Nimfa's POV
Sino kaya ang lalaking ito? Bakit ganito kaganda ang kaniyang katawan at ang kaniyang mukha? Saan kaya siya galing? Mga tanong ng isipan ko na hindi ko alam kung kanino ako hihingi ng kasagutan.
"Ugh! Na-nasaan ako?" bulong ng lalaki habang pinagmamasdan ko siya. Bigla akong napaatras at hindi ko malaman ang gagawin ko. Idinilat niya ang kaniyang mga mata kaya sa takot ko ay nagtatakbo ako palabas ng bahay.
"Gising na siya! Gising na ang lalaking may magandang mukha at katawan!" sigaw ko dahil sa matinding takot. Nabitawan naman ni nanay ang hawak niyang walis tingting at pinuntahan ang aking ama na nagsisibak naman ng kahoy sa likuran ng kubo namin.
"Magtago ka Nimfa!" sigaw ng aking ama kaya naman tumakbo ako papuntang kakahuyan at nagtago ako sa likod ng isang malaking puno habang hawak ko ang mahabang sanga ng kahoy na pwede kong gamiting armas.
"SINO KAYO? NASAAN AKO AT ANONG GINAWA NINYO SA AKIN?" sigaw ng lalaki kaya sa taranta ko na baka saktan niya ang mga magulang ko ay sumugod ako ng takbo sa loob ng bahay na hawak ko ang malaking pamalo habang malakas akong sumisigaw.
"Walangya kaaaaaaaaaaaaaaaaaaa!" sigaw ko habang tumatakbo papalapit sa kanya at hahambalusin ko na lamang sana siya ng sanga ng kahoy ng biglang inagaw sa akin ni tatay ang pamalo.
Napatingin naman ako kay nanay ng bigla niya akong niyakap at inilayo sa lalaking nakahiga pa rin sa papag pero natigilan ako habang pinagmamasdan ko siya na nakatitig din sa akin.
"Nanay narinig ko na sinisigawan niya kayo, hahambalusin ko ang lalaking 'yan." ani ko habang nakatitig pa rin ako sa kanya ngunit galit ako dahil salbahe siya. Matapos namin siyang tulungan ay siya pa ang may ganang magalit.
"Sino ka ba hijo at bakit naririto kayo at nakikipaglabanan sa lugar namin?" ani ng aking ama sa estranghero na nasa loob ng aming pamamahay. Hindi ako natutuwa sa kanya dahil ngayon pa lang ay masasabi ko na hindi siya mabuting tao.
Tinititigan ko siya ng masama dahil hindi niya inaalis ang pagkakatitig niya sa akin. Hindi ko gusto na tinitignan ako ng isang lalaki kaya hindi ako masaya na nandirito siya sa amin ngayon.
"Julian, my name is Julian Migz Howard. Nasaan ako at sino kayo? Ano ang ginagawa ninyo dito sa gitna ng kagubatan?" wika niya, hindi ko maintindihan ang iba niyang sinasabi dahil gumagamit siya ng kakaibang lengwahe na ngayon ko lamang naririnig.
"Ako si Delfin, siya naman ay si Celeste ang aking asawa at 'yan naman ang anak namin, si Nimfa." wika ng aking ama.
"Huwag mo akong titigan, hindi ko nagugustuhan na tinititigan mo ako kung sino ka mang estranghero ka na gumagamit ng kakaibang lengwahe. Siguro isa kang masamang elemento na pinadala dito sa lupa para kuhanin ako noh? Ikaw siguro 'yung sinasabi ng aking mga magulang na masasamang nilalang na gusto akong patayin." sigaw ko sa kanya. Nakita ko ang pagkunot niya ng kanyang noo sa aking sinambit habang si nanay naman ay tinakpan ang bibig ko upang hindi na ako makapagsalita pa.
"Naku huwag mong pansinin ang anak ko ganyan lang talaga 'yan sa mga hindi namin kilala." wika ng aking tatay. Bakit nya sinasabi 'yon? Samantalang ang sabi nya sa akin kaya kami nandirito sa kagubatan ay para protektahan nila ako sa mga masasamang nilalang na gusto akong saktan. Mabilis kong tinanggal ang kamay ni nanay at muli kong sinigawan ang lalaki.
"Umalis ka na dito dahil kulang kami ng isang baso. Tatlo lang ang baso namin at kapag dito ka tumira baka mawalan ako ng baso." inis kong ani na ikinatawa ng aking mga magulang. Napatingin ako sa kanila at kumunot ang noo ko.
"Tatay ayokong uminom sa kawayang baso, tignan mo 'yung labi ko nagkasugat kasi nahiwa ako. Ayoko 'yon sa kanya mo na lang 'yon pagamit kung dito siya titira sa atin." wika ko na hindi naman tumitigil si nanay sa pagtawa.
"Kawayang baso?" nakikita ko sa lalaki na naguguluhan siya sa sinasabi ko. Nagmadali akong lumabas upang kuhanin ang plastic na baso at ang kawayang baso. Gusto kong makita niya ang tinutukoy ko.
"Ito ang kawayang baso na ginawa ni tatay, ito naman ang plastic na baso at tatlo lang ito, hindi ko ibibigay sa iyo ang baso ko." wika ko sa kanya habang nakairap pa ako. Swerte naman nya kung makikitira lang siya dito tapos mapupunta pa sa kanya 'yung isang baso.
"Nasaan ho ang damit ko? May kukuhanin lang ho ako at baka hinahanap na ako ng mga kasama ko." wika ng lalaki. Kinuha naman ng aking ama ang kanyang damit at nasa ibaba nito ang dalawang baril pero hindi ibinigay sa kanya ni tatay ang sandata niya.
