“H-Hindi na kailangan—”
“Do you want to take a shower first? Pahihiramin ka namin ng mga damit para sa party.” Malawak ang ngiti ni Sera at halatang na-eexcite siya sa kung anong binabalak nilang gawin sa akin.
Sinunod ko na lang ang gusto nilang mangyari. Nag-shower ako at lumabas ng banyo. Naka-bathrobe lang ako dahil ang sabi nila ay papipiliin pa nila ako ng isusuot ko.
“I think magka-size lang tayo. Magkasing laki lang naman tayo ng katawan. I can let you have some of my clothes. Wait here,” sabi ni Sera habang si Hara ay abala sa pag-aayos ng aking buhok.
Nang makalabas ako sa banyo ay bihis na silang dalawa. Nagulat na lang ako. Ganoon ba ako katagal naligo kanina?
Si Hara ay naka-button-down white shirt at shorts. manipis lang iyong suot niya pang-itaas kaya makikita mo ang black top bikini niya. Si Sera naman ay naka-high waist trousers at –
“Is that a scarf?” pagtatanong ko sa bikini top niya na mukhang hindi bikini top dahil kakaiba ang tela nito. Napatigil siya sa paglapit sa amin dala ang iba’t ibang damit bago mapatingin sa kanyang suot. Tumawa siya bago tumango sa akin.
“Yep! Did you notice? It’s a silk printed scarf, makeshift into a bikini top. Cool, right?” She giggles before she continues to approach us. May ipinakita siya sa akin na mukhang mga bagong bikinis at mga damit. Napasinghap ako dahil alam ko na mamahalin ang mga ito.
Pinili ko naman iyong puting crochet dress. Tumango si Sera at dahil may pagka-see-through iyon ay binigyan niya rin ako ng swimsuit na mukhang kakalabas pa lang sa lalagyan nito at bagong bili.
“Don’t worry, Brie, these will be my gifts for you. Token of our friendship.” Ngumiti sa akin si Sera at matapos patuyin ni Hara ang aking buhok ay pinagbihis na rin ako ni Sera.
Isinuot ko iyong ibinigay niya sa aking damit. Hindi naman sa ayokong gawin ito. Sadyang nahihiya lang ako. Mukha man akong napipilitan lamang ay masaya naman ako na kahit papaano ay itinuturing nila akong kaibigan, lalo na dahil sa nangyari kanina.
Muli akong lumabas at naabutan ko ang magkapatid na inaayos ang kani-kanilang mga buhok. Si Sera ay kinukulot ang kanyang buhok samantalang si Hara naman ay naka-messy buns lang.
Pinaupo ako ni Sera sa may tukador at agad na inayusan. Tinanong niya ako kung may gusto raw ba akong ayos ng buhok at sinabi ko naman na wala kaya siya na ang bahala.
Para akong nakakaramdam ng kiliti sa aking tiyan. Magkahalong kaba at excitement ang aking nararamdaman.
Hindi ako pala-gimik. Wala pa akong napupuntahang mga party dahil bata pa lang ay kinailangan ko nang kumayod para mabuhay kaming mag-ina. Minsan ay tinutulungan ko si inay sa mga labada niya at minsan naman ay humahanap ako ng sariling pagkakakitaan.
Nakapagtapos naman ako ng kolehiyo, kaya lang ay wala sa isipan ko ang mag-Maynila. Pwede sana kung kasama ko si Inay. Ayokong mas mapalayo sa kaya lalo na’t kasama pa niya sa bahay ang stepfather ko.
“Ang ganda ng buhok mo,” puna ni Sera sa akin. Napatingin ako sa repleksyon naming dalawa sa salamin at nakita kong nakangiti siya habang tinitirintasan ako.
“Thank you.” Alam ko na maganda ang buhok ko. Pakiramdam ko ay asset ko nga iyon. Natural kasing wavy ito at kaunting ayos lamang ay mas lalong gumaganda.
Half-up crown braid ang ginawa sa buhok ko ni Sera. Nilagyan niya rin iyon ng ilang hair accessories kagaya ng maliliit na shells. Matapos iyon ay nilagyan din niya ako ng light make-up na babagay sa aking mukha at suot na damit.
“Perfect! Hara, what do you think?” tanong ni Sera nang matapos siya sa pag-aayos sa akin. Nakita ko ang pag-thumbs-up ni Hara. Marahan naman akong ngumiti. Nahihiya pa rin pero masaya sa naging ayos ko.
