Tinawagan ni Muyou ang cellphone ni Craig at tumunog ito ng dalawang beses bago sinagot ni Craig.
"Hello?" tawag ni Muyou.
"Muyou, nasaan ka?" tanong ni Craig mula sa kabilang linya.
"Papunta ako sa school nila Fuyumi." sagot ni Muyou.
"Eh? Paano ang kapatid mo? Nangako kang susunduin mo siya, di ba?" tanong ni Craig.
"Pasensya na, Craig. Pasuyo na lang ako, ayokong umuwi siya mag-isa kaya gusto ko sanang ikaw ang sumundo." pakisuyo ni Muyou.
“Sige gagawin ko pero ano bang gagawin mo sa school nila Fuyumi?” tanong ni Craig sa kabilang linya.
“Kauusapin ko si Haruhi.”
“Ha?! Nagpapadalos-dalos ka.”
“Wala nang oras para maghintay ako na masalubong ko siya sa kalsada. Nagaganap na ang kwento.” sabi ni Muyou at saka niya binaba ang tawag kay Craig.
Naglakad siya papasok sa school nila Fuyumi. Isinuot niya ang headset niya pero di siya nagpatugtog. Ginawa lang niya iyon para maiwasan na may taong kakausap sa kanya na di niya kilala. Naglakad siya nang naglakad. Halos pinagtitinginan na siya ng mga estudyante na papunta pa lang sa club nila.
“Haha. Naalala ko na may ganitong eksena sa napanood kong anime. Hay, parang ang tagal na nung huling nanood ako ng ganon.” sabi niya sa kanyang sarili.
“Muyou?” tawag ng isang lalake sa kanya.
Lumingon si Muyou sa kanyang kaliwa at nagulat siya na may nakakakilala sa kanya.
“Hindi mo na ba ako kilala?” tanong ng lalakeng halos kaedad niya.
“Mahina ang memorya ko sa mga pangalan.” pagsisinungaling ni Muyou at tinanggal niya ang headset niya.
“Ako ito, si Kazuki.” pagpapakilala ng lalake sa kanyang harapan.
“Kazuki... Bakit kilala mo ako?” mabagal at nagtatakang tanong ni Muyou.
“Ano bang sinasabi mo d'yan? Magpinsan tayo, bakit naman kita makakalimutan?” tanong ni Kazuki.
“Pinsan? Ano 'to?” tanong niya sa kanyang sarili.
“Bakit ka nga pala nandito?” tanong ni Kazuki.
“A..ah. Sa totoo lang, gusto kong kausapin si Haruhi. Kilala mo ba siya?” tanong ni Muyou na kunwari ay hindi niya alam na magkaibigan sina Kazuki at Haruhi. “Si Kazuki ang matalik na kaibigan ni Haruhi. Mahilig mang-asar. Mabuting kaibigan pero minsan ay sumusobra ang pang-aasar. Namatay siya nung sinubukan niyang iligtas sina Haruhi at Fuyumi sa loob ng storage room. Yan ang nabasa ko sa librong alam ko.”
“Ah. Tamang-tama, may laro kami. Pwede mo siyang kausapin pagkatapos.” sabi ni Kazuki at tumango naman si Muyou.
Nagpunta sila sa field. Umupo naman si Muyou sa may gilid at pinanood ang practice ng soccer club kung saan kasali sina Haruhi at Kazuki. Mula sa kinauupuan ni Muyou ay natanaw niya si Haruhi.
“Haruhi...”
Napalingon si Haruhi sa direksyon ni Muyou at biglang kumaway. Alam naman ni Muyou na hindi siya ang kinakawayan. Lumingon si Muyou sa likuran niya at nakita niya ang nakabukas na bintana ng silid-aklatan. Nakita niyang nakaupo malapit sa bintana si Fuyumi. Napangiti si Muyou dahil hindi siya makapaniwala na makikita niya sa personal ang mga iniidolo niyang karakter sa loob ng ilang taon.
