--
Sabado sa Isla de Maharlika
-
"Kuya Joaquin!" napabalikwas ako sa pagkakahiga nang marinig ko ang tarantang sigaw ni Ligaya. Agad akong tumayo at naglakad palabas ng kwarto ko.
"Ano 'yon, Ligaya, at parang natataranta ka?" agad kong wika sa kanya. Hinihingal pa siya at nakahawak sa kanyang puso.
"Kasi Kuya, nasa labas ng mansion si Ginoong Miguel at hinahanap ka."
"Si Miguel? Bakit raw?" Agad akong naglakad palabas ng mansion upang harapin si Miguel.
"Kuya, galit na galit si Ginoong Miguel sa labas kaya mas mabuti siguro kung huwag mo na siyang harapin pa." rinig kong pag-aalala ni Ligaya. Ano naman ang ikakagalit ni Miguel sa akin? Hindi ko na naman sila ginugulo ni Binibining Gabriella.
Nang makalabas ako ay nakita kong pinipigilan ng mga guwardiya si Miguel. Napatingin ako kay Miguel na tila ba 'e galit na galit sa mundo at hindi ko maipaliwanag kung bakit.
"Bitawan niyo siya." utos ko sa mga guwardiyang nakahawak kay Miguel kaya binitawan nila siya. Puno ng galit ang kanyang mga mata at tila ba ay parang handa akong tumbahin anumang oras.
"Ginoong Joaquin, hindi ko akalain na gagamitin mo ang pagiging 'Maharlika' upang makuha mo si Gabriella sa akin."
"Ano ang iyong ibig sabihin, Ginoong Miguel?" pagtatanong ni Ligaya. Napansin kong marami nang tao ang napapatingin sa amin kaya pinigilan ko si Ligaya nang magtatanong ulit siya.
"Miguel, mas mabuti pang sa loob na tayo ng mansion mag-usap at nakaka-abala tayo sa--"
"Bakit, Ginoo? Ayaw mo bang malaman ng lahat kung papaano mo inagaw sa akin aking nobya? Ayaw mo bang malaman ng lahat kung paano mo sinabi kay Gabriella na handa kang patayin ang taong hahadlang sa pagmamahalan ninyong dalawa?" Hindi ko maintindihan ang sinasabi ni Miguel sa akin kaya wala rin akong mahanap na tamang sagot sa kanyang bintang.
"Sinong nagsabi sa'yo niyan, Miguel?!" nagulat ako sa biglaang pagdating ni Amelia.
"Amelia, huwag ka ng makisali." pagpigil ko kay Amelia.
"Hindi, Kuya Joaquin. Sinisiraan ka ng Ginoong ito at hindi ako makakapayag gawin niya 'yon sayo!" galit na galit na wika ni Amelia kaya sinenyasan ko si Ligaya na pakalmahin ang kanyang Ate.
"Hindi ba't nagkausap kayo ni Gabriella, Ginoong Joaquin? Hindi ba't nagtapat ka ng nararamdaman mo sa kanya? Alam ko na ang lahat, Ginoo. Huwag ka ng magmaang-maangan pa. Sinabi na ni Gabriella sa akin ang lahat ng iyong pakay." Sinabi ni Binibining Gabriella? Pero imposible.
"Hindi ko akalain na may sa demonya rin ang babaeng 'yon!" napapikit ako ng mariin sa sinabi ni Amelia. Hindi na ako nagsalita pa at pinapasok ko na si Amelia at Ligaya sa loob ng mansion. Ngunit sa huling pagkakataon ay nag-iwan ako ng mga salita kay Miguel.
"Hindi ko alam ang iyong sinasabi, Ginoong Miguel. Tapat ang pagmamahal ko kay Binibining Gabriella ngunit nire-respeto ko ang relasyon ninyong dalawa kaya sana ay kung ano man ang iyong narinig na hindi maganda 'yon ay isang haka-haka lamang. Magandang araw."
-
"Anak, mag-iingat kayo ha?" bilin ni Ina habang kami ay nasa dalampasigan upang maghanda na sa pangingisda.
"Opo, Ina. Huwag kayong mag-aalala at kakausapin ho naming mabuti ang mga dayuhan na huwag nang gumamit ng mga dinamita sa pangingisda." nakangiting tugon ko kay Ina.
"Aalis na po kami, Ina." pagpapaalam ko saka nagtungo sa bangka na sasakyan namin.
-
"Ginoong Joaquin, ayon po 'yong mga dayuhan!" narinig kong wika ni Mang Nestor sa akin. May nakikita na kaming bangka sa di kalayuan at mukhang gumagamit nga sila ng dinamita sa panghuhuli ng isda.
"Lapitan ho natin, Mang Nestor." wika ko kay Mang Nestor.
