May kumatok sa pinto ng kwarto at agad itinago ni Miguel ang binabasa niyang libro sa ilalim ng kanyang unan at dali-dali niyang binuksan ang pinto ng kwarto niya. Nakatayo sa harapan niya ang kanyang hindi tunay na ina. Ilang taon na mula nung namatay ang tunay na ina ni Miguel ay dumating sa buhay niya ang kanyang pangalawang ina na hindi siya tinatrato ng tama.
"Hindi mo na naman sinunod ang iniutos ko sa iyo. Sinabi kong ipasok mo na ang mga labada. Ayan!! Basang-basa na sila!!" galit na sinabi ng kanyang ina.
"Pero wala po kayong sinabi na ipasok ko!!" pasigaw rin na sagot ni Miguel.
"At sumasagot ka pa talaga sa akin." sabi ng kanyang ina at pumasok siya sa kwarto ni Miguel na walang pahintulot.
"MA!! Anong ginagawa n'yo?!" sigaw ni Miguel habang pinipigilan niya ang kanyang ina na pumasok sa loob ng kwarto niya.
Kinuha ng kanyang ina ang ilan sa mga koleksyon niya ng libro at itinapon ito sa labas ng bintana. Hindi pa nakontento ang kanyang ina at kumuha pa ng ilan.
"Ayan ang nararapat na mangyari!! Matuto kang sumunod sa iniuutos sa iyo." sigaw ng kanyang ina.
"ANO PO BANG PROBLEMA N'YO?!" sigaw ni Miguel. Itinulak niya papunta sa kama ang kanyang ina sabay takbo sa ibaba.
Agad naman tumakbo si Miguel palabas ng bahay at dali-dali niyang kinuha ang mga libro niya. Kabilang ang paborito niyang libro na pinagbibidahan nina Haruhi at Fuyumi na may pamagat na "Apocalypse".
Malakas ang ulan pero walang pakielam si Miguel doon. Ang mahalaga sa kanya ay maipasok niya ang lahat ng librong ibinato ng kanyang ina palabas ng bintana.
Matapos makuha ni Miguel ang lahat ng kanyang mga libro, agad siyang pumasok. Agad niyang pinatuyo ang mga libro niya. Matapos non ay isinilid niya ang lahat ng kanyang mga libro sa isang maleta at sa isang bagpack naman niya nilagay ang mga damit niya. Papalabas na sana siya nung nakita siya ng kanyang ina.
"At saan ka pupunta?" tanong ng kanyang ina.
Tinitigan naman ni Miguel ang kanyang ina ng masama.
"Hindi mo na ako makikita. Lalayas na ako sa bahay na ito." sabi ni Miguel na sobrang sama ng loob.
"Aba dapat lang. Hindi ka nakakatulong dito kaya marapat lang na umalis ka na lang. Mababawasan pa ang palamunin namin." sabi ng kanyang ina na lalong ikinadismaya ni Miguel.
Si Miguel Ferez ay labing-walong taong gulang na. Kasalukuyang nakatapos na sa kanyang pag-aaral sa highschool at walang balak pumasok sa kolehiyo dahil alam niyang wala siyang sapat na pera pangpaaral sa kanyang sarili.
Naglakad patungo sa isang park si Miguel at sumilong sa ilalim ng isa sa mga maliliit na bahay sa park. Doon niya balak magpalipas ng gabi. Inilabas niya ang paborito niyang libro na "Apocalypse" at itinuloy niya ang pagbabasa niya.
* * *
Paglabas ni Haruhi mula sa bintana ng storage room ay nakita niyang walang tao sa paligid. Naglakad siya papunta sa harap ng storage room para mabuksan niya ang pinto at hahanap dapat siya ng pambukas nung makita niya ang kaibigan niyang si Kazuki na nakahandusay sa kanyang harapan.
"Kazuki." tawag niya sa kaibigan niyang hindi na gumagalaw at wala nang buhay.
