"Francis! Bumaba ka rito!"
"Rito!"
"Rito!"
"Ritooo..."
Umalingangaw ang kanilang boses nang tawagin ang pinsan. Napapaligiran sila ng mga puno sa gitna ng gubat at kanina pa rin sila naliligaw sa kakahanap kay Francis. Wala ng signal ang kanilang mga cellphone kaya namag-asa na lamang sila na maririnig nito mula sa bundok na pinaglalagian niya.
"Francis! Naririnig mo ba kami?'
Para silang mga baliw na humihiyaw kaya nabubulabog na ang mga hayop sa paligid. Nag-evacuate pa ang mga unggoy sa lugar sapagkat inakala nila na dumating na ang kabilang tribo ng unggoy na mga agresibo raw, samantalang tatlong lalaki lamang na mga lutang ang naroroon.
"Francis Mico Semira, magparamdam ka naman!"
Sa inip ni Wiz ay sinigaw na niya ang pinakaiinisan ng nasabing pinsan. Huli na kasing nagbinata at nagpatuli si Francis kaya palagi nila itong tinutukso.
"Hoy, lalaking supot! Bumaba ka rito!"
Wala man lang limang segundo ay nagpakita na si Francis. Nagtatago lang pala siya sa likod ng makakapal na d**o at dahon at pinagkakatuwaang pagmasdang naliligaw ang mga pinsan.
"Sinong sinabi mong supot, ha?" tiim-bagang na pahayag niya. "Excuse me? Binatang-binata na ako!"
"Nagpakita ka rin sa wakas!"
"Kanina ko pa kayo pinagmamasdan. Mukha kayong mga tanga! Hahaha!" panunuya niya kasabay nang malakas na paghalakhak.
"Supot ka pa rin. Hahaha!" pagkantyaw sa kanya bilang ganti.
"Hindi nga ako supot!" nanggagalaiti sa inis na tugon niya. Nagsiliparan palayo ang mga ibon dahil sa lakas ng kanyang boses. "Itanong niyo man kay Apong Kulas! Hanggang ngayon, ramdam ko ang lahat, mula sa pagnguya ng bayabas hanggang sa pagtadtad niya ng...ng ano...basta! 'Yun na 'yun!"
Si Francis rin ay biniyayaan ng magandang itsura. Maamo ang kanyang mukha at napakaputi na tila ba palaging naka-BB cream. Mahaba ang mala-sutla niyang buhok na naka-ponytail. Kapag siya ay bumababa sa kapatagan upang maghatid ng mensahe mula sa templo, napapahanga ang mga kababaihan dahil sa angkin niyang kagwapuhan.
Sa murang edad, siya ay pinadala ng ama sa templo ng mga Tsino kaya siya ay wala pang naging kasintahan man lang.
No girlfriend since birth siya.
Wala sa isipan niya ang love life kaya wala rin siyang pakialam masyado sa sumpa.
"Bakit niyo ba ako hinahanap?" nagtatakang tinanong niya. "Na-miss niyo ba ako?"
"Hindi!" tugon ni Uno sabay akbay sa kanya. "Kailangan ka namin sa isang misyon!"
"A-Anong misyon?" may pagkabahalang nasambit nito. "Kinakabahan ako kapag ganyan ka magsalita."
"Hahanapin natin ang duwende!" masiglang binanggit ni Mike. "At, sasamahan mo kami!"
"D-Duwende? Ayaw ko! Bitiwan mo ako!" pagpupumiglas niya. Pinalibutan na siya ng mga pinsan at sapilitang tinangay. Halos maiyak na siya dahil labag sa kalooban niya ang pinapagawa sa kanya. Kanina lamang ay maligaya pa siyang nakikipaghabulan sa mga paru-paro pero sa isang iglap ay ina-abduct na siya ng mga kadugong alam niya na puro kapilyuhan ang nasa isip.
"Ayaw mo ba iyon? Mawawala na ang sumpa sa love life natin!" pagpapalubag ni Wiz sa kalooban nito.
"Wala akong pakialam sa love life na 'yan! Pauwiin niyo na ako!"
"Isipin mo na lang, bonding moment natin ito. Aba, limang taon na rin tayong hindi nagkita a! Dati ang liit-liit mo lang! Ngayon, kaunti na lang ay kasingtangkad mo na kami ni Uno!"
"Limang taon, sampung taon, o kahit isang daang taon man ang lumipas, parang ayaw ko kayong maka-bonding," nangingilid na ang mga luha na pahayag niya sa mga kasamahan na tila ba hindi naririnig ang mga hinaing niya.
Halos kaladkarin na nila siya patungo sa probinsya ng Miao-miao. Pinagtinginan sila ng mga tao at nagtaka na baka kinikidnap nila iyon. Ginamitan ng tatlo ng kakaiba nilang karisma ang mga Tsino kaya hindi na sila nagduda pa kahit na nagmamakaawa na si Francis na iligtas siya sa kapahamakan.
Up to the highest level talaga ang "charm" ng mga Semira.
Umaapaw ang alindog nila.
Kahit salawal ng mga lola ay nalalaglag kapag sila ay ngumiti kasabay ang nakakatuksong pagkindat ng chinito nilang mga mata.
Nang makarating sa may paanan ng bundok na pinaglalagian ng duwende ay nagpahinga muna sila malapit sa isang batis. Masama pa rin ang loob ni Francis dahil sa pwersahang pagsama sa kanya.
"Huwag ka ng ma-sad," pagdamay ni Mike sa kanya. "May pasalubong ako, o. Chicken joy."
Tumingin lamang ito sa malayo at hindi kumibo.
"Ayaw mo ba? O ito, burger at choco float naman." Nilabas niya sa bag ang mga pagkain at inalok sa kanya.
"Ayaw ko," pagtanggi niya rito.
"Bakit?"
"Sampung araw na yatang nasa bag mo 'yan, pagkatapos ipapakain mo sa akin?"
"Kung ayaw mo, sa akin na lang." Kinagat niya ang hamburger na may kaunti ng lumot. "Kailangan din natin ng kaunting dumi sa katawan. Germ power!"
Nandiri si Francis dahil sa ikinilos ng nakababatang pinsan subalit hindi niya maikakaila na kumakalam na rin ang kanyang sikmura. Nakakita siya ng ilang mga isda na lumalangoy sa malinaw na batis. Nagpasya siya na manghuli roon at mag-ihaw.
"Saan ka pupunta?" pagpigil sa kanya ni Uno bago pa man siya makatayo. Hinatak siya nito pabalik at sapilitang pinaupo. "Tatakasan mo kami, ano?"
"Hindi! Masama bang mangisda?" pabalang na sinagot niya. "Gutom na kasi ako!"
"Ganoon ba? Kami rin, gutom na. Pakidamay na rin kami sa mga isda. Gusto ko mataba, ha. 'Yun lumalabas yun taba sa tiyan kapag iniihaw. Pakidagdagan na rin ng talong at kamatis kung may makita ka sa paligid," pagbilin niya habang tinatapik-tapik ang balikat nito.
Napailing-iling na lang si Francis sa mga demands ni Uno at nagtungo sa may tubig. Tinanggal niya ang suot na sapatos at iniangat ang suot na pantalon bago siya lumusong. Sa kasamaang-palad ay napakabilis umilag ng mga isda na tila ba bihasa sa kung-fu at wushu kaya nahirapan siyang makahuli. Hindi niya namalayan na may kalaliman na ang kanyang narating at hanggang baywang na ang tubig. Nag-concentrate siya, gamit ang sixth sense upang makakuha na ng makakain. Sa isang kumpas ng kanyang kamay, nahatak niya mula sa tubig ang isang namumutok sa laman na bangus.
"Nahuli rin kita!" maligaya niyang binulong sa napakalusog na isdang kanyang nakuha.
"Yahoo! Master ka talaga, Francis!" pag-cheer ng mga kasama niya na kanina pa pala siya pinanonood. "Dali, lutuin at kainin na natin 'yan!"
"Wait lang, napalayo na pala ako..." Dahan-dahan siyang umapak sa madudulas na bato at maingat na naglakad nagtungo sa may pampang.
"Bilisan mo! Napakabagal!" pagrereklamo pa ni Uno habang nakapamaywang.
"Sandali nga! Ang demanding niyo samantalang makikikian lang naman kayo!" pagsusungit na niya.
Malapit na sana siya sa may lupa ngunit nakaramdam siya na parang may dumikit sa ilalim ng kanyang pantalon. Kinabahan siya kaagad at pinasok ang kanyang kamay roon.
Siya ay nabiktima ng isang linta!
"Bilisan mo na, uy!" pagkantyaw pa rin sa kanya kahit problemado na siya sa sitwasyon. Napalunok siya nang malapot dahil sa kahiya-hiyang problema niya.
"Bakit kasi ako napasama sa mokong na mga ito at minalas pa ako!" sigaw ng kanyang isipan. "Paano ko matatanggal ang lecheng linta!"
Habang iniihaw ni Wiz ang isda ay hindi siya mapakali sa kinauupuan niya. Maya't maya ay kekendeng siya o kaya naman ay igagadgad ang puw*tan sa damuhan. Mataimtim siyang tinignan ni Mike na takang-taka na sa mga ikinikilos niya.
"Kating-kati ka?" inosenteng pag-uusisa niya habang hinihigop ang baong choco float. "Baka may bulate ka na sa tiyan kaya nangangati puw*t mo. Pagdating natin sa 'Pinas, magpurga ka na."
"Manahimik kang bata ka," pagpapatahimik niya rito. Nagkibit lamang ng balikat ang kausap at pinagpatuloy ang pag-inom. Hindi na siya makatiis dahil ramdam niya ang pagkapit ng linta sa maselang balat at medyo nahihilo na siya sa kakaisip na baka ubusin nito ang dugo niya. Pasimple siyang nagtungo sa likod ng puno. Hinubad niya ang pantalon at sinikap na hilain paalis ang hayop.
"Bumitaw ka na," pagmamakaawa niya. Nag-chant pa siya ng mga orasyon na natutunan mula sa templo na makakapagpalayas daw ng masasamang espiritu. Nang hindi tumalab ang chants, hinaplos-haplos niya ang linta na lumulobo na dahil sa dami ng dugong nasipsip sa kanya. "Sige na, busog ka na hindi ba? Bitaw na! Mabait 'yan..."
"Aha! Nandito ka lang pala!" panggugulat ni Wiz. Mabilis na napalitan ng pangkasindak ang ekspresyon niya sa nasaksihan na tila ba may ginagagawang misteryo ang nakababatang pinsan. "Hindi ka na nakapagtiis, dito ka pa nagmimilagro!"
"Hindi ito ang inaakala mo!" pagtanggi niya sa paratang sa kanya.
"Haha! Walang problema 'yan. Sa susunod, siguruhin mo na walang makakita sa iyo."
"Mali ang inaakala mo! May lin-" natigilan siya sa pagsasalita dahil sa kahihiyan.
"Ha?" Kumunot ang noo ni Wiz dahil hindi niya talaga ma-gets ang pinahihiwatig nito.
"May...linta....kinagat ako ng linta."
Napalapit siya sa kaawa-awang pinsan at pinagmasdan ang tinutukoy ni Francis. Nangilabot siya at halos maduwal sa masamang pangitain.
"Sana, tayo lang makaalam..." pabulong niyang pinakiusap ngunit tila walang narinig ang kaharap.
"Mga pinsan, tulungan natin si Francis! Sinipsip ng linta ang **** niya!" pagsigaw niya, kaya narinig pa sa kabilang pampang ang special announcement niya. "Emergency!"
Nagmamadaling nagtungo ang dalawa sa kinaroroonan nila. May hawak
pang patalim si Uno na lumapit sa kina Francis na tila ba handa itong makipaglaban sa mabangis na hayop.
"Kuya, anong nangyari sa iyo?" maluha-luhang pangungumusta ni Mike. "Masakit ba?"
"Huwag ka nang magtanong. Pag-isipan na lang natin kung papaano tatanggalin ito!"
"Papatayin ko na ba?" walang kabuhay-buhay na suhestiyon ni Uno. Tinuro pa niya ang linta gamit ang kutsilyo at akmang titirahin na sana iyon, gamit ang isang daang porsyento ng kanyang lakas.
"Huwag! Baka iba ang maputol mo!" Napaurong si Francis at nanlaki ang mga mata sa takot. Sinagi niya ang kamay na may hawak na kutsilyo upang isalba ang pinakamamahal na alaga. "Ilayo mo nga sa akin 'yan!"
"Masyado kang nerbiyoso." Pinigil ni Uno ang sarili na tumawa habang binababa sa lupa ang patalim. "Madali lang 'yan. Sa mga nabasa ko, sa pamamagitan ng ihi, bibitiw raw 'yan! Mga kapatid, ihian nalang natin si Francis!"
"Teka, hindi ako sure riyan," pagkontra sana ni Wiz. "Ang alam ko, asin!"
"O-Oo, asin!" pagsang-ayon kaagad ni Francis rito. Nagtago siya sa likod ng nakatatanda upang maprotektahan sa masamang binabalak ni Uno."'Di ba, Kuya Wiz, asin ang panlaban pala rito?"
"May nakikita ka bang asin?" pag-uusisa naman ng kinaiinisang pinsan na may pagkamaldito.
"Ayun lang, wala..." napagtanto ni Wiz habang nag-iisip nang malalim.
"E 'di ba, may salt ang ihi? Nakalimutan mo na ba? Doktor ka pa naman!"
"Oo nga, haha! Atsaka medyo mataas nga ang asin sa katawan natin kasi ilang araw na tayong kumakain ng Doritos at Pringles kaya sa palagay ko, effective makapatay ng linta! Kaya pasensya na, Francis, need ka namin i-first aid muna...tiis-tiis lang!'
"A-Ano! H-Hindi!" nauutal na kumontra siya. "Wala na bang ibang paraan?"
Hindi na siya nakaangal pa dahil na-corner na siya sa may puno at pinaligiran ng tatlo. Napapikit na lang siya ng mga mata dahil sa kasindak-sindak na mangyayari sa kanya na maging sa kahuli-huliang hininga ay hindi niya malilimutan.
"All for one! One for all! Save Francis!" Sabay-sabay na hinubad nina Uno, Wiz at Mike ang kanilang pang-ibaba, itinutok ang kanilang mga espada sa alaga niyang birdie, at inihian iyon. Nahulog ang linta at kaagad na namatay.
Nanlumo si Francis sa kinatatayuan. Halos gumuho ang kanyang mundo dahil sa ginawa sa kanya na yucky raw at ang panghi!
"Pakiramdam ko ay napakarumi kong lalaki," pagrereklamo niya habang yakap-yakap ang sarili. "Kailangan kong mag-shower, mag-disinfect at budburan ang sarili ko ng Ariel at Tide!"
"Ariel at Tide? Kung makapagsalita ka parang ang dudumi namin! Nakakainsulto ka! Magpasalamat ka na lang at tinulungan ka namin!" yamot na pinagsabihan siya ni Uno. "Gumalaw ka na nga riyan. Tara, kakain na tayo."
Napasandal siya sa may puno at nakatulalang tinignan ang bundok na malapit na nilang akyatin.
Napakabilis ng mga pangyayari na hindi niya inaasahan.
Ang inakala niyang simpleng pagdalaw ng mga kadugo ay naging isa pa lang hindi kaaya-ayang paglalakbay para sa kanya.
"Lintik kang duwende ka. Kasalanan mo ang kamalasang ito. Kapag nakita kita, aapakan kita," masamang-masama sa loob niyang ipinangako sa sarili.