"Ngunit, Ginoo, mukhang palakas ho ng palakas ang alon at mukhang magkakaroon ng ulan." Napatingin ako sa kalangitan at napansing wala ngang buwan at mga bituin.
"Bilisan na lang ho natin upang makabalik agad tayo." wika ko kaya napatango sila at ipinagpatuloy namin ang paglapit sa mga dayuhan.
"Sino kayo? Anong ginagawa niyo rito?" rinig kong wika ng isang dayuhan.
"Ako si Ginoong Joaquin Maharlika, nais ko sanang pakiusapan kayo na tigilan na ang paggamit ng dinamita at lumayo na lugar na ito dahil hindi na ito sakop ng inyong lugar." magalang na wika ko sa kanila ngunit isang malakas na tawanan ang narinig ko.
"Naloloka na ba 'to? Hahahaha."
"Naka-rugby siguro 'to mga, Pre. Hahahaha."
"Hoy Ginoong kung sino ka man, lugar naman ito at hindi ka naman siguro sirena para masaktan ng mga dinamitang ito." Saka niya tinapon ang dinamitang hawak niya.
Ramdam ko na ang malakas na simoy ng hangin at dahan-dahan na ring tumataas ang malakas na alon.
"Mas mabuti pang bumalik na kayo sa lugar ninyo at mukhang delikado na rito." wika ko saka tumalikod sa kanila.
"Ginoo, bilisan na ho natin dahil palakas na ng palakas ang hampas ng alon." Wika naman ni Mang Carding.
"Ahhh!" napalingon ako nang makarinig ako ng sigaw galing sa isa sa mga dayuhan.
Bumaliktad ang sinasakyan nilang bangka kaya nahulog silang lahat. Hindi naman ako nag dalawang isip na tumalon agad sa dagat at tulungan sila.
"Ginoo!" rinig kong sigaw pa ni Mang Nestor ngunit huli na dahil nakatalon na ako. Agad kong nahanap ang dalawang dayuhan at tinulungan silang makasakay sa bangka namin nina Mang Nestor. Hirap na hirap ako sa paghahanap ng isa pang dayuhan dahil nagsisimula na ring umulan.
Pumailalim pa ako kaunti at nakita ko na ang isang dayuhan na nawalan na ng malay kaya agad ko itong sinagip. Nang papalapit na kami sa bangka ay isang malakas na alon ang humampas sa akin. Nawalan ako ng balanse at nabitawan ko rin ang dayuhan. Nawawalan na rin ako ng lakas sa paglangoy.
Hanggang sa dumilim na lang ang aking paningin.
-
Napamulat ako ng mata nang maramdaman ko ang malambot na pagdampi ng isang bagay sa aking labi. At halos manlaki ang aking mata nang tumambad sa akin ang mukha ng isang Binibini at kahit siya ay tila ba nagulat sa pagmulat ko nang aking mata.
Hindi rin iyon nagtagal dahil napa-ubo ako at nailabas ko ang mga tubig na nainom ko.
"Yuck! Ang duga mo naman at talagang inilabas mo pa sa bibig ko yang tubig na nalunok mo." rinig kong wika ng Binibini. Takha naman akong napatitig sa kanya.
At agad akong umiwas ng tingin ng mapagtanto kong isang maiksi na paimbaba ang kanyang suot at isang damit.
"Paumanhin, Binibini. Hindi ko sinasadya." wika ko habang nakatingin pa rin sa dagat. Nagulat naman ako sa kanyang paglapit at naramdaman ko ang mainit niyang mga kamay na dumampi sa aking pisnge.
"Paumanhin? Binibini? Baliw ka ba? Naka-drugs? Bakit ka ganyan magsalita? Time traveller ka ba? omygosh!"
Drugs? Time traveller?
Napatitig ako ng matagal sa kanyang mukha at tila ba 'e hinihigop ako ng kanyang mga mata. Hindi ko rin mapigilan ang mapatitig sa kanyang mga labi na kanina lang 'e dumampi sa aking mga labi, kakulay ito ng isang pulang rosas.
"Hoy! Bingi ka ba? Saan ka nanggaling? Bakit ganyan ang suot mo? Mangingisda ka ba? Hmmm, pero ang gwapo mo namang mangingisda. Para ka ngang model 'e." Napapangiti ako sa mga salitang binibitawan niya.
"Nasaan ako?" takhang tanong ko sa kanya nang maalala ko ang nangyari kagabi.
"Nasa Isla Hardin ka. Ano bang nangyari sayo? Gusto mo bang ipa-check up kita sa Hospital? Okay ka na ba? Nakita kasi kitang nakahandusay dito kaya binigyan agad kita ng CPR." Isla Hardin? Hindi sakop ng lugar namin ang lugar na ito kaya posibleng napadpad ako kung saan.