Matapos iyon ay lumabas na kami at pumunta sa magiging venue ng party na isinagawa nila. Hindi iyon kalayuan sa Costal del Sol kaya’t hindi kami nahirapang pumunta.
May mga nakita na akong ilaw at ilang tao na nagsasayaw. Malakas din ang musika kaya kahit medyo malayo pa kami ay naririnig na namin iyon.
Nang makarating kami ay nakita agad namin si Gio na mukhang naiinis na sa madaldal niyang katabi.
“Jusko, dumidikit na naman si Selina sa kapatid natin. Naiimbyerna na si Gio!” natatawang sabi ni Sera. Napansin ko lang din naman ang pag-iling ni Hara.
Hinila na nila akong dalawa para kumuha ng drinks. Tinanong pa nila ako kung umiinom ba raw ako. Kung alam lang nila na malakas uminom ang mga taga-Quezon.
Tinanggap ko ang inalok niyang inumin. Nag-cheers kaming tatlo at sabay-sabay na uminom. Napangiti naman ako nang maubos ko ang laman ng baso ko.
“Ang lakas!” natatawang sabi sa akin ni Sera. Tumawa naman ako. Ngayon na lang ulit ako nakainom kaya medyo sabik at naubos ko kaagad ang laman ng baso ko.
Uminom pa kaming tatlo roon at nagku-kwentuhan.
“Ate.”
Napatigil kami sa ginagawa naming pag-uusap nang may lumapit sa amin. Nakita namin si Gio. Kunot ang kanyang noo at halatang hindi nasisiyahan sa kung ano mang bagay.
“Oh, Gio. Bakit?” tanong ni Sera na kakatapos lamang sa pagtawa.
Napatingin sa akin si Gio. Tumaas naman ang aking noo sa kanya dahil sa pagtitig niya sa akin. Inobserbahan niya rin ako mula ulo hanggang paa bago bumuntong hininga at bumaling sa kapatid.
Anong ibig sabihin ng buntong hininga niyang iyon? May ipinaparating ba siya?!
“Entertain Selina. Ayoko nang makipag-usap sa kanya,” iritadong sabi ni Gio. Muli niyang ibinalik sa akin ang kanyang paninitig at sinalubong din naman siya ng kunot kong noo. Kung mamatahin niya lang ako ay huwag na lang siyang tumingin sa direksyon ko.
“Bakit kami? Ikaw ang sinabihan ni Dad na mag-entertain kay Selina, duh,” saad ni Sera sa kapatid. Ako naman ay nanatiling tahimik at nag-iiwas na lang ng tingin habang umiinom ng alak. Ayokong tumingin kay Gio, mamaya isipin niya pa na may dahilan ang pagtingin ko sa kanya.
“I’m done with the babysitting thing. Nakakapagod!” iritadong sabi ni Gio. Simula ata nang dumating sila sa isla ay ngayon ko lang siya nakitang ganito kairita.
Kung tutuusin ay hindi naman dapat i-babysit iyong si Selina dahil malaki na siya para alagaan. Grr, init talaga ng dugo ko sa babaeng iyon. Alam ko naman na pinagmamalditahan niya ako kahit wala naman akong ginagawa sa kanya.
Naririnig ko pang pinipilit ni Gio ang dalawang kapatid niyang babae. Si Sera ang katalo niya at si Hara ay tahimik lamang naman sa tabi ko.
“My god, Gio! May kapalit ito, ha? Samahan mo rito si Brie. Baka mamaya ay lapitan ito ng mga predators, mahirap na. Ang ganda pa naman ni Brie!” I don’t think that necessary pero alam ko na hilig lang din ni Sera ang pumuri ng ibang tao.
Hindi nagsalita si Gio at hinintay lang makaalis ang mga kapatid niya. Si Sera kasi ay nagpasama sa kanyang nakababatang kaptid na babae para aliwin at kausapin si Selina na ngayon ay mag-isa at halatang hinahanap si Gio.
Napahugot ako nang malalim na paghinga nang maramdaman ko ang pag-upo ni Gio sa aking tabi. Hindi naman siya sobrang lapit sa akin. Sa katunayan ay malaki nga ang distansya namin sa isa’t isa.
Napansin ko lang, simula nang sabihin ko sa kanya ang mga salitang iyon ay dumistansya na siya sa akin at hindi na muli akong ginulo. Hindi naman sa sinasabi ko na gusto kong ginugulo niya ako. Actually, it’s fine this way.
