Susubok pa ako. Susubukan ko pang pagbigyan... ayokong bumitiw agad. Hindi ko pa siya kayang iwan.
Napatitig na lang ako sa payapang mukha ni Xceron na ngayon ay tulog na tulog sa kama ko. Marahan kong hinaplos ang pisngi n'ya saka yumakap sa baywang n'ya. Napansin ko na medyo pumayat siya nang kaunti... dahil siguro hindi siya kumakain at natutulog nang ayos.
Napalunok na lang ako at bumangon saka nagtungo sa bathroom. Kumuha ako ng towel at binasa 'yon saka muling umupo sa tabi ni Xceron. Inalis ko ang sapatos at medyas n'ya saka inilagay 'yon sa gilid ng kama. Inalis ko rin ang pagkakabutones ng polo n'ya saka hinubad 'yon para mapunasan siya.
Mabigat ang mga kamay ko sa bawat pagdampi ng towel sa balat ni Xceron. Napakagat na lang ako sa ibabang labi ko habang pilit na pinipigil na mapaluha... Ang daming tumatakbo sa isip ko. Hindi ako makatulog kakaisip sa dapat kong gawin.
Muntik na n'yang patayin si Michael. Alam kong pumapatay siya ng tao sa trabaho n'ya, pero alam ko na hindi siya pumapatay nang walang dahilan. Muntik na n'yang patayin si Michael dahil lang sa selos... Paano kung sa susunod ay ituloy na n'ya talaga?
"Denise... I think it's much better if we're gonna tell feroci about Xceron. Alam kong natatakot ka, pero alam nila kung ano ang dapat gawin sa sitwasyon n'ya."
Muling naglaro sa isip ko ang sinabi ni Cadence sa akin kanina. Napalunok na lang ako at napatitig sa mukha ni Xceron. Marahan kong dinampian ng towel ang mukha n'ya... kapag natutulog siya ng ganito, parang wala siyang problema o iniisip... parang wala kaming problema.
Tuluyang bumagsak ang mga luha ko. Napatingala na lang ako at pinahid ang mga luhang kumakawala mula sa mga mata ko. Napabuntonghininga ako at muling tumingin kay Xceron at hinaplos ang buhok n'ya.
Natigilan ako nang marahan n'yang idinilat ang mga mata n'ya. Agad kong pinahid ang mga luha ko saka pilit na ngumiti sa kan'ya. Tumingin sa akin si Xceron, malamlam pa rin ang mga mata n'ya. "Denise..."
"Hmm?" tanong ko na lang saka hinaplos ang pisngi n'ya.
"Are you mad at me?"
Tipid na ngumiti ako at tumango. "Hindi tama 'yung ginawa mo," sabi ko na lang.
Napalunok si Xceron saka dahan dahang ipinikit ang mga mata. "I'm sorry..."
"H'wag ka ng mag-sorry kung gagawin mo naman ulit... Kapag nag-sorry ka, panindigan mo," anas ko na lang saka napaiwas ng tingin sa kan'ya.
Hindi sumagot si Xceron, natigilan na lang ako nang maramdamang bumigat na naman ang paghinga n'ya. Mapait na napangiti na lang ako nang mukhang nakatulog na naman siya. Hinaplos ko na lang ang buhok n'ya saka dinampian ng halik ang noo n'ya.
Humiga na lang ako sa tabi n'ya pagkatapos ko siyang punasan saka muling yumakap sa kan'ya. Ipinikit ko ang mga mata ko kahit alam kong hindi rin ako makakatulog... Hindi ko alam kung dahil ba sa kakaisip o dahil sa sobrang pagod.
Wala naman akong gaanong ginawa maghapon pero napapagod ako... ibang pagod, mahirap ipaliwanag.
"Xceron... bigyan mo naman ako ng lakas," bulong ko saka mas nagsumiksik sa kan'ya.
Bigyan mo pa 'ko ng lakas para hindi ako bumitiw... Ayokong bitawan ka.
