Nang magising ako kinabukasan, agad akong nagluto ng almusal. Natutulog pa rin si Xceron, naghanda agad ako ng gamot sa hangover dahil lasing na lasing siya kagabi.
Siniguro ko na maayos ang hitsura ko, pinahupa ko rin ang namumugto kong mga mata dahil ayaw kong magising si Xceron at iyon ang bumungad sa kan'ya. Nilinis ko na rin ang buong unit ko, tulog na tulog si Xceron kaya hindi siya nagigising.
Napangiti na lang ako nang matapos na 'ko sa lahat ng trabaho ko. Umupo na ako sa kama sa tabi ni Xceron saka hinaplos ang buhok n'ya. Tila nagising naman siya ro'n, marahan n'yang idinilat ang mga mata at agad na napatingin sa akin. Ngumiti na lang ako sa kan'ya saka hinaplos ang pisngi n'ya.
"Good morning... masakit pa ba ang ulo mo?" tanong ko sa malambing na boses.
Napangiti siya habang nakatitig sa akin saka hinawakan ang kamay ko. Yumakap pa siya sa baywang ko, tila ayaw na 'kong bitiwan. Natatawang humawak na lang ako sa kamay n'ya at dinampian ng halik 'yon. "Bangon ka na, kakain na tayo. May date pa tayo," nakangiting sabi ko saka nagtaas-baba ng kilay.
Nagtatakang napatingin sa akin si Xceron. "Date? May napag-usapan ba tayong magde-date tayo?" tila nagtatakang tanong n'ya.
Ngumiti na lang ako at umiling. "Wala, pero gusto ko lang na magbonding tayo buong araw... Ayaw mo ba?" kunwaring nagtatampo na tanong ko.
"Siyempre gusto ko," agad na sagot n'ya.
Hinila ko na lang siya patayo sa kama. Bumangon naman siya at humalik sa sentido ko bago nagtungo sa banyo para maglinis ng sarili. Nagtungo na lang ako sa dining area para ihanda ang pagkain namin at maghain. Nang makalas na sa bathroom si Xceron, agad siyang lumapit sa akin saka yumakap sa baywang ko.
"I love you," bulong n'ya saka isinubsob ang mukha sa kurba ng leeg ko.
Napangiti na lang ako at yumakap din sa kan'ya. "I love you too."
Ilang minuto rin kaming nanatiling ganoon bago ako kumalas sa pagkakayakap sa kan'ya. Napasimangot naman si Xceron na para bang gusto n'ya na magyakapan pa kami. Natatawang kinurot ko na lang ang matangos n'yang ilong saka dinampian siya ng halik sa labi.
"Kain muna tayo, hmm?"
Tumango na lang si Xceron at umupo na saka humawak sa kamay ko, dinampian n'ya pa ng halik 'yon. Napangiti na lang ako. Nagsimula na kaming kumain... Habang kumakain ay nagkukwentuhan din kami at nag-uusap tungkol sa mga bagay bagay.
"Naalala mo naman noong sinabi mo sa akin na hindi mo 'ko type at hinding hindi ka magkakagusto sakin?" nakataas-kilay na tanong ko kay Xceron, tila tinutukso siya.
Napakamot na lang siya sa kilay n'ya saka natatawang napailing. "Kunwari lang 'yon, unang kita ko pa lang sa'yo, na-attract na talaga ako," pag-amin n'ya.
Napangisi na lang ako. "Sus, dapat lang 'no. Sino ba namang hindi ma-a-attract sa ganito kaganda?" pagyayabang ko.
Napangiti na lang si Xceron saka tumango. "Well, you're right. I was blinded by your beauty the first time I saw you. Nakiusap pa ako kay Xanthos no'n na ako na lang ang maging boss mo, kaso ayaw pumayag. Ikaw lang daw kasi ang babaeng secretary n'ya na hindi nagkagusto sa kan'ya," pag-amin n'ya.
Napasinghap na lang ako sa sinabi n'ya. Hindi ko alam na nakiusap pala siya kay Sir Xanthos noon. Kung ganoon matagal na talaga siyang may gusto sa akin, nauna pa siya. Akala ko talaga ako ang unang nagkagusto sa kan'ya. Hindi naman kasi halata na may gusto na siya sa akin noon dahil ang galing n'ya magpanggap.
Naubos ang oras namin dahil sa pagkukwentuhan, na-enjoy ko naman 'yon dahil may mga alaala kaming nabalikan. 'Yung iba halos nalimutan ko na kung hindi pa ipinaalala sa akin ni Xceron.
