Tapos na akong mag-ayos ng aking gamit para makasama ako sa mga Benavidez pagpunta ng bayan ng Polilio. Excited ako dahil kahit papaano at kahit sandali ay makikita ko muli si inay.
Matapos kong masigurado na kumpleto ang gamit na dadalhin ko upang ibigay kay inay ay lumabas na ako ng kwarto ko at nagtungo sa kinaroroonan ng mga Benavidez. Namataan ko na nakikipag-usap sila sa aking supervisor.
“Have a great trip, Mrs. Benavidez and Mr. Benavidez. Ako na po ang bahala sa shift na maiiwan ni Bryleigh.” Dinig kong sabi ng aking supervisor.
Napunta sa akin ang kanyang titig nang mapansin na papalapit ako sa kanya. Agad siyang ngumiti sa akin at ako naman ay nahihiyang ngumiti sa kanya.
“Oh, paano ba iyan, Brie, ikaw na ang bahala sa mga Benavidez. Bitbit mo ang pangalan ng ating isla kaya huwag kang magkakamali ng kilos, okay?” Ngumiti sa akin iyong supervisor ko.
Kung tutuusin ay mabait naman talaga siya. May mga oras lang talaga na siguro stress din siya o maraming iniisip kaya nagtataray siya sa amin pero overall, she’s a nice person—for me. May iba’t iba naman kasi tayong depinasyon ng mabait.
Dumating na iyong bangkang sasakyan namin papunta roon sa bayan kaya’t sumakay na sila. Naunang sumakay si Mr. Santiago at inalalayan ang kanyang asawa na si Ma’am Leonor. Umakyat na rin iyong si Gio at tinulungang makaakyat iyong dalawa niyang kapatid. Ako iyong huling sasakay at dahil sanay na naman akong sumakay sa ganito ay hindi ko na kailangan pa ng tutulong sa akin—never mind.
Nakita ko ang kamay ni Gio na nakalahad sa akin, hinihintay atang hawakan ko iyon upang maalalayan niya rin ako sa pag-akyat. Wala na sana akong balak hawakan pa iyon dahil hindi ko naman talaga kailangan ngunit ayoko ring magmukhang masama ang ugali ko dahil nag-aabot lang naman siya ng tulong.
Hinawakan ko iyon at tinulungan niya akong i-angat ang aking sarili upang makasakay sa bangka. Matapos iyon ay naupo siya sa tabi ng kanyang ina at ako naman ay sa tabi ng kanyang mga kapatid—sa tapat niya.
Napansin ko na hindi siya umaaktong makulit ngayon kagaya kahapon nang huli ko siyang makausap. Naisip ko tuloy kung nasaktan ko ba siya sa mga nasabi ko? Masyado bang masakit iyong mga sinabi ko sa kanya? Naglabas lang naman ako ng hinaing ko. Sa iyon talaga ang nararamdaman ko, eh. Alangan namang magpanggap pa ‘ko.
“Avi,” narinig kong sabi niya.
Napatingin ako sa direksyon ni Gio at napansin ko na may kausap siya sa kanyang cellphone. Kung sino man iyon ay hindi ko kilala.
“Nasa Polilio kami—Balesin to be exact. Nagdesisyon sina Dad na magbakasyon kaming pamilya.” Siguro ay tinanong ng kausap niya kung nasaan siya ngayon.
“Pamilya namin.”
Nag-iwas na lang ako ng tingin. Wala namang koneksyon sa akin kung sinong kausap niya at kung ano ang pinag-uusapan nila.
“Bakit kita isasama? Pamilya ka ba?” Narinig ko ang malakas na pagtawa ni Gio kaya’t muli akong napatingin sa kanya. Binato naman siya ni Sera nang pabiro at napansin ko rin ang pagtawa ng nakatatandang kapatid niya.
“Loko-loko talaga itong si Gio,” natatawang sabi ni Sera sa kanyang kapatid.
