Hindi na naman nagpaparamdam si Xceron. Hindi na ako nagugulat dahil lagi siyang ganoon sa tuwing nalalapit na ang death anniversary ng nanay nila ni Sir Xanthos... Bigla siyang mawawala, tapos babalik na parang walang nangyari.
Ayaw n'ya talaga na i-comfort ko siya. Gusto n'ya mag-isa lang sa ganoong pagkakataon sa buhay n'ya. Ayaw n'yang tulungan siya.
Napabuga na lang ako ng hangin habang nakatitig sa cellphone ko. Pakiramdam ko kanina pa ako nakatitig sa cellphone ko. Sa tuwing dumadaan si Xceron sa ganitong phase, hindi ako makapag-focus sa kahit ano... kahit noong hindi pa kami magkarelasyon.
Ang hirap na wala akong idea kung nasaan si Xceron, nag-iwan lang siya sa akin ng message na mawawala siya saglit at may kailangang asikasuhin... pero inabot na ng ilang linggo ang 'saglit' na sinabi n'ya sa akin.
Bakit ba ayaw nya akong hayaan na tulungan at damayan siya?
"Himala, tahimik si Denise," narinig kong bulong ni Nathalie.
"Hayaan mo siya, baka may iniisip lang," sabi naman ni Liah.
"Baka na-realize na n'ya na ang pangit n'ya," sabi pa ni Angel.
Napaismid na lang ako dahil kung magbulungan sila, parang wala ako rito sa tabi nila. Hindi na lang ako nagsalita at napatitig na lang sa frappe na binili ko na hindi ko naman nabawasan. Kinuha na lang ni Nathalie sa akin yon saka napailing. "Akin na lang 'to, teh. Hindi mo naman pinapansin, e," sabi n'ya na lang saka basta ininom ang frappe ko.
Wala talagang hiya sa katawan ang babaeng 'to... sabagay, ako rin naman. Kaya nga kami nagkakasundo, e.
Napakagat na lang ako sa ibabang labi ko at napatingin sa phone ko. Muli akong nag-text kay Xceron. Nag-re-reply naman siya kung minsan... pero hindi ko pa rin maiwasang mag-alala. Sana wala siyang ginagawang iba... na makakasama sa kan'ya.
Xceron, kailan ka uuwi? I miss you na.
Napakagat na lang ako sa kuko ko habang hinihintay siyang mag-reply. Napabuntonghininga na lang ako at inilagay ang phone ko sa bag dahil hindi rin naman magre-reply si Xceron. Kung magre-reply man 'yon, malamang aabutin na ng gabi.
BUONG ARAW AKONG naghintay sa reply ni Xceron pero hindi siya nag-reply. Hindi na lang ako nag-text ulit. Mas mahirap pala ang ganito ngayong may relasyon na kami ni Xceron. Nag-aalala na talaga ako sa kan'ya noon pa, pero pakiramdam ko, minu-minuto na akong nag-aalala ngayon.
Hindi ako makapagtrabaho nang ayos kaya lumabas na lang ako ng unit ko. Nagsuot ako ng jacket at binitbit ang sling bag ko. Napagdesisyunan kong pumunta sa headquarters ng Feroci, ang organisasyon nina Xceron. Aware ako sa kung anong klaseng trabaho ang ginagawa nila roon, pero hindi naman ibig sabihin no'n na kinukunsinti ko iyon. Ayoko lang din na pangunahan si Xceron sa mga ginagawa at desisyon n'ya. Pamilya na rin n'ya ang feroci.
Agad akong pinapasok ng mga bantay sa HQ ng feroci dahil kilala na nila ako. Nagtungo ako sa loob para hanapin si Xceron, nagbabaka-sakali na nandito lang siya.
Naabutan ko ang feroci na nagm-meeting pagdating ko sa meeting room nila. Napalingon agad sa akin si Ashteroh, asawa ni Nathalie, para bang naramdaman n'ya agad ang presensya ko. Ngumiti siya sa akin at kumaway. Tipid na ngumiti na lang ako at umupo mula sa di kalayuan, tinitingnan ko kung kasama nila si Xceron.