"Binibini, maaari mo ba akong tulungan?" saka ko hinawakan ang kanyang mga kamay. Tiningnan niya naman ako nang may pagtataka at binawi ang kanyang mga kamay.
Tumayo siya at tumalikod sa akin. Napabuntong hininga naman ako at dahan-dahan ring tumayo ngunit masyadong mahina pa ang aking katawan kaya nawalan ako ng balanse ngunit nahawakan ako ng Binibini at naalalayan upang huwag matumba.
"Akala ko pa naman okay ka na dahil mukha namang makisig ka at malakas. Tsk, akala ko na naman. Hays." napangiti na lang ako sa kanya habang naka-akbay ang mga kamay ko sa kaniyang balikat at akay-akay niya ako.
Isang batas sa aming lugar na huwag na huwag kaming hahawak sa isang dalaga na hindi namin nobya, bawal rin naming titigan ng matagal ang mga Binibini, bawal rin naming makita ang mga paa nito at higit sa lahat ay bawal na bawal ang pagdampi ng labi ng isang babae't lalaki kung hindi sila magkasintahan.
Ngunit sa unang pagkikita namin ng Binibining ito, lahat ay nagawa ko na. At mukhang wala siyang kaalam-alam, kung nandirito lang sina Ligaya ay paniguradong maga-anunsyo agad siya ng kasal.
-
"Ibig mong sabihin, hindi ka nanggaling sa nakaraan? Hindi ka time-traveller? Woah, kala ko pa naman...pero hindi ka taga-rito? Dahil taga-Isla de Maharlika ka at napadpad ka lang rito dahil sa malakas na ulan kagabi at kailangan mo ng tulong ko para makabalik sa inyo?" tumatango ako sa bawat salita niya at napapangiti paminsan.
"Ginagago mo ba ako?" nagulat ako sa biglaang pagmumura niya kaya napatitig lang ako sa kanya.
"B-Bakit ka nagmumura, Binibini? Hindi magandang tingnan sa isang Binibining katulad mo 'yan." napakunot na naman ang noo niya at tumawa siya ng malakas.
"Konti na lang talaga maniniwala na ako sa sinasabi mo. Isla de Maharlika ba kamo? 'E diba matagal nang abandonadong isla 'yon? Teka! Hindi ka ba multo?! Aswang?!" ngayon ay may takot na naman ang kanyang mukha at lumalayo pa siya ng kaonti sa akin.
"Yon ay haka-haka lamang, Binibini. Upang walang dayuhan na magtangkang pumasok sa aming Isla." nakangiting wika ko sa kanya. Napa-isip naman siya bigla at naningkit ang kanyang mga mata na napatitig sa akin.
"Sige, sabihin na nating naniniwala na ako sa mga kwento mo at kung tutulungan kita 'e ano namang makukuha ko sayo? Syempre, sa panahon ngayon wala ng libre ano."
"Ano ba ang iyong nais, Binibini?" nakangiting wika ko sa kanya.
"Sa ngayon, 'e hindi ko pa alam. Ganito na lang. Tutulungan kita at meron akong tatlong kahilingan sa iyo at kahit anong hihingin ko 'e dapat lang na ibigay mo." determinadong saad niya.
Wala na rin naman akong nagawa kundi ang tumango dahil siya lang ang mapagkakatiwalaan ko sa ngayon upang makabalik ako sa amin.
"Ako nga pala si Hannah, Hannah Flores." inilahad niya ang kanyang kamay sa aking harapan.
"At ako naman si Joaquin Maharlika, Binibini. Nagagalak akong makilala ka." kinuha ko ang kamay niya at hinalikan ito. Kita ko ang gulat sa kanyang mukha kaya't umiwas siya ng tingin. Napangiti naman ako dahil rito.
-
THIRD PERSON'S POV
Nang makabalik sina Mang Nestor sa Isla de Maharlika ay naiiyak silang ibalita kina Donya at Don Maharlika ang sinapit ni Ginoong Joaquin at sa isa pang dayuhan na sinagip ng Ginoo.
"A-Anong nangyari? Sabihin niyo sa akin bakit hindi niyo kasama ang aking anak!" naiiyak na wika ni Donya Adelfa habang tahimik namang nasa likod sina Don Antonio at Ginoong Gabriel, at naiiyak na rin ang dalawa nilang babaeng anak.
Ipinag-utos agad ni Don Antonio Maharlika na ipahanap ang katawan ni Ginoong Joaquin. Umaasa pa rin silang lahat na makikita nilang buhay si Ginoong Joaquin. Kahit ang Binibining si Gabriella ay naghihinagpis rin sa pagkawala ni Ginoong Joaquin at umaasang buhay ito dahil determinado na itong tumbasan ang pag-ibig ng Ginoo sa kanya, hindi dahil mahal niya rin ito kundi ay dahil isang 'Maharlika' si Ginoong Joaquin.