NASA TABING ILOG si Cadence at nakaupo sa ilalim ng punong mangga na may lilim. Kahit na maaraw ay presko pa rin ang hanging dumadampi sa kaniyang balat.
Tinatangay pa ang kaniyang mahabang buhok kaya naman pilit niyang inipit ang mga iyon sa likod ng mga tainga niya.
Naramdam niya ang mga kamay na tumakip sa kaniyang mga mata mula sa likod at kahit hindi ito magsalita, kilala na niya agad iyon kung sino dahil sa amoy ng pabango.
"May paganiyan-ganiyan ka pa! Tayo lang naman ang madalas magpunta ritp sa tabing ilog," aniya sa lalaki.
Tumawa ito saka binitiwan ang kaniyang mukha. "Sana hinulaan mo pa rin. Sayang tuloy ang premyo mo."
"Premyo?"
"Oo. Paborito mo!" Tinaas nito ang kamay na hawak na plastic na puno ng lansones.
"Huy! Gusto ko niyan!" aniya at aabutin sana ang plastic pero mabilis nitong nailayo iyon sa kaniya.
"Hindi ka nakihula, kaya sa akin lang ito lahat!" Niyakap pa nito iyon.
Tinaasan niya ito ng isang kilay. "Pero hindi ka mahilig ka sa lansones, di ba? Nasusuka ka kasi mapakla. Nakain mo kasi ang balat niyan noong bata ka pa kaya ayon, na-trauma ka."
Ngumisi ito. "Gagawin mo talaga ang lahat, no para makuha ang paborito mo?"
"Of course! Akin na iyan!" Inagaw niya ang plastic na agad niyang nakuha.
Iiling-iling ang lalaki sa kaniya saka naupo sa kaniyang tabi. "Ang weird kaya ng lasa niyan."
"Hindi, ah! Ang tamis kaya nito saka ang cute pa. Hindi ka lang talaga maka-move on sa bad experience mo noon kaya ka ganiyan!" Kumain siya at napapikit pa habang ninanamnam ang lasa nito. "Sarap!"
Natawa ang lalaki saka pinisil ang kaniyang pisngi. "Ang cute mo talaga."
Napangiti siya. Iyon ang gustong-gusto niyang ginagawa ng lalaki sa kaniya. Iba kasi ang pakiramdam niya kapag pinipisil nito ang kaniyang mukha.
NAGISING SI Charlotte ay maaga na. Mabigat ang kaniyang pakiramdam nang mapanaginipan na naman ang lalaki. Mariin niyang pinikit ang mga mata upang alalahanin ang itsura nito pero bigo siya. Malabo pa rin ang mukha nito kahit na anong pilit niyang pag-alala. Humawak siya dibdib nang maramdaman na naman ang lungkot sa tuwing mapapanaginipan ang lalaki. Huminga siya nang malalim.
Para din siyang maiiyak na hindi niya nawari. Tila may kung anong lungkot sa kaniyang puso ang namamayani pagkaraan niyang mapanaginipan ang lalaking iyon.
Kaagad niyang nakita ang kaniyang mommy na nasa gilid ng kama at natutulog habang hawak nito ang kamay niya. Nilibot niya ang tingin sa kabuuan ng kwarto. Nasa guest room siya at oo, nandito nga pala sila sa ancestral house ng daddy niya kung saan ito lumaki.
Pinilit niyang isipin kung ano ang nangyari noong magdaang gabi. Naglaro sila ng Ouija board, nag-talo sila ni Amelia at tinulak niya ito...
"May boses... Akong... Narinig," bulong ni Charlotte sa sarili. Pinilig niya ang ulo. "Mali. Baka imahinasyon ko lang iyon." Tumango pa siya. "Oo. Tama. Imahinasyon—" Natigilan siya nang biglang pumasok sa alaala niya ang itsura ng lalaking nag-'hi' pa sa kaniya.
