Buong maghapon lang akong naglinis ng bahay namin at naglaba. Kaya nang matapos ako ay wala na akong lakas pang gumawa ng ibang bagay. Matapos kumain ay nagpahinga na rin ako. Binilinan ko pa ang mga kapatid ko na ‘wag akong gigisingin kung hindi rin lang naman importante. Gusto ko na lang talaga matulog, dahil bukas, pang-umaga na ang duty ko. Sinunod naman ako ng mga kapatid ko kaya dire-diretso ang naging pahinga ko.
Kinabukasan ay ang gaan-gaan ng pakiramdam ko, ang haba kasi ng itinulog ko. Hindi na rin nga ako nakapag hapunan. Kaya naman feeling ko ngayon, ay ang ganda-ganda ko. Sa haba ba naman ng itinulog ko bahagyang naglubugan ang mga eyebags ko. Ehehehe.
“Anak, gising ka na pala, halika’t kumain ka na muna bago ka maligo,” sabi sa akin ng aking ina nang makita niya akong patungo sana sa banyo.
Lumapit naman ako’t naupo sa upuang bakal sa harapan ng mesa. Tinimplahan naman ako ng kape ng aking ina at saka naghain ng pagkain. Habang hinihintay na maihain ni nanay ang pagkain sa ibabaw ng mesa, ay humigop muna ako ng kape. Hindi naman nagtagal at inilapag na ni nanay ang mga pagkain sa mesa at nag-umpisa na rin akong sumandok ng kanin.
“‘Nay, kumusta naman po ang pagtitinda sa palengke?” maya-maya’y tanong ko sa aking ina.
“Okay naman anak. Hindi naman matumal, at nakakaubos din naman kahit papaano,” nakangiting tugon niya sa akin, sabay upo sa katapat kong upuan.
“Mabuti naman po kung ganoon. Pero ‘nay baka naman nagpapagod po kayo ha? Magpahinga rin po kayo kung may pagkakataon.” Paalala ko sa kaniya, sobrang sipag kasi nito. Actually pinapahinto ko na siyang magtinda kaso, nahihiya raw siyang walang ginagawa. Kaya ang ending, ayun hindi ko na siya napigilan.
“Oo naman anak. ‘Wag kang mag-alala at nagpapahinga rin naman ako. Ikaw kumusta ka naman sa bago mong trabaho?” tanong niya sa akin.
“Masaya naman po. Mababait din naman ang mga ka-work ko kaya enjoy naman po,” sagot ko sa kaniya habang inuubos ang natitira ko pang pagkain sa plato.
“Mabuti naman kung ganoon,” tanging nasabi na lang niya sa akin.
Nang maubos ko ang aking pagkain ay nagpaalam na ako sa nanay ko. “Nay, maliligo na ho muna ako, nang makagayak na sa pagpasok.” Tumayo na ako sa pagkakaupo at tinungo ang banyo.
Nang matapos akong maligo at mag-ayos ng sarili ay muli akong nagtungo sa kusina upang maghanda ng aking baon. Nang masiguro kong kompleto na ang mga gamit ko sa pagpasok, nagpaalam na ako sa aking ina. Humalik pa ako sa pisngi niya saka ako naglakad palabas ng aming munting tahanan. Agad akong naglakad patungo sa sakayan ng bus, at maswerteng hindi pa siksikan ng mga oras na iyon. Kaya naman nakaupo pa ako nang maayos at komportable. Pagdating ko sa BSC ay agad akong nagbihis ng aking uniform, at inayos ang mahaba kong buhok para hindi makasagabal sa pagtatrabaho ko mamaya. Nang maayos na ang aking itsura ay saka lang ako lumabas at nag-punch in saka nagtuloy sa bar. Pagpasok ko ng bar ay agad kong binuklat ang aming log book upang magbasa. Dahil off ko kahapon, kailangan kong maging updated sa kung anong mga naganap kahapon.
“Good Morning friend! Kumusta ang off?” tanong ni Lheng sa akin nang lumapit ito sa bar. Sinulyapan ko naman siya’t nginitian.
“Ayun pagod din, naglinis ako ng bahay namin at saka naglaba,” sagot ko kay Lheng, off din nito kahapon kaya pareho kaming fresh!
“Ayyy ako rin eh pero linis lang ng bahay. Tapos meet up with my friends, you know,” nakangiting saad pa nito habang nag-aayos ng mga coaster sa labas ng bar counter.
“Buti ka pa. Ako after ng gawaing bahay, sleeping beauty na ako hanggang morning,” nakangisi ko namang turan sa kaniya.
“Ayyy sarap! Kaya pala looking fresh ka today oh!” sabi naman nito sa akin na tinawanan ko lang naman.
