Ilang linggo na ang nakakalipas nang umalis dito ang mga Benavidez at iyong mga kasama nila. Una ay akala ko kagaya ng ibang bisita ay walang magiging halaga iyon sa akin, ngunit nagkamali ako.
Bago umalis sila umalis ay personal na nagpaalam sa akin sina Sera at sinabi nila na masaya silang makilala ako. Si Ma’am Leonor naman ay iniwan ang kanyang contact number para raw matawagan ko siya kapag may kailangan kami.
Hindi ako iyong madalas umaasa sa ibang tao ngunit ikinalugod ko iyon. Ang maisip na may handang tumulong sa ‘yo ay sobrang nakakagalak at nakakagaan ng loob.
“Brie, tawag ka ni Ma’am. May kailangan daw siya sa ‘yo,” pagtawag ni Olive. Wala mang ideya sa kung anong rason at ipinapatawag ako ay nagtungo ako sa opisina niya.
Patapos na ang shift ko kaya’t pagkatapos niya akong kausapin ay pupunta na ako sa dorm upang makapagpahinga. Kailangan ko nang matulog para may lakas ako mamaya.
“Ma’am, pinapatawag n’yo raw po ako?” pagtatanong ko sa kanya. Pinapasok niya ako sa loob ng opisina niya kaya’t lumapit naman ako.
“May tumawag sa line ko, stepfather mo raw. May importante raw siyang sasabihin sayo.” Tumayo siya at hinayaan akong maupo muna sa silya niya para makausap ko kung sino iyong nasa kabilang linya. “Aalis lang ako sandali. Babalik din ako. Kausapin mo muna iyang tumawag.”
Tumango ako sa kanya at kinuha na iyong telepono at itinapat sa aking tainga.
“Hello—”
“Putangina niyo talagang mag-ina! Wala na kayong naibigay sa akin kung hindi sakit ng ulo!” sigaw niya sa akin. Kumunot naman ang noo ko dahil iyon ang ginawa niyang pagbati sa akin. Ganyunpaman mas pinili kong maging kalmado.
“Ano na naman po bang nangyari?” Kakapadala ko pa lang ng pera sa kanya, huwag niyang sabihin na namomroblema na naman siya sa pera ha.
“Iyang magaling mong ina, nilayasan ako! Punyeta talaga, Bryleigh!”
Natigilan ako sa sinabi niya. Hindi ko halos narinig iyong huli niyang sinabi dahil ang tanging tumatak sa aking isipan ay ang nilayasan siya ng aking ina.
“Umuwi ka ritong babae ka! Tangina talaga niyang nanay mo!” Patuloy niyang pagsigaw sa akin. Sa ingay sa paligid ay tansya kong nasa bayan siya. Siguro ay pumunta pa siya ng bayan para lamang tawagan ako at ibalita na nilayasan siya ng aking ina.
Nilayasan nga ba o nawawala? Hindi naman kasi basta-basta aalis si Inay lalo na’t wala siyang pasabi sa akin. Saan naman siya pupunta? Isa pa, kung kaya niyang layasan itong ama-amahan ko ay noon niya pa ginawa kaya lang hindi. Sa hindi malamang dahilan ay mas pinipili niyang manatili roon.
Kahit hindi niya sabihin sa akin ay uuwi ako. Kailangan kong masigurado ang kalagayan ng aking ina. Mamaya ay may ginawa lamang siya sa aking ina at sinasabi niyang nilayasan siya. Masyado akong nag-aalala para manatili rito.
Nagpaalam ako sa supervisor ko. Ipinaliwanag ko sa kanya ang dahilan at naintindihan niya naman. Makalipas ang ilang oras na byahe papuntang bayan ay bumaba na ako ng bangka at agad na naghanap ng masasakyang jeep papunta sa amin.
Nakarating ako sa barrio namin at agad akong nagpunta sa bahay namin.
“Inay?” Patuloy ko sa pagsigaw. Gusto kong paniwalaan na niloloko lang ako ng stepfather ko. Na gumagawa lang siya ng dahilan para pauwiin ako. Minsan ay ginagawa niya talaga iyon. May oras na ayaw niya akong pauwiin lalo na’t wala akong perang dala pero may oras na pauuwiin niya ako para parehas kaming bugbuging mag-ina.
“Hindi ba sinabi kong wala nga ang nanay mo rito?” Napalingon ako sa kanya. Nakita ko si Tiyo Alfonso na galing sa pangalawang palapag ng bahay namin.
“Nasaan siya? Saan mo dinala ang nanay ko? Anong ginawa mo sa kanya?!” Hindi ko mapigilang sumigaw. Lumapit ako sa kanya at kinalaban ang nakakatakot niyang paninitig sa akin. Masyado akong pinangungunahan ng emosyon at pag-aalala ko para sa aking ina na hindi ako natatakot sa presensya ng stepfather ko.
“Nakikinig ka ba sa akin? Wala nga siya rito, hindi ba? Naglayas! Paano ko malalaman ang kinaroroonan ng naglayas?” May pagkasarkastiko niyang sabi sa akin.
Humakbang siya papalapit sa akin kaya’t umaatras ako. Huwag siyang makalapit sa akin at baka masampal ko siya. Wala akong pakealam kung anong mangyari pagkatapos, ang gusto ko lang malaman ngayon ay kung ano ba talagang ginawa niya kay Inay.
“Hindi ako naniniwala sa ‘yo na basta umalis si Inay. Alam ko na may ginawa ka—” hindi ko na naipagpatuloy ang aking sasabihin nang marahas niyang hawakan ang magkabilang pisngi ko.
May luhang umaapaw mula sa aking mata. Ayoko mang umiyak ngayon ngunit kapag iniisip ko kung anong kalagayan ng aking ina ay hindi ko mapigilang hindi maiyak. Si Inay na lang ang pamilyang mayroon ako, hindi ko alam ang gagawin ko kung pati siya ay mawawala sa akin dahil sa lalaking ito.
“Alam mo ba ang iniwan sa akin ng nanay mo, ha? Utang! Malaking utang niyo! Pucha, saan mo ako pakukuhanin ng malaking pera pambayad sa mga punyetang utang niyo?” Marahas niya akong binitawan kaya’t napaupo ako sa sahig. “May pumunta rito kanina upang maningil. Alam mo ang ginawa ng nanay mo? Tinakasan iyon, pati ako nilayasan ng puta!”
Humikbi ako. Hindi iyon magagawa ng nanay ko. Hindi siya aalis nang walang paalam sa akin. Kung nagtangka man siyang umalis ay nakakasigurado ako na nagawa na niyang ipaalam iyon sa akin.
“Alam mo may kasunduan kami ng nanay mo, eh—ayoko nang magpaliwanag. Sumama ka na lang sa akin. Halika!” Hinila niya ako. Nanlalaban ako ngunit hindi niya ako binibitawan. Marahas niya akong kinaladkad papunta sa kung saan.
Isinakay niya ako roon sa tricycle niya. Tinangka ko pang bumaba ngunit agad niya iyong pinaandar para hindi na ako makaalis pa. Muntikan pa akong mapasubsob dahil sa ginawa niya.
Pinapahid ko ang aking luha habang patuloy na nag-iisip sa maaaring kinaroroonan ng aking ina. Bumalik lamang ako sa aking ulirat nang tumigil ang tricycle sa isang malaking bahay—tila isang hacienda.
Bumaba ng tricycle si Tiyo Alfonso at nilapitan ako. “Subukan mong takasan ako, kapag nakita ko ang nanay mo ay sisiguraduhin kong permanente na kayong hindi magkikita.” Dinuro-duro niya pa ako bago maglakad papalapit sa malaking gate.
Matapos niyang kausapin ang bantay dito ay sumakay na ulit siya sa tricycle. Muli niya iyong pinaandar at kasabay ng pagbubukas ng malaking gate ay ang pagpasok namin dito.
Nagtataka pa ako sa kung bakit kami naririrto. Naguguluhan din kung kaninong bahay ito. Hindi ko na kasi masyadong inobserbahan ang lugar dahil wala akong oras para roon. Masyadong puno ng kaisipan tungkol sa aking ina ang pag-iisip ko.
Tumigil ang tricycle sa isang lalaking bahay. Napapaligiran ito ng malawak na ubasan. Napalunok ako dahil pakiramdam ko ay alam ko na kung nasaan kami.
Nakita kong muli si Tiyo Alfonso sa may gilid ko. Agad niya akong hinigit palabas. Muli akong nanlaban sa kanya ngunit mas lalo niya lamang iyong hinihigpitan.
“Anong ginagawa natin dito?” tanong ko sa kanya habang patuloy pa ring tinatanggal ang kanyang kamay sa pagkakahawak sa braso ko.
Paakyat na kami ngayon sa hagdanan sa labas ng malaking bahay. Sa malawak na terrace ay may ilan kaming nakita lalaking nakatayo sa bawat gilid nito at isang lalaking nakaupo sa magarang lamesa habang kumakain.
Shit! Sinasabi ko na nga ba.
“Don Benedicto,” magalang na pagbati ni Tiyo Alfonso sa lalaki.
Si Don Benedicto ay kilala rito sa amin bilang matandang binata. Hanggang ngayon kasi ay hindi pa ito nag-aasawa. Bukod pa roon, kilala rin siya bilang nagmamay-ari nang malawak na ubasan na nagsu-supply sa iba’t ibang negosyo dito sa Quezon.
“Alfonso, anong ginagawa mo rito—at kasama mo ngayon si Bryleigh.” Tumayo ito at nakangising lumapit sa amin.
Napaismid naman ako at kumunot ang aking noo habang nakatingin sa kanya. Gusto kong magtago sa likod ni Tiyo Alfonso ngunit alam ko rin na hindi ako ligtas.
“Interesado pa rin po ba kayo?” tanong ni Tiyo Alfonso na nakakuha ng atensyon naming dalawa ni Don Benedicto. Lumawak ang ngiti niya bago tuluyang humalakhak.
“Aba, oo naman! Magkano mo ba siya ibibigay sa akin?” Rinig kong sabi ni Don Benedicto bago ibalik sa akin ang paninitig niya. Nakaramdam naman ako ng pandidiri. Alam ko na sa mga matang iyon ay hinuhubaran na niya ako.
My eyes darted on my stepfather. What the heck is he doing? Ipinagbebenta niya ba ako? Ano ako, manok na alaga niya na maaari niyang ibenta kung kani-kanino? Napakawalanghiya!
“Hmm…” Tiningnan ako ni Tiyo Alfonso at hinigit. “Sa tingin ko ay ayos na po ang limang milyon sa kanya.”
Nanginig ang aking labi sa galit. Ang kapal ng mukha niyang lagyan ako ng presyo? Ni wala nga siyang naging ambag sa buhay ko! Isa pa, iyong utang namin, hindi lang naman utang namin iyon, utang niya rin! Mas malaki pa nga ang utang na mayroon siya na pati ako ay humahati para makapagbayad!
Tumawa muli si Don Benedicto ngunit ang mga mata kong nanlilisik ay hindi niliban ang direksyon ng aking ama-amahan.
“No, that’s too cheap. A woman such as Bryleigh…” Agad akong lumayo nang maramdaman ko ang haplos niya sa akin. Masama ko ring tiningnan si Don Benedicto, at sinong nagsabi sa kanya na maaari niya akong hawakan? “How about, 10 million? Deal?” pagpapatuloy ni Don Benedicto sa kanyang sinasabi kanina.
Nakita ko ang malaking ngiti ng aking ama-amahan. Halos maiyak ako sa sama ng loob at pagkamuhi sa dalawa. Paano nila nagagawang pag-usapan ang ganitong paksa sa harapan ko? Ganoong hindi naman ako pumayag sa kahit na anong kasunduan ang mayroon sila?
“Deal!” masayang sabi ni Tiyo Alfonso. Tumawang muli si Don Benedicto bago kami talikuran at maglakad papunta sa isa niyang tauhan.
Hindi na ako nagdalawang isip pang lapitan si Tiyo Alfonso upang matanggal ang ngiti sa labi niyang iyon at magprotesta. Hindi ako makakapayag na ipagbenta niya na lang ako ng ganoon kay Don Benedicto.
Matagal ko nang alam na may interes sa akin si Don Benedicto at matagal na rin niyang nililigawan ang pamilya ko upang ibigay ako sa kanya ngunit ayaw ng aking ina dahil alam niya na ayoko rin dito. Si Tiyo Alfonso lamang naman ang handa akong ipamigay lalo na’t kapalit ng malaking halaga dahil hindi niya ako tunay na anak. Mas pipiliin niya ang pera kaysa sa akin, kaysa sa amin ni Inay.
“Wala kang karapatang ipagbenta ako,” mariing sabi ko sa kanya. Naglaho ang mga ngiting mayroon siya at tumingin siya sa direksyon ko. Nakita ko ang panlilisik sa kanyang mga mata.
“Wala kang karapatang magreklamo. Ipambabayad ko sa utang natin ang makukuha kong pera,” mahina ngunit may riin niyang sabi sa akin.
Ikinuyom ko ang aking mga kamay para kahit papaano ay magawa kong makontrol ang nagsusumakbong galit sa aking dibdib.
“Kaya nga ako nagta-trabaho upang may ipangbayad tayo sa mga utang! Bakit mo ako ipagbebenta? Lalo na ngayong nawawala si Inay! Hindi ba dapat ay hinahanap natin siya—”
Marahas niyang hinawakan ang aking braso. Ramdam ko ang sakit na dala nito ngunit hindi ako umaray. Matapang pa rin akong nakatingin sa kanya.
“Sapat ba ang kinikita mo sa pagiging katulong mo sa Balesin? Hindi naman, hindi ba? Isa pa, paano mo hahanapin ang nawawala? Iniwan ka na ng nanay mo kaya bilang kapalit sa lahat ng sakit ng ulo na dinala n’yo sa akin, ay tanggapin mo na lang ang kasal na ibibigay sayo ni Don Benedicto.” Lumapit pa siya sa akin upang bumulong. “Panalo tayo rito pareho. Makakakuha tayo ng pera pambayad sa lahat nang kailangang bayaran at ikaw, makakatira ka sa magarbong bahay na ito. Hindi ka na talo! Pagtiisan mo na lang si Don Benedicto, Brie. Huwag ka nang mangarap na may ibang tao pa na sasagip sa ‘yo sa kahirapan.”
Itinulak ko siya dahil sa sinabi niya. Ang kapal ng mukha niya.
“At sinong may sabi sa ‘yo na naghahanap ako ng lalaking sasagip sa akin sa kahirapan? Aahon ako sa hirap dahil sa pagsusumikap ko at hindi dahil sa ibang tao!” Matapang akong lumapit sa kanya para ipamukha sa kanya kung gaano siya kawalang kwenta. “Isa pa, ayos lang sa akin kung kagaya kong mahirap ang mapangasawa ko. Basta hindi kagaya mo, panalo na ako.”
Nakita kong sasampalin niya ako ngunit hindi ako kumilos. Sampalin niya man ako. Hindi ako aatras. Gusto kong ipamukha sa kanya kung gaano siya kawalang kwentang tao.
“Anong binabalak mong gawin, Alfonso? Sinasabi ko na sa ‘yo na huwag mong sasaktan si Bryleigh,” si Don Benedicto.
Masama akong tiningnan ni Tiyo Alfonso at ako naman ay parang proud sa pang-iinis ko sa kanya. Ibinaba na niya ang kanyang kamay at hindi na itinuloy ang binabalak na pagsampal.
“Kaya ko nang ibigay ang cheque sa ‘yo ngayon.” Narinig kong sabi ni Don Benedicto. Tumingin sa kanya ang aking ama-amahan.
“Gusto ko po sana ay cash, Don Benedicto. Mahihirapan pa akong pumunta sa bangko niyan,” sabi naman ni Tiyo Alfonso.
Pareho silang halimaw. Pareho silang walang puso at mga makakapal ang mukha!
“Cash. Limang milyon lang ang maibibigay ko ngayon. Bukas na ang kalahati. Aayusin ko muna ang pera. Makakapaghintay?” tanong ni Don Benedicto. Sumang-ayon naman si Tiyo Alfonso.
“Makukuha ko na ba ang limang milyon ngayon? Para bukas maibibigay ko na rin agad si Bryleigh sa inyo, nakaayos pa,” sabi naman ni Tiyo Alfonso. Tumango si Don Benedicto at inutusan ang kanyang tauhan upang kunin ang pera.
Nakita kong pinagkiskis niya ang kanyang kamay dahil sa sobrang tuwa.
Lalong kumuyom ang aking kamao. Halos maramdaman ko na ang pagbaon ng aking kuko sa aking balat sa sobrang diin nito.
Bumalik ang isang lalaki na may dalang briefcase at ibinigay iyon kay Don Benedicto. Binuksan iyon ni Don Benedicto sa aking ama-amahan at kitang-kita ko kung paano magningning ang kanyang mga mata at maglaway ang kanyang bibig.
“Limang milyon iyan, Alfonso. Bukas dadalhin ko sa bahay n’yo ang limang milyon na kulang ko. Inaasahan ko na makukuha ko na rin si Bryleigh sa mga oras na iyon,” ani Don Benedicto.
Nagkasundo ang dalawa. Muli akong hinila papaalis ni Tiyo Alfonso at isinakay sa tricycle. Mahigpit niya namang hawak ang briefcase hanggang sa makarating kami sa bahay.
Halos makagawa ako ng labag sa batas dahil sa galit ko sa kanya. Kung may hawak lamang akong kutsilyo ay baka nasaksak ko na siya sa sama ng loob ko.
“Makinig ka sa aking babae ka! Bukas, sasama ka nang maayos kay Don Benedicto para hindi tayo magkaproblema. Hahanapin ko ang nanay mo ngayon at babayaran ko na rin ang mga utang natin. Ang mga matitirang pera ay ilalagay ko sa bangko.” Pinagmasdan niya ako at nakita ko ang pagngiwi niya. “Ibibili na rin kita nang maayos na damit para naman matuwa si Don Benedicto sa ‘yo.”
Paalis na siya nang muli siyang bumalik. Ibinaba niya muna ang briefcase at mahigpit na naman akong hinawakan sa braso. Dinala niya ako sa loob ng kwarto at iginapos ang dalawa kong kamay.
“Para siguradong hindi ka tatakas.” Tumawa-tawa pa siya bago tuluyang umalis. Sinigaw ko ang pangalan niya at sinabing pakawalan ako ngunit sumisipol siyang umalis ng bahay.
Muli akong naiyak, naiiyak ako sa sama ng loob at sa matinding galit. Hinampas ko ang sahig dahil wala na akong mapagbuhusan ng galit ko.
Bukod sa problema kung paano ako makakaalis sa sitwasyong ito ay iniisip ko rin kung ano na kayang lagay ni Inay. Sana kung nasaan man siya ay nasa maayos na kalagayan siya.