"Xceron! Ano sa tingin mo ang ginagawa mo?!"
Naiinis na itinulak ko si Xceron nang lumapit siya sa akin. Nanginginig ang mga kamay ko... Ngayon lang ako nakaramdam ng ganito sa presensya n'ya.
"Mag-usap muna tayo, hmm?" anas n'ya saka sinubukang lumapit sa akin at hawakan ang kamay ko pero agad ko siyang itinulak.
"Buksan mo 'tong pinto! Lalabas ako, Xceron! H'wag mo 'kong ikulong dito!" hindi ko napigilang magtaas ng boses dahil sa galit.
"Denise..." muli n'yang hinawakan ang kamay ko, lumamlam ang mga mata n'ya. "Don't leave me," anas n'ya saka hinaplos ang kamay ko. "B-baka hindi ka na bumalik sa akin... hindi ko kakayanin, Denise."
Napalunok na lang ako nang lumambot na naman ako. Napabuga ako ng hangin at tumitig sa mukha n'ya... Hindi ko na alam ang gagawin ko sa kan'ya. Pakiramdam ko nagpanggap lang ako na matapang noong sinabi ko kay Cad na baka maaayos ko pa 'to... kasi wala akong magawa ngayon. Wala akong magawa para tulungan si Xceron.
Hindi na lang ako nagsalita nang hilahin ako ni Xceron para yakapin. Napakagat na lang ako sa ibabang labi ko at marahang gumanti ng yakap sa kan'ya... Kaya ko ba talaga? Hindi ba ako masisira sa ginagawa ko? Tama bang piliin ko si Xceron kaysa sa sarili ko? Tama bang hindi ako bumitiw sa kan'ya?
Mapait na napangiti na lang ako habang hinahaplos ang buhok ni Xceron na ngayon ay mahimbing ng natutulog. Nakaupo ako sa gilid ng kama habang pinagmamasdan ang payapa n'yang mukha... Hindi ko alam kung kaya ko ba na wala ang taong 'to sa buhay ko. Mahal ko si Xceron, mahal na mahal ko siya.
Noong araw na sinagot ko siya... alam ko nang posibleng mangyari ang ganito. Hindi pa siya okay. May trauma pa rin siya... pero sumugal ako. Inisip ko na baka kaya kong alisin ang takot sa puso n'ya... Kagaya ng nagawa ng mga girlfriend ng feroci sa kanila.
Ako ba talaga ang magpapaalis ng lahat ng takot ni Xceron? Bakit parang walang nangyari?
Mabilis kong pinahid ang mga luha ko saka hinaplos ang pisngi ni Xceron... Sinasabi ko palagi sa mga kaibigan ko na mas mahalin nila ang sarili nila, na mas piliin nila ang sarili nila kaysa sa pagmamahal nila sa ibang tao... pero ito ako ngayon, talong talo ako ng pagmamahal ko kay Xceron.
Hindi ako makaalis.
"Denise..."
Napangiti na lang ako nang marinig kong tinawag n'ya ang pangalan ko. Kinuha ko ang kamay ni Xceron saka dinampian ng halik ang likod ng palad n'ya. "Hmm? Bakit, Xceron?"
Marahang idinilat ni Xceron ang mga mata n'ya. Hinila n'ya ang baywang ko palapit sa kan'ya saka isinubsob ang mukha sa tagiliran ko. "Don't leave me... Mahal na mahal kita."
Ngumiti ako at tumango. "Hindi ako aalis," anas ko na lang saka hinaplos ang buhok n'ya.
"K-kahit mapagod ka... h'wag mo 'kong iwan, hmm? Hindi ko kakayanin kapag nawala ka," bulong n'ya pa saka mas hinigpitan ang yakap sa baywang ko.
Tumango na lang ako... kahit napapaluha. "Hindi kita iiwan."
Tipid na ngumiti na lang si Xceron bago tuluyang bumigat ang mga mata n'ya at muling nakatulog.
Nanatili akong nasa tabi n'ya habang hinahaplos ang buhok n'ya. Hindi ako makatulog, hindi ako dinadapuan ng antok. Napabuntonghininga na lang ako at muling napatitig kay Xceron... Ngayon ko na lang yata ulit siya nakitang natulog nang ganito kahimbing.
"Kailan mo ba tuluyang bubuksan ang puso mo sa'kin?" bulong ko.
Napasandal na lang ako sa headboard ng kama at napatulala. Napabuga na lang ako ng hangin at kinapkap ang bulsa ni Xceron... nandoon nga ang susi ng bahay n'ya. Kinuha ko na lang iyon at umalis ng kama saka dinampian ng halik ang sentido n'ya bago lumabas ng silid.
Umalis na ako ng bahay n'ya... Una akong nagtungo sa unit ko para mapag-isa. Natigilan lang ako nang makita kong nandoon si Kiara at nakain ng pizza. Tipid na napangiti na lang ako nang tumingin siya sa akin at ngumiti.
"Hey, Denise."
Hindi ako nagsalita. Umupo lang ako sa tabi n'ya saka yumakap sa kan'ya. Halatang natigilan si Kiara sa ginawa ko pero hindi naman n'ya ako itinulak at tumutol. Umakbay siya sa akin at hinayaan akong yakapin siya.
"May problema ba? Nasabi sa akin ni Xanthos na hindi ka na nakakapasok sa trabaho," tila nag-aalalang sabi n'ya saka hinaplos ang buhok ko.
Hindi ako sumagot. Nanatili akong tahimik habang nakayakap sa kan'ya. Mukhang nahalata naman ni Kiara na wala ako sa mood magsalita kaya hindi na siya nagtanong pa at hinayaan lang ako na yumakap sa kan'ya...
Hindi ko na namalayan kung gaano ako katagal nakayakap sa kan'ya. Gusto kong umiyak... pero hindi ko rin magawa. Ayaw tumakas ng mga luha ko. Siguro dahil ayaw kong ipakita kay Kiara ang ganitong side ko.
"Kiara... Paano mo napatino si Sir Xanthos?" bulong ko habang nakayakap pa rin sa kan'ya at nakatitig sa sahig.
"Hmm... Wala naman akong ginawa, Denise. Siya ang nagpatino sa sarili n'ya. Siya ang bumago sa sarili n'ya."
Napakagat ako sa ibabang labi ko dahil sa sagot n'ya nang tuluyang namuo ang mga luha sa mga mata ko... Oo nga pala. Wala pala siyang ginawa. Binago ni Sir Xanthos ang sarili n'ya, nagpakatino siya para kay Kiara, para maging deserving kay Kiara, para hindi na masaktan ulit si Kiara.
"A-ano'ng gagawin ko?" tuluyang nabasag ang boses ko.
"D-Denise?"
"Ayaw n'yang ayusin ang sarili n'ya... pero ayaw n'ya rin akong hayaan na ayusin siya?" Tuluyang kumawala ang mga luha mula sa mga mata ko. "A-ano'ng gagawin ko, Kiara? Hindi n'ya binubuksan ang puso n'ya sa'kin... P-paano ko siya aayusin? H-hindi ko alam..."
Natahimik si Kiara nang tuluyan akong napahagulgol ng iyak. Humigpit ang yakap ko sa kanya. Hinaplos n'ya ang likod ko saka hinila ako para lalong yakapin. "Denise... B-bakit hindi ka nagsasabi sa'kin na may pinagdadaanan ka? I'm here... I will always listen to you." Hinaplos n'ya ang buhok ko. "May pinagdadaanan ka na palang ganito... I'm sorry for being clueless about it..." bulong n'ya.
Hindi na lang ulit ako nagsalita at patuloy na umiyak habang nakayakap sa kan'ya. Mas lalo lang akong maiiyak kapag sinubukan kong magsalita... pero kahit papaano nakakatulong na kayakap ko siya ngayon. Pakiramdam ko kahit kaunti, kahit kaunti lang... nabawasan ang bigat sa dibdib ko na matagal ko ng kinikimkim.
Hindi ko alam kung gaano kami katagal na magkayakap ni Kiara. Hindi rin siya nagsasalita at hinayaan lang ako na umiyak sa kan'ya na ipinagpapasalamat ko... Sa totoo lang ayoko na makita n'ya akong ganito. Nahihiya rin akong magsabi ng problema dahil aaminin ko na natakot ako na baka hindi nila seryosohin... baka isipin nila na nagloloko lang ako dahil palagi akong palabiro. Pero mukhang ako lang nag nag-iisip ng gano'n. Dapat mas kilala ko sila, alam kong makikinig sila sa akin.
"May problema ba kayo ni Xceron?" tanong ni Kiara nang tuluyan na akong tumahan.
Napakagat ako sa ibabang labi ko at napaiwas ng tingin sa kan'ya. "Hindi n'ya ako hinahayaang tulungan siya... pero ayaw n'ya rin akong umalis sa tabi n'ya. Gusto kong mapaayos siya, gusto kong ayusin siya, gusto kong tulungan siya... pero hindi n'ya ako hinahayaang gawin 'yon." Napahawak ako sa laylayan ng damit ko. "Pakiramdam ko nagpapanggap lang siyang okay noong mga panahon na masaya kami. H-hindi siya okay, Kiara... May takot pa rin sa puso n'ya. Hindi ko alam ang gagawin ko..."
Saglit na natahimik si Kiara. Humawak siya sa kamay ko saka seryosong tumitig sa akin. "Denise, hindi mo naman obligasyon na ayusin si Xceron."