NAGISING AKO NANG makaamoy ako ng mabangong pagkain. Idinilat ko ang mga mata ko, natigilan ako nang makitang nakaupo tabi ko si Xceron habang pinagmamasdan ako. Bahagya siyang napangiti at humawak sa kamay ko nang makitang gumising na ako.
"Good morning, love," anas n'ya saka dinampian ng halik ang kamay ko.
Kahit mabigat ang katawan ko, pinilit kong bumangon. Napangiti na lang ako nang mapatingin kay Xceron. Lumapit ako sa kan'ya saka hinila siya para yakapin, agad naman siyang gumanti ng yakap sa akin saka hinaplos ang likod ko.
"Xceron," bulong ko.
Hindi nagsalita si Xceron at dinampian na lang ng halik ang sentido ko. Hindi na lang din ako nagsalita at nanatiling nakayakap sa kan'ya... Hanggang sa hindi ko na namalayan kung gaano kami katagal magkayakap. Hindi naman siya tumututol, hinahaplos pa ang likod ko.
"Denise... baka lumamig na 'yung pagkain," natatawang sabi n'ya saka muling humalik sa sentido ko.
Kumalas ako sa pagkakayakap sa kan'ya saka tipid na ngumiti. "Sorry na, nadala lang."
Ngumiti na lang si Xceron saka kinuha ang tray sa bedside table kung saan nakalagay ang almusal namin. Kahit papaano, parang gumaan ang atmosphere sa pagitan namin... Pero hindi ko nagawang i-open ang topic tungkol kay Michael.
NAKATITIG LANG AKO kay Xceron habang nanonood siya ng TV. Nakahawak siya sa kamay ko at paminsan-minsan n'ya pang pinaglalaruan 'yon. Hinayaan ko na lang siya. Hindi na rin ako makapag-focus sa pinapanood namin dahil nakatitig lang ako sa kan'ya. Mukhang napansin naman ni Xceron 'yon kaya napataingin siya sa akin.
"May gusto ka bang sabihin, Denise?" seryosong tanong n'ya.
Napalunok ako at napahawak nang mahigpit sa kamay n'ya. "Xceron... Gusto kong humingi ka ng tawad sa ginawa mo kay Michael."
Natigilan siya sa sinabi ko, ngunit ngumiti na lang siya at tumango. "Okay, I'll apologize to him."
"Gagawin mo ba talaga? Noong sinira mo ang phone ni Michael, sinabi ko na humingi ka ng tawad sa kan'ya pero hindi mo rin ginawa... Mas mabigat ang kasalanan mo sa kan'ya ngayon, binugbog mo siya nang walang dahilan. Hindi tama 'yon," seryosong sabi ko.
Sa tingin ko ito na ang tamang oras na pag-usapan namin 'to.
Napakunot ang noo ni Xceron. "Why are you so affected, Denise?"
Napakagat ako sa ibabang labi ko. "Bakit hindi? Binugbog mo 'yung tao, muntik mo pang binaril kung hindi ka pa napigilan ni Cad."
Napatingala si Xceron saka pumikit, napahawak pa siya sa leeg n'ya. "I killed a lot of people before, wala naman akong narinig na salita galing sa'yo. Ayaw mo lang ba talagang may mangyaring masama sa kan'ya dahil--"
"Sige... Ituloy mo, Xceron," pagbabanta ko. Kumuyom ang kamao ko. "Ayokong pumatay ka ng tao nang walang dahilan... lalo pa kaibigan ko 'yung tao. Wala kaming ginagawang masama ni Michael, at isa pa, matagal na kaming hiwalay. Wala kang dapat ipagselos sa kanya," seryosong sabi ko... Pilit kong pinapakalma ang boses ko kahit na nangingitngit ang kalooban ko.
Napabuga na lang ng hangin si Xceron at napatitig sa TV. "Ngayon mo lang nasasabi 'yan... kapag patuloy kayong nagkita, baka lumayo ang loob mo sa'kin." Tumingin siya sa akin. "Napapagod ka na ba sa'kin? Ayaw mo na ba sa'kin?" Napalunok siya. "That's what I keep asking to myself... that you might fall for him again because it's way easier than to be with a f****d up man like me."