Maya-maya pa ay gumalaw si Kazuki. Napukaw ng atensyon niya si Haruhi. Agad namang kumuha si Haruhi ng malaking tipak ng bato at ipinukpok ito sa ulo ni Kazuki.
"Patawarin mo ako, Kazuki. AAAAA!!" sigaw niya matapos niyang ipukpok sa ulo ng kaibigan niya ang hawak niyang tipak ng bato.
"Haruhi, anong nangyayari?" tanong ni Fuyumi nung marinig niyang sumigaw si Haruhi mula sa labas.
Sinubukan niyang umakyat mula sa bintanang nilabasan ni Haruhi pero masyadong mataas at makitid ito para sa kanya. Pumunta siya sa may pinto at sinipa ito agad. May narinig naman siyang bumagsak na kadena sa labas. Sinubukan niyang buksan ang pinto at nagbukas ito. Pagbukas ng pinto ay nakita niya si Haruhi na may mga talsik ng dugo sa mukha. Lumingon siya sa baba at nakita niyang nakahandusay si Kazuki.
"Hindi ko alam na ganyang klase ng tao ka pala, Haruhi." sabi ni Fuyumi.
"Teka, Fuyumi. Mali ang iniisip mo." sabi ni Haruhi habang natataranta.
"Ha-Haruhi." tawag ng isang pamilyar na boses mula sa hindi kalayuan.
Napalingon sina Haruhi at Fuyumi at nakita nila si Kosame na naglalakad papunta sa kanila. Punit-punit ang damit, duguan at tila parang nakagat ng hayop ang kalahati ng mukha ni Kosame.
"Kosame?" tanong ni Haruhi at lalapit na sana siya nung pinigilan siya ni Fuyumi.
"Haruhi, sa wakas ay nahanap na kita." sabi ni Kosame habang umiiyak at iika-ika maglakad.
"Haruhi, pasensya ka na sa sinabi ko kanina." sabi ni Fuyumi at inilabas niya ang kanyang shinai.
"Tumakbo ka na, Haruhi." sabi ni Kosame at nararamdaman niyang nagbabago na ang pakiramdam niya. Tila parang nagiging halimaw na siya.
"Haruhi, ayokong makita mo ang gagawin ko kaya mauna ka nang tumakbo." sabi ni Fuyumi.
"Ano?! Nababaliw ka na. Hindi kita iiwan."
Napatigil si Kosame sa paglalakad at tumawa. "Hahaha. Hanggang dulo, si Fuyumi pa rin ang bukang-bibig mo." sabi ni Kosame at medyo nag-iba ang tono ng kanyang boses. "Ano bang meron kay Fuyumi na wala ako, Haruhi?" tanong ni Kosame at mabilis siyang tumakbo papunta kina Fuyumi.
Mabilis namang ipinalo ni Fuyumi sa ulo ni Kosame ang kanyang shinai. Inulit niya ito ulit ng malakas hanggang sa tuluyang mabiyak ang ulo ni Kosame at bumagsak siya sa lupa.
"Pasensya ka na, Kosame. Kinailangan ko lang na ipahinga ka." sabi ni Fuyumi.
Inayos nila sa tabi ng puno ang mga katawan nina Kazuki at Kosame. Tinabunan nila ng mga tela ang katawan ng mga namatay nilang kaibigan na galing sa loob ng storage room nung makarinig sila ng mga nagtatakbuhan papunta sa direksyon nila. Nang marinig ni Fuyumi iyon ay agad niyang hinawakan ang kamay ni Haruhi.
"A-anong ginagawa mo, Fuyumi?" tanong ni Haruhi habang natataranta sa pagtakbo.
"Wala nang oras. Kailangan na nating tumakbo. Bilis!!"
* * *
"Miguel? Ikaw ba iyan?" tanong ng isang babae.
Agad itinago ni Miguel ang kanyang libro at nilingon niya ang babaeng nasa harap niyang nakapayong.
"Bianca?" tanong din ni Miguel.
"Ikaw nga. Anong ginagawa mo sa ganitong lugar?" tanong ni Bianca.
Hindi naman sumagot si Miguel dahil ayaw niyang mag-alala pa ng husto sa kanya si Bianca.
"Halika, sumama ka sa akin. Hindi maganda na nandito ka. Baka matakot ang mga bata kapag pumunta sila rito." sabi ni Bianca.
Agad tumayo at sumunod si Miguel kay
Bianca.
"Hindi ba magtataka ang mga magulang mo na kasama mo ako umuwi?" tanong ni Miguel.
"Hindi. Isa pa, pumunta ako sa bahay n'yo kanina lang." sabi ni Bianca.
Napahinto sa paglalakad si Miguel at nagtanong muli. "Bakit ka pumunta sa bahay namin?"
"Kailangan kasi ng papa ko ng dagdag na trabahador para sa darating na summer. Naisip ko na kunin ka para makaipon ka. Pagpunta ko sa bahay n'yo ay sinabi ng mama mo ang nangyari."
"Hah. Sinabi niya ba sa iyo na wala akong kwentang anak?"
"Hindi, ang sabi niya pag nakita daw kita... ihingi ko raw siya ng tawad sa mga nasabi niya sa iyo kanina." sabi ni Bianca habang nakangiti.
"Sinasabi mo iyan dahil gusto mo lang pagaanin ang loob ko, tama?" tanong ni Miguel.
"Ahhh. Nahuli mo ako kaagad. Hahaha." sabi ni Bianca at tumalikod siya kay Miguel. "Pasensya ka na Miguel. Wala akong alam sa pinagdadaanan mo." sabi niya pa at halatang malungkot siya sa nangyayari.
"H'wag mo nang alalahanin iyon. Siya nga pala, ano bang trabaho ang inaalok mo sa akin?" tanong ni Miguel.
"Magiging waiter ka sa maliit naming kainan. Matutuwa rin ako kung papayag ka sa alok na iyon. Hindi mataas ang sahod pero sana makatulong sa iyo." sabi ni Bianca at nagsimula na sila maglakad ulit.
"Ngayon pa lang, nagpapasalamat na ako sa iyo." sabi ni Miguel habang nakangiti kay Bianca.
"Para saan pa at naging matalik tayong magkaibigan?"
Si Bianca ang kaisa-isang kaibigan ni Miguel mula pagkabata. May iba pang mga kaibigan si Bianca at hindi niya nalilimutan kamustahin at bisitahin si Miguel.
Dumating sila sa maliit na kainan nila Bianca at naabutan nilang nag-aayos na ng gamit ang mga magulang ni Bianca.
"Ma, Pa. Si Miguel po, yung matalik kong kaibigan." sabi ni Bianca.
Ibinaba naman ni Miguel ang mga dala niyang gamit at nagpakilala. "Magandang gabi po. Ikinagagalak ko pong makilala kayo. Ako po si Miguel."
Tumahimik panandalian ang buong paligid.
"Miguel..." tawag sa kanya ng ina ni Bianca.
"P-po?" tanong niya habang kabado sa sasabihin ng mga magulang ni Bianca.
"H'wag kang mahiya sa amin. Tuloy ka sa aming pamilya. Isa pa, matagal ka nang ikinukwento ni Bianca sa amin." masayang pagbati ng ama ni Bianca.
Nagulat naman si Miguel sa kanyang narinig. "Maraming salamat po." sabi naman ni Miguel na pinipigilan ang nga luha niya na gustong kumawala mula sa mga mata niya.
"Sabi ko naman sa 'yo na ikagagalak nila na makilala ka." pabulong na sinabi ni Bianca at sinamahan niya si Miguel papunta sa bago niyang kwarto.