“Kaming lima lang. Bakit ka ba napatawag? Baka mahulog sa dagat ang cellphone ko. Hindi importante ang phone ko, ang contacts ng mga babae ko ang importante.”
Napakunot ang aking noo sa aking narinig. Halos walang humpay naman sa pagtawa si Gio. Okay, hindi ko na dapat pang bawiin iyong mga sinabi ko sa kanya kahapon. He deserved it.
“Sige, itatanong ko. Pero panigurado naman na pupunta kami,” sabi pa ni Gio bago ibaba muna ang phone at tumingin sa kanyang ama upang may itanong siguro. “Dad, ipinapatanong ni Avion kung pupunta raw tayo sa birthday ni Tito Lucio? Kailangan na raw nila ng siguradong guests list dahil magpapa-reserve na sila.”
“Oo naman. Sabihin mo ay pupunta tayo sa birthday ni Kuya,” sagot ni Mr. Santiago. Agad namang binalikan ni Gio ang kausap niya sa kanyang cellphone.
Nag-iwas na akong muli ng tingin. Tinitigan ko na lang ang papasikat pa lang na araw. Ang aga kasi naming umalis. Buti talaga at pinayagan ako na maagang mag-out kagabi para rito. Siguro ay dahil na nga rin sa pakikipag-usap ni Mr. Santiago sa aking supervisor kaya naging posible ang lahat.
Makalipas ang ilang oras na byahe ay nakarating na kami sa daungan o pantalan ng mga bangka sa bayan. Bumaba na kami sa bangka at hindi ko muling inaasahan na tutulungan ako ni Gio. Tinanggap ko iyon kahit na hindi ko magawang makapagpasalamat sa kanya. After everything I’d said to him the other day, I don’t think I can talk to him normally.
Alam ko naman na hindi masyadong mabibigat ang mga sinabi ko, pero nararamdaman ko na nadali ko ang ego niya roon.
“Brie, can you come with us. Alam ko na gusto mo nang makita ang iyong ina pero gusto ko rin siyang dalawin. We can go to her later. Sumama ka muna sa bahay para makapag-umagahan. Alam kong hindi ka pa rin kumakain,” malambing na sabi sa akin ni Ma’am Leonor. Dahil na rin sa matatamis niyang ngiti ay hindi ko nagawang tumanggi.
Nakita ko rin naman ang pagngiti ng kanyang asawa at dalawang anak na babae. Si Gio, kahit hindi ko man tinitingnan ay alam ko na malamig na nakatingin sa akin. Is he mad? I don’t care, though.
Sumakay na kami sa kotseng nag-aabang sa amin. Dalawa iyon. Ang isa ay sinakyan nina Ma’am Leonor at Sir Santiago. Ang isa naman ay para sa mga anak nila kung saan doon ako nakisabay.
Si Gio ang sumakay sa shotgun seat at kami namang tatlong babae ay sa backseat. Napansin ko na kinuha ni Sera ang kanyang cellphone at nakita ko ang pagnguso nito nang mapansin na nawawalan ng signal iyon.
“Mahina ang signal dito? Parang sa Balesin ay hindi naman.” Tumingin sa akin si Sera, indikasyon na ako ang tinatanong niya. Tumango naman ako sa kanya.
“May mga parte po talaga rito na mahina o walang signal,” sagot ko sa kanya na tinanguan niya naman.
Lalo na sa lugar namin, wala kang masasagap na signal. Kaya madalas ay hindi na nag-aabala ang mga tao roon na bumili ng cellphone dahil hindi naman nila magagamit. Iyon din ang rason bakit hindi ko madalas makausap ang aking ina.
“Brie, okay lang kung huwag mo na kaming i-po. Alam ko na ginagalang mo kami because we’re your guests on the island you’re working at, but I find it uncomfortable. Just address us normally, like friends.”
