niya inaasahan na nakalimutan niya ito. "Nakita mo lang ang pamilya mo. Nakalimutan mo na ako. Minsan ang sarap ding magtampo. Alam mo namang bago lang ako dito eh. Ngayon lang ako nakatungtong dito." "Boss ang drama mo. Tara na nga. Kakain na tayo. Pakakainin kita ng paborito ko. Niluto iyon ni inay. Halika na. Wag ka ng magtampo. Arte-arte nito. Aba. Ipapakilala na rin kita sa kanila." Wika ni Alex sabay hila kay Leopard. Nilampasan naman nilang dalawa ang kapatid ni Alex. "Hoy kayong dalawang pangit, tara na sa loob kumain na tayo. Bulong bulong pa kayong dalawa. Rinig ko naman." Sigaw ni Alex kaya naman nagtawanan lang ang dalawa niyang kapatid, bago sumunod sa kanila. Pagpasok nila ng kusina ay naabutan nila ang mga magulang ni Alex, sa hapag. "Magandang hapon po, nay, tay. Ako po si Leopard. Ikinagagalak ko po kayong makilala. Salamat po sa pagpayag na magbakasyon po ako dito sa inyo." Magalang na wika ni Leopard sa mga magulang ni Alex. Nagpakilala din naman ang mga ito sa boss niya. Napatingin naman si Alex sa hapag. May nakahayin na ring isa pang plato ng pagkain at ulam sa tabi ni Alex para kay Leopard. Kaya naman kahit papaano ay nakahinga ng maayos si Alex, sa sobrang pagkapahiya na makalimutan ang boss niya. Pagkaupo nilang lahat ay nagsalita naman bigla ang kanilang bunso. "Kuya Leopard, ako po pala si Alexandra. Xandra na lang po for short. Tapos po, ito po si Kuya Alexis. Ako na rin po magpapakilala. Ang kj po kasi ni ate. Hindi kami pinakilala ni kuya sayo. Kaya nagkusa na ako." Wika naman ni Xandra kaya na nakatikim ng paninipa ni Alex sa paa nito. "Aray naman ate para ka pa ring kabayo. Nakarating ka lang ng Maynila, mas lumakas ang paninipa mo. Kuya Leopard, wag kang magdididikit dyan kay ate, baka hindi mo namamalayan bugbog sarado ka na." Tuloy-tuloy pa rin sabi ni Xandra kaya naman sinamaan na ito ng tingin ni Alex. "Ikaw kuting ay manahimik. Maka-kuya ka naman. Boss ko yan no." Paliwanag ni Alex sabay baling kay Leopard. "Pasensya na boss, madaldal lang talaga iyang si kuting. Wag mo na lang pansinin mga sinasabi n'yan. Kain ka na boss." Wika ni Alex na nagpangiti kay Leopard. "Wala namang problema. Mas okay naman na tawagin nila akong kuya. Lalo na at solong anak lang ako. Hindi ko naranasan ang magkaroon ng kapatid." Napangiti pa si Xandra, sa sinabi ng Leopard, kaya naman lihim nitong dinilaan ang ate niya. Napailing na lang din si Alex sa kakulitan ng bunso nila. High school na ito pero para pa din elementary kung umasta. Pero kahit napakakulit ni Alexandra. Mahal na mahal naman niya ito. Pati na rin ang sumunod sa kanya na si Alexis. Pati na rin ang mga magulang niya syempre. "Salamat po ulit sa pagkain." Sabay tingin ni Leopard sa mga pagkaing nakahayin sa hapag. Ipinaliwanag naman ni Alex kung anu-ano ang mga tawag sa mga pagkaing nakahayin. Pamilyar siya sa adobo, pero iyong may pritong kamote bago sa pandinig niya. Ganoon din ang tinola na native na manok ang ginamit. Dahil ang alam lang niya ay iyong mga poultry chicken. Lalo na sa labong. Hindi niya akalaing baby bamboo pala iyon. Naging masarap at masaya ang pagkain ni Leopard. Nakakwentuhan din niya ang itay ni Alex pati na nag inay nito. Naging maingay ang kanilang pagkain. Isang bagay na ngayon lang naranasan