"Denise... seryoso ka noong sinabi mo na pumapayag ka ng magpakasal sa'kin? Na pumapayag ka ng magkapamilya tayo?" tanong n'ya saka humawak sa kamay ko.
Ngumiti na lang ako at hindi na sumagot pa. Sinubuan ko na lang siya ng bacon saka pinagtawanan ang hitsura n'ya. "Siguruhin mo na mag-aayos ka bago tayo lumabas ha, mukha kang bruha," natatawang sabi ko na lang.
Napakunot ang noo ni Xceron at kinain ang bacon saka umismid. "You're making fun of me now, huh?" Pinaningkitan n'ya ako ng mga mata.
Tinawanan ko na lang siya at hindi na nagsalita pa. Pagkatapos naming kumain, naghanda na kami para sa date namin. Sa totoo lang wala rin talaga akong plano, bigla ko lang 'to naisip kagabi. Mukhang ayos lang naman kay Xceron, mukhang excited pa nga siya.
"Teka, h'wag kang magulo, inaayos ko pa ang buhok mo," sabi ko saka tinapik ang kamay ni Xceron na nakahawak sa buhok n'ya.
"Ayos na ang buhok ko, papagupitan ko pa 'yan, e," tila nagmamaktol na sabi n'ya.
Hinawakan ko na lang ang magkabilang pisngi n'ya saka siniil ng halik ang labi n'ya, hindi naman siya nakapalag at napayakap na lang sa baywang ko. Natatawang inilayo ko na ang mukha ko sa kan'ya saka noo naman n'ya ang dinampian ko ng halik. Napangiti si Xceron habang nakatitig sa akin.
"I love you so much, baby," bulong n'ya.
Napangiti na lang ako at pinupog ng halik ang buong mukha n'ya... ang noo, pisngi, baba, pati ang labi at leeg. Natatawa na lang siya sa ginagawa ko pero hindi naman kumokontra. Tumitig ako sa mukha n'ya pagkatapos saka ngumisi. "I love you too... H'wag ka na munang magulo at inaayusan pa kita. Okay?" Pinaningkitan ko siya ng mga mata.
Tumango naman si Xceron at hinayaan akong ayusan siya. Tawa lang kami nang tawa habang nagkukulitan, ang tagal tuloy naming natapos... Lumabas na agad kami ng unit pagkatapos no'n. Umakbay sa akin si Xceron saka dinampian ng halik ang sentido ko.
"Saan ba tayo pupunta?" tanong n'ya sa akin.
"Hmm..." napaisip ako. "Naalala mo ba kung saan ka unang umamin sa akin?" nakangiting tanong ko.
Napangiti rin si Xceron. "I will never forget that..."
Hindi ko alam kung bakit bigla na lang nagyaya si Xceron na mag-mall kami. Hindi na lang ako kumontra dahil nagpapabebe lang naman ako... gusto ko naman talaga siyang kasama, pero siyempre, hindi ko aaminin 'yon.
"Ano ba'ng nakain mo at niyaya mo 'ko? Date ba 'to?" tanong ko saka kunwaring umismid.
Napapitlag ako nang biglang umakbay si Xceron sa akin saka ni-headlock ako. Naiinis na tinulak ko siya saka sinipa sa pwet. Nagpakahirap akong mag-ayos dahil nagyaya siya sa mall tapos guguluhin n'ya lang ang buhok ko?!
"Oo, date 'to," natatawang sabi na lang n'ya saka kinurot ang pisngi ko.
Natulala na lang ako sa gwapong mukha ni Xceron. Pilit kong pinapakalma ang nagwawala ko na yatang puso. Sa totoo lang, ang hirap magpanggap na wala akong gusto sa kan'ya. Ngiti pa lang n'ya para na akong dinadala sa ibang lugar, parang nakakalimutan ko lahat at sa kan'ya na lang napapa-focus ang sistema ko.
Ganoon ko ba talaga siya ka-gusto? Hindi ko na yata maalala ang ganoong pakiramdam dahil ang tagal na rin noong huli akong narakamdam ng ganito. Si Michael lang naman kasi ang naging boyfriend at minahal ko... Ito, si Xceron naman ang sumunod.
Kailan ba kasi siya magkakagusto sa akin?! Puro lang siya pagpapa-asa, e!
"Halika, sa arcade tayo," nakangising sabi na lang n'ya at hinawakan ang wrist ko saka hinila ako papuntang arcade.
"Huy, ano ba?" tila nag-iinarteng tanong ko, nagkukunwaring ayaw ko kahit gusto ko naman talaga.
