CHAPTER 4: PARTY

2559 Words
Nanlaki ang aking mga mata at dali-daling binuksan ang pinto. Naabutan kong sinasaktan ng aking step-father and aking ina. Walang pagdadalawang isip akong lumapit dito at niyakap ang aking ina na nakaupo sa sahig at ginagawang panalag ang kanyang braso laban sa latigong hawak-hawak ng aking stepfather. “Tama na! Bakit mo sinasaktan ang aking ina?!” Sa galit ko at pag-aalala ay kumawala na rin ang luha sa aking mga mata. Naririnig ko ang paghikbi ng aking ina na sapat na rason na upang mapiga ang aking puso. “Punyeta! Bakit ka naandito? Sinong may sabing pwede kang umuwi?! May dala ka bang pera?!” Iyon ang pasigaw na pagbati sa akin ng aking stepfather. Ni hindi ko nga alam kung pagbati mo ba iyong maituturing. “Bakit mo na naman sinasaktan ang aking ina? Anong karapatan mong saktan siya—” hindi ko na naituloy pa ang aking sasabihin nang agad niyang pisilin ng marahas ang aking magkabilang pisngi. Tinabig ko naman agad iyon. “Huwag mo akong masagot-sagot babae ka, ha! Parehas kayo ng nanay mo na pinapalamon ko!” sigaw niya sa akin. Halata namang hindi siya lasing pero bakit siya ganito? Ano na namang nangyari at pinag-iinitan niya ang aking ina? “Gusto ko lang ipaalala sa ‘yo na hindi ikaw ang nagpapalamon sa aming mag-ina. May ipinapadala akong pera rito buwan-buwan. Kaya huwag mong isusumbat sa amin ang ambag mo sa buhay namin na wala namang katotohanan!” Hindi ko mapigilan ang lumaban pabalik. Naramdaman ko ang mahigpit na paghawak sa akin ng aking ina, hudyat na pinapatigil niya ako sa pagsagot sa aking ama-amahan. Ayoko mang sundin iyon ay ginawa ko na lang. Ayokong masaktan pa aking ina dahil sa maaaring gawin sa kanya ng lalaking ito pagkaalis ko. “Aba’t hindi ka talaga titigil?!” Tumaas ang kamay niya, indikasyon na ihahampas niya sa akin ang latigong hawak niya. Mahigpit kong niyakap ang aking ina upang salagin iyon, para ako lang ang matamaan. Ipinikit ko ang aking mga mata, inihahanda ang mahapding paghaplos ng latigong iyon sa aking balat. Nagtaka ako nang makalipas ang ilang sandali ay wala pa akong nararamdamang sakit. Idinilat ko ang aking mga mata upang tingnan kung anong nangyari sa kanya at laking gulat ko na makita si Gio. Hawak niya ang braso ng aking stepfather at nagawa niya itong pigilan sa binabalak gawin. “I’m sorry to interfere, Sir, but I think you better stop what you’re about to do,” malamig ngunit madiing sabi ni Gio sa kanya, tila may pagbabanta. “Okay lang ba kayo?” Napatingin kami sa kanya at nakita namin ang nag-aalalang mukha nina Ma’am Leonor at ng kanyang dalawang anak na babae. Tinulungan nila kaming makatayo. Ang aking ina ay halos matumbang muli dahil sa panghihina dala na rin siguro ng mga natamong sugat dahil sa pambubugbog ng aking ama-amahan. “Sino kayo at anong ginagawa niyo sa pamamahay ko?!” sigaw ng aking stepfather habang galit at nanlilisik na nakatingin kina Gio. Sina Ma’am Leonor naman ay tinutulungan pa rin kami. Niyayaya na nila kaming umalis dito. “Pwede ko kayong kasuhan ng trespassing!” “Try.” Napalingon ako kay Gio nang kalmado ngunit nakakakilabot niyang sabihin iyon sa aking stepfather. “Do it, I dare you. But don’t expect that we’ll not sue you, too. I can send you to jail according to R.A 9262 for physical violence.” Nakita ko sa mukha ng aking stepfather na nasasaktan na siya sa ginagawang paghawak ni Gio sa kanya. Buong lakas niyang tinabig si Gio. Ngumisi lamang naman ito na para bang wala man lang sa kanya iyong ginawa ng stepfather