"Rivero, don't make a f*****g mess," tila naiinis na sabi ni Rhuan McKnight, isa sa kilala kong pinakamatino sa feroci.
"Yeah, whatever," nasabi na lang nito.
Napabuga ako nang mapansing wala rin si Xceron dito.
"Pst, hinahanap mo si Xceron 'no?"
Natigilan ako nang may umupo sa tabi ko, si Cadence pala. Umiinom siya ng kape saka prenteng ipinatong ang mga paa sa mesa. Napakagat na lang ako sa ibabang labi ko at tumango.
"Dapat nagsasabi ka sa'kin, tutulungan naman kitang hanapin ang gunggong na 'yon," sabi na lang n'ya saka muling humigop sa kape n'ya. "Nasa ibang bansa siya ngayon, gusto mo puntahan?"
Gulat na napatingin ako sa kan'ya. "N-Nasa ibang bansa? Totoo ba 'yan o pinagt-trip-an mo lang ako?" nakakunot-noong tanong ko.
"Gaga, seryoso ako. Mukha ba akong tarantado?" tanong n'ya pa saka tinuro ang sarili n'ya.
"Oo," mabilis na sagot ko saka napatitig na lang sa sahig.
Natahimik na lang kaming pareho ni Cad. Alam kong aware siya sa mga bagay, aware siya tungkol sa nangyayari sa mga kaibigan n'ya na nasa feroci. Gusto kong magtanong sa kan'ya pero nahihiya ako... Nahihiya akong itanong sa kan'ya ang mga bagay na pwede ko namang itanong mismo kay Xceron.
"Malapit na ang death anniversary ng nanay nila ni Xanthos... kaya siguro nagkakaganyan na naman siya," sabi na lang ni Cad habang nakatingin kina Adham na nagpapaliwanag ng misyon nila sa unahan.
"Oo... alam ko," sabi ko na lang.
"Sa kanilang dalawa ni Xanthos, si Xceron ang hindi mo mahahalataan na apektado sa nangyari... Pero para sa akin, parang mas malala ang trauma n'ya kay Xanthos. Noon pa, iba na ang nakikita ko kay Xceron. Parang may iba pa siyang alam na hindi alam ni Xanthos tungkol sa nangyari sa nanay nila noon," seryosong sabi ni Cad.
Tahimik na nakikinig lang ako sa kan'ya... kahit naman siraulo si Cad, sobrang observant n'ya sa paligid n'ya. Isa rin siguro sa dahilan kung bakit ang dami n'yang alam sa mga bagay bagay kahit na hindi sinasabi sa kan'ya.
"Let's just wish that he's not into drugs again." Tumingin sa akin si Cad. "Kapag nalaman ng mga 'yan," itinuro n'ya ang feroci, "na nagamit ulit ng droga si Xceron, mata na lang n'ya ang walang latay."
Napalunok ako habang nakatingin sa kan'ya at napahawak nang mahigpit sa sling bag ko. Isa sa rules ng feroci, ipinagbabawal ang mga miyembro na gumamit ng ilegal na droga. May mga rules sa feroci na bawal labagin dahil matinding torture ang kapalit. Naalala ko noong una kong nalaman na nalulong sa droga si Xceron, nakita ko ang naging kalagayan n'ya sa kamay mismo ng feroci members. Duguan siya no'n at nanatili sa ospital ng ilang nang mahigit isang linggo.
Tatlong taon na ang nakakalipas nang mangyari 'yon, pero ayoko ng maulit ulit 'yon... Talagang natakot ako noon.
"N-Nagbago na si Xceron, Cad. Alam kong hindi na n'ya uulitin 'yon," bulong ko na lang saka napaiwas ng tingin sa kanya.
Napatango si Cad. "Let's hope that's the case." Tumayo siya saka marahang tinapik ang balikat ko. "Pupunta na kami sa misyon. Umuwi ka na, gabing gabi na," sabi na lang n'ya.
