AZUL
Nagising ako na napakasakit ng ulo ko. Parang may hang-over ang pakiramdam ko at ang bigat bigat ng katawan ko. Pero dahil nagugutom na ako, kusang nagising na ang diwa ko.
Namumungay pa ang mga mata ko at kinukusot ko pa ito. Nakita ko ang kapaligiran. Isang gubat. Isang napakagandang gubat. Sa isang tingin ko pa lamang, alam ko nang napakayaman ng kagubatan na ito sa natural na yaman.
Maraming mga buhay na puno at bunga. Maraming mga halaman. May nakikita rin akong iba’t-ibang hayop. Napaka berde ng damo at parang virgin forest pa itong gubat na ito.
Napakaaliwalas ng kalangitan. Para akong nasa Hardin ng Eden sa sobrang ganda. Kahit ang natural na tunog ng kalikasan gawa ng lawa sa gilid ay napakasarap sa pandinig. Nakakarelax.
Teka, Hardin ng Eden!
Napasinghap ako at tuluyan nang nagising ang bawat himaymay ko.
Diyos ko, patay na ba ako?! Bakit nasa Hardin ng Eden na ako?
Pero teka, masamang damo ako. Kung mamamatay man ako, tiyak na hindi ako sa Hardin ng Eden mapupunta!
Kung gayon, nasaan ako?
Kinurot ko ang sarili ko dahil baka nananaginip lang ako. Pero nasaktan ako. Ibig sabihin, totoo ang nangyayaring ito. Totoong nasa gubat ako na hindi ko alam kung nasaang parte ng mundo!
Bigla akong sinakop ng kakaibang kaba. Ang lakas lakas ng kabog ng dibdib ko. Hindi ako nerbiyoso at matatakutin na tao, pero ngayon, kahit ang ganda-ganda ng paligid hindi ko maiwasan hindi kabahan.
Paano naman ako mapupunta rito, samantalang ang huling natatandaan ko eh naglalaro ako ng online game sa computer ko? Mag-isa lang ako sa apartment ko at bigla na lang akong mapupunta rito?
Bigla akong natigilan. Online game… computer… apartment…
Napasinghap ako. Natatandaan ko na ang lahat!
Naglalaro ako ng The World Beneath tapos biglang tinanong ako ng laro kung gusto kong pumasok sa laro mismo. At syempre, dahil gusto ko naman talaga, sinagot ko ang Yes.
Biglang may kakaibang portal at enerhiya ang humigop sa akin. At heto nga, nagising na lang ako sa lugar na ito!
Nanginig ako sa kaalaman na ‘yon.
That can’t be. Hindi pupwedeng mangyari ‘yon. Isang kaimpossiblehan ang mapunta ako sa ibang dimension.
Adik lang ako maglaro ng online games, pero hindi pa ako baliw!
There is no way na maniniwala akong nakapasok nga ako sa laro! Ano ‘yon, magic?
Kinakabahan man, pero pilit kong hindi ipakita ‘yon. Gusto kong makita ang paligid. Gusto kong makita kung nasaan ako.
Sa paglalakad ko ay nakakita ako ng isang lion.
Napasigaw ako sa sobrang takot. Diyos ko, bakit may lion dito?!
Akmang tatakbo na ako dahil alam kong sasakmalin ako ng lion pero sa buong pagtataka ko ay nakatingin lang ito sa akin at parang walang pakialam. Humikab pa ito na parang pinapakita sa akin na wala itong pakialam.
Napasinghap ako. What the f**k is happening in this world?
Bakit maamo ang lion?
Sinamantala ko na itong pagkakataon at kumaripas ako ng takbo. Hindi ko alam kung saan ako pupunta. Kung saan ako dadalhin ng mga paa ko. Pero isa lang alam ko: gusto kong makatakas sa lugar na ito.
Ayaw kong paniwalaan ang naiisip ko.
Sa pagtakbo ko at hindi nakatingin sa daanan, nabunggo ako sa kung saan.
“A-Aray…!” napaigik ako at napaupo sa damuhan.
“N-Naku, pasensiya na!”
Agad akong napaangat ng tingin at nanglaki ang mga mata ko nang makita ang isang lalaki sa harapan ko. Isang tao!
Base sa itsura nito ngayon, mukhang kakagising lang din nito dahil magulo ang buhok nito at gusot gusot pa ang damit.
Pero agad na lumakas ang dibdib ko nang makitang may tao rin sa lugar na ito. Ibig sabihin, hindi ako nag-iisa!
OA na kung OA, pero parang gusto kong maiyak sa tuwa. Iba pala talaga kapag nakita mong may karamay ka.
Inilahad nito ang palad na para bang inaanyayahan siyang tumayo. Tinanggap niya ang palad nito at binangon siya mula sa pagkakahiga sa damuhan.
Napakamot ito sa ulo. “Pasensiya ka na, ha? Hindi kita napansin,” nakangiwing sambit nito.
Pinagpag ko ang puwitan ko at tumango. “Ayos lang,”
Nakita ko ang pagkunot ng noo ng lalaki at tumingin sa kapaligiran. Tila nagtataka rin kung nasaan ito.
Sinabi ko ang nasa isip nito. “Nagtataka ka kung nasaan ka, ‘no?”
Napakunot-noo ito sa akin. “Paano mo nalaman?”
Nagkibit-balikat ako. “Iyon din ang unang tanong ko nang magising ako eh,”
“Huh? So ibig mong sabihin kakagising mo lang din?”
“Oo,”
“Eh bakit tumatakbo ka?”
Tinignan ko ito. “Nakakita ako ng lion eh, sino bang hindi matatakot? Ayun, tumakbo ako ng tumakbo. Pero mukha namang harmless ‘yung lion. Hindi ako hinabol eh,”
Napakunot-noo lalo ito. Nailagay nito ang isang kamay sa baba. “So, ibig mong sabihin tulog ka rin noong nandito tayo? Kakagising lang nating parehas?”
“Ganoon na nga,”
“Hindi ko alam kung paano ako napunta rito,” sambit nito.
Tumango ako. “Ako rin. Parehas tayo. Hindi ko alam kung paano ako napunta rito. Ano ang huling natatandaan mo?”
Napaisip ito. “Hmm. Naalala ko lang eh, ‘yung naglaro ako ng online game. Sobrang sama kasi ng loob ko eh. Na postponed ‘yung kasal naming ng asawa ko dahil hindi ko kayang ibigay sa kanya ‘yung dream wedding niya. Pero fiancé ko pa lang siya. Sumubok naman akong umutang sa mga lending company, pero walang magpapautang sa akin ng two hundred thousand tapos hindi naman sapat ‘yung proof of income ko. Nagkahiwalay na rin kami. Selosa kasi masyado. Medyo nagiging ayos-ayos kami ngayon ng ina ng anak ko. W-Well, hindi kami magasawang totoo. P-Pero ganoon na ang tingin ko sa kanya,”
Bigla tuloy akong naawa rito. Tinapik ko ito sa balikat. “Pare, wala akong karapatan husgahan ang fiancé mo. Pero kung talagang mahal ka niya, kahit anong klaseng kasal pa ‘yan, kahit kasalang bayan pa ‘yan, magiging masaya at kontento siya. Hindi naman mahalaga kung gaano kabongga ang kasal eh, ang dami-dami r’yang ang eengrande ng kasal, pero sa hiwalayan din ang ending. Ang mahalaga kung gaano kalinis ang intensyon mo sa kanya at pagmamahal. Hindi mo kailangan mangutang para lang ibigay ang kapritsohan niya,” mabuway na sambit ko.
Nalungkot ito. “Eh hindi siya ganoon eh. Naiintindihan ko naman siya, syempre nga naman. Isang beses lang ang kasal sa buhay ng tao, dapat ‘yung gusto mo na,”
“Pero mali na ipilit niya ang hindi mo kaya. Magpakasal kayo ayon sa kakayahan ng bulsa niyo lang. Kayo rin ang mahihirapan sa utang na ‘yan in the future,” balik ko.
Tumango ito. “Salamat, pare. Tapos naglalaro ako..."
Kinabahan na ako. Laro?
“A-Anong laro…?”
“’Yung bagong launch na laro ngayong taon. The World Beneath, ‘pre,”
Lumakas ang kabog ng dibdib ko. Hindi ko maipaliwanag ang kaba ko. Namamawis na ang palad at kili kili ko sa sobrang tense.
Hindi. Hindi pwede ang iniisip ko.
“T-Tapos… anong nangyari…?”
“Ayun, naglaro ako, tapos natandaan ko eh may nag pop-out na notification sa akin, tapos tinanong ako kung gusto ko raw magkatotoo ang laro, I mean… kung gusto ko raw makapasok sa The World Beneath,”
Parang lalabas na ang dibdib ko sa katawan ko sa sobrang kaba. “T-Tapos anong ginawa mo?”
“Syempre, natawa ako, pare. Napakaimpossible naman kasing mangyari. Pero kung iisipin mo, parang ang sarap nga talaga ng buhay sa loob ng laro, ‘no? Walang problema. Parang perfect,”
Naglapat ang mga labi ko. “Anong ginawa mo?! Anong sinagot mo sa tanong?!” nanggigigil na tanong ko, hindi sa lalaking ito, kundi sa pangyayari.
Mukhang nagulat naman ito sa inasta ko.
“S-Syempre, sinagot ko ang yes. Alam ko namang hindi mangyayari eh,”
Kinilabutan na ako ng sobra. Parang malulumpo ako sa sobrang takot na nararamdaman ko ngayon.
“T-Tapos…?”
“Ayun, biglang nagbrown-out sa bahay. Sobrang dilim, ‘pre. As in. Nasa sala ako ‘non, kasi nasa sala ang computer set-up ko. Tapos sumisigaw ako, wala man lang nakakarinig sa akin. Hindi ako naririnig ng kapatid ko. Nasa taas kasi sila, tulog na ng ganoong oras,”
Ganoon na ganoon din ang nangyari sa akin.
“Tapos after ‘non, wala na akong maalala. Kasi may nyctophobia ako eh, takot ako sa sobrang dilim. Nahihimatay ako. Tapos ayun na, wala na akong naalala. Pagkagising ko naririto na ako, ikaw ang unang nakita ko rito. Teka, nasaan ba tayo?” napakamot ito sa ulo.
Ayokong maging OA. Alam kong nakakatawa. Pero… totoo nga.
Iginala ko ang paningin ko. Naglakad-lakad ako roon. Ang lawa… ang estatwa sa paligid… ang disensyo ng kapaligiran.
Walang duda… tama ang hinala ko.
Nanginginig ako sa natuklasan ko. Hindi. Hindi maaari.
Hinawakan ako nito sa balikat. “Pare, nasaan ba tayo? Hindi ko alam talaga ang lugar na ‘to,” clueless na tanong nito.
Sa nakikita ko sa aming dalawa, mukhang mas mahihimatay ito kapag nagpakita ako ng takot. Dapat kong sabihin lang sa kaswal na paraan kahit halos nahihimatay na ako ngayon sa labis na takot.
Maganda man ang kapaligiran, pero para sa akin ngayon, ay isang kamatayan ang lugar na ito.
Napalunok ako. Paano ko sasabihin sa taong ito ang nasa isip ko?
Huminga ako nang malalim. Naghihintay ito sa sagot ko.
“Ang nangyari sayo ay parehas din ng akin. Ang pinagkaiba lang, eh kitang kita ko kung paano ako napunta rito. Wala naman kasi akong phobia sa dilim,”
“A-Anong ibig mong sabihin…?”
“Brace yourself. Huwag kang magpakita ng kahinaan, but… I think… it’s true,”
“It’s true…? A-Anong ibig mo bang sabihin?” ninenerbiyos na tanong nito.
“We are now in the dimension of Elinia, The World Beneath,”
Isang malakas na pagsinghap ang narinig ko sa kausap ko.
ITUTULOY