Nakikita kong nanginginig ang mga kamay n'ya. Napakapit na lang ako nang mahigpit sa laylayan ng damit ko habang pinipigil ang sarili kong sampalin siya... Alam kong hindi naman talaga siya ganito. May tiwala siya sa akin, hindi n'ya ako pinag-iisipan ng masama, iginagalang n'ya ang mga desisyon ko... pero hindi na ngayon. Alam kong dulot lang 'to ng droga sa kan'ya... pero mabigat pa rin sa dibdib.
"Ayaw mo bang mapagod ako?" tanong ko, nanginginig ang boses. "Kung ayaw mong iwanan kita, k-kung ayaw mong mapagod ako... ayusin mo ang sarili mo! Kung ayaw mong talikuran kita at mahulog sa iba, iparamdam mo sa akin na worth it manatili sa relasyong 'to kahit mahirap!" Napatayo ako. Tumingin sa akin si Xceron at halatang natigilan siya nang makitang lumuluha na ako. Napalunok siya at tumayo saka akmang lalapit sa akin pero agad akong umatras.
Agad ko siyang tinalikuran at nagtungo sa kama ko saka humiga roon. Nagtalukbong ako ng kumot at bumaluktot. Naramdaman kong umupo si Xceron sa kama pero hindi siya nagsalita. Humawak siya sa kumot ko pero lumayo lang ako sa kan'ya. "Iwan mo muna ako, Xceron! Lalo lang akong naiinis sa ginagawa mo!"
Natigilan na lang ako nang humiga siya sa tabi ko at inalis ang kumot sa akin. Lalayo sana ulit ako pero agad n'yang nayakap ang baywang ko. Isinubsob n'ya ang mukha sa batok ko saka hinigpitan ang yakap sa akin. "Sorry," bulong n'ya.
Alam kong labas na naman sa ilong ang sorry n'yang yon. Alam kong gagawin n'ya pa rin kahit ilang ulit siyang mag-sorry. Alam kong hindi sincere ang sorry na 'yon... pero humarap pa rin ako sa kan'ya, lumuluha pa rin. Napalunok si Xceron nang mapatingin sa mga mata ko. Marahan n'yang pinahid ang mga luha ko saka dinampian ng halik ang noo ko.
"I'm really sorry... I'm just scared. I don't want you to leave me, to get tired of me... I know I'm being selfish, but can you wait a little more? Aayusin ko rin ang sarili ko, h-hintayin mo sana ako, Denise... Aayusin ko ang sarili ko," tila nagsusumamong sabi n'ya.
Mas lalong umagos ang mga luha ko. Napakagat na lang ako sa ibabang labi ko at tumango. Hinawakan ko ang kamay n'ya na nakahawak sa pisngi ko. "H-Hihintayin naman kita, k-kaya tigilan mo na, hmm? H'wag ka ng gumawa ng mga bagay na ikasisira mo lalo. Sabihin mo sa akin kung may problema... makikinig naman ako sa'yo. Hindi droga ang sagot sa problema mo," anas ko saka humawak sa pisngi n'ya.
Napaiwas na lang ng tingin si Xceron at tumango. "I'm sorry... I won't do it again."
Bahagyang ngumiti na lang ako nang yakapin n'ya ako at isubsob ang mukha sa leeg ko. Hindi na lang ako pumalag at niyakap din siya pabalik. Hinaplos ko ang buhok n'ya at napabuntonghininga na lang... Kahit na nangyayari lahat ng 'to, may tiwala ako kay Xceron. May tiwala ako sa pagmamahal n'ya sa'kin.
"Xceron... gusto ko maging model. Nasabi ko naman sa'yo ng maraming beses 'yon, diba?" tanong ko saka dinampian ng halik ang noo n'ya.
Hindi nagsalita si Xceron, pero naramdaman kong humigpit ang yakap n'ya sa akin. Napalunok na lang ako at ngumiti saka hinaplos ang likod n'ya.