Patuloy lamang ako sa pagsimsim ng alak. Hindi ko man lang maramdaman na nalalasing ako kahit nakakailang baso na ata ako ng alak o baka kapag tumayo ako ay tsaka ko lamang mararamdamang may tama na pala? I don’t know.
“Hati, napatawag ka?” Napasilip ako kay Gio dahil sa biglaang niyang pagsasalita. His left arm is resting on the backrest of the couch while his right hand is holding his phone and is talking with someone.
“Yeah, still on the island. Bukas pa kami uuwi. Ang hina ng signal sa ilang lugar dito kaya minsan ay hindi ko nasasagot ang tawag niyo.” Tumayo si Gio at lumayo sa akin. Tss, akala mo naman ay may pakealam ako sa pag-uusapan nila ng kausap niya.
Nagsalin ulit ako sa baso ko. Natanaw ko sina Sera na patuloy pa ring nililibang si Selina. Napapatingin sila sa gawi ko at kumakaway naman kapag nakikitang nakatingin ako sa kanila. Ngumingiti na lang din ako.
Napatingin ako sa grupo ng mga lalaki na nakatingin sa akin. Inirapan ko sila dahil wala naman akong interes sa kanila. Maya-maya pa’y may tumikhim sa gilid ko at alam ko na sila iyon.
Nilingon ko sila ngunit blangko ang ekspresyon ng mukha ko. Ayokong maging bastos at ipagtabuyan na lang sila lalo na’t wala naman silang ginagawang masama maliban sa pagtingin nila sa akin kanina pa, ngunit ayoko ring isipin nila na interesado ako sa kanila.
“Hey, aren’t you one of the housekeepers for Costa del Sol? Nakikita kita, eh,” sabi sa akin ng isang lalaki. Humahagikgik naman sa likuran niya iyong mga kasama niya. “No offense but what are you doing in a party exclusively and hosted by one of the guests? Oh, figures. You’re here to serve us, right?” Nakitawa na rin siya sa mga kasamahan niya.
I get it. People like them are really up to no good. Iyong mga taong mahilig mangmaliit ng kapwa nila kahit wala namang ginagawa sa kanila. Iyong tingin nila ay superior sila dahil nakakaangat sila sa buhay. I have nothing against rich people. They have my respect, dahil alam ko na naghirap din naman sila kaya sila nasa katayuan nila sa buhay. Pero sana, respetuhin naman ng iba iyong mga taong hindi pinalad na umunlad sa buhay.
Hindi ako nagsalita pero pansin na sa mukha ko ang pagkaimbyerna. Pakiramdam ko ay hindi ko na dapat sila patulan pa. Baka mamaya ay isumbong pa nila ako sa supervisor ko at maging dahilan ng pagkawala ng trabaho. Pagkatapos kong makita ang lagay ng aking ina ay hindi ko kayang mawalan ng trabaho.
Naupo sa tabi ko iyong isa pang lalaki at umaktong aakbayan ako ngunit hindi niya inilapat ang kanyang kamay sa aking balikat. Tiningnan ko iyong kamay niya bago ibalik sa mukha niya. Kaunti na lang, mapipikon na ako.
“So, really, what are you doing here? Ikaw ba iyong tinatawag na party crasher? Gusto mo bang maranasan ang mga ganitong klase party? Hindi ba at dapat nasa trabaho ka ngayon? Nagpupunas ng sahig?” Ngumisi ito.
Napakuyom ang aking kamay. Baka hindi lamang masasakit na salita ang lumabas sa aking bibig. Baka pati itong kamao ko ay maramdaman niya sa mukha niya kapag tuluyan na akong nawalan ng pasensya.
“Opps, my drink spilled to my shorts, can you wipe it off for me?” Ssrkastikong sabi niya habang nagtatawanan sila ng mga kasama niya. Halata naman na sinadya niyang itapon iyong iniinom niyang alak sa kanyang shorts upang masabi iyon sa akin at insultuhin ako.
“Hoy, hindi mo ba narinig ang sinabi niya? Punasan mo raw—”
“What the hell are you doing here?”
Bago pa man ako tuluyang sumabog sa galit ay may narinig na akong pamilyar na boses. Sabay-sabay kaming napatingin sa kanya at nakita namin si Gio. Kunot ang noo nito habang nakatingin sa mga lalaki.
Muli kong narinig ang pagtawa nitong nakaupo sa tabi ko na kaunti na lang ay susuntukin ko na talaga ang pagmumukha.