HINDI NAALIS SA isip ko ang naging usapan namin ni Cadence. Sa totoo lang, nag-aalala ako, pero may tiwala ako kay Xceron. Hindi siya gagawa ng bagay na ikakasira n'ya ulit, na ikakasira namin.
Napatalon na lang ako sa gulat nang makitang tumatawag si Xceron. Agad akong napatayo at sinagot ang tawag.
"Hello, Xceron!" hindi ko napigilang magtaas ng boses dahil sa pagkabigla.
"Hello, baby..."
Napakagat ako sa ibabang labi ko nang marinig ang boses n'ya. Sobrang na-miss ko siya. Gusto ko na siyang mayakap at mahalikan ngayon.
"Pinag-alala mo 'ko," bulong ko na lang at napakapit nang mahigpit sa cellphone ko.
"I'm sorry... Don't worry about me, I'm doing fine... How are you, baby?" tanong n'ya.
"H-Hindi ako okay, miss na miss na kita."
Natahimik siya sa kabilang linya. Napabuntonghininga na lang ako habang hinihintay ang sasabihin n'ya... Hindi siya okay. Kahit hindi n'ya sinasabi sa akin, kahit ni minsan hindi siya nagsabi sa akin... alam kong hindi siya okay ngayon.
"I miss you too, so much."
Bahagyang napangiti na lang ako. "Kailan ka uuwi? Magde-date tayo agad pag-uwi mo," bulong ko na lang.
"Saglit na lang. May kailangan lang ako gawin... kapag okay na, babalik agad ako... I love you," sabi na lang n'ya na nagpahina na naman sa akin.
"Palagi kang magre-reply sa akin, hmm?" tanong ko. "I love you too."
Agad n'ya ring ibinaba ang tawag pagkatapos no'n. Napabuntonghininga na lang ako at napatitig sa phone ko...
Kailan ba siya lalaban sa mga problema n'ya nang kasama ako? Kailan n'ya kaya ako hahayaan na damayan siya? Kailan n'ya kaya bubuksan nang tuluyan sa akin ang puso n'ya?
ILANG ARAW NA ang nakalipas, pero hindi pa rin bumabalik si Xceron. Wala namang sinasabi si Sir Xanthos tungkol sa kan'ya, nahihiya rin akong magtanong, maski kay Cad. Hindi na rin siya nagre-reply sa akin. Hindi ko akalain na darating ako sa ganitong punto na sobra akong mag-aalala sa kan'ya.
"You don't seem to be yourself this past few weeks, Denise."
Natigilan ako at napatingin kay Sir Xanthos na kasabay ko sa paglalakad. Napalunok na lang ako at napaiwas ng tingin sa kan'ya... Imposibleng hindi n'ya 'yon mahalata.
"S-Sorry, Sir," hinging paumanhin ko na lang.
"Xceron... is he at it again?" tanong n'ya.
Hindi agad ako nakasagot... Hindi ko rin alam ang isasagot.
"Don't worry about him. He'll eventually come back," sabi na lang n'ya.
Tumango na lang ako at tipid na ngumiti. Totoo naman ang sinabi n'ya. Babalik din naman si Xceron, palilipasin lang nito ang death anniversary ng nanay nila ni Sir Xanthos... kagaya ng palagi nitong ginagawa taon-taon.
Iyon na lang ang tinatak ko sa isip ko... pero natagpuan ko na lang ang sarili ko na papunta ulit sa HQ ng feroci. Nagba-baka sakali na baka nandoon si Xceron.
Natigilan na lang ako pagdating ko sa meeting room ng feroci. Walang tao roon maliban sa isang lalaki na hindi gaanong pamilyar sa akin... Ang alam ko, feroci rin siya. Tahimik na nakatitig lang ito sa bintana habang naninigarilyo. Mukhang naramdaman n'ya ang presensya ko kaya napatingin siya sa akin.
"Who are you?"
Napalunok na lang ako sa tanong n'ya... meron pa palang feroci member na hindi nakakakilala sa akin... pero hindi ko naman siya masisisi. Misteryoso rin naman siya sa akin.
Si Dravis Laurent.
"G-Girlfriend ako ni Xceron, hinahanap ko lang siya," sabi ko na lang saka napalunok.
"That fucktard isn't here... Ilang linggo na," dagdag pa n'ya.
Nanginginig ang mga kamay ko. Hindi ko makakalimutan ang lalaking 'to. Siya ang bumugbog nang matindi kay Xceron noon nang malaman nila na nagamit ng droga si Xceron. Hanggang ngayon nag-iinit ang ulo ko sa tuwing nakikita ko siya.
Walang puso ang lalaking 'to. Halos mamatay si Xceron sa ginawa n'ya... Doon ko napatunayan na hindi pamilya ang turing ng ibang miyembro sa feroci.
Malamig na tumingin sa akin si Dravis, nagtayuan ang mga balahibo ko dahil sa mga mata n'yang walang bahid ng emosyon. "Is he doing that again?" malamig na tanong n'ya.
Napalunok ako... pinagpapawisan ng malamig.
"H-Hindi na. Nagbago na si Xceron. Hindi n'yo na kailangang mag-alala sa ganoong bagay dahil nababantayan ko siyang maigi," nakakunot noong sabi ko habang nakakuyom ang kamao.
"Really? Are you his nanny or something?" tila nang-uuyam na tanong n'ya.
Napakagat na lang ako sa ibabang labi ko at tinalikuran na lang siya. Nagmamadali akong umalis ng HQ nila. Tila nakahinga ako nang maluwag nang hindi ko na maramdaman ang presensya ng Dravis na 'yon. Napabuga na lang ako at napatingin sa screenlock ng phone ko... picture namin ni Xceron 'yon.
Kailangan ng umuwi ni Xceron... nag-aalala na ako.
* * *
"Ilibre mo 'ko ng house and lot, Kiara," sabi ko saka kumapit sa braso ni Kiara.
Nandito kami sa mall. Nagyaya kasi si Kiara dito dahil bibilhan n'ya ng mga laruan ang makulit n'yang junakis na kambal. Na-miss ko rin ang mga anak n'ya, noong hindi pa kasi sila nagkakabalikan ni Sir Xanthos, sa akin sila tumira ng mga anak n'ya. Nakakamiss din naman ang maiingay sa bahay.
"Kay Xceron ka na lang magpalibre... baka buong yaman n'ya pa ang ibigay n'ya sa 'yo," sabi na lang ni Kiara habang nagtitingin ng mga damit pambata.
Natahimik ako nang mabanggit n'ya si Xceron. Napailing na lang ako at iniwas ang topic doon. Pagkatapos mamili ni Kiara, nagpaiwan na lang ako sa mall at tumambay sa coffeeshop. Nakatitig lang ako sa phone ko habang binabasa ang huling reply sa akin ni Xceron na isang linggo na nakakalipas.
"Denise..."
Natigilan ako at napaangat ng tingin nang may tumawag sa akin. Nanlaki ang mga mata ko nang makita si Michael... ex-boyfriend ko siya.
"Huy, ikaw pala 'yan gago!" Napatayo ako at yumakap sa kan'ya.
Natatawang yumakap din siya sa akin saka tinapik tapik ang likod ko. "Wala ka pa rin talagang pagbabago, Denise," natatawang sabi na lang n'ya.
Mabait itong si Michael. Maayos naman ang naging paghihiwalay namin noon. Noong nagtapos kami ng college, nagpunta siya ng ibang bansa para doon na tumira. Hindi ko gusto ng long distance relationship kaya nakipaghiwalay ako. Maayos naman kami, magkaibigan pa rin kami ngayon, saka talagang mabait siya. Siya ang first boyfriend ko. Hindi na iyon nasundan, tapos dumating si Xceron sa buhay ko.
"Grabe, ang tagal na nating hindi nagkita. Wow ha, mas pogi ka na ngayon," pangangantyaw ko sa kan'ya.
Napahalakhak na lang siya sa sinabi ko. "Pogi talaga ako 'no... saka ikaw, mas lalo ka yatang gumanda. May boyfriend ka na ba?" tila nanunukso n'yang tanong.
"Oo, may boyfriend na 'ko... sa ganda kong 'to," nakataas-kilay na sabi ko at naghawi pa ng buhok.
"Yabang pa rin talaga... libre mo na nga lang ako," sabi n'ya saka ininguso ang counter.
"Ay sus... Ikaw nga 'tong yayamanin na ngayon, e. Akala mo ba hindi ko nakikita sa f*******: na successful ang business mo sa ibang bansa? Nako, ikaw ang manlibre," pagbibiro ko pa.
"Hay nako... Sige na nga, tutal malakas ka sa 'kin," sabi na lang n'ya.
Um-order na kami at nagkwentuhan. Halos malimutan ko na ang oras sa dami ng napag-usapan namin. Nalaman ko na hindi na siya nagkaroon ng girlfriend noong naghiwalay kami.
"Hala? Baka hindi ka pa rin maka-move on sa ganda ko?" natatawang sabi ko na lang saka ininom ang frappe na nilibre n'ya sa akin.
"Tanga, hindi. Wala lang talaga akong time. Kaya nga bumalik ako rito ng Pilipinas, gusto ko ng girlfriend na Pilipina. May ire-reto ka ba sa'kin?" nakangising tanong n'ya.
"Marami akong kakilala na single at magaganda, kaso hindi ko alam kung type ka ng mga 'yon," pang-aasar ko na lang.
"Sigurado 'yan, Denise. Tingnan mo naman ang mukhang 'to," pagyayabang n'ya saka napahawak pa sa panga n'ya.
Totoo namang guwapo itong si Michael. Naalala ko na namroblema ako noon dahil ang daming lumalandi sa kan'ya, pero loyal naman siya. Wala akong gaanong naging problema sa kan'ya noong kami pa dahil mabait talaga siya... kaya nga masaya ako na magkaibigan pa rin kami kahit na naghiwalay kami noon.
"Pwede pala mahingi number mo? Text mo na lang ako kapag may ire-reto ka sa akin," sabi n'ya saka inabot ang cellphone n'ya sa akin.
Kinuha ko naman iyon at nilagay ro'n ang number ko saka inabot sa kan'ya. Napangiti naman siya saka inilagay na ang cellphone n'ya sa bulsa ng coat n'ya.
"By the way... Walang malisya 'to ha, but if you have time, we can hangout sometimes, just like the old times. If it's okay with you," nakangiting sabi n'ya.
"It's fine, we can--"
"It's not okay."
Natigilan ako at natulos sa kinauupuan ko nang marinig ang pamilyar na boses na 'yon. Agad na napaangat ang tingin ko. Napatayo ako nang makitang si Xceron iyon, malamig na nakatingin siya kay Michael.
"X-Xceron..." Humawak ako sa kamay n'ya.
Saglit na napatingin sa akin si Xceron, pero binalik n'ya ulit ang tingin kay Michael saka inilahad ang kamay n'ya. Nagtatakang napatingin naman doon si Michael.
"Give me your phone," utos n'ya kay Michael.
"Xceron... Alis na tayo," bulong ko na lang sa kan'ya pero hindi siya nagpatinag.
"Give me your f*****g phone, asshole."
Napakunot ang noo ni Michael at kinuha ang phone. Kahit nag-aalangan, inabot n'ya iyon kay Xceron... Napalunok na lang ako habang nakatingin kay Xceron na ngayon ay nakatitig sa phone. Ngunit nagulat na lang ako sa sunod n'yang ginawa.
Walang kahirap-hirap na binali n'ya ang cellphone ni Michael saka inilublob iyon sa baso na may tubig.