Maya-maya pa’y umalis na ito sa bar at nagtungo na sa cashier are. Itinuloy ko na rin ang pagse-set up ng bar para kapag dinumog na kami ng mga halimaw naming mga guests, handa na ang kagandahan ko! Hindi rin nga nagtagal at nag-umpisa nang magdatingan ang mga guests namin. Hindi naman masyadong busy kaya chill lang ang bawat kilos namin. Naglilinis na ako ng counter nang lumapit sa akin si Nica.
“Janice, kain ka na ako na muna rito,” sabi niya sa akin. Sinulyapan ko siya at napatingin sa orasang nakasabit sa itaas na bahagi ng bar.
“Alas-onse na pala. Sige Nix kakain muna ako, hindi pa naman busy eh.” Paalam ko sa kaniya habang naghuhugas na ako ng kamay sa sink malapit sa syphon pannels.
“Okay!” Ngumiti pa ito bago ako lumabas.
“MJ, let’s eat! Iwan mo na iyang si Julieta, malaki na iyan.” Yaya ko kay MJ nang madaanan ko siya sa pantry.
Kagaya ko ay pang-umaga rin siya. Napasulyap naman siya sa akin, saka tumingin sa orasang nakasabit sa dinding. Nagligpit ito ng gamit bago nagbilin kay Juliet.
“Beks, ikaw muna ang bahala sa negosyo ha? Lalafang lang muna aketch.” Bilin pa niya kay Juliet bago kami nag-punch out at naglakad patungo sa mini dining namin.
“Sige, enjoy!” tugon naman ni Juliet habang naghihiwa ito ng mga gulay.
“Good morning people!” bati ni Shen nang masalubong namin siya malapit sa mini dining.
“Mid-shift ka?” magkapanabay naming tanong ni MJ.
“Oo tapos bukas morning na. Off ni Juliet bukas eh,” sagot naman niya sa amin.
“Good! Tambay tayo nila Thum bukas. Out muna ang mag-playmate,” nakangising saad ni MJ.
“Okies! Siya padaanin niyo na ako at duty na ako.” Sabay hawi ni Shen sa amin ni MJ.
Napapailing na lang kaming sinundan ng tingin si Shen. Nagtungo na rin kami sa dining area at inilabas ang aming mga pagkain. Mabilis lang kaming kumain at naidlip sa locker. Matapos ang aming break ay nagbalik na kami sa aming duty.
Mabilis muling lumipas ang mga oras at ala-una y medya na pala ng hapon. Isa’t kalahating oras na lang at uwian na namin ni MJ. Kasalukuyan akong naghihiwa ng coffee jelly nang tumunog ang chime sa entrance ng BSC, indikasyon na may pumasok sa loob ng coffee shop. Automatic na umangat ang ulo ko at akmang babati sa guest na kapapasok lang nang mabitin ito. Bakit? Si Sir table 101 kasi ang pumasok na iyon!
“Hi Janice, good afternoon!” Nakangiting bati niya sa akin.
Ayyy! Bakit ganoon? Ang guwapo-guwapo niya talaga! Tapos para pang nang-aakit ang mga ngiti niyang iyon! Ayyy! Sir, huwag kang ganiyan, natutunaw ako! Charot!
“G-Good a-afternoon po,” nauutal ko pang tugon sabay kagat sa aking labi.
“The usual please,” wika naman niya sa akin, sabay talikod at upo sa paborito nitong puwesto.
“Okay Sir,” tanging sagot ko sa kaniya at saka inumpisahang gawin ang orders niya. Sinabi ko na rin kay Lheng na i-punch na lang iyong orders na sinunod naman nito. Ilang sandali pa at maayos ko nang nailagay sa ibabaw ng tray, na nakapatong sa counter ang orders ni Sir Rusty. Nagpunas muna ako ng aking mga kamay saka iyon dinala sa table nito.
“Here are your orders, Sir!” masaya kong wika sa kaniya saka maingat na inilapag ko sa mesa niya ang mga orders niya. “Enjoy your coffee and cake Sir!” nakangiti kong saad saka tumalikod upang maglakad pabalik sa loob ng bar nang magsalita siya.
“Ahm, thank you Janice. I always enjoy my coffee and cake, especially when it’s prepared by you.” Napalingon naman ako sa sinabi niya.
Shocks! Teka baka nalaglag na ang panty ko! Eh paano ba naman kasi mga besh, ‘yung tingin niya ay talaga namang makalaglag panty! Imagine, nakatitig siya sa akin habang nakaangat ang isang gilid ng labi niya. Half smile ganurn. Ngumiti lang ako ng tipid sabay talikod muli sa kaniya. Kinikilig ako, pero pinilit ko pa rin maglakad ng normal.
Pagdating ko sa likod, bago pumasok sa bar ay saka ako impit na nagtititili at nagtatatalon pa sa tuwa. Nang ma-satisfied, kinompose ko ang aking sarili, saka pumasok sa bar. Tumingin ako sa table ni Sir saka siya nginitian nang pagkatamis-tamis. Ewan ko ba mukhang tanga lang ako ‘no?