ni Leopard. Kumain ng masaya sa isang hapag, kasama ang isang masayang pamilya. Pagkatapos nilang kumain ay si Alex na ang nagdayag ng kanilang pinagkainan. Ang kanya namang itay ay naupo sa upuan sa tabi ng kanilang bahay. Naupo din doon si Leopard. "Salamat po tay, dahil sa magandang pagtanggap ninyo sa akin. Salamat din po at pinayagan ninyo akong isama ni Alex dito." Wika ni Leopard habang nakatingin sa malawak at berdeng lupaing kanyang natatanaw. "Syempre naman sir. Kami naman po talaga ang dapat magpasalamat dahil sa magandang pagtrato at pagtanggap mo sa aking panganay, bilang empleyado mo. Mabait naman si Alexa. Pasaway lang madalas." Natatawang wika pa ni Tatay Alejandro. "Tay naman kanina ko pa pong sinasabi sa inyo ni Nay Alesandra na Leopard na lang. Wag na pong sir. Naiilang po tuloy ako." Reklamo pa ni Leopard dito. "Sige na Leopard. Pagpasensyahan mo na rin at medyo maliit itong aming tahanan. Sana naman ay magustuhan mo dito kahit papaano." "Naku naman tay. Oo naman po. Kanina pa po akong nag-eenjoy sa berdeng paligid na nakikita ko. Kaya wag po kayong mag-alala." Matapos maghugas ng plato ay nagtimpla naman si Alex ng kape para sa kanyang itay at sa boss niya. "Boss kape. Itay ito po kape po." Sabay patong ng kape sa pagitan na upuan ng kanyang ama at ng kanyang boss. "Thank you." Pabulong na wika ni Leopard na sinuklian naman ni Alex ng isang matamis na ngiti. Natigilan naman si Leopard dahil sa ngiting iyon. Hindi niya talaga malaman kung bakit ganoon na lang ang hatid ni Alex sa kanya. Wala naman itong ginagawa pero napapabilis ang pagtibok ng puso niya. Namalayan na lang niyang wala na pala sa harapan niya si Alex, nandoon na ito sa sasakyan niya at kinukuha na ang mga gamit na dala nila. Naiparada na rin kasi ni Leopard ng maayos ang kotse niya. Matapos silang kumain. "Alex ako na lang ang magbubuhat niyan." Sigaw niya dito. "Boss anong tingin mo sa akin weak? Tss." Sagot ni Alex kaya naman napatingin si Leopard kay Tatay Alejandro na hindi napigilan ang pagsilay ng ngiti sa sinabi ng anak. "Pagpasensyahan mo na Leopard ang panganay ko. Hindi ko alam kung saan nagmana ang batang iyan. Mabait naman. Minsan lang parang batang kanto lang." Paliwanag nito sabay tapik ni Leopard sa balikat ng matanda. "Don't worry tay. Nasasanay na po ako. Lalo na pag minsan, nakakalimutan po ni Alex na boss pala niya ako." Sabay na lang silang natawa sa sinagot niya sa itay ni Alex. Tumulong naman sa pagbubuhat ng mga gamit nila ang dalawang kapatid ni Alex kaya naman hindi na talaga siya nakatulong sa mga ito. Tinuloy na lang niya ang pakikipagkwentuhan sa mga magulang ni Alex. Lalo na at naupo na rin sa kanilang tabi ang inay nito. Alas otso pa lang ng gabi, pero tapos na silang kumain. Nakaligo at nakapagpalit na rin si Leopard ng damit pantulog. Tinawagan na rin naman niya si Lander at kinumusta sa unang araw ng pagbisita nito sa mga branch ng hardware niya. Wala naman itong naging reklamo na ipinagpasalamat niya. Nasa sala sila habang nanonood ng drama sa tv. Hindi naman siya mahilig sa ganoon kaya nagpaalam siyang magtutungo na lang muna siya sa labas ng bahay, para magpahangin. Sinundan naman siya ni Alex. "Bakit ka sumunod? Baka naman magtampo pamilya mo sayo niyan. Tayo na ngang palagi ang magkasama sa Maynila ako pa rin sinasamahan mo ngayon." "No ka ba boss? Hindi naman ako mahilig manood ng tv. Isa pa kulang pa ang katawan ko sa trabaho kaya wala akong alam na palabas sa television. Pero kung sasabihin mong artista ka, maniniwala ako sayo. Lalo na at wala naman akong kilalang artista." Paliwanag ni Alex kaya naman natawa si Leopard. "Nagugwapuhan ka sa akin?" Tanong ni Leopard. "Malamang mukha bang hindi?" Wala sa loob na sagot ni Alex. Napatakip na lang siya ng bibig ng marealize ang sinagot niya sa kanyang boss. Dahan-dahan namang tumingin si Alex dito at doon niya napagtantong nakangiti ito sa kanya. Kaya naman bigla na lang siyang napasinghap. Ramdam na ramdam ni Alex ang pagbilis ng pagtibok ng puso niya. Palagi naman niyang nakikita ang mukha ng boss niya. Pero iba talaga ang dating sa kanya ng ngiti nitong iyon. "Ayos ka lang?" Tanong ni Leopard na ikinagulat naman ni Alex. "Ha?" "Natulala ka na kasi. Alam kong gwapo ako. Wag ka ng mahiya. Tumatanggap ako ng papuri. Lalo na kung galing sayo." Ani Leopard ng makatikim ng hampas ni Alex sa braso. "Mapanakit ka. Kung wala lang tayo dito sa bahay ninyo. Tinali ko na yang kamay mo." "Drama mo boss. Kaya lang mahangin ka rin. Magpinsan nga kayo ni Lander. Dumarating ka din pala sa point na hindi mapigilang hindi magbuhat ng sariling bangko. Hay naku." Pahayag ni Alex kay nalukot ang noo ni Leopard. "Wag mo nga akong maiihalintulad sa unggoy na iyon. Mas gwapo kaya ako doon." "Sus, wag maihalintulad. Kabubuhat mo lang ng bangko boss. Don't me." Wika ni Alex kaya naman sabay silang natawa. Malalim na ang gabi at tulog na rin ang mga magulang ni Alex. Ang dalawa naman niyang kapatid ay natutulog na rin. May pasok pa kasi ang mga ito kinabukasan. "Boss tulog ka na sa kwarto ko. Doon na lang ako matutulog sa kwarto ni kuting." "Doon ka na lang sa kwarto mo matulog doon na lang ako sa sala." Tugon ni Leopard na ikinailing na lang ni Alex. "Hindi naman ako makakapayag boss." Pagtanggi pa niya. "Mas lalong hindi ako makakapayag. Bahay ninyo ito tapos ikaw pa ang lilipat ng kwarto. Mas mahihiya naman ako sa pamilya mo." "Ganito na lang boss. Matulog ka na lang sa kwarto ko. Doon din ako matutulog pero sa sahig na lang ako." Paliwanag ni Alex sabay iling naman ni Leopard. "Doon ka na lang sa higaan mo sa sahig na lang ako. Makakatulog ako ng maayos. May dala ka namang comforter di ba? Doon na lang ako." Ani Leopard na wala namang nagawa si Alex kaya sumang-ayon na lang siya sa boss niya. Matapos maayos ang higaan ng kanyang boss ay nahiga na sila ng sabay. Hindi naman makatulog si Leopard dahil namamahay siguro siya. "Boss hindi ka makatulog?" Tanong ni Alex. "Yeah. I'm sorry pati ikaw hindi ka yata komportable sa presensya ko." Hinging paumanhin naman ni Leopard. "Wag mo akong intindihin boss. Ikaw ang inaalala ko." Wika ni Alex at umusod siya sa parteng gilid ng kama niya para silipin si Leopard. "Hawakan mo boss ang kamay ko. Tapos pumikit ka na." Sabay abot ng kanyang kamay dito. Inilagay naman ni Leopard ang kamay ni Alex sa dibdib niya. "Good night again Alex." "Good night din ulit boss." Sagot ni Alex ng hindi nila pareho namalayan na nakatulog sila kaagad ng ganoong kabilis.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD