CHAPTER 10: MIDNIGHT ENCOUNTER

2842 Words
Dahil wala nga akong karapatang umangal ay dinala ko na iyong meryenda nina Gio at ng pinsan niya sa kinaroroonan nila. Nakarinig ako ng tawanan ng dalawang lalaki. Humanap pa ako ng magandang timing para maipatong sa lamesa iyong pagkain nila. “Have you heard what Silas did to the Azzaro?” tanong ni Sir Avion, iyong pinsan ni Gio. Pareho silang naninigarilyo at halatang hindi pa nila napapansin ang presensya ko. Ayoko namang putulin ang pag-uusap na ginagawa nila para lamang ipatong itong pagkain. “What?” tanong ni Gio bago humiphip ng sigarilyo at ibuga iyon. “He blew up one of their f*****g building, man. Hindi na ako magtataka kung mapikon ang boss no’n. Sa pagkakaalam ko ay bago pa naman ang boss nila,” natatawang sabi ni Sir Avion. Napapalunok naman ako. Lumapit na kaya ako roon? Ipapatong ko lang naman ito. “They deserved it. Matapos ang ginawa nila sa ilang tauhan natin, hindi na ako magtataka kung ubusin sila ni Silas,” saad naman ni Gio. Huminga ako nang malalim. Bahala na nga. Ayoko naman na tumayo na lang dito. Mukha namang walang magandang timing na darating sa akin. “Excuse me, Sir,” sabi ko na nakakuha ng atensyon ng dalawa. “Naghanda po ng pagkain si Manang para sa inyo.” Nagsimula na akong ipatong sa lamesa ang mga pagkain at inuming inihanda ni Manang Sonia para sa dalawa. Ramdam ko naman ang paninitig ng dalawang ito sa akin. Gusto ko na lang maglaho. “Hmm, new maid?” Nadinig kong tanong ni Sir Avion. Tumingin ako sandali sa kanya at marahang tumango. Should I introduce myself? No, I don’t think that’s necessary. “Yep.” Narinig kong sagot ni Gio. Hindi man ako tumingin sa kanya ay alam ko na pinapanood niya ang bawat kilos ko kaya naman buong oras akong hindi komportable. Umayos na ako ng tayo matapos kong ilapag ang lahat ng pagkaing iyon. Ngumiti ako sa kanila kahit pilit at nagpaalam. Sa wakas tapos ko na rin silang harapin. Baka pwede na akong magpahinga? Magtatago ako kay Manang para hindi niya ako mautusan pagsilbihan itong dalawang ito. “Bryleigh.” Hindi pa man ako nakakalayo sa kinaroroonan nina Gio ay agad ko nang narinig ang pagtawag niya sa akin. Nilingon ko siya at nakita ko na natapon iyong baso ng juice sa sahig. “Sorry, dumulas sa kamay ko,” sabi ni Gio. Pilit na lang akong ngumiti sa kanya kahit na pakiramdam ko ay sinasadya niyang itapon iyon. Hindi naman nabasag ang baso kaya inimis ko na lang ang naging kalat at sinabi na ikukuha ko siya ng panibagong juice. Bumalik ako sa kusina at sinabi kay Manang na natapo iyong juice ni Gio. Agad niya namang kinuha ang basong hawak ko at inilagay iyon sa lababo bago kumuha ng panibagong baso at lagyan muli iyon ng juice. Pinasalamatan ko siya at umalis nang muli para pumunta kung nasaan ngayon sina Gio. “Ito na po ang juice niyo, Sir—” “I…change my mind. I want coffee.” Hindi ko pa man nailalapag ang kanyang panibagong baso ay agad na niya iyong pinapalitan. Gusto niya ng kape? Ang init-init tapos kape sa hapon? Dahil wala nga akong karapatang umangal ay muli akong ngumiti sa kanya bago sinabing papalitan ko iyon ng kape. Nang makatalikod sa kanila ay agad nabago ang aking