“Janice, OT? Three o’clock na girl!” untag sa akin ni Nica na nakapagpagising sa akin sabay tingin sa orasan.
Huh? Bakit parang ang bilis naman ng oras? Nalungkot naman ako saka napatinging muli sa table 101. Hayyy, iiwan ko na si Sir Rusty. Napabuntong hininga na lang ako sabay harap kay Nica.
“Naku, hindi ko namalayan ang oras eh. Ahm, Nix wala naman na akong ie-endorse sa iyo. See yeah bukas!” Paalam ko na sa kasamahan ko, saka bumaling sa table 101. “Sir, thank you for coming po. Mauuna na po ako sa inyo!” Nakangiting paalam ko rin kay sir Rusrty.
“‘Wag mo po akong mami-miss!” Gusto ko sanang idagdag kaso, I’m shy ehehehe.
“Ohw, pang-umaga ba ang shift mo?” tila gulat naman nitong tanong sa akin.
“Opo Sir for this week po,” nakangiti kong sagot sa kaniya. Sinadya ko talagang sabihing for this week, just in case lang naman. Ahahaha!
“Ahhh okay. Take care Janice and thank you!” Itinaas pa nito ang cup ng kape nito. Tinanguan ko lang siya saka nakangiting umalis na sa bar.
“‘Lika na friend. Akala ko OT ka eh tagal mo kasi mag-out,” sambit ni MJ nang makarating na ako sa locker.
“Puwedeng magbihis muna ako?” pabiro kong tanong sa kaniya.
“Puwede naman friend.” Humagikhik pa ito saka lumabas ng locker.
Matapos magbihis ay niyaya ko na si MJ na umalis. Naglalakad na kami nang may bumusina sa aming likuran. Kunot-noo akong lumingon at tiningnan ang sasakyang bumusina sa amin. Nasa gilid naman kami ng kalsada, kaya nagtataka kami kung bakit ito bumubusina. Tinted ang sasakyan kaya hindi namin makita ang nasa loob ng sasakyan.
“Friend, baka iyan iyong nandudukot ng mga bata. Baka akala bata ako dukutin ako bigla!” pabulong na wika ni MJ, at ang loka nagtago pa talaga sa likuran ko.
“Gaga! Unang-una, hindi naman iyan puting van kaya hindi iyan ‘yon. Pangalawa, hindi ka bata at hindi ka mukhang bata, kaya magtigil ka riyan! ‘Wag ambi (short for ambisyosa) my friend!” Kinurot naman ako nito kaya bahagya akong natawa.
Nagpatuloy na lang kami sa paglalakad. Ngunit hindi pa man kami nakakalayo ay muling bumusina ang sasakyan. Muli kaming huminto at lumingon. This time nagbaba na ng bintana ang driver nito. Bahagya pa akong napanganga nang makilala kung sino ang driver ng sasakyang iyon.
“Friend, kung siya ang dudukot sa atin, papayag na ako! Ako pa mismo ang sasakay sa sasakyan niya!” sabi ni MJ na kinikilig pa sa tabi ko. Pa-simple ko naman siyang kinurot naikinahagikhik lang lalo nito.
“Janice, sumabay na kayo sa akin. Saan ba kayo niyan?” tanong ni Rusty sa amin.
“Ahhh, ehhhh, Sir nakakahiya naman po. Thank you na lang po,” sagot ko naman sa kaniya kahit pa ang totoo, like na like ko ang idea niyang iyon.
“Sige na on the way naman yata ako sa pupuntahan niyo,” nakangiting saad pa nito na may kasamang pamimilit.
“Ayyy, Sir diyan lang naman ako sa crossing, pero itong si Janice sa Fairview pa po ito uuwi.” Huli na nang mapigilan ko ang madaldal kong kaibigan.
“Oh, ayun naman pala eh. Tamang-tama may pupuntahan din ako sa Fairview. Tara na!” sabi pa niya sa amin. Bago pa man ako makasagot ay nakababa na siya ng sasakyan niya at ipinagbukas na kami ng pintuan niyon.
“Thank you po Sir. Nakakahiya naman po sa inyo,” nahihiyang sambit ko habang nakayuko.
“Walang anuman, para sa paborito kong barista.” Narinig kong sambit niya, kaya naman napaangat ang ulo ko at naghinang ang aming mga mata.
‘Shocks! Why so close? Kanina hindi naman tayo ganito kalapit ah!’ Halos maduling na kasi ako sa sobrang lapit ng mukha niya sa akin.
Bahagya pa akong napaatras at saka nahihiyang napangiti sa kaniya. Kalaunan ay sumakay na rin ako— nakakahiya nama kasing maghintay pa siya ‘di ba? Samantalang kami na nga ang mang-aabala sa kanya. Pero hindi naman daw abala so, i-feel na lang namin. Ehehehehe...