Tinitignan ko sa laptop ang mga nakuha kong larawan. Ganito kasi ako sa pagsusulat. Kumukuha muna ako ng mga larawan ng mga lugar, mga tao, at mga pangyayaring tingin ko ay espesyal at dito ako humuhugot ng inspirasyon sa pagsusulat. Isa sa mga nagustuhan kong larawan ay ‘yung isang lalaking nakatalikod at nakaupo sa beach noong madaanan ko siya. Pinapanuod nito ang pag-atras at pag-ikot ng mga alon. Sayang nga lamang at likod lang niya ang nakunan ko. Hindi ko tuloy nakita ang emosyon sa mga mata niya habang pinanunuod ang mga alon.
"Hi, Mam Val. Ano po ang gusto n’yong meryenda?" nakangiting tanong sa akin ng waiter ng kainan ng resort.
"’Yung gaya na lang ng dati tsaka orange juice. Salamat, Lito." Sinuklian ko rin ang ngiti niya nang ngumiti siya sa akin para ihanda na ang almusal ko.
Wala pang sampung minuto ay inihain niya na sa harap ko ang meryendang gusto ko. Lucky Me Pancit Canton na Calamansi flavor na nilagyan niya ng ketsup sa ibabaw plus ang request kong orange juice.
Kinuha ko agad ang tinidor at ihinalo ang ketsup sa pancit canton. Takam na takam akong sumubo sa paborito kong meryenda. Sarrrap!
Habang nilalantakan ko ang meryenda ay napatingin ako sa lalaking nakaupo sa table na katapat ng sa akin. Halatang animated siyang nanunuod sa bawat subo at nguya ko. Napatigil ako sa paglunok at saglit na napatunganga sa masarap na lalaking nasa harap ko. Ay, excuse me! Ang ibig kong sabihin ay guwapo.
Nang mapansin niyang nakatitig na ako sa kanya ay nakangiti niyang itinaas ang baso ng juice na iniinom niya. Dyahe...Pahiya ako sa pagkakahuli niya sa aking halos mapanganga sa kanya, ah? Sabagay, quits lang naman kami. Siya nga pinapanuod kung gaano kalalaki ang mga subo ko at kung gaano ako kabilis ngumuya, eh.
Nginitian ko na lang siya at ipinagpatuloy ang pagkain ko. Take note, ha? Pagkain at hindi paglamon gaya ng ginagawa ko kanina.
Pagkatapos kong maubos ang paborito kong meryenda ay kinawayan ko na agad ang waiter para malinis ang lamesa ko. Kailangan ko nang umpisahan ang trabaho ko total ay busog na ang mga bulate sa tiyan ko.
Inaayos ko na ang laptop sa harap ko nang makita ko sa gilid ng mata ko ang isang bultong nakatayo sa right side ko kaya napabaling ako rito. Siya ‘yung lalaking nanunuod kanina sa pagkain ko. At kung hindi ako nagkakamali, siya rin ‘yung guest na nakasabayan ko kay Amy kahapon.
"Hi," bati nya sa akin.
"Oh, hello! What can I do for you?" mabait kong tanong. Pero imbes na sagutin ako ay itinaas niya ang kamay niyang may hawak ng tissue.
"Do you mind if I...?"
Itinuro niya ang pisngi ko. Bago ko pa siya masagot ay natagpuan kong pinupunasan niya na ang gilid ng labi ko.
Ipinakita niya ang tissue na may mantsa ng sauce ng pancit canton.
"T--thank you," nahihiya kong pagpapasalamat sa kanya.
"No problem."
Lumabas ang biloy niya sa ibaba ng labi niya nang ngitian niya ako. Agad din siyang tumalikod kaya wala na akong nagawa kundi ang sundan siya ng tingin nang nakanganga. Agad kong naisara ang bibig ko nang muli niya akong lingunin at kawayan bago siya tuluyang naglakad palayo.
Aww! Ang guwapo! Kung wala lang ibang customer dito ay nagtitili na ako.
Kaya napailing na lang ako sa aking sarili at hinarap na ang laptop ko. Isinuot ko na ang reading glasses ko at nagsimula nang tumipa sa keyboard ng laptop.
Hindi ko na namalayan ang oras. Masyado nang abala ang mga kamay, mga mata, at ang utak ko sa paggawa ng kuwento. Sobrang engrossed ako sa kuwentong isinusulat ko. Nakaka-inspire naman kasi ‘yung lalaki kanina. Halos nakaapat na chapters na ako nang tuluyan akong tumigil. Sumasakit na kasi ang mga mata ko.
Bago tuluyang umalis ay kumain muna ako. Alas kwatro na ng hapon nang matapos ako at bumalik sa cottage ko. Natulog ako para makapagpahinga ang mga mata ko at utak ko. Alas otso na nang gabi nang magising ako dahil sa isang panaginip na hindi ko nagustuhan.
Nagpa-room service na lang ako ng light meal para sa dinner ko, at saka naligo ako pagkatapos kong kumain. Lumabas ako at nagpunta sa isang upuan malapit sa beach. Dinala ko ang isang bote ng alak na nasa ref ng cottage ko at inalala ang napanaginipan ko habang umiinom ng alak. It was my ex, Jonathan.
Binalikan niya raw kami. Saka ko naalala kung ano ang date ngayong araw. April 9. Ikasampung taon na ng kasal namin. Mapait ang alak pero mas lalong pumait ito sa dila ko nang isa-isa kong maalala ang nakalipas naming kuwento. Mas napabilis ang paglagok ko nang maalala ko ang mga masasaya at malulungkot na alaala naming dalawa. Hindi ko na rin napigilan ang ilang butil ng luha na nalaglag mula sa mga mata ko. Ten years na sana kaming mag-asawa kaya kahit papano ay nakaramdam ako ng panghihinayang. Limang taon na akong nag-iisa sa pagtulog. Limang taon na rin akong nagsisilbing ina at ama ng dalawang anak namin. Limang taon ko nang pinagtatakpan ang pagkawala niya sa buhay ng mga bata.
Kung pwede nga lang na sabihin kong patay na ang kanilang ama ay gagawin ko pero kahit papano ay hindi naman ako ganon kasama. Kahit iniwan at ipinagpalit niya kami sa ambisyon niya, ayoko pa ring lumabas siyang masama sa mga isip ng mga bata. Alam kong pagsisinungaling ang ginagawa ko pero masisisi ba ako? Ang gusto ko lang naman ay isipin ng mga bata na kahit hindi nila nakakasama ang papa nila ay mahal sila nito. Ang hirap lalo na noong naghahanap na sila ng father figure sa paglaki nila. Nagsisimula na rin silang magtanong kung bakit magkaiba kami ng apelyidong gamit. Salamat na lang at kahit papano'y nalulusutan ko ang pagsagot sa mga katanungan nila.
Minsan naiisip ko, kahit gaano pa karami ang pera ng isang tao, kahit na gaano pa kaganda ang buhay niya kung hindi naman buo ang kanyang pamilya ay balewala rin. Araw-araw kong napapatunayan iyon. At sana, ma-realize din iyon ni Jonathan. Nagsindi ako ng isang stick ng Marlboro Blue. Kung minsan kailangan ko ito upang maibsan ang tensiyon sa loob ko. Gusto kong ilipad ng usok ang damdaming nagsisimula na namang sumiklab sa kaibuturan ng puso ko. Ayoko na sanang maramdaman iyon pero sa tuwing naaalala ko ang mga gabing mga luha ang kapiling ko ay kumikirot pa rin ang loob ko.