ANG UMUUSBONG NA PAGHANGA

2859 Words
HAPPY “MAMA, nasa labas po si Kuya Ray. Hinahanap po kayo,” imporma sa akin ni Kaycee pagkatapos niya akong katukin dito sa kuwarto ko. Napabuntong-hininga ako at saka itinigil sandali ang pagtutupi ng aking mga damit. “Pakisabi na tulog ako,” baling ko sa aking anak. Tila nagtataka naman na napatitig sa akin si Kaycee. Pero hindi naman na siya nagtanong pa. “Sige po, ‘ma.” “Salamat, anak.” Nginitian ko siya bago siya lumabas. Nakabukas lang ang mga bintana nitong aking silid pero nakababa ang mga kurtina. Dahil malapit lang ito sa garahe kaya naririnig ko ang pag-uusap nina Kaycee at Ray. Katunayan, bago pa man ako puntahan ng aking anak, alam ko nang nasa labas ang binata. At hinahanap ako. Alam ko rin kung ano ang pakay niya. Siguro nagtataka siya kung bakit bigla ko na lang siyang iniwanan sa grocery store kanina nang walang paalam. Hindi ko na nga muna binili ang mga laman ng push cart ko para lang matakasan siya. Bigla kasi akong nalito sa feelings ko para sa kaniya. Natakot ako na baka mauwi ito sa damdamin na na naramdaman ko noon kay Jeffrey. Hindi pa ako handa na masaktang muli. “Pasensiya na po talaga, Kuya Ray. Tulog po kasi si Mama. Balik na lang po kayo uli mamaya paggising niya.” Nakagat ko ang aking ibabang labi nang marinig ko ang sinabing iyon ni Kaycee. Nakokonsensiya ako na tinuruan ko pang magsinungaling ang aking anak. “Ah, gano’n ba? Sige, pakisabi na lang na dumaan ako,” sagot naman ni Ray. “Gusto ko lang makasiguro na nakauwi nga siya at safe siya. Nag-alala kasi ako nang bigla na lang siyang nawala sa grocery store kanina.” Lalo akong nakaramdam ng konsensiya nang marinig ko ang boses niya. Bakas doon ang totoong pag-alala. Nagtataka rin ako kung bakit may kalangkap iyon na lungkot. “Sige po, Kuya. Sasabihin ko na lang po mamaya kay Mama.” “Salamat. At saka, pakisabi na rin na dinala ko na itong mga pinamili niya. Ako na ang magpapasok diyan sa loob at mabigat.” Bahagyang umawang ang aking bibig nang marinig ko ang sinabi pa ni Ray. Na-curious ako kung ano ang tinutukoy niya dahil wala naman akong binili sa grocery store kanina na bayad na at puwede niyang iuwi dito. Mula rito sa gilid ng kama na inuupuan ko, tumayo ako at naglakad papunta sa pintuan. Maingat na binuksan ko nang kaunti ang pinto at sumilip nang bahagya. Si Ray agad ang nakita ko na pumasok sa sala. Buhat-buhat niya ang isang malaking box na sa tingin ko ay mga groceries ang laman. Sunod naman niyang ipinasok ang ilang plastic na naglalaman ng mga gulay, prutas, isda, at karne. Nanlaki ang aking mga mata nang mapansin na iyon ang mga laman ng push cart ko kanina. Paano niya naiuwi ang mga iyon? Eh, hindi ko pa naman nabayaran ang mga iyon? Muntik na akong lumabas para usisain siya kung hindi ko lang naalalang nagpapanggap nga pala ako na tulog. “Maraming salamat po, Kuya.” “Walang ano man. Sige, mauna na ako.” Nang lumabas na si Ray, dahan-dahan ko ring isinara ang pinto nitong aking silid. Lumipat ako sa bintana na nakaharap sa bahay niya. Patago akong sumilip. Hindi ko mapigilan na tanawin siya. Nagtataka lang ako kung bakit parang ang lungkot niya. Laglag ang kaniyang mga balikat habang naglalakad siya pauwi sa kanila. Nagtataka rin talaga siguro siya kung bakit bigla ko na lang siyang iniwanan kahit masaya lang naman kami kanina sa grocery store. Nakaramdam ako ng awa sa kaniya. Gayon man, hindi ako dapat na magpadala sa ano mang nararamdaman kong ito para kay Ray. At sa bandang huli ay ako lang naman ang masasaktan. HAPPY DAHIL may kaunting stock pa naman kami kaya hindi ko muna ginalaw ang mga pinamili ko na dinala ni Ray. Inilagay ko na lang muna sa refrigerator ang mga pagkain na puwedeng masira agad tulad ng mga isda at karne. Balak kong ibalik ang mga ito sa kaniya mamaya pagkatapos kong magluto. Naisip ko kasi na baka siya ang nagbayad. Nakakahiya. Malaking halaga rin ang katumbas ng mga ito. “Kakain na po tayo, ma?” magalang na tanong sa akin ni Kaycee pagkatapos naming magluto ng adobong manok. Pinatulong ko siya para matuto na rin siyang magluto. Tumingin ako sa wall clock. Mag-aalas siyete na rin pala ng gabi. “Sige, anak. Maghain ka na. Icha-charge ko lang sandali ang cellphone ko.” “Opo, Mama.” Tumalima naman ang aking anak para kumuha ng placemats. Samantalang kinuha ko naman ang aking cellphone at ch-in-arge ito malapit sa bintana. Habang nagcha-charge, hindi sinasadyang napatingin ako sa bahay ni Ray. Halos katapat lang din kasi nitong kitchen namin ang kusina niya. Reflective glass kasi yata ang malaking bintana na nakaharap dito kaya kitang-kita ang loob kapag gabi at nakabukas ang ilaw doon. Habang nakatingin sa kusina ng bahay ni Ray, napigil ko ang aking hininga nang makita ko siya na nakatayo sa harap ng gas range. Parang may nakasalang na kawali. Napansin ko rin ang hawak niyang sandok. Lihim akong napaismid. Akala ko ba hindi siya marunong magluto? Tatalikod na sana ako nang bigla na lang may sumiklab sa lutuan ni Ray. Muntik ko nang mabitiwan ang cellphone ko nang makita ang apoy. “Oh my, god!” nahihintakutan na tili ko, sabay takbo palabas ng bahay. Bigla akong nag-alala na baka masunog ang bahay niya at madamay itong tinitirhan namin. O baka kay Ray talaga ako nag-alala kaya napasugod ako kahit manipis na shorts at T-shirt lang ang suot ko. Nawala rin sa isip ko na wala pala akong suot na bra. Nakagawian ko na kasi na hubarin iyon kapag nasa bahay lang naman para presko. “Ma! Saan po kayo pupunta?” natataranta rin na habol sa akin ni Kaycee nang makita niya ako na nananakbo papunta sa bahay ni Ray at walang suot na tsinelas. “Nasusunog yata ang bahay ng Kuya Ray mo. Huwag kang sumunod at delikado!” pasigaw na sagot ko habang patuloy pa rin sa pagtakbo. Naabutan ko na nakabukas ang maindoor kaya dumiretso na ako sa sobrang pag-alala ko. “Ray! Ray!” nag-alala na tawag ko sa pangalan niya habang hinahanap kung saan ang daan papunta sa kusina niya. Hinihingal pa ako nang maabutan ko siya na tila may pinupunasan sa sahig. “Ray! Are you okay?” Nagulat siya nang makita niya ako. “Happy? Ano ang ginagawa mo rito?” “Nakita ko kanina na parang may umapoy dito sa kusina mo kaya napasugod ako.” Tiningnan ko ang gas range. Naroon pa rin ang kawali pero hindi na umaapoy. Napansin ko ang dalawang pirasong isda na nakalagay doon. Nalunod na yata sa sobrang dami ng mantika na halos mapuno na ang malalim na kawali. “Ano ang nangyari? Okay ka lang ba?” nag-aalala pa rin na lumapit ako sa kaniya. Tumayo naman siya at dinala sa lababo ang basahang ginamit niya. Naghugas muna siya ng kamay bago niya ako hinarap. Tila nahihiya na napahawak siya sa batok. “I’m sorry kung pati ikaw nataranta. Magpiprito sana ako ng bangus. Pero tumalsik ang mantika nang ilagay ko na. May natapon yata kaya sumiklab ang apoy,” paliwanag niya. Lumapit ako sa gas range at tinapunan uli ng tingin ang kawali. “Bakit naman kasi ganito karami ang mantika mo? Eh, dadalawang hiwa lang naman ng isda ang piprituhin mo. At saka normal talaga na tumatalsik ang mantika kapag bangus ang piniprito mo. Kaya dapat tinatakpan mo ang kawali,” iiling-iling na sermon ko sa kaniya. Ray blinked at me. “Malay ko ba na gano’n. I told you, hindi ako marunong magluto. Sinubukan ko lang namang sundin ang payo mo na dapat, mga sariwa at masusustansiyang pagkain ang kainin ko. At hindi puro canned goods.” Natigilan ako sa sinabi niya. At hindi ako nakapagsalita. “At saka nakakahiya naman kung ibalik ko pa ang mga isda at karne na naipakilo ko na. Kaya binili ko na lang at sinubukang lutuin,” dagdag pa ni Ray sa boses na puno ng disappointment. “Pero sadyang wala yata talaga akong talent sa pagluluto. Kahit sa simpleng pagprito lang ng isda, muntik nang masunog ang bahay ko. At pati ikaw, nataranta nang dahil sa akin.” Apologetic na tumingin siya sa akin. “I’m sorry.” I bit my lower lip. Kasalanan ko naman pala kung bakit muntik nang masunog itong bahay niya. Pinangakuan ko siya na tuturuan sa pagluluto pero hindi ko naman tinupad. Nakonsensiya tuloy ako. “Ako nga pala ang dapat na mag-sorry. Sinabi ko sa’yo na tuturuan kitang magluto pero hindi ko ginawa.” May pagsisisi na humarap ako sa kaniya. “So, ako talaga ang may kasalanan kung nasunog man itong bahay mo.” “No!” mabilis niyang sagot. “Hindi mo naman obligasyon na tuparin ‘yon kaya hindi ka dapat nagso-sorry.” “Still, I’m sorry.” I smiled. “At dahil diyan, itutuloy ko na ang pagtuturo sa’yo. At umpisahan natin sa pagpiprito ng isda.” Napatitig lang sa akin si Ray nang ilang segundo bago siya sumagot. “Pero nakakahiya. Baka nakakaabala ako sa’yo. Mukhang kakain na yata kayo. Naghihintay na sa’yo si Kaycee, o.” Nilingon niya ang bahay namin. Mula rito, kita rin pala ang loob ng kusina namin. Napaisip tuloy ako. Bakit nga ba hindi ko naisip agad na reflective glass nga rin pala ang kalahati ng wall ng kitchen namin. Minsan pa naman, lalo na kapag nagigising ako sa gabi, pumupunta ako roon para uminom ng tubig na naka-sando at panty lang. Hindi na ako nagsusuot ng roba dahil sanay ako sa dati naming apartment na closed walls. “Ako na ang bahala sa foods ko. Kumain na lang muna kayo ng dinner,” biglang dagdag ni Ray na para bang ayaw talaga akong malipasan ng gutom. “Bumili pa rin naman ako ng ilang pirasong canned goods. Iyon na lang muna siguro ang kakainin ko for dinner.” “Mabilis lang namang magprito. At saka dalawang hiwa lang naman ‘yan,” giit ko. “Magpapaalam lang ako sandali kay Kaycee.” “Pero—” Tinalikuran ko na si Ray bago pa man niya matapos ang sasabihin niya. Pero paglabas ko sa pinto ng bahay niya ay siya namang pagdating ng aking anak. “Mama, kumusta po si Kuya Ray? Okay lang po ba siya?” usisa ni Kaycee na bakas din ang pag-aalala sa mukha. “Oo, anak. Okay lang ang Kuya Ray mo. Pero kailangan ko siyang tulungan muna sa pagpiprito ng isda kasi hindi siya marunong, eh. Okay lang ba kung mayamaya na tayo kakain? Dalawang hiwa lang naman ‘yon,” malambing na paalam ko sa aking anak. “Pero kung talagang gutom ka na, okay lang ba kung mauna ka na?” Naisip ko na bigyan na lang sana ng ulam si Ray. Kaso tira-tira na lang ang karneng manok na niluto ko. Hindi kasya sa aming tatlo. “Okay lang po, Mama. Busog pa naman ako, eh,” nakangiti nang sagot ni Kaycee. Tila nakahinga din siya nang maluwag nang malaman niyang okay lang ang binata naming kapitbahay. Ilang sandali pa ay nagpaalam na ang aking anak na babalik na sa bahay. Baka mauna na lang daw siyang kumain kapag nagutom na siya. Ako naman, binalikan ko na sa kusina si Ray. “Ipagpiprito na muna kita ng isda bago ako umuwi. Bukas na lang kita tuturuan kung paano magluto,” nakangiting bungad ko sa kaniya. “You’ll really cook for me?” Parang hindi makapaniwala na tanong niya. Tumango lang ako habang may matipid na ngiti sa mga labi ko. “Pa-sorry ko na rin kasi bigla na lang kitang nilayasan sa grocery store kanina.” Kinunutan niya ako ng noo. “Bakit nga ba bigla ka na lang umalis kanina?” I stared at him for a while and sighed. “Saka ko na ikukuwento sa’yo. Basta, mahabang istorya,” sabi ko na lang at saka ko hinarap ang gas range. “Kailangan nating bawasan itong mantika mo. Masiyadong marami. Kapag kaunti lang ang piprituhin mo, dapat kaunti lang din ang mantika. Unless, kailangang i-deep fry like fried chicken,” paliwanag ko bago ko hinawakan ang handle ng kawali. Ngunit napaigtad ako nang hawakan ni Ray ang kamay ko. “Ako na. Baka mapaso ka pa.” Hindi na ako nakatanggi pa dahil napatanga ako sandali. Mas napaso pa yata ako sa kamay niya na dumantay sa balat ko kaysa sa kumukulong mantika. “Ako na kaya ang magprito? Baka kasi matalsikan ka ng mantika, eh,” suhestiyon niya nang ibalik niya sa kalan ang kawali. “Turuan mo na lang ako.” “Ako na para mas mabilis,” giit ko naman. “Bigyan mo na lang ako ng sandok at saka pantakip natin dito sa kawali para hindi tumalsik ang mantika.” Saglit siyang napatitig sa akin na may pagprotesta sa mukha. Pero pinilit ko siya kaya tumalima rin pagkalipas ng ilang sandali. Itinuloy ko na ang pagpiprito ng isda habang nakatayo sa gilid ko si Ray. Mula sa peripheral vision ko, I know na sa akin siya nakatitig at hindi sa niluluto ko. Gusto ko sana siyang sabihan na sa kawali tumingin para matuto siya. Pero hindi ko na lang siya pinansin. Hindi kasi ako makapagsalita dahil sa malakas na kalabog sa dibdib ko. Hindi nga ako sigurado kung napapansin din ba niya ang medyo nanginginig kong kamay. Naiilang kasi ako sa presensiya niya. “Okay ka lang? Just tell me if takot ka rin matalsikan ng mantika. Sa tingin ko, kaya ko nang gawin iyan,” sabi pa ni Ray at sigurado ako na ang tinutukoy niya ay ang nanginginig kong kamay. “I’m fine,” I replied. Gusto ko man siyang lingunin ay hindi ko magawa. Dahil ramdam ko na lumapit pa siya sa akin. Baka magkalapit ang mukha naming dalawa kapag tiningala ko siya. Ilang sandalling katahimikan ang namayani sa aming dalawa. Tunog lang ng nagtatalsikang mantika mula sa loob ng kawali ang maririnig at tunog ng exhaust fan. “Okay na. Luto na ito,” sabi ko nang sa tingin ko ay puwede nang hainin ang isda sa kawali. “Dagdagan ko kaya para makapagdala ka. Ako na ang magpiprito ng second batch. Madali lang naman pala,” wika naman ni Ray. “Naku, huwag na. May ulam naman kami, eh. Bibigyan nga sana kita. Kaso nakakahiya namang mamigay nang kaunti lang.” Pinatay ko na ang apoy bago ko siya binalingan. “Puwede ba akong makahingi ng pinggan na paglalagyan nito?” “Sure.” Tumalima si Ray. Pagbalik niya, may dala na siyang maliit na pinggan. “Ako na.” Inagaw niya sa akin ang frying tongs. Napatingin ako sa kaniya nang aksidente niyang mahawakan ang kamay ko. Kahit siya ay parang nagulat din. Mataman niya akong tiningnan. Bumaba ang mga mata niya sa dibdib ko. Ganoon na lang ang pag-iinit ng aking mukha nang maalala ko na wala pala akong suot na bra. Hala! Kanina pa kami nag-uusap na ganito ang hitsura ko. Kaya ba nahuli ko siya na panaka-naka ang sulyap sa akin? “S-sige, ikaw na.” Ibinigay ko na sa kaniya ang frying tongs at saka mabilis na pinagkrus ko ang aking dalawang braso sa tapat ng aking dibdib para takpan ang malulusog kong dibdib na bumakat sa manipis na T-shirt ko. “Sa’yo na lang itong isang slice. Kasya na sa akin itong isa,” pag-aalok ni Ray nang mailipat na niya sa pinggan ang isda. “Huwag na, Ray. Thank you na lang. Baka nga kulang pa sa’yo ‘yan, eh.” Pilit akong ngumiti kahit ilang na ilang na ako na kaharap siya. “K-kailangan ko na ring umuwi. Baka hinintay ako ni Kaycee,” nauutal na paalam ko. “Sige. Salamat sa pagtulong sa akin, ha?” sabi niya pero mnapansin ko ang pagkadismaya sa mukha niya. Hindi ko na lang siya pinansin. Pagkatapos kong magpaalam uli, tuloy-tuloy na akong naglakad palabas ng bahay niya. Binilisan ko ang aking mga habkbang. Ni hindi na ako lumingon kahit ramdam ko ang pagsunod ng kaniyang mga mata sa akin. Nang makarating ako sa garahe namin, tila wala sa loob na nakapa ko ang aking kaliwang dibdib. It’s beating so fast again. And I know na hindi na ito normal. Ni hindi ko napigilan ang pagsilay ng ngiti sa aking mga labi nang lingunin ko ang bahay ni Ray at nakita ko siya na nakatayo sa bukana ng pinto. At heto na naman ang pagrigodon lalo ng aking puso nang kawayan at ngitian niya ako. Umiling-iling lang na pumasok na ako sa loob pagkatapos ko siyang suklian ng matipid na ngiti. Nakakatawa man. Pero feeling ko, para akong bumalik sa pagka-teenager. Parang sira na napapangiti sa tuwing naalala ang crush niya. Natigilan ako nang ma-realize ko ang ideyang iyon na tumatakbo sa isipan ko. Posible nga kaya akong magka-crush sa lalaking hindi hamak na mas bata sa akin?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD