HINDI maiwasan ni Cecilia na hindi mamangha nang huminto ang sasakyan ni Ephraim sa tapat ng isang bahay, kung bahay nga ba itong matatawag dahil sa laki ni'yon.
"Welcome to my house, Cecilia," sabi ng binata na ikinalingon niya rito.
"Sa'yo ito?"
"Kaduda-duda ba na sa akin ang bahay na ito?"
"Hindi sa ganu'n."
Naiiling na umibis ito at nagtungo sa likuran ng sasakyan para kunin ang dala niyang maleta. Siya naman ay bumaba na rin habang hindi pa rin makapaniwala sa nakikita. Para siyang bumalik sa sinaunang panahon. Hindi rin niya maiwasan na mamangha sa ganda ng paligid dahil puno iyon ng mga ibat-ibang klase ng halaman at mga bulaklak.
Doon niya naalala ang flower shop niya. Nilingon niya si Ephraim. "Raim, may gusto sana akong sabihin—"
"Later," agad nitong sabi. "May trabaho pa ako na dapat asikasuhin. Siningit ko lang ang paghatid sa'yo rito."
Doon naman may babaeng lumabas para salubungin sila. "Nandito na pala kayo, Señorito Raim."
"Nanay Delia, this is Cecilia. Cecilia, this is Nanay Delia," pagpapakilala ng binata sa kaniya.
Tipid niyang nginitian si Nanay Delia. "Kinagagalak ko ho kayong makilala, Nanay Delia."
"Ganu'n din ako, Hija."
"Nay Delia, kayo na ang bahala kay Cecilia. I'll be back before dinner," sabi ni Ephraim sa matanda bago ito sumakay sa sasakyan.
Tinanaw lang niya ang papalayo nitong sasakyan. Kung abala pala siya, sana pinagliban muna nito ang paglipat sa kaniya rito.
"Halika't ipaghahanda kita ng miryenda. Ipapaakyat ko na lang sa kwarto ang gamit mo." Inakay siya ng matanda papasok sa loob ng bahay.
Habang naglalakad sila ay hindi niya maiwasang ilibot ang mga mata sa buong paligid ng bahay. Namamangha siya sa mga nakikita dahil halos lahat ng kagamitan doon ay mga antique na. Pero kahit pinaglipasan na ng panahon ay hindi pa rin maitatanggi ang angkin ni'yong ganda.
Napahinto siya sa paglakad nang mapukol sa kaniyang paningin ang isang kulay puting piyano na nasa gilid ng fire place. Lumapit siya doon at hindi iyon mapigilang himasin.
"Marami talaga ang naaagaw na atensyon ang piyanong iyan," pukaw sa kaniya ni Nanay Delia mula sa kaniyang likuran.
"Pasensya na ho, hindi ko ho mapigilan na hindi lapitan at hawakan."
"Ayos lang. Kung nabubuhay pa ang Señora Esmeralda, siguradong buong maghapon na mapupuno ng musika ang bahay na ito."
"Sino ho si Señora Esmeralda?"
Nilapitan siya ni Nanay Delia, hinawakan sa kamay at malumanay na hinila paalis.
"Siya ang ina ni Señor Romano. Mabait siya at maalaga sa mag-aama. Bueno, magmiryenda ka muna para matulungan kitang mag-ayos ng mga gamit mo.
Dinala siya nito sa komedor at hinainan siya nito ng cake at juice.
"May iba ka pa bang gusto? Ipagluluto kita."
"Naku! Tama na ho sa akin ito, Nanay. Salamat ho."
Tipid siya nitong nginitian. "Nasabi na sa akin ni Señorito Raim ang pagtira mo rito. Masaya ako't nahanap na rin niya ang babaeng para sa kaniya. Bonus na lang na magkakaanak na kayo."
Nahinto sa ere ang pagsubo niya ng cake. Hindi ba sinabi ni Ephraim dito na hindi ito ang ama ng dinadala niyang bata? Syempre, sino ba ang magiging proud na ipalandakan sa iba na aakuhin niya ang anak ng ibang lalaki? Hindi dapat siya maapektuhan dun dahil hindi naman totoong nagdadalang-tao siya.
"May problema ba?" tanong ni Nanay Delia nang mapansin ang bigla niyang pananahimik.
"Wala po, Nay. Bigla lang pong sumakit ang ulo ko," pagsisinungaling niya.
"Ganu'n ba? Marahil napagod ka rin sa byahe. Naku! Natural lang iyan sa nagdadalang-tao. Gusto mo bang magpahinga na muna?"
Tipid niya itong nginitian at pagkakuway ay tumango.
"Sige, ihahatid kita sa magiging kwarto mo. Ililigpit ko lang ito saglit."
Pagkatapos nitong mailigpit ang pinagkainan niya ay hinatid siya nito sa kanyang magiging kwarto.
"Ito raw muna ang magiging kwarto mo habang hindi pa kayo kinakasal ni Señorito Raim," anito nang mabuksan ang pinto ng kwarto.
Hindi niya masabi na simple lang ang kwarto dahil mayroong malaking kama sa gitna at halos kumpleto ang gamit sa kwartong iyon.
"Magpahinga ka muna. Mamaya na lang kita tutulungan na ayusin ang mga gamit mo."
"Maraming salamat po, Nay."
Nang siya na lang ang naiwan sa kwarto ay pabagsak niyang inihiga ang katawan sa malambot na kama. Sa ngayon hahayaan na muna niya ang lahat habang hindi pa nabubuko ang kasinungalingan nila ni Ephesian.
MALAMIG na simoy ng hangin ang nagpagising kay Cecilia. Napabalikwas siya ng tayo nang makitang madilim na ang paligid ng kwarto.
Napahawak siya sa kaniyang lalamunan dahil nagsimula nang umatake ang takot niya. Meron siyang phobia sa dilim, hindi niya alam kung bakit siya nagkaroon ng ganito.
Nahihirapan na humingang umalis siya sa ibabaw ng kama. Dahil sa hirap sa paghinga ay bumagsak siya at hindi naiwasang may mabanggang gamit dahilan ng pagkakaroon ng ingay.
Doon bahagyang lumiwanag ang paligid nang bumukas ang pinto at iniluwa ni'yon si Ephraim. Agad nitong binuhay ang ilaw nang makita siya sa ganu'ng ayos.
"Cecilia!" Nilapitan siya nito at inalalayang tumayo.
"What happened?"
Mahigpit siyang napakamit sa braso nito habang agaw ang kaniyang hininga.
"Ayos lang ako. Umatake lang ang phobia ko."
Nangunot ang kanyang noo. "May phobia ka sa dilim?"
Marahan siyang tumango. Maingat siya nitong iniupo sa gilid ng kama at sinuri ang buo niyang katawan.
"Ayos lang din si b-baby," aniya na makita ang pag-aalala sa mga mata nito na baka may nangyaring hindi maganda sa dinadala niyang bata 'kuno'.
"Sana sumigaw ka na lang kaysa naglakad ka pa. Paano kapag may nangyari sa bata?" may bahid na inis sa boses na sabi nito.
Nagbaba siya ng tingin. "Pasensya na."
Narinig niya ang pagbuntong-hininga nito. "Sasabihan ko si Nanay Delia na huwag hahayang maging madilim ang paligid ng villa para sa kapakanan ng dinadala mo."
"S-salamat."
Muli itong nagpakawala ng buntong-hininga. "By the way, Dad is here. Ayusin mo ang sarili mo, hihintayin ka namin sa sitting area," sabi nito at pagkatapos ay humakbang na palabas ng kaniyang kwarto.
Marahas siyang nagbuntong-hininga bago tumayo at nagtungo sa banyo para mabilis na na maligo at nagsuot ng pambahay na komportable sa kaniyang katawan. Nagsulaklay lang siya at pagkuwa'y lumabas na ng kwarto at dumiretso kung saan naghihintay ang mag-ama.
Naabutan niya ang dalawa na seryosong nag-uusap sa sitting area.
"Magandang gabi ho, Sir Romano," bati niya sa ama ni Ephraim.
Awtomatikong ngumiti ito pagkakita nito sa kaniya. Tumayo ito, lumapit sa kaniya at hindi inaasahan na binigyan siya nito ng yakap. Nang tumama ang tingin niya kay Ephraim ay wala siyang nakitang kahit na anong emosyon sa mga mata nito.
"Kumusta ang pakiramdam mo, Cecilia?" tanong nito nang pakawalan siya nito.
"Ayos lang ho, Sir Roman."
"Stop calling me sir. You are about to marry my son, Raim. Why don't you start calling me daddy or kung saan ka kumportable."
"Umh... Okay, Papa." Hindi niya alam kung bakit biglang pumatak ang mga luha niya. Marahil nami-miss lang niya ang kaniyang ama.
"Hey, why are you crying? May nasabi ba akong mali?" may pag-aalala nitong tanong.
Mabilis siyang umiling at tinuyo ang kaniyang pisngi. "Pasensya na po, naalala ko lang ho ang papa ko. Bigla ko lang ho siyang na-miss."
"Ganu'n ba? Don't worry, I can be your dad. Pwede mo akong kausapin, lapitan kapag kailangan mo ng amang makakausap."
"Salamat po, Pa. Pasensya na po ulit."
"You nothing to worry about. Ganyan daw talaga ang nagbubuntis, very emotional."
Narinig niyang tumikhim si Ephraim. "By the way dad. Ngayong kasama ko na si Cecilia, mabuti siguro kung ipa-check ko siya."
Biglang nanigas si Cecilia sa kaniyang kinatatayuan. Kapag pinatingin siya ni Ephraim sa isang espesyalista, malalaman na nito ang katotohanan na hindi talaga siya nagdadalang-tao.
"Bakit hindi na lang pagkatapos ng kasal ninyo? Marami kayong oras para gawin iyan. Gusto ko na kayong maikasal hanggat maaga pa," sabi ni Papa Romano na nagpakalma sa puso niya.
Saglit na hindi nagsumagot si Ephraim. "Okay."
Inalalayan siya ni Romano na umupo sa tabi nito "Umh, Papa, gusto ko po sana simple lang ang kasal. 'Yung tayo-tayo lang po," maya'y sabi niya.
"Simpleng kasal? Baka nakakalimutan mo na isang Verdadero ang mapapangasawa mo?" masungit na sagot ni Ephraim sa kaniya.
"Pero diba ang mahalaga lang naman ay maikasal ako sa'yo? Para kasi sa akin sagrado ang kasal. Ayokong humarap sa simbahan na wala tayong damdamin para sa isa't-isa."
"Sangayon ako kay Cecilia, Raim," sangayon ni Romano sa mungkahi niya.
Nakita niya ang inis sa mga mata nito nang magkatitigan silang dalawa. Siya ang unang nagbaba ng tingin dahil hindi niya makayanan ang paraan ng pagtingin nito san kaniya.
"Okay, if that's what you want. Aasikasuhin ko na agad ang lahat ng mga dokumento natin para sa kasal. By next week asahan mong ganap na asawa na kita, Cecilia," anito sa kaniya.
Mabilis na tumahip ang puso niya. Pakiramdam niya namumula sa kapal ang mukha niya. Hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit nakaramdam siya ng kaligayahan na magiging asawa niya si Ephraim.
"Buweno." Tumayo na si Romano. "Lumalalim na ang gabi. Dumaan lang talaga ako rito para kumustahin ka, Cecilia."
Tumayo na rin siya. "Maraming salamat ho, Papa."
Tipid na ngiti ang ibinigay nito sa kaniya bago ito humakbang palabas ng bahay.
"Ihahatid na kita," si Ephraim na sumunod sa ama.
Buntong hiningang muli siyang umupo. Hindi pa man din siya ikinakasal kay Ephraim nai-stress na siya. Pero hindi rin niya mapigilan ang makaramdam ng excitement sa pag-iisang dibdib nila kahit na sa maling paraan.
"You should be happy, Dad likes you."
Nabaling ang tingin niya kay Ephraim na nakasandal sa dahon ng entrance door.
Pinagkrus nito ang mga braso sa tapat ng dibdib nito. "Paano mo nakilala si Kuya Ephesian?" biglang tanong nito.
"Nagkakilala kami sa bar. Sinubukan niya ako—"
"Bar? Hindi pa ba sapat ang sampungdaang libong binigay ko sa'yo?"
"Hindi kasi—"
"So, nagsinungalin ka lang pala sa akin noon?"
"Hindi! Nandoon ako kasi sinubukan akong—"
"Sabagay, bakit nga ba ako naniwala sa isang uportunistang katulad mo?"
Marahan siyang napatayo. "A-ano? Nagkakamali ka! Sinusubukan kong ipaliwanag sa'yo, pero ayaw mo akong pakinggan!!! "
"I don't need your explanation. Magpasalamat ka na lang dahil minahal ka ng kapatid ko. At huwag mong kalilimutan kung ano ang dahilan kung bakit ka nasa kinatatayuan mo ngayon. Wala dapat makaalam na hindi ako ang ama ng dinadala mo ngayon. Huwag mo akong bigyan ng kahihiyan, Cecilia." Nilampasan na siya nito.
"Go to your room and sleep," sabi pa nito na tuluyan siyang iniwan.
Sinundan niya ng tingin ang dinaanan ni Ephraim. Parang hindi na ito ang dating Raim na nakilala niya noon. Puro galit at pait ang nakikita niya sa mga mata nito at hindi niya alam kung bakit.
Bagsak ang balikat na muli siyang bumalik sa kwarto niya. Hiniga niya ang katawan at ipinikit ang mga mata. Sa kaniyang malalim na pag-iisip, hindi niya namalayan na nakatulog na pala ulit siyang.