Two weeks later...
HAPPY
ISANG malalim na buntong-hininga ang aking pinakawalan nang huminto ang sinasakyan naming truck sa tapat ng isang semi-bungalow house na may kalumaan. Halos kalahating oras din ang aming naging biyahe mula sa bayan, bago kami nakarating dito. Maalikabok pa ang kalsada dahil hindi sementado. Kaya pala mura lang ang upa.
Saglit kong inilibot ang aking paningin sa paligid. Medyo liblib na ang lugar na ito sa isang bayan dito sa Pampanga. Mangilan-ngilan lang ang bahay na aming nadaanan kanina. Mabuti na lang at may kapitbahay kami na halos sampung metro lang ang layo. Semi-bungalow lang din iyon kagaya nitong aming bagong tirahan. May isang lumang pick-up truck ang nakaparada sa garahe. May nabasa rin ako na "vulcanizing shop" sa tapat. Ngunit wala akong nakikitang tao. Ang tahimik.
Maliban sa bahay na iyon ay wala na kaming kalapit na kahit anong establishment. Puro mga kahoy at talahiban ang makikita. Mula rito ay natatanaw ko rin ang malawak na ilog at mga kabundukan.
Ibang-iba ito sa siyudad na aming pinanggalingan. At siguradong malaki ang aming i-a-adjust sa araw-araw naming buhay.
Gayon man ay wala akong pinagsisisihan na ito ang napili kong lugar mula sa website na pinagtinginan ko ng aming malilipatan. Siguradong walang nakakakilala sa amin dito. Mahihirapan ang kahit sino na tuntunin kami.
"Ibababa na po ba natin ang mga gamit n'yo, ma'am?" tanong sa akin ng driver ng truck. Inarkila ko pa ito mula Maynila para magdala ng aming mga gamit.
"Sige ho, manong. Maraming salamat."
Nang makababa siya ng sasakyan ay saka ko lamang ginising ang aking anak na kanina pa natutulog sa tabi ko. Nakasandal sa aking balikat ang kaniyang ulo.
"Kaycee, anak.... gising na. Nandito na tayo." Marahang niyugyog ko ang balikat ng aking twelve-year-old daughter.
Hindi naman talaga siya mahirap gisingin kaya agad siyang nagmulat ng kaniyang mga mata.
"Nandito na po tayo sa bagong bahay natin, 'Ma?" magalang niyang tanong sa akin habang kinukusot ang kaniyang mga mata.
"Oo, anak. Pinababa ko na ang mga gamit natin."
Sumilip sa bintana si Kaycee. Kahit ipinaalam ko na sa kaniya ang uri ng lugar na aming paglilipatan, nag-aalala pa rin ako na baka hindi niya magustuhan. Malayo sa kabihasnan, lalong-lalo na sa bagong school na papasukan niya. Kailangan pa naming kumuha ng tricycle na magiging service niya sa pagpasok. Kailangan ko na ring agahan sa pagpasok sa aking trabaho para magkasabay kami.
"Okay lang ba sa'yo ang ganitong lugar, anak?" Hinawakan ko ang kaniyang balikat. Nakatalikod siya sa akin at tahimik na nakatanaw pa rin siya sa labas ng bintana ng truck. "Pasensiya ka na at ito lang ang nakayanan ni Mama, ha? Saka na tayo maghahanap uli ng magandang bahay sa siyudad kapag nakaluwag-luwag na tayo."
Hindi ko puwedeng sabihin sa kaniya ang totoong dahilan ng aming paglipat. Siguradong malulungkot at magtatampo siya sa akin. Ang tanging alam lang ni Kaycee, nalipat ako ng trabaho bilang secretary sa isang industrial firm. Na totoo rin naman. Branch lang kasi ng pinagtatrabahuan ko sa Maynila ang papasukan ko rito. Mabait ang naging boss ko roon at binigyan niya ako ng recommendation para makapasok agad ako rito. At ang nakakatuwa pa, same pa rin ang sahod at benefits ko.
Kailangan ko lang maghintay ng two months at saka ko papalitan ang magre-resign na kasalukuyang secretary.
"Okay lang po, Mama. Maganda nga rito kasi tahimik. Makakapag-aral ako nang mabuti." Nakangiti na nilingon ako ng aking anak. "Sariwa pa ang hangin at malayo sa gulo. Hindi katulad sa apartment natin noon sa Maynila na katabi ng squatter's area. Hanggang umaga ang ingay at gulo."
Isa sa ipinagpapasalamat ko sa Diyos ang pagkakaroon ng mabait at maunawaing anak. Kahit solo ko siyang pinalaki, never siyang naging pariwara. Consistent top one nga siya sa klase mula kinder. Mabuti na lang at nagkataon na bakasyon itong paglipat namin. Sa pasukan ay grade seven na si Kaycee.
"Thank you, anak, ha?" Nakangiti na sinapo ko ang kaniyang mukha. "Ang suwerte ko talaga at may anak ako na kagaya mo."
"Sus, si Mama talaga... Nagda-drama pa, eh," natatawang biro sa akin ni Kaycee. "Alam n'yo naman po na kahit saan tayo mapunta, basta magkasama tayong dalawa, okay lang po sa'kin."
"Nagmana ka nga sa'kin. Madrama." At nagkatawanan kaming dalawa.
HAPPY
"MARAMING SALAMAT ho, manong. Mag-ingat kayo sa biyahe," sabi ko sa driver at sa kasama niya, matapos nilang maipasok sa loob ng bahay ang malalaking gamit namin.
May mangilan-ngilan pang naiwan dito sa labas. Gusto nga sana nila na ipasok na rin ang lahat ng mga ito pero tumanggi na ako. Naaawa na rin ako sa kanila dahil malayo pa ang magiging biyahe nila at padilim na. Super discounted na rin ako sa upa.
Tutal, maliliit na lang naman na ang mga naiwang gamit. Kayang-kaya na namin ni Kaycee.
Nang makaalis ang truck ay nagsimula na rin akong ipasok ang mga natitirang gamit. Binalik-balikan ko na lang habang naglilinis naman sa loob ang aking anak.
Sa panghuling balik ko rito sa garahe para iayos ang aking bisikleta, bigla akong napatingin sa katapat naming bahay nang marinig ko ang pag-andar ng air compressor. Isang matangkad na lalaki at may malaking bulto ng katawan ang aking nakita na nagvu-vulcanize ng gulong ng pick-up truck na nakaparada sa garahe niya.
Medyo madilim na ang paligid pero malinaw pa naman ang aking mga mata kaya malinaw ko ring nakikita ang nakatalikod na lalaki. Mula rito sa aking kinatatayuan, halatang matipuno ang katawan niya. Lalo pa at nakasuot lamang siya ng muscle tee at lumang denim shorts.
Bahagyang kumunot ang aking noo habang pinapanood ko ang likod ng lalaki.
He looks familiar to me.
Pero imposible! agad namang kontra ng aking isipan.
Naramdaman marahil ng lalaki na may mga matang nakatingin sa kaniya kaya lumingon siya sa akin. Ngunit bago pa man niya ako mahuli ay mabilis na akong nakatalikod kaya hindi ko na rin nakita ang pagmumukha niya. Patay-malisya na inayos ko na lamang ang aking bisikleta. Pagkatapos ay walang lingon-likod na pumasok na ako sa loob ng bahay upang tulungan si Kaycee.
Gayon man, sa likod ng aking isipan, may napagtanto ako. Kung ang lalaking iyon lang ang nag-iisa naming kapitbahay, baka kailangan ko siyang harapin at kilalanin? Para malaman ko kung makakabuti o makakasama ba siya sa pananatili namin dito ni Kaycee.
Ang sabi nga, "Don't wait for a disaster to get to know your neighbor."