Napatingin ako kay Hara nang sabihin niya iyon. Nagulat man ay ngumiti ako sa kanya at tumango. Ngumiti rin naman siya sa akin ganoon na rin ang kanyang nakatatandang kapatid.
I don’t how old she is, pakiramdam ko nga ay mas bata pa siya sa akin, pero sa mga sinasabi niya, alam kong mas mature siya kaysa sa kapatid niyang lalaki.
Natahimik na kami matapos ang pag-uusap na iyon. Kahit papaano ay naging komportable ako kay Hara at Sera. Nang una ay inaasahan ko na spoiled brats sila, dahil madalas nang naeengkwentro ko, hindi naman lahat, ay ganoon. Mukhang ang spoiled ay si Gio pa.
Nakarating kami sa isang malaking bahay. Hindi lang ako ang namangha, maging sina Hara at Sera ay namangha rito. Mukhang sinauna ang disenyo ng bahay pero maganda pa rin. Parang iyong mga makalumang mga mansyon sa pelikula.
“This is my first time here. Damn, it’s insane!” Narining kong sabi ni Hara. That makes sense kung bakit maging sila ay namamangha. Dahil kahit ito ang bahay nila rito ay ngayon lamang sila nakapunta.
Ngayon ko lang ito nakita pero masasabi ko na ata na ito ang pinaka malaking bahay dito—o sa lahat ng napuntahan ko rito. Pakiramdam ko kung patitirahin mo ako rito ay maliligaw ako. Sobrang lawak, hacienda talaga!
“Welcome!” nakangiting bati ni Ma’am Leonor nang makababa kami sa kotse.
“Mom, bakit ngayon mo lang kami dinala rito? It’s so beautiful here. Omg! I’ll call Nevaeh, mang iinggit ako!” natatawang sabi ni Sera.
“Well…” Napakamot sa kanyang batok si Ma’am Leonor. “A lot of things happened, that’s why I don’t want to go back here. Pero dahil nasa Balesin na rin naman tayo, naisipan ko na dalhin na rin kayo rito.”
Pumasok na kaming lahat sa loob. Natatakot pa nga akong i-apak ang paa ko sa makintab nilang sahig dahil baka madumihan ko lang iyon. Iniisip ko kung kailangan ko bang maghubad ng sapatos bago pumasok sa loob.
“Brie, bakit hindi ka pa pumapasok?” tanong sa akin ni Ma’am Leonor, dahilan para mapatingin sa akin iyong iba naming kasama maging si Gio. Nahihiya akong ngumiti bago magpatuloy sa paglalakad at pumasok sa kanilang bahay. Ngumiti naman sa akin si Ma’am Leonor.
Sinalubong kami ng mga katulong at iginaya nila kami sa dining hall. Halos masamid ako sa sarili kong laway dahil sa laki nito. Pakiramdam ko wala pa sa kalahati ng dining hall lang nila ang kinalakihan kong bahay. Sa yaman nilang ito, may mga bagay pa kaya silang pinoproblema?
Tumabi ako kay Hara dahil si Sera ay tumabi kay Gio. Napasinghap ako nang makita ko ang mga pagkain na nakahanda sa hapag. Hindi naman sa pagiging dukha pero ngayon lang ako makakain ng ganito.
Kahit sa hotel at sa villa na pinagta-trabahuhan ko ay hindi ganito ang nakakain naming mga pagkain.
“Don’t be shy, Brie. Just eat. Feel at home,” sabi sa akin ni Ma’am Leonor. Sobra akong nahihiya sa kanya dahil kailangan niya pang intindihin ang isang katulad ko. Ngumiti ako sa kanya at mahinhin na tumango kahit hindi naman talaga ako mahinhin.
Nagsimula na kaming kumain. Hindi ko maramdaman ang gutom ko dahil kinakabahan ako. Hindi ko alam bakit ako kinakabahan. Minsan pa’y inaabutan ako ni Hara ng pagkain at inaalok ni Sera ng ibang putahe. Nahihiya naman akong tumanggi sa kanila kaya’t kahit kaunti ay nakuha ako.
Naririnig ko silang nag-uusap. Madalas ay tungkol sa kanilang negosyo ata. Ako ay nanatiling tahimik at kumain na lang.
“By the way, we will visit your grandparents’ grave later, okay? Bago tayo pumunta sa bahay nina Brie.” Narinig kong sabi ni Ma’am Leonor. Hindi pa rin ako makapaniwala na magkaibigan sila ni Inay noon. Hindi rin ako lubos na makapaniwala na ang dating kaibigang ikinukwento niya lang sa akin dati ay nasa harapan ko na.
Totoo nga ang kanyang sinabi sa akin, na mabuting tao ang kanyang kaibigan na anak ng kanyang amo.
Inikot lang namin ang bahay nila. Sumusunod lang naman ako sa kanila. Sa gitnang bahagi ng malawak at engrandeng hagdanan ng bahay ay may malaking picture frame, mag-asawa at sa tingin ko ay iyong batang babae na naroroon ay si Ma’am Leonor.
“Is that Lola and Lolo? Gosh, they look intimidating. I might piss on my pants kung makita ko sila ng personal,” sabi ni Sera nang makita rin ang larawang iyon. Marahan namang natawa si Ma’am Leonor.
“They are, indeed, strict. Hindi ba, Santi?”
Napatingin kaming lahat sa kanyang asawa na si Mr. Santiago at napansin ko ang pagbuntong hininga lamang nito na siyang mas ikinatawa ni Ma’am Leonor.
Napangiti ako nang makita ko ang relasyon nilang dalawa. Kahit matagal nang kasal ay parang hindi pa rin nagbabago ang pakikitungo nila sa isa’t isa. I admire their relationship. Hindi ako madalas naniniwala sa ganoon, sa true love and whatnot. Hindi naman kasi naging maganda ang kinahinatnan ng love story ng aking mga magulang.
Hindi ako galit sa aking ama, may rason bakit siya wala sa tabi namin at halata naman na mahal pa rin siya ng aking ina at hinihintay pa rin ang kanyang pagbabalik. Ganoon pa man, iniisip ko rin na hanggang kailan kaya siya maghihintay? Ang tagal na panahon na nang huli niyang makita si Itay. Babalik pa kaya iyon? Ako ang napapagod para kay Inay.
Sa kaso ko, hindi ko alam kung kaya kong maghintay ng ganoong katagal. Hindi naman kasi ako matiyagang tao. Pero ewan, hindi ko pa naman nararanasan ang mga ganyang bagay. Kaya hindi pa talaga sumasagi sa isip ko kung anong kayang gawin nito sa buhay ng tao.
Napunta lang sa ibang direksyon ang atensyon ko nang maramdaman ko ang paninitig ni Gio sa akin. Napatingin ako sa kanya at hindi nga ako nagkamali dahil nakatingin siya sa akin. Napasinghap ako nang magtama ang aming mga paningin. Agad akong nag-iwas. Sa hindi malamang dahilan ay hindi ko makayang makipagtitigan sa kanya.
Sumunod na pinuntahan nila ay ang lugar kung saan nakalibing ang mga magulang ni Ma’am Leonor. Nasa likod lang nila ako habang sila ay nagdarasal. Hindi rin naman sila nagtagal doon at nagdesisyon na rin na umalis.
“Thea,” pagtawag ni Mr. Santiago sa isang pangalan. Nang una ay hindi ko alam kung sinong tinatawag niya. Napagtanto ko lang na si Ma’am Leonor pala iyon nang sumagot ito.
“Hmm?” Nilingon niya ang asawa at hinintay ang sasabihin nito.
“Baka hindi na ako makasama sa inyo papunta roon sa kaibigan mo. I need to go ang visit some places here. Is that okay?” tanong ni Mr. Santiago habang marahang pinipisil ang braso ni Ma’am Leonor.