“Kahit anong gawin ko, kung pananatiliin kong buhay ang sarili ko... mababago pa rin takbo ng istorya. Isa pa, kulang pa rin ako sa oras.” bulong ni Muyou sa kanyang sarili.
Pagkatapos ng laro ay agad tumayo si Muyou sa kanyang kinauupuan at sinalubong sila.
“Oo nga pala, Haruhi. Ang pinsan ko nga palang si Muyou.” pagpapakilala ni Kazuki.
“Ako nga pala si Haruhi. Haruhi Trace.” sabi ni Haruhi habang nagpupunas ng pawis.
“Mas maganda kung aaminin mo na ngayon sa kanya yung nararamdaman mo.” pabulong na sinabi ni Muyou. “Muyou Robins.” sabi ni Muyou at nagkamayan sila ni Haruhi.
“Ha? Paano mo nalaman ang t-tungkol d'yan?” tanong ni Haruhi.
Nagdalawang-isip naman si Muyou na magsabi ng totoo kay Haruhi kaya agad niyang itinuro ang nakabukas na bintana ng silid-aklatan.
“Nakita kong masaya ka sa kinawayan mo kanina.”
“Pfffttt. Hahahaha. Pati ang pinsan ko, napansin ka.”
“Ganon na ba kahalata?” tanong ni Haruhi habang namumula.
“Para sa babaeng gusto mo, kung di mo diretsong sasabihin... hindi niya maiintindihan ang mga kilos mo.” sinabi ni Muyou at bigla na lang niyang naalala si Bianca na hindi man lang niya nasabi ng maayos ang nararamdaman niya.
“Oohh. Kailan pa naging matured ang isip mo, Muyou?” tanong ni Kazuki.
“Ngayon lang.” sagot ni Muyou habang nakangisi.
“Mauna na ako. Puntahan ko lang si Fuyumi.” sabi ni Haruhi at agad siyang naglakad palayo.
“Haruhi...” tawag ni Muyou at lumingon naman si Haruhi sa kanya. “Ingatan n'yo ang isa't isa.”
“Ha? Uhm... gagawin ko yan. Hanggang sa muling pagkikita.” sabi ni Haruhi at tuluyan na siyang umalis.
“Ano bang nangyayare sa 'yo, Muyou? Kanina ka pa parang may ibang tinatago.” tanong ni Kazuki.
“Maniniwala ka ba sa sasabihin ko?” tanong ni Muyou.
“Oo naman. Pinsan kita eh.”
“Ibig sabihin, maniniwala ka kapag sinabi kong ilang buwan mula ngayon ay mamamatay ka sa harap ng storage room?” seryosong tanong ni Muyou. “Yun nga lang ay, sa oras na talagang pinaniwalaan mo ang sinabi ko... baka patay ka na non.”
“Hindi magandang biro iyan, Muyou.” sabi ni Kazuki at kumunot ang noo niya.
“Akala ko ba paniniwalaan mo ko?” nakangisi si Muyou habang nagtatanong.
“Pa..para kasing hindi kapani-paniwala ang sinabi mo.”
“Ilang buwan din mula ngayon ay mamamatay ako. Sinusubukan kong umisip ng paraan para maniwala kayo sa mga sinasabi ko pero kaunti na lang ang oras ko at kaunti lang din ang talagang gustong maniwala sa akin. Kapag nangyaring namatay nga ako, umaasa akong mailigtas mo mula sa kamatayan ang sarili mo.”
Nagbuntong-hininga si Kazuki. “Anong dahilan ng pagkamatay ko?” tanong ni Kazuki.
“Makakagat ka ng infected habang sinusubukan mo buksan ang pinto ng storage room.”
“Infected?”
“Tama.”
“Bakit ko naman bubuksan ang storage room?”
“Dahil ikaw mismo nagkandado non at nakulong sa loob sina Haruhi at Fuyumi.”
“Ha?! Ginawa ko iyon?”
Tinitigan lang naman ni Muyou si Kazuki. “Dalawa lang ang kailangan mong gawin para mailigtas ang sarili mo. Una, h'wag mong balakin na ipasok at ikandado sa loob ng storage room sina Haruhi at Fuyumi. Pangalawa, lumayo ka sa storage room kahit anong mangyari.”
“Hindi ko alam na may sayad ka na sa ulo, Muyou. Huling nagkita tayo, ayos ka naman ah.” sabi ni Kazuki habang nakangiti pero halata na kinakabahan siya sa sinasabi ni Muyou. “Tingin mo ba, paniniwalaan ko talaga ang mga sinabi mo?” dagdag niya pa.
Nainsulto naman si Muyou sa sinabi ni Kazuki pero tahimik lang siya. Pumikit siya sandali at nagbuntong-hininga.
“Ilang araw mula ngayon. May announcement ang coach n'yo tungkol sa magaganap na practice game pagkatapos ng pagsusulit n'yo. Kakabahan si Haruhi pero lalapitan siya ni Fuyumi at aalokin na tutulungan siya mag-aral para sa darating na pagsusulit.” sabi ni Muyou at saka niya tinalikuran si Kazuki at umalis na.
Naglakad na siya palabas ng eskwelahan. Patawid na sana siya sa pedestrian lane nung maalala niya ang nangyari sa kanya. Umatras na lamang siya at hinayaang mauna ang ibang naglalakad sa kanya.
Pag-uwi niya sa bahay nila ay agad siyang pumasok sa kwarto niya at humiga sa kama niya.
“Binalaan ko ang iba pero hindi ko pa rin alam kung anong magagawa ko para maiwasan ang pagkamatay ko.”
Maya-maya ay may kumatok sa pinto ng kwarto niya.
“Tumuloy ka, bukas yan.” pag-aaya ni Muyou.
Pumasok naman sa loob ng kwarto ang nakababatang kapatid ni Muyou. “Kuya...” tawag ni Suzuki sa kanya.
Agad naman umupo si Muyou sa kama niya at umupo na rin sa tabi niya si Suzuki.
“Hindi lang kami ang gusto mong iligtas, hindi ba?” tanong ni Suzuki.
“Sinabi ba sa 'yo ni Craig?”
Umiling naman si Suzuki. “Walang sinasabi sa akin si Craig. Nakita kita sa panaginip ko, Kuya.” malungkot na sinabi ni Suzuki.
“At ano namang ginagawa ni Kuya sa panaginip mo?” nakangiting tanong ni Muyou para maiwasan ni Suzuki maging malungkot.
“Iba ang itsura mo doon, Kuya. Itim ang buhok mo at may kasama kang babae. Meron kang hawak na libro at nakita ko yung sikat na manlalaro ng kendo sa may book cover. Kasama niya yung kaibigan ni kuya Kazuki.”
“Sina Haruhi at Fuyumi.” sabi ni Muyou sa isip niya. “Ano pang nakita mo?” tanong niya kay Suzuki.
“Nakita ko sa libro na iyon na may darating na apocalypse. Totoo ba yun, kuya?”
Hinawakan naman ni Muyou ang ulo ni Suzuki. “Paniniwalaan mo ba si Kuya?” tanong ni Muyou.
Tumango lang naman si Muyou.
“Yung itsura ni Kuya sa panaginip mo, ako yun sa kabilang mundo. Yung babaeng kasama ni kuya... siya yung... siya yung babaeng mahal na mahal ni Kuya. Parehas kaming namatay sa mundo na iyon. Nabigyan ng isa pang pagkakataon si Kuya para iligtas yung babaeng iyon pero bukod doon, kailangan din iligtas ni Kuya ang mga taong kaya niyang iligtas.”
“Kung nandito ka sa mundo na ito, ibig sabihin nandito rin yung babaeng sinasabi mo?” tanong ni Suzuki.
“Tama ka pero hindi ko pa rin siya nahahanap.”
“Kuya, ano nang gagawin mo?” tanong ni Suzuki.
Hawak pa rin ni Muyou ang ulo ni Suzuki at agad niyang niyakap ang kapatid niya. “Gagawin ni Kuya, lahat ng makakaya niya para maligtas ang lahat.”