ekspresyon. Ang mga ngiting mayroon ako kanina ay napalitan ng pagkabusangot ng mukha. “Oh, bakit hindi mo ibinigay kay Gio?” tanong ni Manang. Ipinatong ko iyong baso sa counter at ngumuso. “Kape raw po ang gusto ni Sir Gio.” Gusto ko mang sakalin si Gio dahil alam ko na nanandiya siya ay hindi ko magawa. Akala ko ba hindi niya na ako guguluhin? Bakit ang gulo-gulo niya pa rin? Nakakagigil. Si Mildred ang gumawa ng kape gamit iyong coffee machine na hanggang ngayon ay hindi ko pa alam gamitin. Gusto ko mang sabihin kay Mildred na siya na ang magdala kay Sir Gio ay alam ko na pagagalitan lamang kami ni Manang. Naglakad na akong muli papunta sa pool side at naabutan ko na naman na nagtatawanan ang dalawang lalaki. Ibuhos ko kaya itong mainit na kape sa kanya? “Ito na po ang kape niyo, Sir.” Hindi na ako nag-excuse. Sumingit na lang ako sa usapan nila. Bahala siya kung mababastusan siya sa ginawa ko. Tumingin siya sa akin bago kunin iyong kape. “Thanks.” Ngumiti ako sa kanila at muli ay nagpaalam para makaalis na. Hindi pa man ako nakakalimang hakbang ay muli na naman niya akong tinawag. Putek! Napipikon na talaga ako, ha! Wala akong magawa kung hindi ang lumapit sa kanya. Gusto ko mang irapan siya para iparating na nakakapikon na siya ay pinigilan ko pa rin ang sarili. “Sir?” Ano na naman bang mali? Kape na iyan ha! “This is not the coffee I want.” Tumingin siya sa akin bago ibalik ang tasang hawak niya. “What I want is the coffee I drunk earlier. You made it, right? I want the exact same coffee.” Natulala ako sa sinabi niya. Hindi ko alam kung maiinis ba ako sa kanya dahil ang arte-arte niya o matutuwa dahil nagustuhan niya ang kape ko. Magulo man ang isipan ko ay namayagpag pa rin ang inis ko sa kanya. Sa pang-ilang pagkakataon, hindi ko na mabilang ay ngumiti ako ng pilit sa kanila. Sinabi ko na magtitimpla ulit ako ng kape para sa kanya. Jusko, huwag siyang magtataka kung paitan ko ang timpla ng kape niya nang kabahan naman siya sa pang-iinis na ginagawa niya sa akin. Nang matapos sa trabaho ay nagpunta ako sa aking silid upang kahit papaano ay makapagpahinga. Sinabihan ko sina Mildred na sila na ang bahala muna kina Sir Gio kung may i-utos man. Nagpaalam na rin ako kay Manang dahil pakiramdam ko ay hindi magandang ideya ang taguan siya para lamang hindi mautusan sa pag-aasikaso kina Sir Gio. Mabuti na lang din at pinayagan niya ako. Nilagyan ko ng panibagong sim card ang aking cellphone at agad na ni-register iyon. Dahil saulo ko naman ang numero ng aking ina ay tinangka kong tawagan ang telepono nito. Napangiti ako nang marinig ko ang pagtunog ng kanyang cellphone. Ganoon pa man ay agad naglaho ang kagalakang naramdaman ko nang walang sumagot mula rito. Bumuntong hininga ako at bigong humiga na lamang sa aking kama. Inilagay ko muna ang aking cellphone sa akin gilid. Nagpadala na rin ako ng mensahe sa aking ina na tawagan niya ako dahil nag-aalala ako sa kanya. Sana lamang talaga ay magawa niyang tawagan ako. Ang sabi sa akin ni Ma’am Leonor ay nagsisimula na raw ang paghahanap. Umaasa ako na makakuha kami ng magandang balita agad. Masyado na talaga akong kinakain ng pag-aalala ko para kay Inay. Muling pumasok sa isip ko iyong tungkol sa mga Daza. Kay liit nga naman talaga ng mundo. Hindi ko inaasahan na hanggang dito ay susundan ako ng apelyidong iyon. Nakakahinga pa ako ng maluwag dahil hindi mismong si Don Benedicto ang naririto kung hindi kapatid niya lamang na babae. Nakakaasa naman ako na hindi ako kilala nito. Sinilip kong muli ang cellphone ko. Umaasa na makakatanggap ako ng tugon mula sa aking ina. Umaasa na nakita niya at natanggap ang aking mensahe kanina. Napabuntong hininga ako nang mapansing wala pa rin siyang reply. Wala kaya siyang load? O baka naman low battery na iyong cellphone niya? Hindi ko alam. Sa ngayon ay iniisip ko na lang na nasa maayos siyang kondisyon. Umidlip lang ako at nagising malapit nang mag-ala singko. Tumayo ako sa aking pagkakahiga at agad na lumabas ng kwarto. Baka may kailangan na akong gawin mamaya. “Hindi raw uuwi sina Ma’am Leonor at si Sir Santi. Didiretso raw sila ng Rizal. Si Ma’am Hara lang ang kakain dito.” Narinig kong sabi ni Ella. “Bakit? Si Sir Gio ba?” pagtatanong ko at nakitulong na rin sa kanila. “Umalis sina Sir Gio kanina, eh. Magkasama sila ni Sir Avi. Hindi pa nga sigurado kung uuwi pa ba iyon dito ngayon o hindi na,” sambit naman ni Mildred. “Nako, dagdagan niyo na rin ang pagkain at baka biglang umuwi si Gio.” Biglang lumitaw sa isang gilid si Manang Sonia kaya’t napatalon kami sa gulat. Sinunod na lang namin iyon at nagsimula nang magluto ng hapunan. Mga ala-sais nang dumating si Hara. Naupo siya sa sofa nila at kami naman ay patuloy lamang sa paghahain. “Manang si Kuya? Hindi raw po uuwi sina Mommy.” Rinig kong tanong ni Hara mula sa living room. “Umalis si Gio kasama si Avion,” sagot naman ni Manang at niyaya na si Hara na kumain. Nakapaghain na naman kami. Mabilis lumipas ang oras na iyon dahil si Hara lamang naman ang kumain. Halatang malungkot ito habang kumakain. Hindi ko rin naman siya masisisi kung malungkot siya. Hindi naman talaga masayang kumain na mag-isa. Matapos naming makapaghugas ng mga pinagkainan ng gabing iyon ay kanya-kanya na kaming pumasok sa aming mga kwarto dahil tapos na rin naman kaming magtrabaho. Naglinis ako ng katawan at nagpalit ng pantulog. Bibili pala ako ng mga bagong damit kapag nakasweldo na ako. Narinig kong may tiangge sa may palengke. Hindi ako nakatulog agad nang gabing iyon. Dala na rin siguro ng maraming iniisip at dahil sa nakatulog ako kaninang hapon. Sana lang talaga ay hindi ako masyadong mapuyat dahil baka mahirapan akong magising bukas. Pinilit kong makatulog. Kung ano-ano nang posisyon ang ginawa ko para lang madalaw ng antok ngunit bigo akong makuha iyon. Naupo ako sa kama ko upang tingnan kung anong oras na ba. Napansin ko na alas-onse na pala ng gabi. Napairap ako sa hangin at napahilamos ng mukha. Tumayo ako sa pagkakaupo ko at naglakad palabas ng kwarto. Iinom na lang siguro muna ako ng tubig o gatas. Hindi rin naman kami pinagbabawalang gawin iyon. Kailangan ko lang talagang makatulog! Pumunta ako ng kusina. Madilim na ang paligid at halatang tulog na ang lahat dahil sa nakakabinging katahimikan ng kapaligiran. Marahan at maingat akong naglalakad kahit