ko. “Let’s get out of here. Umuwi na muna tayo sa bahay,” sabi sa akin ni Ma’am Leonor. Hindi na kami nagsalita ng aking ina at sumunod na lang muli. Narinig ko naman ang pagsigaw ng aking ama-amahan sa pangalan ng aking ina at pinapabalik siya roon. Narinig kong muli ang pag-iyak ni Inay. Para na namang pinipiga ang puso ko dahil doon. Nagkasya naman kami sa loob ng sasakyan. Si Sera na ang naupo sa shotgun seat. Hindi ko alam kung sadyang magaling lang ba talagang umalala si Gio pero alam na niya ang daan pabalik. Mabilis kaming nakabalik sa bahay nila. Wala pa roon si Mr. Santiago. Agad nag-utos si Ma’am Leonor ng first-aid kit at ice pack para magamot iyong mga sugat at pasa ng aking ina. Si Sera ang umasikaso sa kanya dahil balita ko ay nag-aaral itong maging doktor. “Anong nangyari, Laila?” nag-aalalang tanong ni Ma’am Leonor sa aking ina. Patuloy lang naman ako sa paghagod ng likod ni Inay. “Wala ito. Sanay na ako. Nagkaproblema kasi kaya nagawa niya akong saktan.” Ngumiti si Inay. Hindi iyon ang ngiting ipinapakita ng mga taong masaya. “Ikaw ba, Thea? Kailan ka pa nakabalik? Ang tagal nating hindi nagkita. “Kahapon lang. Galing kaming Balesin at nagdesisyon kaming pumunta rito ngayon para dumalaw. Nalaman kong anak mo si Bryleigh kaya’t isinama ko na siya rito para makita ka. Hindi ko inaasahan na ganito ang aabutan namin.” Hinawakan ni Ma’am Leonor ang kamay ng aking ina. Pareho naman kami ni Inay na napatingin doon. “Madalas ka bang sinasaktan ng asawa mo?” Kitang-kita ang pag-aalala sa mukha ni Ma’am Leonor. Bumaling ako kay Inay at nakita ko ang pagyuko niya. Alam ko na handa niyang pagtakpan ang ginagawa ng stepfather ko. Hindi ko alam kung anong rason niya bakit niya iyon ginagawa pero alam ko na hindi naman sa kadahilanang sobrang mahal niya ito. “Laila, you can tell me everything. I am your friend. I will help you. Huwag kang matakot. Madalas ka ba niyang saktan?” mahinahong tanong ni Ma’am Leonor kay Inay. Suminghap ang aking ina at pilit na namang ngumiti. Marahan akong napapikit dahil alam ko, hindi siya magsasabi ng totoo. “Hindi naman madalas. May mali rin akong nagawa kaya nagkaganito kami. Okay lang ako, Thea. Huwag kang mag-alala sa akin.” Bumaling si Inay sa akin at ngumiti. Hinaplos niya ang aking pisngi na dahilan upang muntikan na akong maluha. “Maraming salamat din at isinama niyo si Brie rito, dahil sa inyo ay nakita ko siyang muli makalipas ang ilang buwan.” “Nay!” suway ko sa kanya. Bakit niya ba pinagtatakpan ang lalaking iyon. Ito na nga sila Ma’am Leonor na handang tumulong sa amin. Ano pa bang ikakatakot niya? Hinawakan niya ang kamay ko at marahan iyong pinisil napatingin ako roon kaya’t hindi na ako nagsalita pang muli. “Nako, ito na ba ang mga anak mo? Kay gaganda at ang gwapo naman.” Malungkot kong tiningnan si Inay nang pilitin niyang ngumiti muli at ibaling sa ibang paksa ang pag-uusap. “Oo.” Nilingon ni Ma’am Leonor ang kanyang mga anak at pinalapit ang mga ito sa kanya. “Ito ang panganay ko, si Sera, ang pangalawa at nag-iisang lalaki, si Gio at ang bunso ko naman si Hara,” nakangiting pagpapakilala ni Ma’am Leonor sa mga anak niya. “Ang gagandang mga bata. Manang-mana sa ‘yo at sa iyong asawa. Nasaan na nga pala si Mr. Benavidez?” magalang na tanong ni Inay kay Ma’am Leonor. “May inaasikaso lang. Dito ka na muna tumuloy. Natatakot ako na baka kapag bumalik ka sa bahay na iyon ay kung ano pang gawin sa ‘yo ng asawa mo.” Bumalik ang pag-aalala sa mukha ni Ma’am Leonor. Halatang iniisip niya