"P-pero gusto ko, Kiara. Gusto ko siyang ayusin. Gusto kong mapaayos siya... at ang relasyon namin," sabi ko na lang.
"Pero masaya ka naman ba? Masaya ka pa rin ba, Denise?"
Natigilan ako sa tanong ni Kiara. Mapait na napangiti na lang ako at napaiwas ng tingin sa kan'ya. "Hindi naman palaging masaya ang pagmamahal, diba? T-there are difficult times too," anas ko... na para bang kinukumbinsi ko na lang ang sarili ko.
"It's true, Denise. Hindi naman talaga palaging masaya ang pagmamahal... pero dapat isipin din natin kung puro sakit na lang... A love like that is fatal, Denise."
HANGGANG SA MAKAALIS na si Kiara, hindi maalis sa isip ko ang mga sinabi n'ya. Napabuntonghininga na lang ako at napatitig sa kisame. Pilit kong iniisip ang sagot sa mga tanong na tumatakbo sa isip ko.
Masaya ba ako sa ginagawa ko?
Napabuntonghininga na lang ako at bumangon saka nagsuot ng jacket at lumabas. Naglakad lakad ako sa gilid ng kalsada, hindi ko alam kung saan ako pupunta. Gusto ko lang magpalamig sa labas. Napatingin na lang ako sa madilim na langit. Walang masyadong bituin sa langit... Mukhang uulan.
Natigilan ako nang mapadaan sa malapit na park. Naalala ko na palagi akong natambay rito noong college kasama si Michael dahil malapit lang sa university... Nagtungo na lang ako roon at akmang uupo sa malapit na bench, natigilan lang ako nang makitang nandoon si Michael at kumakain ng ice candy. Natigilan din siya nang mapatingin sa direksyon ko.
"Michael, ikaw pala..." sabi ko na lang saka umupo sa tabi n'ya.
"Hello, Denise... Teka, umiyak ka ba?" tila nag-aalalang tanong n'ya nang mapatingin sa mukha ko.
Tipid na ngumiti na lang ako at napaiwas ng tingin sa kan'ya. "H-hindi, puyat lang ako," palusot ko na lang. "Ahm... A-ano nga pala, tungkol sa nangyari noong nakaraan, pasensya ka na ha. Medyo seloso lang ang boyfriend ko. Sorry talaga sa nangyari. Kung gusto mo, papalitan ko na lang ang nasira mong cellphone."
Napailing na lang siya. "No need. Nakabili na ako ng bago saka ayos lang 'yon. Wala rin naman gaanong importanteng files sa phone ko dahil nasa laptop ko lahat. Ayos lang talaga," sabi n'ya saka ngumiti sa akin.
Napangiti na lang din ako at ipinasok ang mga kamay ko sa bulsa ng jacket ko. Natahimik na lang kaming pareho at hindi na nagsalita. Tumingin na lang ako sa langit kahit wala akong makitang mga bituin doon.
"Ahm, you're boyfriend is not abusive, right?"
Natigilan ako sa tanong ni Michael at tumingin sa kan'ya. Bakas ang pag-aalala sa mukha n'ya habang nakatingin sa akin. Ngumiti na lang ako at umiling. "H'wag kang mag-alala, mabait naman 'yon... Seloso lang talaga siya," depensa ko kay Xceron.
Tumango si Michael. "That's good to hear. Kapag may problema ka, h'wag kang mahiya magsabi sa akin. You can just message me on f*******: whenever... As your friend, I'm worried about you."
"Wala ka namang dapat ipag-alala... pero salamat," sabi ko na lang saka tipid na ngumiti sa kan'ya.
Natigilan lang ako nang mapansing nag-vibrate ang cellphone ko mula sa bulsa ko. Sa totoo lang, kanina ko pa napapansin na tunog nang tunog ang cellphone ko pero hindi ko pinapansin dahil wala ako sa mood... Nag-alala agad ako dahil baka si Xceron na 'yon, baka nagising na siya at nakitang wala na ako sa bahay n'ya.
Kinuha ko ang phone ko at tiningnan iyon... ngunit imbis na kay Xceron, nakatanggap ako ng email galing sa modelling agency na pinag-send-an ko ng pictures.
Ms. Villamor, we are happy to inform you that you have been chosen to be our model. The directors showed great interest in the pictures you have sent to us. If you want, we can immediately sign a contract with you to be our model in Paris branch. We hope that you will consider our offer. Thank you!
Nanlaki ang mga mata ko nang mabasa nag email. Kinusot ko pa ang mga mata ko at mahigit sampung ulit na binasa ang email para siguruhin na tama ang nababasa ko ngayon. Agad akong napatayo at napataili nang mapagtanto kong totoo nga ang nabasa ko.
Inaalok akong maging model ng sikat na modelling agency! Natanggap ako!
"Aahhh!" Napatili ako nang malakas at nagtatalon.
"W-what? Why? What happened?" tila natatarantang tanong ni Michael at napatayo rin.
"Magiging model na 'ko! OMG! Ang galing ko! Ahhh!" Sa sobrang tuwa ko, napayakap ako kay Michael habang tumatalon pa rin sa tuwa.
"Wow, congrats! Ang galing mo nga," sabi na lang ni Michael at gumanti ng yakap sa akin.
Natigilan lang kami nang biglang may humablot kay Michael palayo sa akin at hinagis ito palayo. Nawala ang saya at excitement na nararamdaman ko nang makita ang madilim na mukha ni Xceron. Umigting ang panga n'ya habang malamig na nakatitig sa akin.
"What the f**k is this, Denise?! Bigla ka na lang nawala sa bahay tapos maaabutan kita rito na kayakap 'yang ex mo?!" asik n'ya.
"M-mali ka ng iniisip, Xceron. Aksidente lang ang pagkikita namin dito--"
Hindi n'ya pinatapos ang sasabihin ko, agad siyang lumapit kay Michael saka sinuntok ito nang malakas sa mukha. Napatili ako at agad na lumapit sa kan'ya nang pumaibabaw siya kay Michael saka pinaulanan ito ng magkakasunod na suntok sa mukha. Sinubukang lumaban ni Michael pero masyadong malakas si Xceron kumpara sa kan'ya.
"Xceron! Tama na 'yan! Utang na loob!" Humawak ako sa braso n'ya at buong lakas na hinila siya palayo kay Michael na duguan na ang mukha ngayon pero hindi siya nagpatinag at itinulak lang ako.
Agad na namuo ang mga luha mula sa mga mata ko nang mapaupo sa sahig. Kahit nanghihina ang mga tuhod ko, pinilit kong tumayo para muling pigilan si Xceron, wala ng malay si Michael pero tila wala siyang pakialam. Umakyat ang takot sa dibdib ko nang kumuha siya ng baril mula sa bulsa ng coat n'ya at itinutok 'yon sa noo ni Michael.
"X-Xceron! H'wag! H'wag mong gawin 'yan!" Mas lalo akong napaiyak.
Lalapit na sana ako sa kanya ngunit natigilan ako nang biglang may dumating at tinadyakan sa mukha si Xceron. Agad na bumagsak si Xceron sa sahig at nawalan ng malay... Napatakip na lang ako sa bibig ko at napatingin kay Cadence na ngayon ay hinihingal habang seryosong nakatingin kay Xceron.
"Tangina ng gagong 'to," narinig kong sinabi ni Cad.
"C-Cad," naluluhang sabi ko na lang at napakapit nang mahigpit sa jacket ko.
Napatingin sa akin si Cad saka napabuntonghininga. Napahawi siya sa buhok n'ya saka seryosong tumingin sa akin. "Ayos ka lang ba?"
Napahagulgol ako ng iyak at umiling. "T-takot na takot ako, Cad... takot na takot."
Hindi na lang nagsalita si Cad at napahilot sa sentido. Agad siyang kumilos at itinuro sa mga tauhan n'ya ang walang malay na si Michael. "Dalhin n'yo siya sa ospital."
Si Xceron naman ang sunod n'yang inasikaso. Hinila n'ya ang kwelyo nito paangat saka isinabit ang braso nito sa balikat n'ya. Basta na lang n'ya inihagis sa backseat ng kotse n'ya si Xceron saka tumingin sa akin. "Sakay na, ihahatid na kita sa unit mo," sabi na lang n'ya.
Hindi na ako kumontra at sumakay na lang sa kotse, sa may shotgun seat. Tahimik lang ako sa loob ng kotse habang nagmamaneho si Cad, paminsan minsan din akong napapatingin kay Xceron mula sa backseat.
"Ano, Denise? Pinagsisisihan mo na ba ang desisyon mo?" seryosong tanong ni Cad.
Hindi ako nagsalita. Napakagat ako sa ibabang labi ko saka napahawak sa braso ko. "Akala ko kaya ko, Cad. Akala ko may magagawa ako," bulong ko na lang saka mapait na napangiti.
"Ano ba'ng nararamdaman mo ngayon? Ano'ng nararamdaman mo kay Xceron?" muli pang tanong ni Cad.
"Mahal ko si Xceron... mahal na mahal ko siya," bulong ko at napatingin sa bintana.
"P-pero bakit gano'n?" Namuo ang mga luha sa mga mata ko. "Mas masaya ako, mas okay ako, mas komportable ako... kapag hindi ko siya kasama."