imposible namang may magising sa akin dahil malayo sa kusina ang mga kwarto rito sa unang palapag kung saan ang silid ng mga katulong, drivers at iba pang tauhan dito sa bahay. Huminga ako nang maluwag nang maayos akong nakarating sa kusina. Kumuha ako ng baso at binuksan ang ref. Iniisip ko pa kung tubig ba ang iinumin ko o mag-iinit ako ng gatas. Nagdesisyon na lang ako na uminom ng tubig. Pakiramdam ko ay hindi rin naman ganoon kalaki ang maitutulong ng gatas sa akin para makatulog. Nagsalin ako ng tubig sa basong hawak ko at isinara na ang ref. Huminga muna ako nang malalim bago uminom ng tubig. Habang umiinom ako ng tubig ay may narinig akong kaluskos sa may backdoor. May tao pa ba roon? Akala ko ay natutulog na ang lahat. Marahan ko iyong nilapitan upang malaman ang pinagmumulan ng ingay na iyon. Iniisip ko na baka magnanakaw pero parang imposible rin. Bumukas ang backdoor kaya’t nagulat ako. Dahilan upang mabitawan ko ang hawak kong baso at bumagsak sa sahig. Mahina akong napamura dahil sa nangyari ngunit tiningnan ko pa rin kung sino ang nagbukas ng backdoor. “S-Sir Gio?!” Nang una ay napatalon ako dahil hindi ko agad siya nakilala dahl sa dilim ng paligid. Ngunit nang tumingin siya sa direksyon ko at magtama ang mga mata namin ay agad ko siyang nakilala. Napasandal siya sa pinto at halos matumba iyon doon. Kumunot ang noo ko dahil sa pamamaraan niya ng paglalakad. Lasing ba siya o—nanlaki ang aking mga mata nang isang hakbang ko pa lang papalapit sa kinaroroonan niya ay may napansin akong tumutulong dugo mula sa kanya. Nataranta ako at agad na lumapit kay Gio upang alalayan siya. Makakapaghintay ang basong nabasag pero siya mukhang hindi na. “Don’t worry, I’m fine,” sabi niya at pinilit na makatayo nang maayos. Ganoon pa man ay hindi niya nagawa. Hindi naman ako nag-aalala sa kanya dahil buhay pa naman siya ngunit ang makakitang dumudugo ang braso at tagiliran niya ay sapat na para mataranta ako kahit wala naman akong pakealam kung gumapang siya papuntang kwarto niya. “Sir, hindi mo kaya.” Ni hindi na nga siya nakakalakad nang maayos tapos sasabihin niya na maayos lang siya? Okay ka lang? Hindi na siya nagmatigas pa at umakbay sa akin. Inalalayan ko naman siya upang madala ko siya sa kanyang kwarto. Medyo nahirapan kami sa pag-akyat dahil natatakot ako na baka nasasaktan siya lalo na iyong sugat niya sa tagiliran kapag umaakyat kami. Nang matagumpay ko siyang madala sa kanyang kwarto ay inalalayan ko siyang makaupo sa kanyang kama. Hinapo ako roon kaya’t hinabol ko ang aking paghinga. Nakatingin sa akin si Gio kaya agad akong umayos ng tayo. “Kukunin ko lang po ang first-aid kit.” Umalis ako ng kwarto niya. Iniisip ko pa kung dapat bang tawagin ko si Hara para masabihan siya tungkol sa nangyari sa kanyang kapatid o si Manang para may makatulong ako. Kailangan ko na rin bang tumawag ng doktor para sa sugat niya? Mabilis kong nilinis ang nabasag na baso bago muling bumalik sa kwarto niya dala ang first-aid kit na kinuha ko sa unang palapag ng bahay. Hindi pa nga ako sigurado kung iiwan ko na lang ba ito rito o ako ang gagamot sa kanya. Marunong naman ako kaya lang baka ayaw niyang hawakan