ang lagay ng aking ina. Tunay na kaibigan kung maituturing. “Nako! Huwag na. Nakakahiya. Babalik na ako sa bahay namin. Kaya ko nang mag-commute. Nakakasigurado ako na malamig na ang ulo ni Alfonso. Kapag umuwi ako ay hindi na niya gagawin kung ano man ang ginawa niya sa akin kanina.” Ngumiti si Inay. Ako naman ay nanatiling tahimik. Gustong-gusto kong magsalita pero ayokong kalabanin ang kanyang desisyon. Alam ko na hindi magiging maayos ang lagay niya kapag bumalik siya roon ngunit alam ko rin na hindi ko siya mapipigilan. “Isa pa, hindi ba pabalik na rin kayo ngayon sa isla? Ayokong makaabala sa inyo. Magiging maayos ako,” dagdag niya pa para mas paniwalaan siya nina Ma’am Leonor. Bumagsak na lang ang tingin ko sa aking kamay na hawak pa rin ng aking ina. Nanginginig ang labi ko, hudyat na malapit na akong maiyak. Gayunpaman ay wala akong magagawa upag pigilan siya sa pagbalik sa poder ng aking step-father. Inihatid lang namin si Inay sa sakayan dahil ayaw na niyang magpahatid pa sa mismong bahay. Nagbigay siya ng ilang paalala katulad ng alagaan ko raw ang aking sarili at kung maaari ay huwag magkakasakit. Tatawag daw siya sa akin kapag nagkaroon ng pagkakataon. “Ikaw din po. Huwag kang magpapabaya, Inay.” Suminghap akong muli, pinipigilan ang mga luhang nagbabadiyang tumulo mula sa aking mata. “Kapag may ginawa na naman sa inyo si Tiyo Alfonso ay huwag kayong magdadalawang isip na ipaalam sa akin. Huwag niyong isipin na makakaabala kayo sa akin. Mas priyoridad ko kayo kaysa sa kahit na anong bagay.” Tinapik niya ang aking pisngi at nagpaalam na. Sumakay siya ng jeep at kumaway sa akin. Kinailangan ko na rin namang bumalik agad sa sasakyan dahil kailangan naming umabot sa bangka para makabalik na sa isla. “Are you okay?” tanong sa akin ni Sera. Tumingin ako sa kanya at tumango. Hindi ako dapat panghinaan ng loob. Kailangan kong makapag-ipon para mailayo na si Inay sa ama-amahan kong iyon. Darating ang araw ay pagbabayaran niya ang lahat ng ginawa niya sa aming mag-ina. Nang makabalik kami sa isla ay agad akong nagpaalam kina Ma’am Leonor at sa kanyang asawa. Nagawa ko rin namang magpaalam at magpasalamat sa kanilang mga anak maliban kay Gio. Tinangka kong hanapin si Gio. Ngunit hindi ko siya makita. Hindi ko alam kung umalis na ba siya pagkatapos naming makarating ng isla. Kahit papaano ay may utang na loob ako sa kanya dahil sa ginawa niyang pagpigil sa aking stepfather kanina. Kung hindi niya iyon napigilan ay malamang nakapagtamo ako ng sugat. Habang naglalakad pabalik ng dorm ay nakita ko si Gio. Tinangka ko siyang lapitan, ngunit nang makita kong may kausap siyang mga babae ay tumigil ako sa binabalak at hindi na tumuloy. Bumalik na ako sa dorm. Hindi ko alam kung kailangan ko bang pumasok sa shift ko mamaya o itong pagsama ko na sa kanila ang naging shift ko? Bahala na. Baka hindi muna ako pumasok mamaya kung sakali. I’m so exhausted, not physically but emotionally. Ang makitang umiiyak ang aking ina dahil sa pangmamaltrato sa kanya ng kanyang kinakasama ay hindi ko maatim. Nasasaktan ako sa tuwing naaalala ko ang kanyang itsura at ang takot sa mga mata niya. Gustuhin ko man siyang itakbo at ilayo ay wala akong magagawa, dahil alam ko, patuloy siyang mananatili sa poder ni Tiyo Alfonso. Hindi ko alam ang dahilan at pakiramdam ko ay may matinding rason si Inay bakit ganoon na lang siya katakot iwanan si Tiyo Alfonso. Hinahayaan ko siyang manatili roon dahil nakikita ko ang mas takot at pag-aalalang reaksyon niya sa tuwing