May kinuha siya sa bulsa ng kanyang pantalon, isang bagay na manipis na kulay itim. Bigla na lamang itong nagliwanag at may kung anong bagay ang nakikita niya dito na hindi ko maunawaan. Namamangha ako sa aking nakikita kaya bigla akong lumapit sa kanya at tinignan ko ang hawak niya.
"Ano 'yan? Bakit nagliliwanag ang bagay na 'yan? Tatay, Nanay ano po ang hawak niyang ito?" ani ko at iniabot naman sa akin ng lalaki ang bagay na ito kaya tinitigan ko siyang mabuti. Bigla na lamang nagliwanag sa mukha ko ng hinimas ko ang harapan na ito na tila ba yari sa isang babasaging bagay na ikinagulat ko kaya nabitawan ko ito sa sobrang takot ko.
"Telepono ang tawag dito, hindi ka pa ba nakakakita ng telepono?" gulat na gulat na ani sa akin ng lalaki.
Napatingin ako sa aking mga magulang, nakikita ko sa mukha nila ang pagkabalisa na tila ba ayaw nila na malaman ko ang mga ganitong bagay pero hindi ko maunawaan kung bakit.
"Ano ang tempono ha lalaki?" tanong ko na ikinatawa niya sa kin kaya nainis ako dahil pakiramdam ko ay pati sila nanay ay pinagtatawanan ako kanina pa.
"Telepono, hindi tempono. Julian din ang pangalan ko kaya huwag mo akong tawaging lalaki." wika niya sa akin kaya inirapan ko siya.
"Ang telepono ay isang uri ng komunikasyon upang makausap mo ang isang tao na nasa malayong lugar. Tatawagan mo sila katulad ng ganito, tignan mo 'to..." hindi pa natatapos ang sinasabi ng lalaki ay nagsalita na agad ang aking ama.
Nakikita ko kay tatay na hindi siya natutuwa na sinasabi sa akin ng lalaking ito ang tungkol sa telepono niya.
Hindi na rin kumibo pa ang lalaki pero hindi niya inaalis ang tingin niya sa mukha ko at hindi ko gusto na ganoon siya kung makatingin sa akin.
"Wala ho akong makuhang signal dito, may lugar ho ba dito na maaari akong makasagap ng signal para matawagan ko ang mga kaibigan ko at maipabatid ko sa kanila na buhay na buhay ako?" ani niya sa aking mga magulang pero kung ano man 'yong hinahanap niya ay sinabi ng aking ama na wala daw dito nuon lalo pa at nasa pinakagitna kami ng kagubatan.
Nagpilit na tumayo ang lalaki at kahit nahihirapan siya ay nagawa pa rin niyang tumayo.
Ganoon na lamang ang pagkagulat ko ng makita ko ang kabuan niya. Para siyang higante sa sobrang tangkad niya at ang katawan niya ay hapit na hapit sa lumang damit ng aking ama. Nakapakisig naman ng nilalang na ito na nasa harapan ko.
"You're drooling." ani niya na ikinanuot ng noo ko.
"Uling? Naku marami po kami niyan. Teka lang ho at ikukuha kita." wika ko at nagmamadali na akong lumabas at nagpunta agad ako sa likod bahay. Nanduon kasi ang marami naming uling at hindi ko alam kung ano ang gagawin niya sa uling. Kumuha ako ng planggana, isinalin ko ang ilang uling sa maliit na planggana. Napapunas ako sa aking mukha dahil pakiramdam ko ay may nadaanan pa yata akong sapot ng gagamba.
Pagbalik ko sa loob ng bahay ay ibinigay ko agad sa lalaki ang planggana na puno ng uling. Nakita ko ang pagkagulat niya at napatingin pa siya sa aking mga magulang na lihim na natatawa.
"Anong gagawin ko dito?" tanong niya.
"Sabi mo uling, naghahanap ka ng uling hindi ba? Ayan magsawa ka sa uling." wika ko na ikinatawa na din niya at iniabot niya ang planggana sa aking ina at nilapitan niya ako. Sobrang tangkad niya kaya napatingala ako sa kanya. Idinikit niya ang hinlalaki niya sa dila niya at ipinunas niya ito sa aking mukha na ikinagulat ko.
"Ang dungis mo, ang ganda mo pa naman." ani niya at agad ko siyang tinulak at nagtatakbo ako palabas ng bahay. Nagpunta ako sa may kakahuyan at nagtago ako sa likod ng malaking puno. Napahawak ako sa aking dibdib kasi parang ang bilis ng t***k ng puso ko. Bigla akong nakaramdam ng takot dahil mukhang may sakit yata ako kaya mabilis akong tumakbo pabalik sa bahay namin ng umiiyak.
"Tatay...Tatay tulungan ninyo 'ko" sigaw ko habang umiiyak. Mabilis silang lumabas at ang lalaki naman ay hawak ang armas niya at nakatutok sa kung saan na akala mo ay susugod siya ng labanan.
"Tumitibok po ng mabilis ang puso ko, hinawakan nya ako sa mukha ko tapos tumibok 'yung puso ko ng mabilis. Mamatay na ako tatay." umiiyak kong ani. Malakas na tawa ang narinig ko kay nanay habang si tatay naman ay napapakamot ng ulo. Ang lalaki naman ay nakangisi sa akin at kinindatan pa ako kaya tuloy mas lalong bumilis ang t***k ng puso ko.