Maputla ang kulay nito, bilugan ang mga mata, matangos ay ilong at manipis na mga labi. Nakasuot ito ng kulay puting t-shirt at blue na blazer na tinernuha ng blue rin na trouser. Naka-brown leather shoes din ito. Ang features ng mukha nito ay tila may pagka-americano. Kahit maputla ang balat nito, alam niyang mestiso ito.
Natutop ni Charlotte ang sariling bibig habang nanlalaki ang mga mata. Tumingin siya sa buong paligid dahil unti-unti nang bumabangon ang takot na naramdaman niya noong nagdaang gabi.
"S-sino iyon? M-multo ba iyon?" tanong niya habang nakatingin lang kung saan.
Kung ito nga ang Franco na natawag nila noong naglaro sila ng Ouija board, paano siya lang ang nakakarinig. Tinanong niya ang mga pinsan niya pero wala raw itong narinig.
Ginulo niya ang buhok dahil sa labis na frustasyong nararamdaman.
"Ahh! Nababaliw na ba ako? Imposibleng multo iyon, di ba?" muli niyang tanong sa sarili.
Nagmulat ng mga mata ang kaniyang mommy at nang makitang gising na siya ay umayos agad ito ng upo sa silya sa gilid ng kama. "Anak, okay ka na ba?"
"M-mommy," aniya habang pinangingiliran na ng luha. Hindi niya alam kung magsasabi ba siya rito o itatago na lang.
"Ano bang nangyari? Kagabi ay ang lakas ng sigaw mo tapos nawalan ka ng malay. Ang sabi ng mga pinsan mo ay naglaro lamang kayo."
Hinawakan niya ang kamay nito. "Where are they?"
Takang tiningnan siya nito pati sa kamay niyang mahigpit na nakahawak. "N-nasa baba. Gising na sila kasi nag-almusal na kami kanina. Bakit, anak? May problema ba?"
Napalunok siya bago umiling. Siguro ay nagiging over acting lang siya sa mga bagay-bagay. "W-wala po."
"Nagugutom ka na ba? Gusto mo bang ipaghain kita sa kusina? Champorado ang niluto ni Manang Isa."
Tumango na lang siya nang marahan. "S-sige po."
"Sige. Bababa muna ako—"
"I-iiwan mo po ako rito, m-mommy?" tanong niya. Nanginginig ang boses.
Tumango ito. "Oo, anak. Bakit ba? Ano ba kasing problema? Nag-aalala na ako."
Tinitigan niya ito sa mga mata. Alam naman ni Charlotte na okay lang na magsabi siya rito pero natatakot siya na baka hindi nito paniwalaan ang mga narinig at nakita niya noong nagdaang gabi. Bumitiw siya rito.
"W-wala po."
"Kung may problema ka, anak. Sabihin mo sa akin, okay? Nandito lang ako. Makikinig ako." Hinaplos pa nito ang buhok niyang maiksi. "Ngumiti ka na."
Pinilit niyang ngumiti kahit na alam niyang hindi iyon aabot sa kaniyang mga mata. Napabuntonghininga na lang si Charlotte nang tuluyan na nga itong lumabas ng kwarto.
Napasandal na lang siya sa headboard ng kama perp ang mga mata ay kung saan-saan dumadapo. Baka kasi makita niya ang multong si Franco. Nag-sign of the cross pa siya upang masigurong hindi niya ito makikita.
Nang makita niya ito kagabi, alam niyang hind siya namamalik-mata lang o kaya ay pinaglalaruan ng kaniyang imahinasyon. Narinig at nakita ang si Franco, kung ito nga ang multong natawag nila dahil sa Ouija board.
Ngayon siya nagsisisi dahil hindi sila nakinig kay Amelia.
Noon niya naalala ang pinsan. For sure ay alam nito ang totoo. Kung totoo bang nakita niya si Franco o imahinasyon lang niya.
Natigil si Charlotte sa pagsasalita nang bumukas ang pinto. Nakahinga siya nang maluwag nang makita sina Olivia at Elijah.
"Hoy, ano kumusta ka na?" tanong ni Olivia na tumabi sa kama. "Okay ka na ba?"
"Bakit ka ba hinimatay kagabi? Grabe yung takot ko!"
Nabuhayan siya ng loob. "S-saan ka natakot, Elijah? Nakita mo rin ba?"
"Oo naman!" anito.
Bahagya siyang natawa. "You mean—"
"Kitang-kita ko kung paano ka tinakasan ng kulay tapos sumigaw saka ayon, nawalan ng malay!" anito.
"Ha?"
"Ano ba kasing nangyari? Sa itsura mo ay para kang nakakita ng multo," ani Olivia. "Ano? Gwapo ba?"
Tumingin siya sa mga ito. "H-hindi ninyo n-nakita?" nagsisimula na siyang magtaka.
"Alin ba kasi!?" tanong ni Elijah sa kaniya.
Muling bumukas ang pinto at pumasok doon si Amelia. Nakita niya ito pero ang atensyon ay nasa dalawang pinsan na nasa tabi.
"Hindi ba ninyo n-nakita? M-may lalaki..." Hindi na niya naituloy pa ang sasabihin. Tila tumigil kasi ang mundo niya at ang kaniyang puso, parang gusto lumbas sa sobrang kabang nadarama dahil sa nakikita. Nanginginig ang kaniyang mga kamay na tumuro sa likod ni Amelia.
"S-siya iyon..." aniya habang nakatingin sa lalaking nakita niya kagabi. Ganoon pa rin ang itsura nito.
Naglalakad sa likod ni Amelia at nang makita siya nitong tinititigan niya, kumaway pa ito. "Hi!"
Muli, sa magkaibang oras ay napasigaw na naman siya kagaya noong nakaraang gabi. Ngunit ang kaibahan, ngayon ay hind siya nawalan ng malay. Nangilid ang luha niya dahil sa labis na takot. Kinuha niya ang kumot at nagtalukbong doon. Pinilit na itago ang sarili laban sa multong nakasunod kay Amelia.
"Tawagin ninyo si Tita!" ani Amelia kaya naman tumalima agad ang dalawa.
Sigaw siya nang sigaw. "Multo! Oh my God, multo!"
Naramdaman niya si Amelia sa gilid ng kama niya. "Calm down, Charlotte. Nandito ako."
Umiling siya kahit hindi siya nito nakikita sa ilalim ng kumot. "M-may multo! N-nasa likod mo. Kasunod mo siya! Amelia, please... I-I'm scared! Paalisin mo siya!" sigaw niya.
Narinig niya ang paghinga nang malalim ng kaniyang pinsan. "Calm down, Charlotte. Kausapin mo nga ako nang maayos. Hindi tayo magkakaintindihan kung hindi ka kakalma."
Inalis niya ang kumot dahil sa inis dito. Tiningnan ni Charlotte ng masama ang pinsan. "Easy for you to say! H-hindi mo kasi n-nakikita yung nakikita ko." Muli niyang tinakip ang kumot. Ayaw niyang makita na naman ang lalaking nakikita niya ngayon.
Narinig niya na nagsalita si Amelia pero parang hindi para sa kaniya.
"Kita mo na? Takot siya. I've told you. Hindi ka niya matutulungan."
Kumunot ang noo niya sa ilalim ng kumot.
"Tsk. Paasa."
Nanlaki ang mga mata niya nang marinig ang pamilyar na tinig mula sa kung kanino. Naitakip niya ang kamay sa bibig. "Sino iyon?" tanong niya sa sarili.
"May iba pa bang paraan para matulungan ka namin?"
"I don't know. Basta ang alam ko, siya lang ang makakatulong sa akin."
"Paano nga at iyan oh, nakikita mo? Pumapangit na at parang baliw dito— aray!"
Hinampas niya kasi ito sa braso. "Anong pumapangit ka diyan!?" nakataas ang kilay niya habang mataray na tiningnan ito.
"Bakit ka nanghahampas?" anito saka siya inirapan. Ngumuso pa ito. "May naghahanap sa iyo!"