tinatangka ko siyang ilayo roon. Nagbihis lang ako at humiga na sa aking kama. Ipinikit ko ang aking mga mata at agad akong hinila ng antok. Ganoon ako kapagod. Napabalikwas ako sa aking pagkakahiga nang marinig ko ang pagsigaw sa aking pangalan. Kinusot ko ang aking mga mata at kunot noong tiningnan kung sino ang walanghiyang nanggising sa akin. “Ano ba iyon, Olive?” iritadong tanong ko sa kanya, patuloy sa pagkukusot ng aking mga mata. Ang sakit ng ulo ko. Ibig sabihin lang nito ay pangit ang aking gising. “Pinapatawag ka ng mga Benavidez!” natatarantang pagbabalita niya sa akin. Awtomatiko namang kumunot ang aking noo sa narinig. Bakit ako ipapatawag ng mga Benavidez? Una ay tapos na ang trabaho ko. Pangalawa, wala na dapat akong tungkulin sa kanila. “Bakit?” iritadong tanong ko pa rin sa kanya. Ang sama ng gising ko at dahil siya ang gumising sa akin ay sa kanya ko ibubuhos ang inis ko. “Hindi ko alam. Mag-ayos ka na at pumunta na sa Costa del Sol!” Hinigit pa ako ni Olive. Muntikan na akong mahulog sa kama ko kaya’t napamura ako. Hinampas ko siya at sinabing kaya kong tumayo nang hindi niya ako hinihigit. “Tsk,” bumubulong pa ako sa sarili habang nagbibihis at nag-aayos. Kung ano-ano na atang orasyon at mura ang nilalabas ng bunganga kong ito dahil sa pagkainis na naputol ang mahimbing kong tulog. Hinihintay ako ni Olive sa labas at agad na hinila. Muli ko siyang minura dahil nag-aayos pa ako ng buhok ay hinila na naman niya ako. Bakit ba kasi siya nagmamadali? Isa pa, bakit ba ako pinapatawag ng mga Benavidez? Nakarating kami sa kanilang villa. Nahihiya pa nga ako dahil nakatingin sa akin iyong mga kasamahan ko sa trabaho. May iba na ngumunguso pa at itinuturo iyong mga Benavidez. Pinanlalakihan ko sila ng mata upang itanong kung bakit pero nagkikibit balikat lamang sila. “Ma’am, naandito na po si Brie,” anunsyo ni Olive. Iniwan na niya ako roon at bumalik sa pwesto niya. Tiningnan ko siya at pinandilatan ng mga mata. “Bryleigh,” pagkuha ng atensyon ni Ma’am Leonor sa akin. Agad akong tumingin sa kanya at kahit pilit ay ngumiti ako sa kanya. “Tomorrow is our last day. Sera and the rest are planning to throw a party. Naisip namin na baka gusto mong sumama sa kanila. Don’t worry, Santi already talked to your supervisor at dahil wala ka namang shift ngayon, you can join naman daw.” Napatingin ako kina Sera na malawak na nakatingin sa akin. Si Gio ay nakatingin din sa akin habang umiinom ng wine. Si—well, si Selina ay nakasimangot at handa nang pilipitin ang leeg ko sa hindi malamang dahilan. What’s with her? Ni hindi ko nga siya kinakausap tapos para siyang galit na galit sa akin. “Nako, Ma’am, huwag na po. Nakakahiya—” “We won’t like to hear a no, Brie. We want you to join us. Maliit lang naman na party. Tayo-tayo lang. We just invited few friends na nakilala rin namin kanina. More or less nasa labing limang tao lang. Please?” sabi ni Sera. She raised her inner eyebrows, dramatically, parang nagpapawa. “Oo nga. Isa pa, last day na namin bukas. May pagkakataon na hindi ka na namin makausap o makasama dahil night shift ka bukas, hindi ba? We just want to hang out with you even for a short period of time.” At dahil sa sinabing iyon ni Hara ay parang wala na akong karapatang tumanggi pa. Napatingin ako kay Ma’am Leonor at ngumiti siya sa akin. Napangiti na lang din ako sa kanya. Hindi rin naman nagtagal ay nilapitan na ako ng magkapatid at sinabi sa akin na aayusan daw nila ako.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD