Prologo
Sa pinakaliblib na probinsya ng Miao-miao, noong ika-labing walong siglo sa Tsina, ay naninirahan sa gilid ng bundok ang isang gwapong binata na nagngangalang Kungfu.
Ulila na siya sa nanay at tatay, at nagsi-asawa na ang mga nakatatandang kapatid kaya mag-isa na lamang siya sa lumang kubong namana niya sa magulang. Masikap at masipag naman siya pero sadyang hindi pinapalad na yumaman. Taghirap din kasi sa lugar nila kaya kapos na kapos din siya sa buhay. Iyon ang dahilan din kaya hindi pa siya interesadong mag-asawa kahit na maraming tsismosong mga kapitbahay ang nag-uudyok sa kanya.
Upang makaraos sa araw-araw at hindi gutumin, nagtatanim na lamang siya ng mga gulay sa bakuran. Subalit minsan, isang araw, ay nagdesisyon siya na mangaso ng baboy-ramo dahil sawang-sawa na siya sa kakakain ng kamoteng-kahoy at kangkong. Maamoy pa lamang niya ang kalabasa at talong ay parang umiikot na rin ang sikmura niya. Kapag nakikita niya ang bunga ng durian, hamon na ang na-i-imagine niya dahil nagke-crave na siya ng karne ng baboy.
Kinuha niya ang sibat, at ilang mga gamit sa pangangaso na nakaimbak sa ilalim ng bahay. May babala man na may misteryong nakakatakot sa kagubatan, naglakas-loob na siya dahil kumakalam na talaga ang kanyang tiyan.
Habang siya ay naglalagay ng pain para sa nasabing hayop, nakaramdam siya ng kiliti sa kanyang puson.
Sa dami ng nainom niya na tsaa ay napapaihi na siya. Nayamot siya dahil may nakita pa naman sana siyang matabang baboy na umaaligid sa may damuhan.
"Wrong timing naman e!" pagrereklamo niya habang itinatali sa puno ang lubid. "Konting tiis na lang, wait lang!"
Ngunit mas matindi ang tawag ng kalikasan kaysa sa hangarin niyang mahuli ang pang-ham at bacon. Hindi pa niya natatapos ang pain ay naghanap na siya kaagad ng tagong lugar upang umihi.
Nakatawag-pansin sa kanya ang malaking umbok ng lupa kung saan ay maitatago siya nang maayos habang ginagawa ang seremonyas ng pag-ihi. Dali-dali siyang nagtungo roon at isinaboy sa punso ang dapat ilabas.
Guminhawa kaagad ang kanyang pakiramdam nang mailabas ang kinikimkim sa kanyang pantog. Tatalikod na sana siya at babalik sa kinaroroonan ng kanyang pain nang yumanig ang lupa.
Mula sa umbok ng lupa ay lumabas ang isang duwende!
Siya ay basang-basa pa, uy!
At, napakapanghi!
"Ay, kabayo!" napabulalas sa gulat ni Kungfu habang ibinubuhol sa baywang ang tali ng pantalon. Umalingawngaw pa ang boses niya sa gubat kaya nagsiliparan sa takot ang mga ibong nag-uusyoso lamang sa kanya dahil akala nila ay katropa nila ang "big bird" nito.
"Naninilip ka! Hala! Help! Someone's peeping on me!"
"Ang kapal ng mukha mo!" nanggagalaiti sa inis na tinuran ng nasabing nilalang. "Imbis na mag-sorry ka, pagbibintangan mo pa akong naninilip! Dapat nga, bayaran mo pa-laundry rito sa damit ko! Eeew, so baho!"
"Weh? Talaga naman na binobosohan mo ako! Umamin ka na kasi!" pagmamatigas ng lalaki sa babaeng dwende na naniningkit na ang mga mata sa inis.
"Excuse me, hindi ako interesado sa iyo, ano!" pagkontra nito sa mga pahayag niya. "Mataas ang standard ko sa lalaki, at hindi kita type!"
"Ang sungit mo naman," pamimikon niya lalo rito. "Sayang, maganda ka pa naman sana pero saksakan ka naman ng kasungitan. Siguro, kailangan mo lang ng love life para bumait ng kaunti."
"A-Ako?" hindi makapaniwalang sinambit nito sa kanya. "L-Love life?"
"Oo, kailangan mo nang magka-dyowa. Mukhang bitter na bitter ka e! Hahaha!"
"B-Bitter?"
Nagdilim na ang paningin ng duwende sa narinig na salitang "bitter". Sa sobrang galit niya sa binata ay isinumpa niya iyon. Gumuhit sa alapaap ang magkakasunod na kidlat at ilang sandali lang ay umihip na ang malakas na hangin. Itinuro niya si Kungfu at binigyan ng sumpang dadalhin ng mga anak at kaapu-apuhan niya.
"Isa kang lapastangan! Sinusumpa ko na lahat ng kalalakihan na magmumula sa lahi mo ay mamalasin sa pag-ibig! Pagsisisihan mo na nagkita pa tayo! Maging ang mga descendants mo, isusumpa ka dahil sa ginawa mong ito sa akin!"
Hindi naintindihan ni Kungfu ang pinagsasabi ng duwende, lalo na ang poot na nagmumula rito na punong-puno ng hugot. Napakamot pa siya ng ulo at nagtaka kung anong ibig sabihin ng nilalang.
"Ano po? Sorry na, Duwende. Hindi ko naman talagang sinasadya na maihian ka. Atsaka nagbibiro lang naman ako sa love life kaya huwag ka nang magalit," panunuyo pa ng binata subalit huli na ang lahat dahil nabitiwan na ng dwende ang sumpa. "Sa susunod din kasi, lakihan at taasan mo pa ang bahay mo para hindi ko maihian. Tutulungan pa kitang gawin nga ito e."
"Sumasagot ka pa! Makaalis na nga upang makaligo sa ilog! Ang baho ng ihi mo!" diring-diri na sinigaw ng duwende. "At hindi ko kailangan ang tulong mo! Hindi na rin naman ako titira riyan dahil dinumihan mo na! Isa lang naman 'yan sa mga rest house ko kaya hindi rin kawalan!"
"Naparami yata ang kain ko ng durian at inom ng tsaa. Nais ko kasing mag-detox para ma-maintain ko ang aking abs. Ayan, mabaho nga lang kahit umutot ako. Hahaha!"
Hindi na umimik ang nasabing nilalang at iniwan na ang lalaki dahil alam niya na may pagka-slow ang isinumpa. Pagkatapos niyang maligo, babalik na muna siya sa tunay niyang tirahan, sa mundo ng mga espiritu na akala ng nakararami ay sa sa fairy tales lang mababasa.
"Sandali, Miss Duwende! Huwag ka naman pikon!" pagtawag pa niya rito pero hindi na siya pinansin pa.
"Sungit naman talaga o..." nasabi na lang niya sa sarili habang pinagmamasdang lumalayo ang babae.
Nagpatuloy lamang siya sa pangangaso ngunit sa kamalas-malasan ay wala man lamang siyang nahuli kahit na daga.
Kinagabihan, habang siya ay nagmumuni-muni sa kanyang kama ay napag-isipan niya na mangibang-bansa. Nabalitaan niya na masarap daw ang litson at crispy pata roon. Marahil ay mas magiging maganda ang buhay niya at mahahanap na ang babaeng para sa kanya sa bansang iyon.
Narinig kasi niya sa mga kapitbahay na magaganda ang mga kababaihan roon.
At hindi lang 'yun!
Mababango, maaruga at palaban pa sa biritan na sa sobrang galing ay malalaos ang lahat ng soprano mula North Pole hanggang South Pole!
"Malabo ang future ko rito," napagtanto niya. "Wala akong magustuhang babae at ayaw ko rin naman na maghirap ang pamilya ko. Hindi rin ako swerte sa negosyo at pagod na ako sa buhay na isang kahig, isang tuka. I need greener pastures!"
Kinaumagahan, kahit na madilim pa ay nag-empake na siya upang maglakad patungo sa may dagat kung saan nakaparada ang mga bapor papuntang Pilipinas.
Walang pagdadalawang-isip siya na sumakay, baon ang pag-asa ng panibagong buhay.
Wala siyang kaalam-alam na dala rin niya ang sumpa na dadalhin ng lahat ng kalalakihang Xieme-Rua.
Sa katagalan ay mas nakilala ang kanilang pamilya bilang...
Semira.