Natigilan siya at ang taray kanina ay unti-unting nawala. Kumapit siya sa braso ng pinsan at hinila ito. Pilit na nagtago sa likuran at parang maitatago siya laban dito.
"W-wala akong pakialam sa kaniya. Nakakausap mo pala sya. Tell him na huwag magpakita sa akin! Please, Amelia. I'm scared!"
"Ano ba, Charlotte? Kagabi ang tapang-tapang mo. Ngayon ay pa-scared-scared ka pang nalalaman! Kausapin mo na kasi nang tumigil na!"
"No! No! I'm sorry okay. Please, ikaw na!"
Parehas silang natigil nang bumakas muli ang pinto at pumasok ang mommy niyang bakas ang pag-alala sa mukha kasama sina Olivia at Elijah.
"Anak, ano bang nangyari? Tell me." Humarap ito sa mga pinsan niya. "Hindi ba kayo magsasabi?"
Naiyakap na lang ni Charlotte ang sarili sa ina.
Si Amelia ang nagsalita. "I think lalabas na muna po ako, Tita." Humakbang ito palapit sa pinto.
Tiningnan ito ni Charlotte at halos magtayuan ang kaniyang mga balahibo nang magtama ang mata nila ng lalaking multo. Ngunit sa isang iglap, tila may sakit siyang nabasa roon at kahit ang kaniyang puso ay nadama rin iyon. Pero sa sa napakabilis na sandali, napalitan iyon ng isang tingin na may puno ng galit. Sumunod ito kay Amelia at doon lang siya nakaramdam ng kapayaan.
Naisubsob na lang ni Charlotte ang mukha sa kaniyang mommy. Wala siyang ibang maramdaman ngayon kung hindi ang takot.
KUMALMA lang si Charlotte makalipas ang ilang minuto. Sa tulong ng kaniyang mommy pati na nina Olivia at Elijah ay kahit paano napanatag ang sarili.
"Ano bang nangyayari sa iyo, anak?" bakas na sa mukha ng mommy ni Charlotte na sobra itong nag-aalala para sa kaniya.
Kahit ang dalawa niyang pinsan ay ganoon din ang mababasa emosyon sa mga mukha.
Tumingin siya sa mga ito. "H-hindi po ba talaga ninyo n-nakita yung lalaki diyan kanina?"
Nagkatingin ang tatlo saka umiling. Si Olivia ay mas lumapit kay Elijah dahil sa takot. "Sinong lalaki? Bukod kay Elijah, wala ng ibang lalaki sa kwarto mo kanina."
"Anak, masama ba ang pakiramdam mo?" Nilagay pa nito ang palad sa kaniyang noo at leeg. "Normal naman ang temperatura mo. Bakit parang wala ka sa sarili."
"Mommy, ayos lang po ako. May nakita talaga akong lalaki kanina. Actually, kagabi pa. Noong una, narinig ko lang siya tapos... Tapos..." Naitakip niya ang mga palad sa mukha. Nang alisin iyon ay kina Olivia siya tumingin. "Dapat nakinig tayo kay Amelia."
"Pati ba naman ikaw, naniniwala kay Amelia. Alam mo naman na may pagka-weird ang pinsan natin na iyon kung minsan!"
"Kaya nga. Baka pinag-tritripan ka lang niya!"
Umiling siya. "Hindi. Hindi niya ako pinag-tritripan. Alam ko at sigurado ako, narinig ko ang lalaking multo... S-si Franco! Tama! Si Franco!"
"Franco?" Kunot ang noong tanong ni Elijah.
"Oo. Siya yung multong natawag natin nang maglaro tayo ng Ouija board kagabi!" aniya.
"Charlotte! Naglaro kayo ng board na iyon!? Alam mo ba na napakadelikado noon!?" ani mommy niya na halatang hindi nagustuhan ang kanilang ginawa.
Naluha na lang si Charlotte. Ngayon, naniniwala na siya at sobra na siyang natatakot dahil may multo ngang umaaligid sa kaniya.