Third Person's POV
Maaga pa lang ay gising na ang trenta 'y singko anyos na si Zaida. Matapos maghilamos at mag-toothbrush ay agad na siyang nagtungo sa kanilang kusina upang mag init ng tubig. Isinalang niya ang takore sa kailan at habang hinihintay na kumulo ang iniinit na tubig ay inihanda na niya ang mga gagamitin sa kanyang pagluluto.
Sinisikap niyang maunang magising sa kanyang ina na si Aling Linda, may edad na ito at ayaw niyang napapagod, mabilis itong mahapo at madalas magreklamo na masakit ang mga kasu-kasuan. Marahil ang iniindang sakit ay nagmula pa sa halos tatlong dekada na nitong pananahi. Minana niya ang kanyang pagiging mananahi sa kanyang ina. Sa kasasama niya rito sa trabaho nito sa patahian ng mga garments noong bata pa siya ay namulat na siya sa mundo ng pananahi. Ngayon nga ay siya ang pinakasikat na mananahi sa kanilang lugar. Bantog ang kanyang pangalan sa kanilang bayan, ang bayan ng Mabato.
Ang natirang kanin kagabi ay kanyang ni lamas upang madurog, nilagyan ng konting asin at nagpitpit ng bawang. Nagsimula ng sumipol ang takore, senyales na kumukulo na ang tubig. Naghintay pa muna siya ng dalawang minuto bago nito tuluyang pinatay ang kailan. Kumuha ng pot holder dahil mainit ang hawakan nito, binuksan ang termos at isinalin doon ang mainit na tubig. Matapos maisalin ang lahat ng laman ay tinakpan na niya ng mahigpit ang termos at itinabi mua iyon.
Hinarap niyang muli ang kalan at binuksan ito, nagpainit ng mantika sa kawali at ginisa ang pinitpit na bawang. Katamtaman lang ang apoy ng kalan upang hindi masunog ang bawang, maya't-maya niyang hinahalo hanggang sa magkulay brown na ito at saka lang niya nilagay sa kawali ang dinurog na kanin, hinalo-halo iyon ng husto upang kumapit dito ang mantika at ang lasa ng bawang. Ginawa niya nang paulit-ulit ang pag halo hanggang sa matantiya niyang luto na ito. Hinango iyon sa kawali at isinalin sa bandehado, ipinatong ang bandehado sa pinakagitnang bahagi ng lamesa. Naglagay uli siya ng mantika sa kawali upang magprito ng itlog. Tatlong itlog ang kanyang pinirito at pagkatapos ang natirang mantika sa kawali ay pinagprituhan naman niya ng tuyo.
Nakaramdam siya nang matinding gutom, biglang kumalam ang kanyang sikmura sa mabangong amoy ng piniritong tuyo. Matapos ilagay sa tabi ng piniritong itlog ang anim na pirasong tuyo ay naggayat siya ng kamatis masarap iyong ipamares sa tuyo, iyon ang paborito ng kanyang ama at ina at siyempre, siya rin niyang gusto.
Kumuha naman siya ng tatlong tasa at nagtimpla ng kape. Sinigurado niyang kumpleto na ang mga kailangan sa lamesa gaya ng plato, baso at tubig bago siya lumabas ng bahay at tawagin ang kanyang amang si Mang Nestor na noon ay abala sa paglilinis ng tricycle na kanyang ipinapasada.
Nang magsara ang pabrika ng mga delata na pinapasukan nito, ang nakuha nitong backpay sa trabaho ay ipinambili ng segunda manong motor at nilagyan ng sidecar na siya niya ngayong ipinampapasada. Limang taon nang tricycle driver si Mang Nestor.
"Tay, nakahanda na po ang pagkain, tayo nang mag-almusal," aya niya sa kanyang ama ngunit bago pa iyon ay nagmano pa muna siya rito.
Buhat sa pagkakayuko ay tiningala ni Mang Nestor ang kanyang anak. Kasalukuyan itong nakaupo at pinupunasan ng tuyong basahan ang gulong ng sasakyan.
"Tinawag mo na ba ang inay mo?" tanong ni Nestor sa anak.
"Hindi pa po ako nagpupunta sa silid ninyo inuna ko munang tawagin ka," maagap na sagot niya.
"Ganun ba? Puntahan mo muna ang iyong ina at susunod na ako sa kusina, konting punas na lang at tapos na ito," pagtataboy nito sa anak.
"Sige po, 'Tay." Agad na niyang tinalikuran ang ama at pumasok uli sa loob ng kanilang bahay, dumiretso siya sa silid ng kanyang ama' t - ina. Nadatnan niyang inaayos ni Aling Linda ang kanilang higaang papag. Kasalukuyang tinitiklop nito ang kumot at ipinatong iyon ng maayos sa ibabaw ng unan.
"Nay, magandang umaga po!" bati niya sa ina at agad na lumakad papalapit dito, hinawakan ang kanang kamay nito at nagmano.
"Pagpalain ka ng Diyos," tugon nito sa ginawa niya bahagya pang tinapik ang kanyang ulo.
"Tayo na pong mag-almusal, nakahain na ang pagkain," aya niya sa ina.
"Ah, ganun ba, anak? Sige, halika na."
Yumakap siya sa baywang ni Aling Linda habang sabay nilang tinatahak ang daan patungo sa kanilang kusina.
Magkaharap ang pamilya Flores sa hapag at maganang kumakain.
"Nay, Tay, gagabihin po ako sa pag uwi mamaya, tatapusin ko po ang gown na ipinagagawa ni Aling Sita. Minamadali napo kasi ako at kailangan na raw ng anak niya bukas," paalam niya sa mga ito.
"Gano'n ba, anak? Sabihin mo kung anong oras ka makakauwi nang masundo ka ng iyong ama," mungkahi ni Aling Linda sa anak.
"Tama ang iyong ina, madilim sa daan, hindi ka pwedeng maglakad pauwi may kalayuan ang iyong shop dito sa atin," sang ayon naman ni Mang Nestor sa asawa. Inilapag nito ang hawak na tasa ng kape sa lamesa.
"Sa tingin ko po mga alas diyes ng gabi ay makakauwi na ako." Kinalkula niya sa kanyang isip ang oras.
"Sige anak, susunduin kita ng gano'ng oras," ang sabi ng ama.
Matapos mag almusal ay nag kanya-kanya na ng gagawin ang mag anak. Si Mang Nestor matapos magpaalam sa asawa at anak ay umalis na sakay ng kanyang tricycle upang pumasada. Si Aling Linda naman ang siyang nagligpit ng kanilang pinagkainan at si Zaida ay naghanda na para pumasok sa kanyang tailoring shop. May sarili siyang patahian na dinarayo sa kanilang bayan.
Matapos ang sampung minuto ay lumabas na sa kanyang silid si Zaida bitbit ang plastic bag na may lamang mga tela at iba pa niyang pangangailangan sa pagtatahi.
"Nay, aalis na po ako," paalam niya sa ina nang sadyain niya ito sa kusina at madatnang naghuhugas ng pinggan.
Nakangiting hinarap ni Aling Linda si Zaida.
"Sige anak, mag iingat ka, huwag kang uuwi na mag isa mamaya, hintayin mo ang iyong ama at susunduin ka niya," bilin nito.
"Opo, Nay," maagap na sagot niya.
Bitbit ang hindi kalakihang plastic bag na sa tantiya niya ay may dalawang kilo ang bigat ay tinahak niya ang daan patungo sa Zaida's Tailoring Shop na kanyang pag-aari. Matapos mag aral ng dressmaking ay agad siyang naghanap ng mauupahang lugar sa bayan na kanyang mapagtatayuan ng kanyang tahian. Sampung taon na siyang mananahi ng mga damit at sa sampung taon na iyon ay naging kilala siya sa kanilang lugar at dinarayo pa ng mga kalapit bayan.
Labing limang minutong lakaran bago siya makarating sa kanyang shop. Ilang hakbang na lamang ay malapit na siya nang matigilan siya sa grupo ng kabataan na nagkakasiyahan.
Mas marami ang ingles sa salita ng mga ito.
Magagara ang mga suot na damit at ibang-iba ang mga kutis at itsura kaysa sa mga kabataan dito sa kanilang lugar kaya naman napagtanto niyang dayo lamang sa kanilang baryo ang mga kabataang ito.
Naagaw ang atensiyon niya sa isa sa apat na kabataan iyon dahil siya lang ang bukod tanging nakapiring sa kanilang lahat. Nangunot ang noo niya nang magsalita ang isa sa kabataan, matangkad ito at may magandang mukha. Lahat naman sila ay mga gwapo at mukhang anak mayaman ang hindi lang niya makita ay ang mukha ng lalaking nakapiring ngunit kahit naman nakatakip ang mga mata nito ng itim na panyo, sa tingin niya at gwapo rin ito dahil sa matangos na ilong at mapupulang labi.
"We're going to remove your blindfold now, it's up to you where to turn your gaze." Narinig niyang sabi ng gwapo at matangkad na lalake sa nakapiring na lalake.
Hindi na niya pinansin pa ang ginagawa ng mga ito at ipinagpatuloy na ang kanyang pag lalakad, ilang hakbang na lang ay nasa kanyang shop na siya.
Ng nasa harapan na siya ng kanyang shop ay kinuha niya ang susi sa kanyang bag, ibinaba muna ang tangang plastic sa sahig at binuksan ang magkabilaang padlock nito at saka itinulak pataas ang roll up door. Sinusian niya muli ang salaming pinto para mabuksan iyon at tuluyan ng pumasok sa loob, nag linis ng konti at nagwalis bago sinimulan nang pumuwesto sa kanyang makina.
Abala siya sa kanyang ginagawa ng mamataan niya sa labas ng kanyang shop ang grupo ng kabataan na nakita niya kanina sa daan. Pinagmamasdan ng mga ito ang kanyang shop at binabasa ang malaking karatula na nakasabit sa harapan niyon. Lalabasin na sana niya ang mga ito at baka may kailangan ngunit nang patayo na siya ay agad ding umalis ang mga ito. Napapailing na ipinagpatuloy na lang niya ang ginagawang pagtahi ng blusang uniporme ng isa niyang customer na nagtatrabaho sa bangko sa kapitolyo.