Umakbay na lang ulit sa akin si Xceron. Hinayaan ko na lang siya dahil kinikilig ako. Napakagat na lang ako sa loob ng pisngi ko habang pinipigil ang sarili ko na mapatili, nanginginig pa ang mga kamay ko dahil sa sobrang kilig!
Natigilan lang ako nang maramdaman kong idinikit n'ya ang labi sa buhok ko. Mas lalo akong napasinghap nang maramdaman kong inamoy n'ya 'yon. Tangina! Kung alam ko lang sana 'yung super bangong shampoo ang ginamit ko!
"Bango," bulong n'ya.
Napasinghap na lang ako at agad na itinulak siya palayo sa akin. Pakiramdam ko pulang pula na ang mukha ko ngayon. Jusmio! Sana hindi n'ya mahalata na kinikilig ako!
"Epal ka 'no! Inaasar mo na naman akong gago ka!" sabi ko na lang saka inunahan siyang maglakad papasok ng arcade.
Natatawang sumunod na lang sa akin si Xceron. "Galit ka na n'yan?"
Inirapan ko na lang siya. "Epal," bulong ko na malamang narinig n'ya naman.
Hinawakan ulit ni Xceron ang wrist ko, natigilan ako nang hilahin n'ya ako papuntang basketball-an na game. Ngumisi siya sa akin saka nagpamulsa. "Paramihan tayo ng points... 'Yung makakarami ng points, may isang wish doon sa natalo. Ano? Game ka?" nakangising tanong n'ya.
Napataas ang kilay ko at agad na tumango. Aba, chance din 'to. Iwi-wish ko na halikan niya ako kapag natalo ko siya. Hihi.
Nagsimula na kaming maglaro pagka-hulog ni Xceron ng token. Agad akong kumuha ng bola at dali daling nag-shoot. Natataranta ako dahil madalas sablay ang shinu-shoot ko habang si Xceron naman ay mukhang cool at kalmado lang, hindi ko pa yata nakitang pumalya ang bola n'ya! Napabuga ako ng hangin at pinilit na humabol.
Pero ang ending, natalo pa rin ako. Supalpal ako sa score na 26, ang score naman ni Xceron 158. Ang daya naman yata no'n!
Nagpamulsa si Xceron saka ngumisi sa akin. "Maayos ang usapan natin, diba, Denise?" nakangising tanong n'ya.
Napairap na lang ako at tumango. "Fine! Ano naman ang wish mo?!" nakapamaywang na tanong ko.
"Payagan mo 'kong ligawan ka."
Natigilan ako sa sinabi n'ya. Nanlaki ang mga mata ko... tila hindi agad nagproseso sa akin ang sinabi n'ya.
"H-Huh?" tila hindi pa rin makapaniwalang tanong ko.
Napakagat si Xceron sa ibabang labi n'ya saka napaiwas ng tingin sa akin. "Ahm... p-payagan mo 'kong ligawan ka." Napalunok siya saka tumingin sa akin.
"M-mahal kita, Denise. Matagal na..."
"Na-miss ko 'tong arcade na 'to, kaya dito ang highlight ng date natin ngayon," nakangiting sabi ko kay Xceron saka yumakap sa braso n'ya.
Napangiti na lang din si Xceron habang nakatitig sa akin. Pagkatapos naming mag-gala gala rito sa mall, mamili ng kung ano-ano, at kumain kung saan-saan... dito na namin napagdesisyunan pumunta. Gabi na rin naman.
"Naalala mo 'yung nilaro natin noon, diba? Kung sino ang makakuha ng maraming points, may wish siya roon sa natalo," sabi ko nang makarating na kami sa may basketball game.
Tumango si Xceron. "Maglalaro tayo ngayon? Baka naman hindi ka na naman manalo," natatawang sabi n'ya.
"Hindi 'yan, magaling na 'ko ngayon. Ihanda mo ang sarili mo dahil matatalo kita ngayon," nakangising sabi ko na lang.
"Let's see," sabi na lang nya saka naghulog na ng token.
Nagsimula na kaming maglaro. Talagang nag-focus ako sa pag-shoot ng mga bola. Napangiti na lang ako dahil wala pa akong sablay so far. Halatang nagtaka si Xceron dahil bigla akong gumaling sa ganito kaya napapatingin siya sa akin. Hindi ko na lang pinansin yon at tuloy lang sa pag-shoot hanggang sa matapos na ang oras.
Napangiti ako nang makita ang score ko, 132. Kay Xceron naman ay 130. Napatingin ako kay Xceron. Napangiti na lang siya saka napahawak sa batok n'ya.
"Ano'ng wish mo?" tanong n'ya.
"Mamaya ko na lang sasabihin, kapag umuwi na tayo. Sa ngayon, maglakad lakad naman tayo sa labas."