“Sino ka naman—” Napatigil siya sa pagsasalita nang lumapit sa kanya iyong isang lalaki at may ibinulong. Napansin ko ang pagbabago ng kanyang reaksyon at kung kanina ay nagyayabang siya, ngayon ay hindi na.
Umayos siya ng upo at tinanggal ang kamay niya sa may likod ng kinauupuan ko.
“Giovanni Benavidez, right? Pare gusto kitang makilala ng personal. Madalas kong naririnig ang pangalan ng pamilya mo sa Manila.” Lumapit ito kay Gio at naglahad ng kamay. Nakikita ko pa rin naman kay Gio ang pagkainis nito sa mukha niya.
“Stefan, by the way,” pagpapakilala niya kay Gio. Malaki ang ngiti niya habang hinihintay niyang kamayan si Gio ngunit hindi iyon nangyari.
Nanatili ang mga kamay ni Gio sa kanyang bulsa at tumaas lang ang isang kilay nito habang nakatingin sa lalaki. He looks unamused.
“Piss off,” malamig na sabi Gio. May kung anong talim ang ekspresyon ng mga mata niya na maging ako ay kinilabutan.
Napaatras iyong lalaki at halatang kinabahan sa sinabi ni Gio.
“H-Huh?” Sa tono ng boses niya ay alam ko na natakot ito kay Gio. Maging ako na pinagmamalditahan at tinatarayan si Gio kahapon ay kinabahan, eh.
“Don’t f*****g huh me, I said piss off, you f*****g lowlife,” mariing sabi ni Gio.
Nilapitan naman ng isang lalaki iyong Stefan at hinigit na ito, sinasabing umalis na sila. Sinundan ko lang sila ng tingin hanggang sa umalis na sila, maging itong party ay iniwan na nila.
Ang galit na nararamdaman ko sa mga iyon kanina ay nawala na. Parang si Gio na ang naglabas ng galit ko kaya’t kahit papaano ay gumaan ang nararamdaman ko.
Huminga ako nang malalim at muli na lang uminom ng natitirang laman sa aking baso. Last ko na ito, pagkatapos ay hindi na ako iinom.
“What did those punks do to you? They did pull something inappropriate?”
Nabigla ako nang sa gitna ng katahimikan sa pagitan naming dalawa ay bigla siyang nagsalita at kinausap ako. Akala ko kasi ay wala na siyang balak kausapin ako hanggang sa makaalis sila sa isla.
“W-Wala naman.” Minaliit lang nila ako kahit pakiramdam ko naman ay hindi iyon dapat.
“You said nothing but your expression is telling me otherwise.” Napatingin ako sa direksyon ni Gio at nabigla ako nang magtama ang aming mga paningin. Nakatingin din pala siya sa akin.
Naisipan kong mag-iwas agad. Bakit ako kinakabahan? Parang kahapon lang ay ang lakas ng loob kong sigaw-sigawan siya at sabihing ayoko sa kanya tapos ngayon ay umuurong ang dila ko.
“Wala naman talaga. Tinanong lang nila kung anong ginawa ng isang kagaya ko rito ganoong dapat daw ay nagta-trabaho ako.” Yumuko na lang ako at tiningnan iyong baso na hawak ko na ngayon ay wala nang laman.
Hindi ako madalas na masaktan sa mga ganoong salita dahil matagal ko nang tanggap ang estado ng buhay ko pero ngayon na nakahalubilo ko ang mga taong nakakaangat sa buhay ay parang bigla akong sinampal ng katotohanan, na sa pagitan ko at ng mga kagaya nila, may linyang naghihiwalay sa mga kagaya nila sa mga kagaya ko. Na dapat alam ko kung saan lamang dapat ako lumugar.
“Head high. There’s nothing wrong with your work. Huwag mong iyuko ang ulo mo dahil lang sa sinabi ng ibang tao sa ‘yo.” Napatingin akong muli sa kanya at nakita ko ang maliit na ngisi niya.
Natulala ako sa sinabi niya. Nauna siyang mag-iwas ng tingin sa akin dahil kina Sera. Bumalik na kasi sila rito sa kinaroroonan namin.
“She’s going to sleep na raw. Hindi raw maganda sa kanya ang magpuyat,” sabi ni Sera at naupo sa tabi ko sa kabilang bahagi. Si Hara naman ay sa tabi ni Gio.
Hindi na ako muling nagsalita pa. Somehow, I want to thank him for what he’d said. I gained my confidence back.