“Of course. It’s fine, hon. Do your thing. Magkita na lang tayo mamaya. I’m not sure if I will be able to contact you and vice versa, because the signal around that area is weak. Magkita na lang tayo sa bahay para sa pagbalik natin sa Balesin.” Nagkasundo sila. Hinalikan ni Mr. Santiago sa pisngi ang asawa bago lumapit sa mga anak nitong babae to do the same thing.
“Ikaw ba, Gio? Do you want to come with me?” tanong ni Mr. Santiago sa anak na lalaki. Bahagyang kumunot naman ang noo ni Gio, tila ba nag-iisip.
“Do I need to come?” tanong niya.
“Hindi naman. Baka lang mas gusto mong sumama sa akin,” natatawang sabi ni Mr. Santiago sa anak. Huminga nang malalim si Gio bago muling magsalita.
“No, Dad. Kina Mom na lang ako sasama. Baka mas kailanganin nila ako.” Halata mang nabigla si Mr. Santiago sa sinabi ng anak ay tumango na lang ito.
Nagpaalam na siya at sumakay sa isang kotse bago umalis. Isinama niya iyong isang tauhan pa nila kaya ngayon ay si Gio ang magda-drive ng isang kotse na naiwan.
“Do you know where are we going, Gio?” tanong ni Ma’am Leonor na nakaupo sa shotgun seat.
“I have no idea, Mom. Ituro niyo na lang sa akin,” sabi niya. Napakunot pa ang ulo ko dahil para siyang iritado. Ganoon pa man ay hindi ko iyon ipinahalata. Wala namang pumilit sa kanya, bakit siya sumama sa amin? Tapos ngayon ay parang naiinis siya.
“Hmm, hindi ko na rin masyadong tanda. We can’t use Waze since mahina ang signal.” Lumingon sa akin si Ma’am Leonor. Ngumiti ito sa akin na siyang ipinagtaka ko. “How about we switch place, Brie. Dito ka na lang sa tabi ni Gio para maituro mo sa kanya nang maayos ang daraanan. Alam mo naman ang daan papunta sa barrio niyo, hindi ba?”
Nagulat ako sa sinabi ni Ma’am Leonor ngunit tumango din ako. Hindi naman pwedeng itanggi ko na alam ko ang papunta sa amin. Lumabas ako ng kotse at ganoon din siya. Nagpalit kami ng pwesto. Ako na ngayon ang nakaupo sa shotgun seat.
Para akong nahihirapang huminga. Hindi ko alam kung bakit. Dahil ba ito kay Gio? Dahil ang lapit namin sa isa’t isa? No freaking way!
“Seatbelt.” Napatingin ako sa kanya at napansin ko na nakatingin din siya sa akin. Nang maproseso ko ang sinasabi niya ay agad ko iyong ginawa.
Katulad ng plano ay itinuro ko kay Gio ang papunta sa amin. Medyo masukal ang daan pero dahil magaling si Gio na magmaneho ay hindi kami nahirapan. Malubak nga lang kaya minsan ay napapasigaw sina Sera sa likod dahil sa gulat.
Napapatingin ang ilang taong nakakakita sa sasakyan nina Gio. Hindi ka naman kasi madalas makakakita ng ganito sa lugar namin. Hindi kasi palaging may nadaan na sasakyan dito.
“Diyan sa may mga nakabilad na palay.” Pagturo ko sa kanya. Sinunod niya naman at nag-park na nang maayos sa tapat ng bahay namin.
Nauna akong bumaba dahil masyado akong sabik makita ang akin ina. Lumabas ako ng sasakyan na may ngiti sa aking labi at agad na pumasok sa kahoy naming gate. Hinayaan ko na iyong bukas dahil alam ko na papasok din sina Ma’am Leonor mamaya.
Nang malapit na ako sa pinto ng aming bahay ay nawala ang aking ngiti nang marinig ko ang pag-iyak at pagsigaw ng aking ina.