CHAPTER 3

1007 Words
“ Oh, anak, kumain ka pa. Ubusin mo ang pagkain mo sa pinggan, ha. Ang daming nagugutom na mga bata sa labas, kaya ikaw, kung may pagkain, dapat ubusin at huwag itapon. ” “ Opo, Mama. ” Ganadong kumain ng niluto niyang agahan si Tate. Basta pritong isda at nilagang talbos ng kamote na may kamatis at toyo at kalamansi, mapapalaban ang anak sa hapag. “ Good morning! ” Napapitlag siya nang mula sa pintuan ay pumasok si Jeth. Mamasa-masa pa ang buhok nito, halatang kaliligo. Ang linis-linis at bango-bango nitong tingnan sa puting T-shirt ang suot. Parang masarap nitong amoy-amoyin. Agad siyang nag-iwas ng tingin nang mag-init ang pisngi niya. Nakakahiya kung mapansin siya ni Jethro na parang teenager na nagba-blush kapag nakakita ng guwapo at yummy abs. “ Good morning po, Papa. Kain na po. Masarap ang luto ni Mama, ” pagbibida no Tate sa ama nito. Dumako ang tingin ni Jeth sa kaniya. Saglit diya nitong sinuyod ng tingin,mula ulo hanggang paa, paa hanggang ulo. Nag-knit na naman ang pisngi niya. Nahiya siyang bigla sa ayos. Bagong ligo naman siya pero siguradong hindi kasingbango ni Jethro. Hindi rin siya kasinglinis tingnan ng binata dahil sa luma at kupas na ang bulaklaking bestida niya na pinatungan pa ng apron dahil nagluto siya kanina at di pa pala niya nahuhubad. “ Kain na, ” aniya na lamang rito at mabilis na nag-iwas ng tingin at kunwari ay kumuha ng baso at nilagyan ng tubig at ibinigay sa anak. “ Ikaw? Bakit hindi ka pa umupo at kumain? ” kunot-noong tanong ng binata. “ Mamaya na lang ako kapag tapos na kayo ni Tate. Marami pa akong trabaho. ” “ Sino ang kasabay dati ni Tate na kumakain? ” “ Si Mama at si Lola, Papa. Kaso inaatake ng rayuma si Lola, tapos si Mama, hindi raw maganda na sumabay pa siya sa akin na kumain kasi nandiyan ka na raw para kasalo kong kumain. Pero bakit po 'yong Papa at Mama ni Tintin diyan sa kabila, sabay-sabay silang kumain? ” Sabay na nag-angat ng tingin ang dalawa mula kay Tate at naghinang ang m ga mata. “ Do the house chores later, Pamela. Mag-agahan ka muna, ” matigas ang naging utos ni Jethro sa kaniya. Tinungo nito ang kabinet ng mga plato at kumuha ng isang pinggan para sa kaniya. “ Oh, kita mo, Mama, ayos lang kay Papa na makisabay ka sa amin. Mas masayang kumain kapag salo-salo tayo, ’di ba, Papa? ” Sinulyapan siya ng binata bago naupo sa silyang laan dito. “ Of course, son. ” “ Sit, Pamela, ” utos nito nang di pa siya kumikilos. Mabilis siyang tumalima. Hinubad niya ang suot na apron at umupo sa tabi ng anak. “ Gusto mo pa ng kanin, ’nak? ” agad siyang sumandok mula sa bandehado ng kanin. Tumango naman si Tate kaya pinagsilbihan muna nito baho hinarap ang sariling plato. Napaangat siya ng mukha nang maramdaman ang mainit na titig ni Jethro sa kaniya. Ngunit mabilis na nagyuko ang binata at sumubo ng pagkain. Ramdam niya ang tensyon sa pagitan nila ni Jethro pero pinilit niyang magkunwaring hindi apektado. Oo nga at may Tate na namamagitan sa kanila ng binata, pero di iyon sapat na dahilan para baguhin ang katotohanang isa lamang siyang katulong sa mansion nito. Matapos ang agahan ay si Jethro na rin ang naghatid kay Tate sa Daycare center. Bakas ang tuwa sa mukha ng anak nang malamang ang ama ang maghahatid dito. Agad itong nagyabang na ipapakilala raw nito ang Papa niya sa mga kaklase. Palagi raw kasi siyang inaasar na wala siyang Papa dahil iniwan daw sila dahil sa ibang babae. Nakaramdam siya ng awa sa mga isinumbong ng anak. Nagkatinginan sila ni Jethro pero parehong hindi umimik. “ Hindi na aalis si Papa, Tate. Kaya hindi ka na tutuksuhin ng mga kaklase mo, ” malumanay na wika ni Jeth sa anak. “ Hindi totoong iniwan mo kami ki Mana dahil sa ibang babae? ” Tumikhim si Jethro at nilingon muna siya bago sinagot ang tanong ng bata. “ N-no, Tate. Pumunta ako abroad para sa negosyo. Hindi para sa ibang babae. ” Nagbaba ng tingin si Pamela. Alam niya kung ano ang totoo. Hindi iyon inilihim ni Jethro nang mag-usap sila para sa kostudiya at ikabubuti ni Tate. Ang sinabi nito ay pawang kasinungalingan. Dahil ang totoo ay may fiancée si Jethro sa USA at nagtatrabaho doon. Ngunit naiintindihan niya kung bakit kailangan niyong magsinungaling sa kanilang anak. Ayaw niyong masaktan si Tate. Ganoon din naman siya, ang masaktan at maapektuhan ang anak niya sa mga rason at desisyong gagawin ang hindi niya kayang tanggapin. “ Alas-siete na, ’nak, mali-late ka na sa klase, ” paalala niya, para matigil na sa pagtatanong si Tate sa ama. Hinalikan niya ang anak at ipinaalala ang baong meryenda na nilagay niya sa lunchbox nito. “ Ubusin mo, ha. Huwag magsayang ng pagkain. ” “ Opo, ’Ma. Pero may pera naman na akong binigay ni Papa. ” “ Pero mas masarap pa rin ang luto ni Mama kaysa sa mga tinda sa canteen, hindi ba? ” Ngumuso siya na parang magtatampo kung hindi nito kakainin ang baong meryenda. “ Siyempre po. The best ka pong magluto, e. ” Mahigpitsiyang niyakap ng anak. Nakaluhod siya kaya naman pantay ang mukhanilang mag-ina. Ngumiti siya at inayos ang kuwelyo ng uniporme nito. “ Sige na, pasok na sa school, anak. Pakabait kay titser, ha? ” “ Opo. I love you, Mama. ” Mabilis na itong sumakay sa kotse. Nang tumayo siya ay nakita niya ang titig na titig sa kaniya si Jethro. May nakaukit na ngiti sa mga labi nito, pero mabilus din itong naglaho nang magsalubong ang tingin nila sa isa't isa. “ Alis na kami, ” paalam nito. Tumango siya. “ Ingat kayo. ” Kinawayan niya ang anak na nakangiting kumakaway sa loob ng kotse. Pagkaalis ng mag-ama ay mabilis na naglinis ng mansion. Ayaw niyang magkikilos si Nana Loring at masakit pa rin ang mga tuhod nito dahil sa rayuma.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD