HAPPY
"ARE you sure na ito ang gusto mong maging room?" tanong ko kay Kaycee habang ipinapasok namin ang kaniyang mga gamit sa isa sa dalawang kuwarto na kaniyang napili.
Alaga naman daw sa linis ang bahay na ito kaya hindi na kami gaanong nahirapan. Kakaunti lang din ang mga gamit na dala namin kaya agad kaming natapos. Nakapagluto pa ako ng aming hapunan.
"Opo, 'Ma. Mas gusto ko rito kasi kitang-kita ko ang magagandang view."
Mahilig kasing mag-drawing ang anak kong ito kaya mahilig din sa magagandang tanawin.
"O, siya, sige... Ayusin na natin itong mga gamit mo." Akmang bubuksan ko ang kaniyang maleta nang pigilan ako ni Kaycee.
"Ako na po mag-aayos ng mga gamit ko, Mama. Magpahinga na lang muna kayo."
Kahit anong insist ko ay hindi talaga siya pumayag. Napilitan na lang ako na lumabas na ng kaniyang silid. Magkahalong tuwa at lungkot ang aking nadarama. Natutuwa ako dahil nakikita ko na lumalaki siyang mabait at responsable. Nalulungkot naman ako bilang isang ina dahil alam ko na malapit nang dumating ang araw na hindi na niya ako kailangan.
Samantalang parang kahapon lang na takot na takot pa ako nang malaman kong ipinagbubuntis ko siya at inabandona kami ng kaniyang ama. Akala ko noon, dahil nineteen years old lang ako at ulilang lubos ay hindi ko makakaya na buhayin siyang mag-isa.
Halo halo ang aking emosyon na kinuha ko ang aking mga maleta at dinala ang mga ito sa magiging silid ko. Pagpasok na pagpasok, agad kong binuksan ang bintana na nakatapat sa bintana rin ng kuwarto ng aming kapitbahay. Nakabukas iyon pero may nakatabing na kurtina. Mukhang may tao dahil nakabukas ang ilaw at may nauulinigan akong tila nag-uusap.
Ibig sabihin may kasama pala siya diyan. wika ko sa aking isipan. Ang tinutukoy ko ay ang lalaking aking nakita sa labas kanina.
Niluwangan ko ang pagkakabukas sa bintana nang maramdaman ko ang sariwang hangin na pumasok dito sa aking silid. Saglit akong nangalumbaba at pinanood ang kalangitan. Maliwanag ang buwan at maraming bituin ang nagkikislapan. Napakayapa. Tanging huni ng mga insekto lang ang maririnig sa paligid.
Ang ganitong kapaligiran talaga ang nami-miss mo kapag nakatira ka sa maingay at malalaking siyudad gaya ng Maynila.
Nasa kalagitnaan ako ng pag-e-enjoy sa mapayapang kapaligiran nang maagaw ang aking atensiyon nang tila mga ungol na nagmumula sa silid ng aking kapitbahay. Kahit ilang metro ang layo nila sa akin, alam ko na boses ng isang babae at lalaki na nagniniig ang aking naririnig. Pareho silang sarap na sarap base sa kanilang mga ungol.
Lalo na ang babae.
"Oh! You are so good, baby..." malakas na ungol pa niya. Kahit hindi ko siya nakikita, sigurado ako na tumitirik ang kaniyang mga mata base sa mga halinghing niya na abot dito sa silid ko.
Siguro ang galing-galing mag-romansa ng lalaking kasama niya. Siya kaya ang nakita ko kanina?
Hindi ko mawari kung bakit isang kaparehong eksena ang nanumbalik sa aking isipan habang pinapakinggan ko ang mga ungol ng babae. That was just two weeks ago. Sumikdo ang aking dibdib nang maalala ang estrangherong lalaki na nakilala ko sa bar.
At hindi ko maipaliwanag kung bakit katawan ng lalaking nakita ko sa labas kanina ang pumasok sa isip ko habang inaalala ko ang mainit na gabing iyon.
I shook my head.
One night stand lang ang nangyaring iyon sa amin at dala pa ng kalasingan. Kaya nga pilit ko nang kinalimutan, eh. Imposible rin na magkita uli kami dahil siguradong taga-Maynila siya.
Destiny na 'yon kapag nagkataon. And destiny doesn't exist. sabi ko pa sa aking sarili.
Naiilang ako sa aking mga naririnig mula sa kabilang silid kaya umalis na ako sa aking kinatatayuan. Iniwan ko na nakabukas ang bintana para makalanghap pa rin ako ng sariwang hangin. Inayos ko ang aking mga gamit.
Naging abala na ako sa mga sumunod na sandali. Nawala na sa isip ko ang aking mga narinig kanina.
Palabas na ako para maghain ng hapunan nang maalala kong isara ang aking bintana. Ngunit napatigil ako sandali nang mapatingin ako sa bintana ng aking kapitbahay. Nahawi ang kurtina niyon at bumungad doon ang lalaking nakita ko kanina na nakaharap din sa akin. Malamlam ang ilaw sa kaniyang silid kaya hindi ko makita ang kaniyang mukha. Ngunit malinaw kong nakikita ang matipuno niyang katawan dahil wala siyang suot na pang-itaas. And I know na bakas sa aking mukha ang paghanga ko sa kaniyang kakisigan.
Parang wala sa sarili na napatitig ako sa kaniyang mukha nang makita ko siya na nagsindi ng sigarilyo. Humithit siya. Pagkatapos ay bumuga ng usok. Kahit hindi ko man naaaninag ang kaniyang hitsura, sigurado ako nagtatama ang aming mga mata. I could feel his eyes staring at me.
Naguluhan ako sa bigla na lamang pagrigodon ng aking puso. I wanted to look away. Ngunit para akong kinukulong ng mga titig niya sa akin. Damang-dama ko iyon habang bumubuga siya ng kulay-abo na hangin mula sa sigarilyong nakasuksok sa pagitan ng kaniyang mga labi.
"Ma, kakain na po ba tayo?" boses ni Kaycee mula sa labas ng aking silid na nagpakisap sa akin.
Bahagyang nilingon ko ang pinto. Hindi naman pala naka-lock kaya pinapasok ko na lamang ang aking anak. Nang ibalik ko ang aking tingin sa katapat kong bintana ay wala na roon ang lalaki. Nakasara na rin iyon.
Nagkibit lamang ako ng balikat bago ko itinuloy ang pagsara din sa aking bintana.
"Mahina po pala ang signal dito, Ma. Kahit anong network," imporma sa akin ni Kaycee nang harapin ko siya. "Unli data na nga ang ni-load ko, eh."
"Huwag kang mag-alala." Inakbayan ko siya at inakay palabas ng aking silid. "Titingnan ko bukas kung puwede ba tayong magpakabit dito ng internet connection."
HAPPY
MAAGA akong nagising kinabukasan para labhan ang mga dala naming maruruming damit. Balak ko kasing pumunta sa bayan kapag natapos ako nang maaga. Ang sabi kasi ng may-ari nitong bahay na nakausap ko kagabi, may linya naman daw dito ng internet. Kailangan lang puntahan sa mismong office kapag gustong magpakabit. Kailangan ko kasi iyon sa trabaho ko at sa pag-aaral ni Kaycee.
Malakas ang hangin sa labas nang magsampay ako. Pabor naman sa akin dahil matutuyo agad itong mga sinampay ko kahit wala pang gaanong init. Lalo pa at na-dryer ko na rin.
"Naku. Hindi ko pala nadala ang mga ipit," kausap ko sa aking sarili nang akmang magsasampay na ako ng mga underwear.
Dahil no choice kaya ini-hanger ko na lamang ang mga iyon.
Pagkatapos kong magsampay ay saglit akong napasulyap sa aking kapitbahay. Walang tao sa labas pero maririnig ang malakas at maingay na tugtugin sa loob ng bahay. Nakaparada rin sa garahe ang sasakyan.
Mukhang bata pa ang lalaking iyon at mahilig sa maingay na musika.
HAPPY
TANGHALI pa lang ay tuyo na agad ang mga sinampay ko. Napansin ko na kulang ng isa ang mga underwear ko. Nabakante kasi ang hanger na ginamit ko. Iyong kulay-pulang thong pa talaga ang nawala. Katulad iyon ng isang thong ko rin na nawala noon sa ladies' room ng bar.
Baka nilipad lang ng hangin.
Lumilinga-linga ako sa paligid subalit hindi ko makita. Halos nalibot ko na ang buong bakuran ko. Dahil nagmamadali kaya nagdesisyon ako na mamaya ko na lang hanapin uli.
Inihatid ko sa silid ni Kaycee ang mga damit niya dahil siya na ang nagtutupi at nagsasalansan ng mga iyon sa cabinet niya. Dinala ko naman sa silid ang akin. Ipinatong ko muna sa ibabaw ng kama at balak kong tupiin pagdating ko mamaya.
Pagpasok ko sa loob ay napasilip ako sa bintana nang maulinigan ko ang boses ng aking anak mula sa labas. Kumunot ang noo ko nang makita ko siya na may kausap na lalaki.
At walang iba kundi ang aming hot na kapitbahay.
Nakatalikod siya sa akin kaya hindi ko pa rin siya mamukhaan.
"Matagal na po ba kayo dito, Kuya?" narinig ko na tanong ni Kaycee.
"Ancestral home ng parents ko iyang bahay na tinitirhan ko. Pero ilang buwan pa lang din akong naninirahan dito."
Hindi ang sinabing iyon ng lalaki ang nagpaawang sa mga labi ko. Kundi ang boses niya. At hindi ako maaaring magkamali. Kilala ko siya!
"Mabuti na lang po at nandito kayo. Para may kapitbahay kami ni Mama," sabi pa ni Kaycee na hindi ko na gaanong narinig dahil nagsimula nang lumikot ang aking isip at memorya.
Sigurado ako na hindi ako pinaglalaruan lamang ng aking pandinig. Boses ng lalaking nakilala ko sa bar two weeks ago ang aking narinig.
"Nasaan nga pala ang Mama mo?" narinig kong tanong ng lalaki kay Kaycee, na lalo lamang nagpalakas sa aking hinala.
"Nagtatanggal po ng mga sinampay—" Napahinto sa pagsasalita si Kaycee nang mapatingala siya sa akin. Agad na umaliwalas ang kaniyang mukha. "Hayun po pala si Mama, o!" aniya sabay turo sa akin.
Nang masiguro ko na boses nga ng lalaking naka-one night stand ko ang narinig ko na kausap ng aking anak, sumikdo sa kaba ang aking dibdib. Balak ko sana na kumubli agad sa bintana. But I was too late.
Dahil nilingon na niya ako at huling-huli niya ang panlalaki ng aking mga mata. Samantalang hindi ko man lang siya makitaan ng pagkagulat nang magkatitigan kaming dalawa.
Hindi ba niya ako natatandaan?
Dahil ako, kahit lasing na lasing ako noon ay tandang-tanda ko ang boses at pagmumukha niya. Pati na rin ang mga ginawa namin nang gabing iyon sa loob ng ladies' room. Mula sa aming pagsasayaw hanggang sa aming paghihiwalay.