Lumabas na kami ni Xceron ng mall at naglakad lakad. Magkahawak kami ng kamay at parehong tahimik. Mapait na ngumiti na lang ako at isinandal ang ulo ko sa braso ni Xceron. Umakbay naman siya sa akin saka dinampian ng halik ang tuktok ng ulo ko.
Tahimik kaming pareho hanggang sa makauwi sa unit ko. Nagluto na agad ako ng hapunan, tumulong naman si Xceron sa akin at kung paminsan-minsan ay yumayakap sa baywang ko mula sa likuran. Hinayaan ko na lang siya, napapangiti na lang ako sa tuwing pinaglalaruan n'ya ang buhok ko o kaya naman sa tuwing pinipisil n'ya nang marahan ang baywang ko.
"Let's eat!" sabi ko na lang matapos magluto.
Agad na akong naghain, tumulong naman siya sa akin. Nagsimula na kaming kumain, kagaya kaninang umaga, puno ng kwentuhan 'yon. Napapangiti na lang ako habang nakatitig kay Xceron... Hindi mabigat sa dibdib ang presensya niya ngayon.
"Xceron..."
"Hmm?" tanong n'ya habang nakayakap sa baywang ko.
Nakaupo siya ngayon sa kama habang nakaupo naman ako sa kandungan n'ya. Napangiti na lang ako nang tumitig siya sa akin. Marahan kong hinaplos ang pisngi n'ya saka dinampian nang magaan na halik ang labi n'ya.
"Sasabihin ko na 'yung wish ko," anas ko.
Ngumiti si Xceron at tumango. "Go ahead... Tell me."
Napabuga ako ng hangin at mapait na ngumiti sa kan'ya bago nagsalita... "M-maghiwalay na tayo, Xceron."
Nawala ang ngiti sa labi ni Xceron dahil sa sinabi ko. Tumayo ako mula sa pagkakaupo sa kandungan n'ya saka nagtungo sa malaking cabinet ko at kinuha roon ang nakahandang maleta ko. Tila natigagal si Xceron nang mapatingin sa akin, sa maletang dala ko.
"Itutuloy ko ang pagiging model sa Paris. Kinausap ko si Cadence kagabi, naayos na n'ya ang lahat ng papeles ko... S-sinabi ko na rin sa feroci ang tungkol sa kalagayan mo, s-sila na ang bahala sa'yo, Xceron."
"W-what the hell is this, Denise? H-hindi ako nakikipaglokohan."
"S-seryoso rin ako, Xceron." Tuluyang nabasag ang boses ko kasabay ng panlalabo ng paningin ko. "Gusto ko ng maghiwalay tayo... A-ayoko na."
Mapaklang natawa si Xceron at napasabunot sa sariling buhok. "S-sabi mo pumapayag ka ng magpakasal sa'kin, na pumapayag ka ng magkapamilya tayo... Nangako ka sa'kin na hindi mo 'ko iiwan... A-ano 'to, Denise?!"
Napakagat ako sa ibabang labi ko kasabay ng pag-alpas ng masasaganang luha mula sa mga mata ko. "A-ayaw mong ayusin ang sarili mo, Xceron! Handa na ako, eh! Handa na 'kong iwan lahat, handa na 'kong alisin lahat sa akin para lang ayusin ka! Para lang manatili sa tabi mo pero ayaw mong tulungan 'yung sarili mo! N-napapagod din ako, Xceron... Pagod na pagod na 'ko."
Tuluyan na ring napaluha si Xceron. Mapaklang tumawa siya saka marahas na pinahid ang mga luha sa pisngi n'ya. "I don't understand, Denise. Diba sinusubukan ko naman?! Bakit sumusuko ka kaagad? Dahil ba kay Michael? Mahal mo na ba ulit 'yung ex mo?! Babalikan mo na siya?! Hindi mo na ba ako mahal? Bakit? Dahil nakakapagod ako? Iyon ba?"
Malakas na dumapo ang palad ko sa pisngi n'ya dahilan para matigilan siya. Napapikit na lang ako at napahagulgol ng iyak, nanginginig ang mga kamay ko habang pilit na pinapahid ang mga luhang nag-uunahang kumawala sa mga mata ko.
"M-mahal kita, Xceron! Mahal na mahal kita! Sa sobrang pagmamahal ko sa'yo naiinis ako dahil hindi ko kayang ayusin ka!" Napatakip ako sa mukha ko habang patuloy na lumuluha. "P-pero hindi ko na kaya... N-napapagod na 'ko, Xceron. Handa na 'kong talikuran lahat para sa'yo, pero hindi pa rin 'yon sapat para mapaayos ka... Hindi ako sapat para sa'yo. A-ayoko ng ubusin 'yung sarili ko... Pagod na pagod na 'ko, p-please, pakawalan mo na 'ko. N-nagmamakaawa ako, Xceron."
Natahimik si Xceron sa sinabi ko. Kahit nanlalabo ang paningin ko dahil sa mga luha, inangat ko ang tingin ko sa kan'ya. Natulala siya sa akin habang patuloy na umaagos ang mga luha mula sa mga mata n'ya. "D-Denise... H-hindi ko kaya."
"K-kakayanin mo, Xceron. Please, maghiwalay na tayo. Ayusin muna natin ang mga sarili natin. Hindi na pwede, e. Inuubos ko na 'yung sarili ko sa pagbibigay ko sa'yo. N-natatakot ako na baka kapag nagpatuloy 'to, wala ng matira sa'kin... Hayaan mo na ako. Bumitiw na tayo pareho."
Nanghihinang napaupo si Xceron sa kama at napahagulgol ng iyak. Mas lalong nadurog ang puso ko... pero pinilit kong iwaksi ang pag-aalinlangan, kailangan ko ng gawin 'to. Kailangan ko na siyang iwan. Kailangan ko ng piliin ang sarili ko.
"Babalik ka ba... b-babalik ka pa rin ba sa'kin, Denise?" lumuluhang tanong n'ya.
Mapait na napangiti ako. "P-pwedeng oo... pwedeng hindi... Kapag bumalik ako na mahal pa kita... at m-mahal mo pa 'ko, k-kapag maayos na tayong pareho, siguradong babalik ako sa'yo," anas ko, pinilit kong ituwid ang mga salita kahit na mahirap sabihin ang mga 'yon habang umiiyak. "Pero h'wag na tayong umasa... Tinatapos ko na, Xceron. Ayoko ng ipagpatuloy ang relasyong 'to. A-ayoko na."
Tanging iyak na lang namin ang naririnig sa paligid. Napatakip ako sa bibig ko at napapikit nang mariin kasabay ng pag-alpas ng mga luha sa mga mata ko. Kahit mabibigat ang hakbang, tinalikuran ko na siya at itinulak ang maleta ko. Pinigil ko ang sarili kong lingunin siya... natatakot ako na baka pag nakita ko ang mukha n'ya sa huling pagkakataon, magbago na naman ang isip ko.
Alam kong mahina ako pagdating sa kan'ya. Mahina ako pagdating kay Xceron.
Pinihit ko na ang doorknob at akmang bubuksan na ang pinto ngunit natigilan ako nang maramdamang yumakap sa akin si Xceron mula sa likuran.
"D-Denise... P-pwede bang h'wag mo na lang ako iwan? M-magbabago na talaga ako, s-susundin ko na ang lahat ng gusto mo... H'wag ka na lang umalis... Hindi ko kaya kapag wala ka," tila nagsusumamong sabi n'ya.
Mas lalong tumakas ang mga luha mula sa mga mata ko. Hindi ako nagsalita at kahit nanginginig ang mga kamay ko at nanghihina, pilit kong inalis ang mga bisig n'yang nakayakap sa akin.
Agad akong lumabas nang makawala sa kan'ya. Hindi ako nag-aksaya ng oras at agad na sumakay ng elevator. Narinig ko pa siya na humabol sa akin pero nagpanggap na lang ako na hindi ko naririnig ang pagtawag at pag-iyak n'ya... Napatakip ako sa bibig ko at pilit na pinipigil ang sarili ko na mapahagulgol ng iyak.
Nang makalabas na ako ng building, naabutan kong naghihintay roon si Cad at ang ibang miyembro ng feroci na seryosong nakatingin sa akin.
Tinapik ni Cad ang balikat ko. "Mabuhay ka ng masaya sa Paris at tuparin ang pangarap mo... Kami na ang bahala kay Xceron."
Hanggang sa kotse papuntang airport, hindi tumitigil ang mga luha ko sa pagdaloy... Mabigat sa dibdib. Parang may kung anong pumipiga sa puso ko na hindi ko maipaliwanag... pero ito ang tamang gawin. Kapag nanatili pa ako sa kan'ya, magkakasakitan na lang kami.
Kung mangyari man na magmamahal si Xceron ng iba, na may ibang magpapasaya kan'ya, na may ibang tunay na magiging dahilan para maging maayos siya... Magiging masaya ako para sa kan'ya. Ang paraan ng pagmamahal na ibibigay ko sa kan'ya ngayon ay ang palayain siya.