"Kung aayusin mo ang sarili mo, kung hahayaan mo akong tulungan ka... handa akong talikuran ang pangarap kong 'yon," anas ko... kahit mabigat sa dibdib ko.
Naramdaman kong natigilan si Xceron. Inilayo n'ya ang mukha sa leeg ko saka napatitig sa akin, tila hindi makapaniwala sa sinabi ko. "W-what?"
"Papayag na rin ako na magpakasal tayo at magkaroon ng anak... kaya ayusin mo na 'yung sarili mo, hmm? Maipapangako mo ba sa'kin 'yon?" nakangiting tanong ko.
Labag sa loob ko ang lahat ng sinasabi ko ngayon. Hindi pa ako handang maikasal sa kan'ya o magka-anak... Gustong gusto kong tanggapin ang pagiging modelo sa ibang bansa... pero ito ako, handang kalimutan ang lahat ng 'yon, ayusin lang ni Xceron ang buhay at ang sarili n'ya.
Bahagyang ngumiti si Xceron saka hinaplos ang pisngi ko. "Are you sure?" tanong n'ya pa.
Ngumiti ako at tumango... pilit na pinipigil ang sarili ko na mapaluha. "O-oo, Xceron... Gano'n kita kamahal," anas ko saka dinampian ng halik ang labi n'ya.
"Mahal na mahal din kita, Denise." Yumakap siya sa akin saka nagsumiksik sa leeg ko. Hinayaan ko na lang siya at hinaplos ang buhok n'ya.
Napapikit na lang ako habang patuloy na nakayakap sa kan'ya... Hindi ko inakala noon na darating ako sa ganitong punto ng buhay ko. Ang hina ko pagdating kay Xceron... inuubos ko na ang sarili ko.
NAGISING AKO NA wala si Xceron sa tabi ko. Nag-alala agad ako at napabangon na baka umalis na naman siya at may pinuntahan... na baka tumakas na naman siya at mas piliin na naman ang droga. Dali dali akong bumangon at kinuha ang robe ko saka tumayo. Lalabas sana ako ng unit ko ngunit natigilan ako nang makita si Xceron na nasa balcony.
Nakatayo siya roon at tila malalim ang iniisip na halos hindi na n'ya napansing bumangon ako. Babalik na sana ulit ako sa kama ngunit natigilan ako nang magsalita siya... may kausap siya sa phone.
"Yes, she won't work as your secretary anymore. We're planning to get married, Xanthos. Maghanap ka na ng bagong secretary. Aalis na rin naman kami, plano ko na sa ibang bansa na kami titira."
Natigilan ako sa sinabi ni Xceron, natulos ako sa kinatatayuan ko. Wala akong sinabi sa kan'ya na magre-resign na ako bilang secretary ni Sir Xanthos. Wala rin sa usapan namin na aalis kami ng Pilipinas. Bakit siya basta nagdesisyon nang ganoon nang hindi sinasabi sa akin?!
Binaba na ni Xceron ang tawag, pero may bago na naman siyang tinawagan. Hindi ako makaalis sa kinatatayuan ko kahit pa ayaw ko nang marinig ang mga suusnod n'yang sasabihin... Nanlalamig ang mga kamay ko.
"Ginawa mo na ba ang pinapagawa ko? Hmm... good. That f*****g modelling agency is giving my girlfriend a hard time. Make sure her name's already removed from their agency. Kapag pinilit pa nila si Denise, mapipilitan akong sirain sila." Humithit siya sa sigarilyo n'ya. "and oh, about that f*****g guy named Michael. How is he?"
Napalunok ako at napakapit nang mahigpit sa laylayan ng robe ko. Napatakip ako sa bibig ko habang nagpipigil na mapaluha... Ano'ng ginagawa n'ya?!
"I'm thinking if I should just kill him... or ruin his career."
Nanghihinang bumalik ako sa kama ko at humiga roon matapos kong marinig ang mga sinabi n'ya. Nanginginig ang mga kamay na nagtalukbong ako ng kumot nang agad na kumawala ang mga luha mula sa mga mata ko.
Ginawa ko na ang lahat ng makakaya ko... Wala na ba talagang pag-asa?
HINDI AKO NAKATULOG nang ayos pagkatapos no'n. Pinilit kong umakto ng normal kay Xceron pero hindi ko magawang ngumiti nang totoo sa kan'ya matapos kong malaman ang lahat ng plano n'yang gawin.
Hindi ko na alam ang gagawin ko.
"Nasaan ka na ba, Xceron?" bulong ko habang nakatingin sa phone ko. Hindi nagre-reply si Xceron sa texts ko. Bigla na lang siyang umalis kaninang umaga, madilim na pero hindi pa rin siya bumabalik. Nagsisimula na 'kong mag-alala.
Kinuha ko ang jacket ko at akmang lalabas ng unit ko para hanapin siya, ngunit napapitlag na lang ako sa gulat nang bumukas ang pinto at iniluwa no'n si Xceron na mukhang lasing na lasing na. Nag-aalalang lumapit ako sa kan'ya at agad siyang inalalayan.
"X-Xceron! Saan ka ba nanggaling? Bakit lasing na lasing ka?!" nag-aalalang tanong ko.
Napadaing na lang ako nang mawalan kami ng balanse, bumagsak si Xceron sa sahig. Akmang aalalayan ko ulit siya pero napaatras na lang ako nang bigla siyang sumuka. Pulang pula na ang mukha n'ya, marahil sa dami n'yang nainom.
"F-f**k them all... They're all stupid," bulong ni Xceron matapos masuka. Nagwala pa ito at kung ano-ano ang sinabi pero pilit ko na lang siyang pinakalma hanggang sa tuluyan na siyang tumahimik.
Napakagat na lang ako sa ibabang labi ko at hinawakan ang braso n'ya at pinilit siyang alalayan patayo kahit na mabigat siya. Hinihingal ako nang maihiga ko siya sa kama. Agad siyang napapikit at napadaing.
Kumuha na lang ako ng basahan at nilinis ang sinukahan ni Xceron sa sahig. Pagkatapos kong maglinis ng sahig, si Xceron naman ang inasikaso ko.
"T-tangina... A-ang hirap... H-hindi ko makalimutan, hindi maalis sa isip ko. T-takot na takot ako," biglang nagsalita si Xceron habang nakapikit pa rin. Natigilan ako nang makitang tumakas ang mga luha mula sa mga mata n'ya... Umiiyak siya na tila ba may masama siyang panaginip.
Hinaplos ko na lang ang pisngi n'ya para kahit papaano ay pakalmahin siya... Kahit mahirap, hinubad ko ang damit n'ya para punasan siya. Pinunasan ko ang katawan at mukha n'ya... Ngunit napatigil ako nang manlabo ang paningin ko. Napatigil ako sa pagpunas sa pisngi ni Xceron nang mag-alpasan ang mga luha mula sa mga mata ko.
Napakagat ako sa ibabang labi ko at napailing, itinuloy ko ang pagpupunas sa kan'ya habang umiiyak. Napatigil lang ako nang tuluyan akong mapahagulgol, hindi ko na makontrol ang panginginig ng mga kamay ko.
"H-hindi pa ba ako sapat para maalis ang takot mo, Xceron?" tanong ko habang patuloy na umiiyak.
Napatingin ako kay Xceron na natutulog pa rin... Halos hindi ko na siya maaninag dahil sa mga luhang nagpapalabo ng paningin ko.
"P-pagod na 'ko... pagod na pagod na 'kong mahalin ka," usal ko. Napatakip ako sa bibig ko at tahimik na umiyak, natatakot akong magising siya.
Patuloy akong umiyak habang nasa tabi n'ya, tila inilabas ko na ang lahat ng sakit at bigat sa dibdib ko na matagal kong kinimkim... nang mga oras na 'yon... isa lang ang nasa isip ko.
Nakapagdesisyon na ako... Sigurado na 'ko.