ko siya. Muli kong napansin ang pagtingin sa akin ni Gio. Ako naman ay pilit na umiiwas. Iwanan ko na lang kaya sa gilid niya itong first-aid kit at hayaan nang siya ang gumamot sa sarili niyang mga sugat? Nanlaki ang aking mga mata nang mapansin ko hinawakan niya ang laylayan ng kanyang damit na suot bago ito marahang hubarin, hindi iniinda ang sugat sa kanyang braso. Napalunok ako at napatulala nang makita ko ang hubad niyang katawan. Hindi ko maalalang nakita kong nakahubad siya sa beach noon pero—whatever. Hindi naman ako iyong klase ng tao na makakita lang ng lalaking maganda ang katawan ay maglalaway na. Lumuhod ako at inayos na iyong first-aid kit. Mukhang sa ginawa niya ay ako ang gusto niyang gumamot sa kanya. Kumuha ako ng malinis na tubig sa kanyang banyo at nilinis ang kanyang sugat. Hindi naman iyon malalim pero masasabi mo na hindi lang ito ordinaryong sugat na nadali sa kung saan. I wonder, where did he get these wounds? Mayroon kasing sugat sa kanyang tagiliran at mayroon din sa kanyang kanang braso. Matapos kong malinis ang sugat niya ay nilagyan ko na ng benda. Ang sabi niya kasi ay huwag ko na raw lagyan ng ointment. Sinunod ko na lang ang sinabi niya. Nararamdaman ko ang paninitig niya sa akin. Ang panunuod ng kanyang mga mata sa bawat kilos na ginagawa ko. Hindi ako komportable roon ngunit nagawa ko pa rin namang maayos ang kanyang benda “You know how to do it, huh?” namamanghang puna niya matapos kong mabendahan ang sugat niya sa tagiliran at braso. Tumingin ako sa kanya at agad ding nag-iwas. Nilinis ko na lang iyong mga kalat. “Madalas ko po kasing gawin iyan. Lalo na’t kapag nabubugbog kaming mag-ina.” Hindi ko alam kung anong pumasok sa isipan ko at sinabi ko pa iyon. Alam ko na napatingin siya sa akin matapos kong sabihin iyon. Hindi ako tumingin sa kanya at nagpanggap na may ginagawa pa. “Anong nangyari sa inyo, Sir?” Hindi naman sa nag-aalala ako sa kanya, gusto ko lang makichismis. Sa pagkakaalala ko ay kasama niya si Sir Avion, hindi ba? Ano kayang nangyari at nagkaganito siya. “Someone shot me. Daplis lang naman kaya hindi dapat ikatakot.” Tiningnan niya iyong sugat niya na nabendahan ko na naman. Nagulat ako sa kanyang sinabi. Nabaril siya? At parang wala lang sa kanya iyon? Na para bang normal lang na mangyari ito sa kanya. Tumayo si Gio at tumalikod sa akin. Doon ko lang nakita na may tatoo pala siya sa may likod niya. Maganda iyong tattoo, ngunit dahil hindi naman ako mahilig sa mga tattoo ay hindi ko alam kung paano siya ipapaliwanag. “Thanks. You can leave now,” utos niya sa akin habang nakatalikod. Tila may kinukuha sa isang bahagi ng kwarto niya. Tumango ako kahit hindi niya naman iyon kita dahil nakatalikod siya sa akin. Magalang akong nagpaalam at nagtungo na sa pintuan. Papalabas pa lang ako nang muli siyang magsalita. “Don’t tell Hara about this.” Nilingon ko siya nang marinig ko ang sinabi niya. Hindi naman siya nakatingin sa akin. Magalang akong tumango at tuluyan nang umalis. Ayaw niya sigurong ipasabi kay Hara dahil ayaw niya itong mag-alala sa kanya. I didn’t know he has that side of him.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD